Pag-ibig sa Tinubuang Lupa Andres Bonifacio Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya Sa pagkadalisay at pagkadakila Gaya ng pag-ibig sa tinub’ang lupa? Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala... Walang mahalagang hindi inihandog Ng may pusong mahal sa Bayang kumupkop; Dugo, yaman, dunong, katiisa’t pagod, Buhay ma’y abuting magkalagot-lagot... Sa kaniya’y utang ang unang pagtanggap Ng simoy ng hanging nagbigay-lunas Sa inis na puso na sisinghap-singhap Sa balong malalim ng siphayo’t hirap... Ang nangakarang panahon ng aliw Ang inaasahang araw na darating Ng pagkatimawa ng mga alipin, Liban pa sa bayan saan tatanghalin?... Kung ang bayang ito’y nasasapanganib At siya ay dapat ipagtangkilik Ang anak, asawa, magulang, kapatid Isang tawag niya’y tatalikdang pilit... Nasaan ang dangal ng mga Tagalog? Nasaan ang dugong dapat na ibuhos? Baya’y inaapi, bakit di kumilos At natitilihang ito’y mapanood?... Kayong mga dukhang walang tanging [palad] Kundi ang mabuhay sa dalita’t hirap Ampunin ang Bayan kung nasa ay lunas Pagkat ang ginhawa niya ay sa lahat. Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig, Hangang sa may dugo’y ubusing itigis, Kung sa pagtatanggol buhay ay [mapatid] Ito’y kapalaran at tunay na langit.
Mensahe sa Aking Mga Kababayan Manuel L. Quezon Mga kababayan ko: may isang kaisipang nais kong lagi niyong tatandaan. At ito ay: kayo ay Pilipino. Na ang Pilipinas ay inyong bayan, at ang tanging bayan na ibinigay ng Diyos sa inyo. Na dapat niyo itong ingatan para sa inyong mga sarili, sa inyong mga anak, at sa mga anak ng inyong anak, hanggang sa katapusan ng mundo. Kailangan niyong mabuhay para sa bayan, at kung kinakailangan, mamatay para sa bayan. Dakila ang inyong bayan. Mayroon itong dakilang nakaraan, at dakilang kinabukasan. Ang Pilipinas ng kahapon ay naging dakila dahil sa pag-aalay ng buhay at yaman ng inyong mga bayani, martir, at sundalo. Ang Pilipinas ng ngayon ay pinararangalan ng taos-pusong pagmamahal ng mga pinunong di-makasarili at may lakas ng loob. Ang Pilipinas ng bukas ay magiging bayan ng kasaganaan, ng kaligayahan, at ng kalayaan. Isang Pilipinas na nakataas ang noo sa Kanlurang Pasipiko, tangan ang sariling kapalaran, hawak sa kanyang kamay ang ilaw ng kalayaan at demokrasya. Isang republika ng mga mamamayang marangal at may paninindigan na sabay-sabay nagsisikap mapabuti ang daigdig natin ngayon.