Dahil Sa Anak

  • Uploaded by: Ms. 37o?sA
  • 0
  • 0
  • June 2020
  • PDF

This document was uploaded by user and they confirmed that they have the permission to share it. If you are author or own the copyright of this book, please report to us by using this DMCA report form. Report DMCA


Overview

Download & View Dahil Sa Anak as PDF for free.

More details

  • Words: 7,079
  • Pages: 24
DAHIL SA ANAK ni Julian Cruz Balmaceda Mga Tauhan ng Dula ARKIMEDES CRISTOBAL MANUEL RITA SIDORA Tatlong batang lalaking sunod- sunod ang laki I. Ang pangyayaring ibinubuhay ng dula ay maipapalagay na maaaring mangyari kahit saan, at kahit kailan sa panahong ito. II. Ang kaliwa’t kanang binabanggit sa dula ay dapat pakahulugang kaliwa’t kanan ng manonood. __________________ Ang sino mang gaganap ng papel ng Sidora ay kailangang maging mataba kaysa karaniwan. Lalong mabuting kung may talagang sanggol na magagamit, ngunit kung wala’y isang maynika na lamang. DAHIL SA ANAK Ang ayos ng tanghalan ay loob ng isang bahay-mayaman. Mapagkikilalang ito’y isang bahay sa una dahil sa mga kasangkapang gamit. Ipalalagay din na ang namamahay ay may ugaling kakahapunin, at mapaniwalain sa mga utos ng pananampalataya.Sa dakong kaliwa ng nanonood ay naroon ang silid ng maybahay. Sa dakong kanan ay may mga bintana, At sa dulong kanan ay isang pintong patungong labas. Sa dulong kaliwa ay may isa ring pintong patungo sa isang panig ng looban ng bahay. Pagkaangat ng tabing ay makikitang nangakaupo at nag-uusap ang magpinsang si Don Arkimedes at Don Cristobal. Unang Tagpo Si Don Arkimedes ( suot pambahay) at Si Don Cristobal ( suot panlakad). CRISTOBAL- Liwanagin mo ang ating pinag-uusapan, primo, at kung makukuro mo ang magiging hangga’y maaaring magbago ka ng isipin at palagay. ARKIMEDES- Ang lagay ba’y naparito ka upang ipagtanggol ang walang-hiyang iyan…?

CRISTOBAL- Isipin mo, primo, na ang tinatawag mong walang-hiya ay tunay mong anak …. Ang bugtong mong anak na iniwan sa iyo ng nasira …. ARKIMEDES- (Titindig at magpapahalata ng kapootan) ….Primo….iya’y hindi ko na anak , mula sa mga sandaling iya’y maka-isip na gumawa ng napakalaking kasalanang gaya ng kanyang ginawa… siya’y hindi ko na anak… Siya’y hindi karapat-dapat na magtaglay ng aking apelyido… Kahiya-hiya…! Karima-rimarim…! Isang malaking batik iyan sa lahi ng mga Lakambayan… Oo, walang patawad ang kanyang ginawa… CRISTOBAL- Huwag mong ipasupil sa iyong puso ang iyong isip…Ang nangyari sa inyong mag-ama’y nangyayari sa lahat… ARKIMEDES- Nagkakamali ka, primo…hindi nangyari, kailanman sa aming lahi ang bagay na iyan … Oo talagang walang-hiya, walangturing….walang…. CRISTOBAL- Dahan- dahan… ARKIMEDES- Hindi, hindi ako makapagdahan-dahan, kapag naglalagablab ang aking isip sa galit …Oo… walang pinag-aralan, bastus… CRISTOBAL- Baka ipalagay tuloy ng mga kapitbahay na ako’y siya mong minumura at tinutungayaw… ARKIMEDES- Ano ang mawawala sa akin …? Pintasan ako ng buong bayan … pulaan ako ng lahat… pagtawanan ako ng kahit sino… walang kailangan …Hindi ba’t ngayo’y pinagtatawanan na ako, pinupulaan at pinipintasan ng bala ng nakakikilala sa akin…? CRISTOBAL- Natatalastas ko ang iyong ikinagagalit . Oo, hindi kita sinisisi … sa palagay ko’y may matwid ka, datapwat lahat ay may kanyang hangganan …Ang ginawa ng iyong anak ay isang bagay na di kataka-takang gawin ng kabataan ngayon … dahil sa kakapusan ng pagkukuro sa mararating… ARKIMEDES- Primo… alam mo na kung gaano ang pagtatangi ko sa iyo, kaya kung pinahahalagahan mo ang ating parang magkapatid na pagsasama ay hinihiling kong huwag na nating pag-usapan ang bagay na iyan… (palipas.) Sapagka’t makakain mo bang gawin sa iyo ng itinuturing mong bugtong na anak pa naman na ikaw ay dalhan ng isang apong ni di man lamang nagdaan sa simbahan ? kung sa bagay ,tayong lahat ay naging ama… ang aking ama ay naging ama rin … ang ama ng aking ninuno ay naging ama rin …ang ama ng… CRISTOBAL- Oo, ang ama ng iyong ninuno …ay naging ama rin. ARKIMEDES-Ngunit ni isa ma’y di nagkaroon ng kapangahasang gaya ng kapangahasang ginawa ng aking’mabait’ na anak…Sayang , sayang ang pagkakapagpaaral ko sa hayop na iyan…Oo, sayang…! Walang education…

CRISTOBAL- Ikaw rin ang masisisi sa nangyaring iyan at hindi ang anak mo lamang … Pinalaki mo sa malabis na layaw ang iyong anak . Nalimutan mo ang sabi ni Florante na--Ang laki sa layaw , karaniway hubad Sa hatol at mun’t sa aral ay salat… ARKIMEDES- Nakita mo na? Sa bibig mo na rin nagmumula ang pagbibigay-sisi sa magulang, dahil sa kagagawan ng anak… saka ngayon ay ikaw ang mamamagitan upang huwag kong pansinin at alintanain ang kanyang kaalibughaan…? CRISTOBAL-Dapat mong malaman, Primo, na ako man ay nagdadamdam din sa nangyari, kaya’t kinausap ko si Manoling at sinabi ko sa kaniya na ang kanyang ginawa ay pangit… napakapangit…! ARKIMEDES-Kapangit-pangitan…!ang sabihin mo. CRISTOBAL-Oo, Pangit pa sa dilang pangit…ngunit ano ang sinabi niya sa akin? “Tito Cristobal”, ang sabi niya… “Ang nangyari ay nangyari na at hindi na natin maiuuli pa sa rati. Hindi ko maaaring itapon sa lansangan ang aking anak …” At kung ang ginawa ng iyong anak, ay gaya ng ginagawa ng iba na ayaw kumilala sa laman ng kanyang laman, at sa dugo ng kanyang dugo…ano ang sasabihin mo? ARKIMEDES-Lalo ko siyang mapapatay… Kung may pitong buhay man siya’y uutasin kong lahat… CRISTOBAL- Mangyari pa… kaya ngayon, si Manoling ay wala ng paraang magagawa kundi ang magpasan ng tungkulin ng isang ama… at ang sabi nga niya: “ ang nangyari’y nangyari na” At saka’t sa ibig mo, primo… agwelo ka na … isang bagong Arkimedes ang sumilang sa iyong angkan na siyang magpapakilos ng daigdig …. ARKIMEDES- Agwelo? CRISTOBAL-Mangyari, may apo ka na … at di apo sa pakinabang kundi apong tunay… isang apong magdadala ng iyong pangalan… Arkimedes Lakambayan. Junior … ARKIMEDES- Iyan ang hindi maaari. CRISTOBAL- Kung ayaw ka ng ‘Junior ‘ ay tatawagin nating Arkimedes Lakambayan, II , nalalaman mo bang ipinanganak ang iyong apo ng mismong araw ng iyong ika-50 kumpleanyos? ARKIMEDES-Basta kung ayaw kong ipamana sa kaniya ang aking ngalan at apelyido , ay ano ang kanyang magagawa? Maiaalis baga sa aking ipagkait ko ang aking pangalan sa iba?

CRISTOBAL-Diyan ka nagkakamali. Isang katutubong karapatan ng iyong apo na gamitin ang pangalang sa kaniya’y ukol. Iyan ang kayamanan mong maaaring kunin sa iyo ng iba sa harap-harapan, at ikaw ay di makakikibo. At saka isa pa: Kasalanan ba ng iyong apo na ang maging ama niya’y si Manuel, at ikaw ang maging nuno? ARKIMEDES- Matanong kita : sino ang kamukha ng bata? CRISTOBAL-Ikaw sa isang dako… ARKIMEDES- Ano ang ibig mong sabihin? CRISTOBAL- Kamukha mo sapagkat kung makasigaw ay abot sa kapitbahay. ARKIMEDES-Demonyo…! CRISTOBAL- At kung tumawa..walang iniwan sa kanyang agwela sa ina. ARKIMEDES- Sa ina? Sa ina ni Rita? Ang labandera?…Isang butil na lamang upang kalusin ang salop… Oo….Iyan pa nga ang hindi ko malunok-lunok. Papasok sa silong ng bubong ng aking tahanan ang isang anak lamang ng labandera…! Pasasaan ka, oo pasasaan ka?

CRISTOBAL- Diyan ka nagkamali ng panukat, primo. Kilala ko ang ina ni Rita. Oo, labandera nga, ngunit ikaw ma’y hahanga sa babaeng iyon noong nabubuhay….Sa kaniyang sariling pagsisikap at sa likod ng di kakaunting pagtitiis, kahit gapang , iginapang ang pagpapaaral sa kaniyang bugtong na anak, si Rita nga, at una ang Diyos, si Rita’y nakatapos sa Normal School at nakapagturo sa paaralang bayan… Datapwat diyan siya nakilala ng iyong anak…Namatay ang kaniyang ina, at si Rita’y naiwan sa piling ng kaniyang tia, na halos sunod-sunod na parang organo ang mga anak. Si Rita’y naalis sa pagtuturo, mula sa sandaling makilala ng mga pinuno ng paaralang bayan ang kaniyang kalagayan… at ngayo’y mag-ina silang sasagutin ng iyong anak… ARKIMEDES- Samakatuwid, ang Ritang iyang anak ng labandera’y…. CRISTOBAL- Isang babaeng malinis , maypuri, maydangal…at maliban sa munting batik na nilikha ng kalikutan at kagandahang lalaki ng iyong anak…ay walang maisusurot sa kaniya ang makasalanang lipunan ng mga tao. ARKIMEDES- Di kung gayon ay mag-iisang buwan na ang anak? CRISTOBAL- Oo, isang buwan at labintatlong araw… ARKIMEDES At hindi pa nabibinyagan? CRISTOBAL-Hindi pa, sapagkat ang ibig nila’y magpakasal muna bago pabinyagan ang iyong apo…

ARKIMEDES-O, ay ano ang kanilang ginagawa? Bakit di pakasal kung pakakasal, at pabinyagan ang bata, upang lumaking moro at simaron… CRISTOBAL- Kung sa bagay kapwa nangasagulang maging si Manuel , maging si Rita…ngunit palibhasa’y ibig ni Manuel na mahugasan ang kaniyang pagkakasala , kaya ang hinihintay ay ang iyong pahintulot… ARKIMEDES- Pahintulot? Aanhin pa ang pahintulot? Nang siya ba’y magtayo ng ‘templo’ ay nangailangan ng aking pahintulot ? Komporme na akong siya’y mag-asawa , kung ibig niya, upang mailigtas sa kasalanan ang kaniyang walang malay na anak… ngunit kung ako pa ang magiging alkagwete na magbibigay ng pahintulot… ay iyan ang hindi maaari.Sinabi mong sila’y maylayang pakasal…. Aber… pakasal sila,at tapos ang kwento. /Palipas/ Hind ko sinisisi ang bata … ang sinisisi ko ko’y ang ama’t ina … kaya kung ibig nila’y pakasal sila, kahit makasanlibo at ako’y di kikibo , sapagkat sinabi ko sa iyo na malaon nang nayari ang aking pasiya: ako’y walang anak. Ako’y nagkaroon ng isang anak na suwail, at ang suwail na yao’y malaon ko nang ipinagtulos ng kandila. CRISTOBAL- Bueno…. Kung mag-uulit tayo ng salitaan ay hindi na kita sasagutin. Naganap ko na ang aking tungkulin : “ Ang paalaala’y gamut sa taong nakalilimot….” anang kasabihan. Napaalaalahanan na kita, ngunit kung ikaw ang nagkukusang lumimot sa iyong tungkulin, ay wala akong magagawa. ARKIMEDES- Pinasasalamatan kita , pinsan… ngunit bago ka umalis , ay utang na loob sa iyo, kung makikita mo si Manoling, sabihin mo lamang na ibig ko siyang makausap. Kapag sa unang tanungan namin ay di sumagot sa akin ng tama … o nasirang Manoling siya o ako’y hindi na si Arkimedes… CRISTOBAL- Oo, nariyan lamang si Manolo …. Tatawagin ko. (tutungo sa may pinto at babalik) Ngunit ang paalaala ko lamang sa iyo … Huwag mong kalilimutang si Manoling ay iyong anak. ARKIMEDES- Nalalaman ko. Oo… hindi ko kalilimutan na siya’y aking anak… CRISTOBAL- At hindi mo dapat pagbuhatan ng kamay… ARKIMEDES- Bakit ko pagbubuhatan ng kamay? CRISTOBAL- Nakikilala kita … kapag nagdidilim ang iyong isip ay gumagawa ka ng di mo nalalaman…. ARKIMEDES- Oo, nalalaman ko…. CRISTOBAL- At isaisip mo na ikaw man, at ako man , ay nagdaan din tayo sa kabataan…. ARKIMEDES- Pero, tatawagin mo ba, o ako ang tatawag…..?

CRISTOBAL- Oo, ako ang tatawag… Ay, Arkimedes…. Arkimedes! (Papasok sa pintong kanan , samantala’y yao’t dito sa buong bahay si Arkimedes na bulong ng bulong at kumpas ng kumpas.) Ika-II Tagpo Si Arkimedes at si Manuel MANOLO- Papa! (Magalang na tutungo ang ulo) ARKIMEDES (Anyong dadaluhungin ni ARKIMEDES. Si Man., ngunit mapapaurong.) Kaunting lamig , Arkimedes … Hindi mo dapat ulilahin ang isang walang malay na sanggol. MANUEL- Sabi sa akin ni Tio Cristobal na tinatawag daw ninyo ako. ARKIMEDES-Oo, tinatawag kitang walanghiya… iyon, hindi ba sinabi sa iyo ng Tio Cristobal mo? MANUEL- Mahigpit pa sa roon ang napansin ko sa kaniyang mga sinabi. ARKIMEDES- At inuulit ko sa iyong mukha… walang ….(Akmang pagbubuhatan ng kamay, ngunit muling magpipigil , samantalang ikinakanlong ni Manuel ang kanyang mukha sa dalawang bisig) Huwag kang magulat . Hindi kita sasaktan…. MANUEL- At bakit ako magugulat…. Saktan man ba ninyo ako ay ano’t ako’y magugulat. Kung kayo sana’y hindi ko kilala…. ARKIMEDES- O, ngayon ay ano ang iyong gagawin ? Ano ang lagay ng bata ? May ngipin na ba? Tumatawag na ba ng lo…ng Papa? MANUEL- Hindi pa, walang malay pa ang bata… sasambuwan pa… ARKIMEDES- Sa akala mo ba’y mabuti na ang iyong ginawa na ako’y handugan mo ng isang apo sa gulang kong ito? Hindi ka ba nakukutyang tawag-tawagin ako ng ‘lolo’ ng balana? MANUEL- Hindi ba’t balang araw ay tatawagin ding kayong lolo ng inyong apo,gaya ng pagtawag ko ng ‘lolo’ sa inyong ama? ARKIMEDES- Oo, ngunit naghintay ako ng tatlumpong taon bago ko hinandugan ng isang apo ang aking ama…. At isang apong isinunod ko sa lahat ng hinihingi ng simbahan at ng katutubong ugali ng lahi ng mga Lakambayan…. Ngunit ikaw …. Sa

gulang mong iyan…. Dadalawampu’t dalawang taon ka pa… sukat mong magawang dulutan ako ng isang apong galing sa tabing bakod….? MANUEL- Papa ang aking anak ay…. ARKIMEDES- Oo, walang kasalanan…. MANUEL- At di anak sa tabing bakod. ARKIMEDES- Gayon nga ang tawag sa mga anak sa labas ng matrimonyo. MANUEL-Mali ang ganyang tawag…. Tumututol ako! ARKIMEDES- Marunong ka nang tumutol…. Padre de familia ka na nga…. May independencia ka na … at kaya pala nagdaan ang singkad na siyam na buwan ng di mo man lamang naipagtapat sa akin. Ang templo lamang ni Solomon ang niyari sa loob ng pitong taon nang walang katog….Akala ko pa naman ay napakabait kang bata…. Ipinagmamalaki kita sa iba… Sinasabi kong madalas : Tingnan ninyo si Manuel dalawampu’t dalawang taon na’y wala pa sa loob ang pag-aasawa, at sabi ko pa nama’y ‘magmamana sa ama’ .Ngayon , gaano karami ang taong napagsabihan kong ikaw ay sa akin magmamana? Hindi mo ba ikinahihiya iyang matala sa pardon ng simbahan na ang anak mo’y sumilang sa labas ng bakuran ng Iglesia? MANUEL_ Papa… (Akmang sasagot) ARKIMEDES- Hintay ka , huwag kang sumagot … Bayaan mong akong matapos . Ano ang sasabihin ng tao na kung kayo’y ikasal ay namumulot na ng pera ang iyong anak sa lansangan …. O kaya’y may dala ng singsing at aras na pangkasal? MANUEL- Pakinggan ninyo ako sandali… ARKIMEDES- Sinabi ko nang huwag kang sasagot. Ako’y nakikilala mo na. Iisa akong magsalita. Sa loob ng tahanang ito ay walang kaloobang masusunod kundi ang kalooban ko lamang, at ngayon, yayamang di mo nagunita na ikaw ay may isang amang dapat sanggunian at pagtanungan , mula ngayo’y wala kang ama…. Mula sa mga sandaling ito ay sarili mo na ang dapat mong sundin …. (Palipas. Mauupo sa isang silya si ARKIMEDES. At mapapansing nagpupuyos sa galit at habag ng loob . Si Man. Ay di makakibo.) Ngayon,bakit di ka magsalita?

MANUEL- Ngayon, narinig kong lahat ang inyong sinabi. Hindi ko maiaalis sa inyo na tayo’y magkaiba ng palagay. Mapapanaingahan ba ninyo akong ilang saglit? ARKIMEDES- Magsalita ka… Magsalita ka… MANUEL-Ipinagtatapat ko sa inyo na ang pag-iibigan namin ni Rita ay dalisay, wagas at….

ARKIMEDES- Pag-iibigang labag sa mabuting kaugalian… MANUEL- Labag man o hindi sa ipinapalagay ninyong ‘mabuting kaugalian’ ngunit ang katotohanan ay minamahal ko siya at ako’y kaniyang minamahal din naman. At tawagin man ng daigdig na ang aking anak ay anak sa ligaw, anak sa tabing bakod, datapwat sa harap ng Diyos,siya’y aking anak…. Dugo ng aking dugo, at laman ng aking laman…. Nalalaman kong ako’y may malaking utang na dapat kilalanin sa inyo, alang-alang sa inyong pagkakapagsakit na ako’y mapalaki, mapag-aral at matutong makakilala ng aking mga pananagutan sa buhay…. Dahil sa mga halimbawang iyang ipinakita ninyo sa akin, kaya naman natatakal ko kung gaano ang bigat ng aking sagutin sa aking anak….at…. (Makailang hahadlang sa pagsasalita si ARKIMEDES. Ngunit di bibigyang panahon ni Man. na makasagot.) sapagkat si Rita’y nakikilala kong hindi ko ikahihiyang tawaging asawa sa harap ng tao’t sa harap ni Bathala, at di ko ikabababa na ang aking abang pangalan ay ipamana sa aking anak; at yayamang natupad ko na ang aking tungkulin sa inyo at kayo’y nagpakilala sa akin ng inyong di na mababawing pasiya….. ay ako ang nagsasabi sa inyo ngayon , na upang huwag ninyong masabing kayo’y magkaroon ng isang apong ‘ anak’ sa ligaw ‘ , o sa tabing bakod…. O kung sa ano man ninyo ibig ihawig …. Ay ako na ngayon ang nagsasabi sa inyo na mula sa mga sandaling ito’y lilisanin ko ang tahanang ito,…. Ang tahanang itong kinakitaan ko ng unang liwanag, ang tahanang itong kinatanggapan ko ng unang halik ng aking ina…. At…. Sa tulong ng aking sariling lakas ay mabubuhay ko rin ang aking mag-ina, at madulutan ko balang araw ng isang tahanang dakila at marangal…… ARKIMEDES- Manuel…! Hindi ka makaaalis sa bahay na ito….ngunit hindi sa anak labandera lamang….Matitiis ko ang lahat,ngunit di ko mapapayagang ikaw ay pakasal sa babaeng iyan…. Oo, magdadaan ka sa aking bangkay, bago makitang ikaw ay dumulog sa dambana na hatid ang anak ng isang labandera…. MANUEL- Iyan ang hindi maaari…. Pakakasalan ko si Rita sa ayaw man kayo at sa ibig… ARKIMEDES- Ano ang sinabi mo? MANUEL- ang inyong narining … Ipinangako kong siya’y pakakasalan ko, at ako’y isang lalaking marunong tumupad sa kaniyang salita….(Matigas ang salita) ARKIMEDES- Tingnan mo Manuel …. Ang kaharap mo ay ang iyong tunay na ama , at hindi ka dapat maglakas ng tinig….Gunitain mong ikaw ay aking anak…. MANUEL- Opo, at ang ipinagtatanggol ko ay ang karapatan ng aking anak…. ARKIMEDES- Dito’y walang ama kundi ako lamang … ako lamang ang masusunod . MANUEL- Papa … Ipagpatawad ninyo sa akin na ito ang kauna-unahang pagsuway ko sa inyo….

ARKIMEDES- Tingnan mo Manuel …. Ako’y di katandaan , ang mga bisig ko’y magagamit ko pa , kung kailangan … Huwag mong piliting pagbuhatan kita ng kamay… MANUEL- Ano man ang gawin ninyo sa akin ay hindi ko hahadlangan …. Hindi ako magtatanggol sa sarili sapagkat ako’y inyong anak… ngunit kung ako’y titirhan ninyo ng buhay …. Ay pakakasal din ako sa babaeng aking minamahal…. ARKIMEDES- Manuel….! (Galit na galit) MANUEL- Papa…… (Akmang susunggaban ni ARKIMEDES si Man at siyang pagsungaw sa pinto ni Cristobal.) Ika-III Tagpo Sila rin at si Cristobal CRISTOBAL- Pero….nangawawalan na ba kayo ng isip, at ibig ninyong malaman ng sambayanan ang nangyayari sa loob ng tahanang ito? MANUEL- Ako ay wala ng sinasabing kahi’t ano …Nasabi ko na ang lahat ng dapat kong sabihin. (Mauupo sa isang sulok) ARKIMEDES- Oo, wala ka nang masabi…. Ngunit ako’y marami pa, datapwat ako ay di na magsasalita … Ako’y nagpapasalamat sa Diyos at ako’y binigyan niya ng isang anak na suwail at walang turing … Pakasal ka , mag-asawa ka,yayamang ito ang iyong hinahangad … datapwat inuulit ko sa iyo na para sa akin ay wala na kong anak at ikaw ay wala nang ama…. Ako’y iisang mangusap… Paalam! (Walang kibong aalis upang huwag ipahalata ang kaniyang pagdaramdam) Ika-IV na tagpo Si Cristobal at si Manuel MANUEL- Tio Cristobal…. CRISTOBAL- Ano, Manuel…. MANUEL- Nakita ba ninyo? CRISTOBAL- Oo, pinagmamasdan ko kayo mula roon sa labas. MANUEL- Narinig ba ninyo ang aming salitaan? CRISTOBAL- Oo, ang lahat.

MANUEL – Tinupad ko ang inyong bilin, ngunit walang nangyari… CRISTOBAL –Talagang ang iyong ama’y masyadong matigas… Nasaan sina Rita? MANUEL- Nariyan po sa kabilang bahay. Sinabi kong ako’y hintayin , at siya’y tatawagin ko, matapos kong makausap ang aking ama. Malaki ang aking pag-asang mapapalambot ko rin ang bakal na puso ng aking ama, ngunit ako’y nabigo…. Nasayang ang lahat ng aking pagmamatigas. Walang mangyayari kundi ang kaming mag-ama’y magkatikisan din sa wakas. CRISTOBAL- Hindi pa rin … Ako’y may pag-asa pang totoo yung kasabihang …. “ Walang hindi matutupad pag taos ang paghahangad.” MANUEL- Ngunit hindi sa aking ama. Para sa kaniya, ay yaong kaniyang kalooban lamang ang dapat masunod. Siya’y namihasa na sa ganiyan , at ako’y tanak na sa kaniyang ugali. Kayo man, lahat ng diplomasya ninyo’y hindi tumalab. CRISTOBAL- Hindi ko pa itinutustos ang aking pisi, Manuel. Tawagin mo si Rita. MANUEL- Tawagin ko si Rita? Baka kayo nabibigla….! Hindi ba ninyo kilala ang aking ama? Ibig ba ninyong maghalo ang balat sa tinalupan? Kung saka-sakaling alipustain at murahin sa aking harap si Rita, masusukat baga ninyo kung hanggang saan matatapos ang aking pagtitiis? Iyan po ang hindi maaari , Tio Cristobal. CRISTOBAL- Kung hindi mo susundin ang sinasabi ko … ay hindi na ako manghihimasok sa iyong asunto. Sa palagay mo ba’y hindi ko nalalaman ang aking ginagawa? CRISTOBAL-Tawagin mo …. MANUEL-At kung….? CRISTOBAL- Ako ang bahala. MANUEL- (Tutungo sa dakong kaliwa…. Ngunit mapapatigil) Tio Cristobal … naalaala ko pala, na kasama ni Rita ang kaniyang tia . Kilala ninyo siya. Alam ninyo ang kaniyang ugali. Sa kaniyang pagtitinda ng gulay sa palenke , di ba ninyo nalalamang pati pulis at alkabalero’y nilalabanan? Kung iyan ay kaharap at saka lait-laitin ng aking ama si Rita , makukuro kaya ninyo kung gaano kalaking gulo ang ibubunga? CRISTOBAL- Bueno, ako ‘y nakaisip ng isang paraan upang maayos ang gusot na ito ,at nalalaman ko kung saan ako lalabas .Hindi ako papasok nang di ko nalalaman ang aking lalabasan. Basta tawagin mo si Rita , pati ang kaniyang tia, at ako ang bahala …. Nalimutan mo na ba yaong kasabihang …” Ang simulan sa maigi’y natatapos sa mabuti.”…. Manuel … bata ka pa nga … alalahanin mo yaong kasabihang “Magpakadunong ng bata, magtatanong sa matanda…?"

MANUEL- Pero (atubili) CRISTOBAL- Tawagin mo, o ako ang tatawag? MANUEL- (Hindi sasagot, tutungo sa bintana, bubuksan at may susutsutan , pagkatapos ay kakawayan) Sabihin ninyo kay Rita na parito na siya…. (Makikitang kasama si Aling Sidora) Naku po … kasama ang tia… Tio Cristobal… simula na ng malaking eskandalo! CRISTOBAL- “ Hindi natututong lumangoy ang sa tubig ay di lulusong …” MANUEL- Pero ano ang inyong gagawin? CRISTOBAL- Bayaan mong kausapin nila ang iyong ama. MANUEL- Bathala…. Ibig ba ninyong bukas na bukas din ay malathala sa mga pahayagan na dito’y nagkaroon ng isang malaking alingasngas? CRISTOBAL- Ang ibig ko ay ang tumahimik ka at bayaan mong ako ang magtapos ng salitang ito. MANUEL- Pero…. CRISTOBAL- Ikaw bay’ walang tiwala sa akin? MANUEL- Kung sa bagay po ….. ngunit….. CRISTOBAL- Anong ngunit…. MANUEL- Kilala ko po ang henyo ng aking ama…. CRISTOBAL- Bago mo makilala ang ama mo , ay nakilala ko na muna. MANUEL- Narito na sila…. Ika –V tagpo Si Cristobal, si Manuel , at si Rita na halos itulak na sa pinto upang pumasok si Sidora, at tatlong batang lalaki na sunod sunod ang laki. ( Ito’y mga anak ni Sidora na pawang marurumi ang damit , magugulo na gaya ng ugali ng mga batang lalaki sa lansangan.) SIDORA- (Sa loob) Pumasok ka… ano ang ikatatakot mo? Hindi mo ba nalalaman at kasama mo ako ? Akin na ang bata…..! (Kukunin ang bata.) RITA- Magandang araw po….

SIDORA- Bigyan kayong lahat ng magandang araw. Narito pala kayo mang Tobal? CRISTOBAL- Opo, opo aling Sidora…. Naririto ako (Kay Rita) Ano Rita? Ano ang nasa loob mo? RITA- Ano po ang ibig ninyong isaloob ko ? Hanggang doon sa bahay nina Aling Tasya ay dinig na dinig ko ang pagmamatigas ng nuno ng aking anak. Dinig na dinig ko ang kaniyang salitang “sa loob ng tahanang ito’y di niya mapapayagang tumuntong ang anak ng isang labandera.” Kasalanan po ba ng aking ina ang siya’y matutong kumita ng ikabubuhay namin sa pamamagitan ng paglalabada? Sa palagay marahil ay ako’y isang babaeng lansangan….! (iiyak) CRISTOBAL- Huwag kang umiyak. Wala ka pang dapat itangis. MANUEL- Rita….!. (Lalapitan) SIDORA- Ano ang iniiyak mo? Hindi mo nalalaman at ako’y naririto? Ano…? At sa akin baga’y maaari iyang kahambugan ng kahit sinong ulo ng yaman sa lupa? Ako’y isang maggugulay lamang, ngunit ipagbabababa ko ng pasan ang sabihing ang gulay ko’y lanta at walang katas…. Maaari ba sa akin ang kaululan ng mga mayaman? Ipagpatawad ninyo, Mang Tobal, hindi kayo ang tinutukoy ko…. Nagsususulak lamang ang dugo ko kung marinig kong sa ami’y may inaapi. CRISTOBAL- Nalalaman ko , aling Sidora. SIDORA- Salamat po Mang Tobal (Magkakagulo ang bata at sisigawan ni Sidora) Huwag kayong magugulo…..Pagbabalian ko kayo ng buto…. Nakita ninyo…. Mga hampaslupa! CRISTOBAL- Huwag ninyong pansinin , aling Sidora . Talagang ganyan ang mga bata. Tayo man nama’y naging bata rin. SIDORA-Ngayon ano ang ating gagawin ? Bakit tayo naparito? Tayo ba’y pahuhula? A…a… sa akin ay hindi maaari iyan . Akoy sumama rito upang lutasin ang isang matandang salitaan. Hindi ko mapapayagan na si Rita’y mamalaging walang asawa, at ang anghelitong ito’y mawalan ng ama …. Iyan ang hindi ko mapapayagan….. MANUEL- Tia Sidora…. SIDORA- Tse….! Hala ako’y hindi mo pa tia….. ayoko ng tiang hilaw…. Hanggang hindi ko nakikitang kayo’y nakaluhod sa harap ng pari, nalagyan kayo ng belong gaya ng inilagay sa akin noong ihatid ko sa altar ang nasirang si Turadyo…. Hindi kita kinikilalang manugang…. Oo, tandaan mo. Kapag ang iyong amang si Don Kimedes ay umasta- astang gawin sa akin ang gaya ng ginawa niya sa iba…. Ay nasirang Kimedes siya…. Oo, itaga mo sa bato! Hahawakan ko siya sa petserang ganito….(Ang hahawakan

ay si CRISTOBAL) at pag sa isang tanong ko’t nagkamali siya ng sagot… Makapagtitirik ka na ng kandila kay Sambastiyan at makapagpaparasal ka na ng siyam na gabi…. MANUEL- (kay CRISTOBAL) Nakita na ninyo? CRISTOBAL- Ngunit hindi tayo darating sa bahaging kakailanganin pa ninyong lukutin ang damit ni Arkimedes. SIDORA- May swerte pa rin siya kapag nagkataon, sapagkat pag siya’y nagkamali ng deklarasyon …. Ay, San Arkelaw…. CRISTOBAL- Huwag kayong mag-alala …. Malulutas natin sa mahusayan ang salitaang ito. Nang walang ingay, walang alingasngas, at walang gulo.

SIDORA- Para sa kin …. Pareho ang ito’y matapos sa masamaan o sa mabutihan … Kung ibig niya ang masamaan… sang-ayon ako. Naghahanap lamang ako ng damay ah…. Dapat nyong malaman na sasambagol na lamang ang hindi ko pa napapasukian… Nalalaman ba ninyo ang nangyari sa akin isang araw doon sa palengke…? Iyong pulis na numero 13 ay lumapit sa akin at ako raw ay wala sa akin lugar … hinawakan ko sa baluta at saka ko binasahan ng ordenanza numero uno at… ano ang nangyari? Pues ang pulis na yaon ay hindi nakilala ng kaniyang asawa. RITA- Tia …. Tumahimik kayo, at kahiya-hiya …. SIDORA- At bakit ako tatahimik ? Binigyan ba ako ng Diyos ng bibig upang itikom ko sa habang panahon? Kung iyong nasira kong asawa,na hayop pa sa lalong hayop, hindi niya nagawang isara ang aking bibig kung ayaw ako… Ah, kung ibig nilang mapasaing sa hindi oras ay subukin nila si Sidora…. Ipagtanong ninyo sa buong bayan, sa palengke, sa sabungan , sa simbaham …. May makapagsasabi sa inyong si Sidora’y nangupete sa kaharap….? CRISTOBAL- Pero, Aling Sidora …. Kailangan nating tapusin ang salitaang ito. SIDORA- At akala ba ninyo’y naparito ako upang makinig lamang ng kwento? Hindi ako aalis sa bahay na ito nang hindi maliwanag ang salitaan …. O ito’y may ama … o nasirang Kimedes siya…. CRISTOBAL- Ngunit nalalaman ba ninyo yaong kasabihang: “Marunong man daw ang matsing ay napaglalangan din”? SIDORA- At sino ang Matsing? CRISTOBAL-Yao’y kasabihan lamang … Huwag kayong magagalit, Aling Sidora: ako po’y may naiisip na paraan na inaasahan kong magtatagumpay, kung ang tulong ninyo’y hindi ninyo ipagkakait. SIDORA-Tulong….? Mangyari pa! Ngunit bagay-bagay….

CRISTOBAL- Kayo po ba Aling Sidora , ay nakalabas na sa komedya noong araw? SIDORA- Ho…? Komedya ang sinabi ninyo? CRISTOBAL- Opo , Komedya… Tayo’y magtatanghal ng isang komedya, at tayong lahat ang gaganap…. SIDORA- Malabo iyan…. Anong komedya ang pinagsasabi ninyo …. CRISTOBAL- Ang Ibig kong sabihin, yayamang ang pinsan kong si Arkimedes ay hindi natin mapasukan ng katwiran sa ulo ay dadaanin natin sa ibang paraan…. SIDORA- Kung sa akin …. Kung di pumasok sa kaniyang ulo ang katwiran,ay…. Sa bunganga niya ay doon ko isusungalngal…. CRISTOBAL- Iyan ang ibig kong sabihin,ngunit sa isang paraang hindi niya mapapansin…. SIDORA- Ah…. Salamangka ang inyong gagawin… CRISTOBAL- Sa salamangka man o sa ano man …. Ay hinihingi ko ang tulong ninyo… at saka ni Rita. RITA- Kayo po ang bahala, ako’y susunod sa inyong maiibigan. SIDORA- Kung gayon ay … manonood ako sa inyong komedya o salamangka…. Hala, magsalita kayo , kung ano iyang nasa butse ninyo…. CRISTOBAL- Ganito po; ikaw Manuel ay manaog muna. Huwag kang paabot dito sa pagbabalik ng iyong ama…. At kayo, kung narito na siya … ay matigas ninyong sabihin sa kaniya, na ayaw na kayong si Rita’y pakasal pa kay Manuel….. RITA- Ano ang sinabi ninyo? MANUEL- Tio Cristobal….! SIDORA- Aha… gayon? Ha? Gayon pala ang gagawin ninyong komedya o salamangka…. Baka kayo’y hindi ko matantiya Mang Cristobal….! CRISTOBAL- Huwag kayong mabibigla…. Nalalaman ko ang aking gagawin. Basta ikaw ,Manuel, ay sumunod sa aking sinasabi. At pagkatapos ng mga ilang minuto, kung inaakala mong nakapag-palitan na ng mga ilang salita rito, ay pumanhik ka o magbalik ka,at sabihin mo sa iyong ama na matapos mong mapag-isip ang lahat, ay nakuro mong ikaw ay di nga dapat pakasal kay Rita….

SIDORA- Demonyo! …. Anong klase bang pag-aayos ang nalalapa? Nasisira ang aking isip. MANUEL- At hindi ko masasabi ang gayon sa aking ama. Hindi pa nasisira ang aking isip. RITA- Don Cristobal…. SIDORA- Itaga ninyo sa bato , Mang Tobal …. Iyan ang hindi maaari …. Ako ang nagsasabi … Tandaan ninyo…. (parang nagbabala) CRISTOBAL- Huwag sana kayong mangagulat sa aking gagawin. Lahat tayo’y nakakakilala sa ugali ni Arkimedes. Matigas ang ulo at walang katwiran. Kapag inyong kinontra ay hindi kayo magkakasundo. Sang-ayunan ninyo nang sang-ayunan at kaipala’y mapapaniwala ninyo sa kabaligtaran ng kanyang kinukuro. Pag sinabi niyang puti, sabihin ninyong puti nga, kahit itim at magkakasundo kayo. SIDORA- Magkakasundo nga, ngunit sino ang agrabyado? CRISTOBAL- Sino pa kundi siya rin… MANUEL- At kung….? CRISTOBAL- Manaog ka na Manuel …. Hala sumunod ka sa akin. MANUEL-Nauunawaan ko na ang ibig ninyong sabihin, Tio Cristobal SIDORA- Hala, sige manaog ka na …. At pag ang salamangkang ito’y pumaltos … dalawang kabaong ang ipakuha mo…. CRISTOBAL- Hindi ninyo kakailanganin ang kabaong aling Sidora… MANUEL- At yaon ba lamang ang aking sasabihin? CRISTOBAL- Oo, yaon lamang ay labis pa. MANUEL- Kung gayon ay susunod ako. (Hahagkan ang kaniyang anak) Toto… anak ko…. Maniwala ka sa Lolo Tobal . (Alis) Ika-VI na Tagpo Sila rin , maliban lamang kay Manuel SIDORA- Ngayon, ano naman ang aming gagawin, Ginoong Direktor ng komedya….?

CRISTOBAL- Kayo’y walang dapat gawin. Ikaw, Rita ay huwag magpapahalata ng kalungkutan. Ipakilala mong ikaw ay hindi nalulungkot sa kaniyang pagtanggi, bagkus ipamukha mo sa kaniya na ang klase lamang niyang iyon ay hindi mo ibig maging biyanan…. SIDORA- At sasabihin ko sa kaniya na kung ang pagmumukha lamang niyang iyon ay hindi ko babalaihin … hindi ba? CRISTOBAL- Tama, tamang tama…. Iyan ang ibig ko sa babae! SIDORA- At sasabihin ko pa, na kung ang pag-ayaw niya ay sampu, ako’y sampong makasampo….. CRISTOBAL- Ito ang sinasabi kong komedya… Lahat kayo’y lalabas sa komedyang iyan… kayo, Aling Sidora ang Kontrabida… SIDORA- Magaling akong kontrabida sa drama noong aking kabataan… RITA- Ngunit… aywan ko po kung matutupad ko nang maayos ang aking papel, Don Cristobal. CRISTOBAL- Alang-alang sa iyong anak, ay liliwanagan ng Diyos ang iyong pagiisip at matututo kang gumanap nang maayos ng iyong papel. Hala, buhayin mo ang iyong loob, Iha itago mo muna ang iyang mga luha mo, Anak….. SIDORA-A kapag dumarag-darag sa iyo, ay daragan mo rin….. Hitsura niyang mga taong iyan ang hindi mo madaragan…. RITA- Bahala na……! Bathala, Patnubayan mo po ako, Alang-alang sa aking anak… CRISTOBAL- (lalapit sa may pinto). Lakas-loob Rita…. Alisto, aling Sidora… Nalalaman na ba ninyo ang inyong gagawin? RITA- opo. SIDORA-Saulado ko na. CRISTOBAL-At ako… ang inyong publiko. (Patikad na lalabas. Pagkaraan ng ilang saglit, ay darating si Arkimedes.) Ika-VII Tagpo Si Rita, si Sidora at si Arkimedes ARKIMEDES- (Pagkakita sa dalawa.) Aba Rita…. Aling Sidora, Narito kayo?

RITA- Opo, kami nga’y naririto…. SIDORA- At ito man….(Ipakikita ang batang kaniyang kalong , pagkakita sa kaniyang mga anak na nagtutulungan sa mga silyon , ay pagsisipain at palalayasin.) Hala mga hampaslupa … panaog…! (Ang mga bata’y nagsisi-alis) ARKIMEDES- Ano ba iyan…. Lalaki o babae? SIDORA- Lalaki, ngunit hindi magmamana sa kaniyang nuno…pagkat walang nunong pagmamanahan… ARKIMEDES- At bakit po naman kayo napadako rito? RITA- Upang makipag-usap sa inyo…. SIDORA- At…. Ito ay upang makilala ang kaniyang…. Ang ibig kong sabihin ay makilala ang hindi niya nuno. ARKIMEDES- At tila po, kung di ako namamali , ay may hinahanap kayo sa bahay na ito… Maaari ko po bang malaman kung ano … at kung sino? SIDORA- Ito…(Si Rita) ay naghahanap ng isang asawa…. At ito… (ang bata) ay naghahanap ng isang ama…Nalalaman ba ninyo? ARKIMEDES- Pwes,ang asawang sinasabi ninyo, at ang amang inyong binabanggit ay hindi dito nakatira. Hindi ko siya nakikilala…. Kung ang ibig ninyong sabihin ay ang aking anak… Pwes, ako’y walang anak…. Kamamatay lamang…. RITA- Kami po’y…. ARKIMEDES- (Hahadlangan) Sinabi ko nang namatay na. Wala akong anak. Tapos…. SIDORA- Napapansin ko na talo pa pala ninyo ang babae. Ibig ninyo’y pakyawing lahat ang pagsasalita. Pwes iyan ang hindi maaari, habang narito si Sidora…. Ako ang magsasalita, at sa aki’y walang makapag-papaalis… ARKIMEDES- Baka nalilimutan ninyong kayo’y naririto sa aking bahay? SIDORA- Baka nalilimutan ninyong ang bibig ko’y nasa aking mukha….Pwes, maupo kayo , at kayo’y mapapagod sa pakikinig. Maupo kayo…. Sinasabi kong kayo’y maupo…. (Anyong lalapitan) ARKIMEDES-Pwes, mauupo ako, ngunit ako’y maraming gagawin . Hindi ako makapagtatagal.

SIDORA- Makatatagal kayo, at makatatagal kayo …. Ikaw Rita ay maupo rin… (Mauupo si Rita) ARKIMEDES- Hala… hindi ba ninyo nalalamang may halaga sa akin ang aking panahon? SIDORA- At ano sa palagay ninyo…. Sa amin ay walang halaga ang panahon? Aba… baka kayo’y nadidiliman ng pag-iisip ay iaamuki ko sa inyo na kayo’y magbaon ng malaking pagtitiis sa pagdinig sa akin. Hangga ngayo’y di pa ako nagsisimula. SIDORA- Pues, Don Kimedes…. Marahil ay nasa-isip ninyo na ang mga hampaslupang ito,ako at saka ito…. (Si Rita) …at ito… (ang bata) … ay naparito upang maglumuhod sa inyo at umiyak-iyak…Pues, nagkakamali kayo…kami’y mahirap… ngunit kami’y di makapagpapalimos ng asawa at ng ama … kayo ay nakikilala namin … para sa inyo, ang mahihirap na gaya namin ay di mga tao, kundi mga yagit lamang na titisud-tisurin sa daan … Pues … hindi, ang yagit ay sumasama sa alikabok , at pag-ihip ng hangin ay siyang makakapuwing sa inyo…. Nalalaman ba ninyo? ARKIMEDES- Pero …. (Anyong sasagot) SIDORA- Hintay muna kayo … hindi pa ako nagsisimula. Pues Don Kimedes …Bakit ninyo sinapantaha kailanman, at bakit pumasok sa isip ninyo ang paniniwalang si Rita… ang ulilang anak lamang ng isang labandera…. ay mag-aasawa sa anak ng dambuhala sa yamang si Don Kimedes? Sinong tulig ang nagpasok sa inyong isipan ng bagay na iyan?

ARKIMEDES- (Akmang titindig at sasagot) SIDORA- Huwag kayong kikilos … sinasabi ko sa inyo. Maupo kayo at kayo’y walang dapat gawin kundi ang makinig. Ako’y hindi pa nagsisimula hanggang ngayon. Ngunit sinasabi ko sa inyo, at ito’y hindi balitang kutsero, Don Kimedes…. na nang malaman naming ayaw na ayaw kayong maging balae ng isang nasirang labandera at ng isang maggugulay lamang sa palengke…. Ay isinumpa na namin ,na kahit ninyo ipagduruhan ang inyong anak na si Manuel …. Ay hindi namin tatanggapin . Inyo na ang inyong anak… at kayo’y walang manugang na aalalahanin. ARKIMEDES-Ngunit….(itututro ang bata) SIDORA- Ito, ito’y huwag ninyong alalahanin . Palalakihin ko. Tuturuan ko ng edukasyong bagay sa kaniya. Ito’y isang batang walang ama… at sa akala ba ninyo ay kasalanan ng batang ito ang siya’y magkaroon ng isang nunong sa halip na lagyan sa dibdib ng isang puso, ang napalagay ay isang tipak ng batong Maykawayan? ARKIMEDES- (Hindi na makatiis) , Pues, aling Sidora… ako naman ang magsasalita…. SIDORA- Hindi pa ako tapos..

ARKIMEDES- (Parang hindi pansin ang sagot sa kanya) at dapat ninyong malaman, na di kakaunting pagtitimpi at pagbibigay-loob ang aking ginawa mula pa kangina…at… SIDORA- Pues, nahuli na kayo… Basta nabalitaan naming ayaw kayong maging asawa ni Manuel si Rita… pues ayoko rin… ARKIMEDES- (kay Rita) Tunay nga bang ayaw kang maging asawa ni Manuel? SIDORA- Sumagot ka…(kay Rita) RITA- Tunay po. ARKIMEDES- Bakit? Maaari ko bang malaman ang sanhi? SIDORA- Sapagkat…. Ayaw siya.. ano pang sanhi ang ibig ninyong malaman. Kaya itago na ninyo ang inyong anak… isilid sa baul … lagyan ninyo ng apog, asinan ninyo at nang hindi mabulok… ARKIMEDES- Ano bang apog ang sinasabi ninyo… Kung di lamang kayo babae aling Sidora… (May pagbabala) SIDORA- At kung kayo lamang ay… (May pagbabala rin) RITA- Tia Sidora… /May pagsamo/ ARKIMEDES- Pues, hindi mangyayari ang sinasabi ninyo… Sa aming lahi ay ang padre de familia ang sinusunod… hindi maaari ang kagustuhan ng aking anak … Ano ang palagay ninyo? Matitiis ko bang magkaroon ako ng isang anak na binatang ama , at ng isang apong walang nuno….? Ano ang palagay ninyo sa akin? At ito? (Si Rita) SIDORA- Sa maliwanag na sabi , ay dalagang ina… ano pa? ARKIMEDES- Iyan ay sa inyong palgay lamang. SIDORA- Pues, sa lahi naman namin ay ang kaibigan ko lamang ang masusunod. Ipakasal ninyo ang inyong anak kahit sa anak ng tupa… at mabuti pa. Pero kay Rita hindi maaari, hindi… ARKIMEDES- Maaari… SIDORA- Hindi maaari… ARKIMEDES- Ako ang nagsasabing maaari…. SIDORA- Ako ang nagsasabing hindi maaari….

ARKIMEDES- Aling Sidora… kung kayo lamang ay may-salawal… SIDORA- At ano ang palagay ninyo… wala akong salawal? At ano at?--- (Ipakikita ang salawal. Dapat malaman na ang salawal na gamit ni Aling Sidora ay mahaba, salawal lalaki) Hindi ba ito salawal? Ngayon , ano ang gusto ninyo? ARKIMEDES- Pasalamat kayo’y hindi naging lalaki…. SIDORA- At kung ako’y naging lalaki …. Tarantado din ang labas kong gaya ng maraming lalaki riyan… ARKIMEDES- Ang pakakasal ay hindi kayo, Aling Sidora, Siya ang makasasagot. (kay Rita) RITA- Sinabi ko na po… (Matigas) Hindi ako makapagpapalimos ng asawa…. SIDORA- Nakita na ninyo? Pues, ito ay aking pamangkin. At kayo, kayo… (Lalapit na parang dadakmain si ARKIMEDES. Ibibigay ang bata kay Rita, at tila naglililis pa ng manggas.) RITA-Tia Sidora… (May pagsamo) ARKIMEDES- Makapananaog na kayo sa aking bahay…. SIDORA- Ako, manaog ako? O eto ang iyo…. (Lalapitan at susunggaban si ARKIMEDES,Ngunit parang may sumumpong na sakit at biglang mapapaupo sa isang silya… at magpapapadyak.) RITA- Tia Sidora…. (Lalapit) kaunting tubig…. Ika VIII Tagpo Sila rin at si Cristobal na may dalang tubig sa isang bote. CRISTOBAL- Ano ang nangyari? ARKIMEDES- Kami ay nagkakaroon ng isang mainitang pag-uusap. Samantala kinukumbinsi kong pumayag silang si Manuel at si Rita’y makasal ay nagpakatanggitanggi… Sa akala mo ba Cristobal, ay maaatim kong magkaroon ng isang manugang sa labas at isang apong hindi nabasbasan ng Simbahan? RITA- Tia Sidora… SIDORA- (Pasigaw) Walang hiya… oo walang hiyaaaa! ARKIMEDES- Mabuti pa’y dalhin mo sandali roon sa kwarto at nang maginhaginhawahan…. Paamuyin ng eter… (Lalapitan ang bata at kukunin kay Rita, at ibibigay

naman nito upang maalalayan si Sidora. Si Sidora’y ititindig ni Rita at Don Cristobal, upang ipasok sa silid.) Ika IX na tagpo Si Arkimedes na hawak ang bata ARKIMEDES- Sasabihin ni Cristobal na hindi ko raw ito kamukha… (Lalapit sa isang salamin) Pues, walang iniwan…. Ang mata, ang ilong, ang bibig… ang tainga…pues, isang totohanang Arkimedes… Pues… hindi maipagkakaila …. Paglaki nito at makikita sa daan lahat na’y magpihong may malaking taling sa batok … gaya ng lahat ng Lakambayang lalaki… Titingnan ko… (Itataob ang bata sa kaniyang mga hita at titingnan ang batok. Darating si Manuel) Ika-X Tagpo Si Arkimedes at si Manuel at maya-maya’y sina Rita, Sidora at Cristobal MANUEL- Papa… ARKIMEDES- Ang ama… MANUEL- Ano ang inyong ginagawa? ARKIMEDES- Wala, iniimbestiga ko lamang kung ito’y may nunal sa batok. MANUEL- Mangyari pa …. Kasinglaki ng lalabing animin ARKIMEDES- A… Ang marka ng pabrika… MANUEL- Narito ba ang ina niyan? ARKIMEDES- At ano ang palagay mo… Makakalakad ba ito nang nag-iisa? MANUEL- Nakausap ba ninyo? ARKIMEDES- At pati ang kanyang simarong tia … si Sidora. MANUEL- At ano ang sinabi ninyo, at ano naman ang sinabi nila sa inyo? ARKIMEDES- Pues,gaya ng dapat kong sabihin, datapwat ang iyong magiging tiyangbiyenan ay walang ginawa kundi gusutin ang salitaan ,at ani mo’y isang artilyerang di mahapayang-gatang. MANUEL- Pues, Papa … wala na kayong dapat alalahanin. Matapos kong matakal sa aking isip ang inyong mga sinabi kangina, ay niyari ko sa loob ko na ako’y huwag nang pakasal kay Rita… Para sa akin ay lalong mahalaga ang isang ama kaysa ilan mang

asawa… Ang ilan mang asawa at anak ay madaling makita, ngunit ang isang ama ay hindi na. ARKIMEDES- (Buong pagtataka) Ano ang sinabi mo? MANUEL- Ang narinig ninyo, papa. Buhat ngayo’y hindi na kayo tatanggap sa akin ng sama ng loob…. Sa tahanang ito’y walang masusunod kundi ang inyong kalooban, habang kayo’y buhay… ako’y nakakaisip na magpari. ARKIMEDES- Magpapari ka? Lalagutin mo ang tanikala ng magmamana sa pangalang Lakambayan? Nauulol ka ba? MANUEL- Kangina po, ay oo, nauulol ako papa… ngunit ngayon ay maliwanag na ang aking isip. ARKIMEDES-Na hindi mo na pakakasalan si Rita? Na ikaw ay magpapari? Ano,nawawala na ba ang iyong huwisyo? Magagawa mo bang iwan sa lansangan ang isang sawing palad na babae at ang isang walang malay na anak? Iyan ba ang mga halimbawang nakita mo at natutuhan sa tahanang ito? Sa iyo ba’y ginawa ko ang bagay na iyan? Mag-isip ka … Kung ikaw ay pinabayaan kong walang ama… ano ang sasabihin sa iyo ng tao?… MANUEL-Pues, anak sa ligaw… ARKIMEDES- Oo, iyan… anak sa ligaw…pues, sa akin ay hindi maaari iyan. Sa loob ng tahanang ito ay walang masusunod kundi ang aking kalooban. Pakakasal ka kay Rita, bibinyagan ito ng Arkimedes din, at ito’y hindi na mananaog sa bahay na ito. Nalalaman mo ba? MANUEL- Iyan po ang hindi maaari… ARKIMEDES- Maaari, at…. Maaari… ako ang may sabi… MANUEL- Papa… (kunwariy nagmamakaamo) ARKIMEDES- Tse… (Titingnan ang bata) Arkimedito….! (Susungaw sa pinto si Sidora) SIDORA- Isidorito….! ARKIMEDES- Sinasabi ko nang ang pangalan nito ay Arkimedito at sa loob ng tahanang ito ay ang kalooban ko lamang ang masusunod… SIDORA- Isid….

ARKIMEDES- Ah…a… ang nerbiyos, kumare … baka umatake na naman… Arkimedito … Pues, kumare… kailangan kong sabihin sa inyo na si Manuel at si Rita ay ipakakasal ko sa loob ng madaling panahon, sa ayaw kayo’t sa ibig… at dito…dito…opo dito… nalalaman ba ninyo… At ito’y hindi na mananaog sa bahay na ito… Ito ang eredero unibersal ng lahat ng aking kayamanang dumating na, dumarating at darating pa… SIDORA- At ako….? ARKIMEDES- Kayo ay kailangang-kailangan ko… sa bahay na ito ay walang babae… isang babaeng … SIDORA- Isang babaeng…. may salawal, hindi po ba? (Lalabas na parang akay ni Don Cristobal si Rita) CRISTOBAL- Primo, ano ang iyong pasya… ARKIMEDES- Tapos na. Ang kailangan na lamang ay ang pagsang-ayon ni Rita…. CRISTOBAL-Naayos ko na rin. Napapayag ko siyang alang-alang sa iyo’y sumang-ayon na siyang pakasal kay Manuel…. Dahil sa Anak…. ARKIMEDES- Siyanga ba…? Dahil sa Anak? RITA- Opo… ARKIMEDES- Mabait kang bata… karapatdapat kang ina… CRISTOBAL- Pues, ako ang inaama sa kasal… SIDORA- At ako ang madrina… ARKIMEDES- O …. (Kay Rita) Narito ang iyong anak…. Ang pangalang niya ay Arkimedes… SIDORA- Isidoro… ARKIMEDES- Arkimedes… SIDORA- Bueno,porke ito ay lalaki ay magpaparaya na ako ngunit ang unang babaeng lumitaw …ay ako naman ang bahala … pangangalanan ko ng Sidora, at tuturuan kong…. ARKIMEDES- Magsuot ng salawal…. CRISTOBAL- Nakita na ninyo ang bias ng komedya… (kay Sidora)

SIDORA- At ano naman ang masasabi ninyo sa pagkakaganap ko sa aking papel… may himatay pa… ano ha? CRISTOBAL- Superior….! ARKIMEDES- (Kay Manuel) Hoy ikaw…ano ang ginagawa mo? (Imumustrang lapitan siRita) MANUEL-Rita… RITA- Manuel… (Magyayakap) ARKIMEDES- Sinasabi ko nang sa bahay na ito … ay walang masusunod kundi ang aking kalooban. (Darating na naghahagaran ang mga anak ni Sidora at sumisigaw ng “Nanay,nanay…” at hahagarin ng hampas ni Sidora.) SIDORA- Mga kalabaw … na ito ah…. (Sa paghahagaray ibababa ang pambungad na --Tabing

Related Documents

Dahil Sa Anak
June 2020 4
Anak-anak
May 2020 56
Anak Anak
May 2020 46
Anak
October 2019 50
Sa
October 2019 86

More Documents from ""

I Mail Signature
August 2019 49
Incinerator.docx
December 2019 43
Iqbba Sample Exam
October 2019 74
Brainstorming Web
June 2020 10
Gastos Generales
August 2019 41