Mga Dungis Sa Puso

  • Uploaded by: Mansueto T. Daquita, Jr.
  • 0
  • 0
  • April 2020
  • PDF

This document was uploaded by user and they confirmed that they have the permission to share it. If you are author or own the copyright of this book, please report to us by using this DMCA report form. Report DMCA


Overview

Download & View Mga Dungis Sa Puso as PDF for free.

More details

  • Words: 70,877
  • Pages: 174
I

Umaalon man ang luhang inihugas Ng kabiguang sa dibdib ay pumilas Hindi sapat upang pag-ibig ay magkahugis Dahil ang puso ay puno ng dungis…

N

ANGINIG ang buong katawan ni Rex. Sumingaw ang init ng kanyang damdamin. Bumilis ang pintig ng kanyang puso. Bagaman agad itong nawala. Unti-unting bumalik ang payapang pag-iisip. Napayuko siya. Muling inilapit ang telepono sa kanyang tainga. “I-Is that all, Sir?” halos hindi na ito nasambit ni Rex. “That’s all!” ang mariing tinig ay sinundan ng malakas na lagitik ng telepono na ibinagsak ng kausap ni Rex. Dahan-dahang inilapag ni Rex ang telepono. Madilim ang mukhang tumingala sa kisame. Huminga siya ng malalim. Parang gustong alisin ang labis na pagtitiis na nagpapasikip sa kanyang dibdib. Sandaling napako sa kisame ang kanyang paningin. Isa-isang pinagmasdan ang mga umbok ng plastic covering ng ilaw. Ang tingin dito ni Rex ay kawing-kawing na mga diyamanteng nilulusutan ng sari-saring sinag. Napakagandang tingnan. Ngunit mayamaya’y napailing siya. Wala man lang siyang naramdamang silaw sa kanyang mga mata. Pekeng mga diyamante. Pakiramdam niya’y katulad siya ng naisapangitaing pekeng diyamante.

Ibinaba ni Rex ang kanyang paningin. At di-sinasadyang natingnan niya ang telepono. Bumalik ang pag-iinit ng kanyang damdamin. Nangunot ang kanyang noo. At matapos makapusnga ay agad tumayo. Pahablot na dinampot ang attache case na nakapatong sa mesita. At nagmamadaling lumabas. “A-any instructions, Sir?” nag-aalangang tanong ng kanyang sekretarya na si Zeny nang makita siyang palabas. Tiningnan lamang ni Rex si Zeny ngunit hindi kumibo. Kunot-noo pa rin siya. Hindi na rin kumibo si Zeny na tumungo at ipinagpatuloy ang ginagawa. Sa lobby ilang mga babae ang nagsitayo nang makita siya. Halos magkapanabay pa ang mga ito sa pagsambit ng good afternoon, Sir. Ngunit hindi sabay-sabay ang mga galaw na parang iniiwasan ng bawat isa na maging pareho ang estilo ng pagpa-cute. Iling lang ang iginanti ni Rex. Parang lalong bumilis ang tibok ng kanyang puso. Nakaramdam siya ng paninikip ng dibdib. Kaya agad na niluwagan ang kanyang kurbata sa pamamagitan ng isang daliri. At nakatungong tumuloy sa elevator. Pagdating ng elevator sa ground floor ay nagmamadaling lumabas si Rex. Mabilis namang sumaludo ang security guard nang makita siyang paparating. Iba ang dapyo ng hanging sumalubong kay Rex. Parang nabawasan ang pag-iinit na kanyang nararamdaman. Tinanguan niya ang guwardiya. Lalo namang gumilas ang kilos ng guwardiya na agad ibinukas ang pintuan upang makalabas ng building si Rex. Naghihintay na ang kanyang drayber nang makalabas si Rex. Nakita niyang bukas na ang pintuan sa likuran ng kanyang kotse. Kumikinang ang puting Honda Civic. Desente tingnan. At lalong naging desente tingnan dahil naka-polo barong ang drayber, si Mon, kaedad niya. Guwapo din si Mon at mapapagkamalan pang teenager kahit dalawampu’t dalawang taong gulang na. “Good afternoon, Sir,” bati ni Mon na sumaludo pa. Napailing na naman si Rex. Ilang beses na niyang pinagsabihan si Mon na huwag nang mag-sir sa kanya dahil magkaibigan naman sila. Maliban sa pagiging kaibigan ito lang ang itinuturing niyang parang kapatid mula noong maliit pa sila. Magkasama sila noong nangangarap pa lang sila sa kanilang lugar na gusto man niyang dalawin ay iniiwasan naman niya dahil sa kalagayan niya ngayon. At ito ang kanyang ipinagdaramdam. Bago pumasok sa kanyang kotse ay tumingala muna si Rex sa binabaang building. Pakiramdam niya’y lalo itong naging mataas ngayong nasa ibaba na siya. Nakaramdam siya ng panliliit. At pakiramdam niya sa mga titik ng GOLDEN OPPORTUNITY SYSTEMS na nakatunghay sa kanya ay parang higanteng handang tumapak sa kanya. Doon siya galing sa tanggapan ng Golden Opportunity Systems. Siya ang operations manager ng tanggapang iyan. Malaking katungkulan. May malaking kapangyarihan at perang maibigay sa kanya. Ngunit parang ayaw na niyang muling umakyat doon. “R-Rex?” Parang walang narinig si Rex kahit malakas ang boses ni Mon. Parang hindi nga niya narinig ang andar ng kotse. Parang hinihigop ng kumikinang na kulay ng malalaking titik ang kanyang paningin at ang epekto nito’y pansamantalang nagpamanhid ng kanyang pandinig.

II

“A

NO pa ang itinutunganga mo diyan?” singhal ng lalaki na hindi man lang lumingon. Napaangat ang ulo ng babaing umiiyak sa narinig. Naragdagan ang takot na napatingin sa lalaki. Ngunit agad din itong pumihit ng maramdaman ang marahan at malumanay na hakbang ni Rex. “S-Sir?” halos nagmamakaawa ang tinig ng babae nang makilala si Rex. Agad itong tumayo at kumubli sa likod ng binata. Maunawain namang tinapik-tapik ni Rex ang balikat nito. Parang ipinapahiwatig dito na huwag mabahala dahil nariyan na siya. Kaya? Parang umasim ang kanyang paglunok sa naalala. Nakatiimbagang na inalalayan niya ang babae upang muling makaupo. Matagal nang nakaupo si Rex at ang babae ngunit hindi pa rin umiimik ang lalaki na ngayon ay pinaglalaruan ang hawak na kopa na nangangalahati na ang lamang whisky. Ang paningin ng lalaki ay napatuon sa two-level flyover sa interseksiyon ng EDSA at Ortigas Avenue. Ito ang palagay ni Rex dahil nakita niyang napailing ang lalaki at naisip niya na nakaragdag sa galit nito ang halos gumagapang na trapiko. “How long have you been working for me, Sevilla?” ang for ay diniinan ng lalaki. Naunawaan ito ni Rex. “Two years... as vice president of Golden Opportunity Systems,” mabilis subalit marahang tugon ni Rex. “And five years since...” “Since I rescued you from uncertain future,” pakli ng lalaking nagpaupos kay Rex. Subalit nakaragdag ito ng init sa kanyang puso. “Good you never forget.” Isang parang singasing at malalim na paghinga lamang ang isinagot ni Rex. Wala siyang dapat isagot kungdi manahimik na lang dahil totoo ang sinabi ng lalaki. At kung hindi lamang dahil sa labis na poot ay makasambit pa siya ng pasasalamat. “Siguro...” Pumihit ito at hinarap ang dalawa. Ngunit ang mga mata ay nakatutok kay Rex. “Kabisado mo na ang iyong trabaho, I suppose.” “E, yes, Sir... Mr. Montero.” “And why the hell you sent that woman without telling her what to do?” Ibinagsak nito ang hawak na kopa. Makapal at mamahalin ang carpet ngunit dahil sa lakas ng pagbagsak ay nabasag ang kopa. Ang tilamsik ng alak ay bumasa sa mga mata ni Rex na agad humarang sa babae upang hindi ito matalsikan ng basag na kopa. Hindi nakakibo ang babae ngunit ang sigok nito at ang panginginig ng mga kamay na nakahawak sa balikat ni Rex ay naramdaman ng binata. Nagtagis ang mga ngipin ni Rex. Ang pait ng whisky na tumilamsik sa kanyang mga mata ay nagpadilim sa kanyang paningin. Ang pagkabasag ng kopa ay nagpabasag ng kanyang respeto sa taong siyang pinagkautangan niya ng kanyang katayuan ngayon sa lipunan. Biglang napatayo si Rex. Tikom ang mga kamay. Sa tingin niya ay ga-hanip na lamang sa liit ang kanyang kaharap. Natigilan din ang lalaki sa nakitang pagbangis ng anyo ni Rex. Ang kaninang tindig ng kapalaluan ay pinalitan ng pagkabalisa... at pagkayanig. Ang pagkatigagal ng lalaki ay nakapagbalik ng matinong pag-iisip ni Rex.

“I-I’m sorry, Mr. Dan Montero,” nasabi na lamang ni Rex habang unti-unting ibinubuka ang nakatikom na mga kamay. Humihingal siya dahil sa pagpigil ng kanyang poot. “Ang akala ko...” Hindi na hinintay ni Mr. Montero na matapos ang sasabihin ni Rex. Pinukol na lang niya ito ng isang matalim na tingin at nagmamadaling lumabas. Nakahinga ng maluwag si Rex. Pabagsak na umupo sa tabi ng babae. Napapitlag naming palayo sa kanya ang babae. At nang lingunin ito ni Rex ay nakita niyang pakrus na itinatakip ng babae ang dalawang kamay sa dibdib. Hindi maitago ang takot. Parang matunaw sa kahihiyan si Rex. Umisod siya upang lalong mapalayo sa babae. Matagal itong tiningnan. Tingin na humihingi ng pang-unawa. Parang ipinararating na wala siyang kinalaman sa nangyari... at sa mangyayari sana. “I-I’m sorry. Really very sorry,” pagkuwa’y sabi ni Rex nang makitang kumalma na ang babae. Hindi umimik ang babae. Tumungo lamang ito at impit na humikbi. Tumayo si Rex at nilapitan ang babae. Marahang ipinatong ang isang kamay sa balikat nito. Ngunit pinalis ito ng babae. “Trabaho ang kailangan ko... desenteng trabaho,” parang bumubulong lamang ang babae. “Kahit domestic helper basta desente, papasukin ko...” Umiyak ito. Hindi nakaimik si Rex. Ang mga sinabi ng babae ay tumimo sa kaibutoran ng kanyang puso. Nagpabara ito ng kanyang paghinga. Tinamaan siya. Naragdagan ang nadarama niyang awa. Awa na noon pa niya naramdaman. Sa bawat inosenteng aplikante na maligaw sa kanilang agency. Na noon pa gusto na niyang harangan, ipaalam sa mga aplikante na walang katiyakan na hindi mapariwara ang kanilang puri. “Ang masakit... nag-ii-expect ang mga parents ko...” Napatiim-bagang si Rex. Sumakit ang kanyang bagang. Umupo sia sa tabi ng babae. Muling sinubukang idantay ang mga kamay sa balikat nito. Gusto niyang iparating ang kanyang simpatiya... at pagsisisi sa kalagayang naging instrumento pa siya sa nangyari sana sa babae. “I-m really very sorry...” “Naibenta ni Tatay ang aming dalawang kalabaw.” Parang walang narinig ang babae. “Malaki ang aming nautang... porsiyentuhan.” “Stop it!” hindi sinadyang napasigaw si Rex. Tumayo at marahas na hinawakan sa panga ang babae na namutla dahil sa pagkagulat at pagkagimbal. Itinaas ito ni Rex at mariing tinitigan. Sa umpisa ay matalim ang tingin. Hanggang unti-unting humupa, humihingi ng pang-unawa. “You can have your day in court. Sue us and I won’t lift a finger in defense. Pero pakinggan mo ako. First, hindi namimilit ang agency. We presumed gusto ninyo ang ano mang mangyari sa inyo abroad. Ang ginawa ni Mr. Montero ay prelude lamang.” Napaangat ang mukha ng babae. Kumunot ang noo pero nasa anyo ang ang pagbawas ng nadaramang galit... at takot. “Now, kung hindi ka payag... dito o doon sa lugar where only God knows where.” Bumuntunghininga siya. “Siguro magpapasalamat ka pa. Dahil dito pa lang nalaman mo na. Makapagpasalamat ka dahil marami kang mahingan ng tulong dito. This is our country, di ba? Pero kung doon na sa ibang lugar mangyari?” May luha pa na kumikislap sa mga mata ng babae. Ngunit hindi na umaagos. Tumatalab na ang sinabi ni Rex. At sinamantala naman ito ng binata. “Marami ka na rin sigurong nabasa na mga abuses na ginagawa sa ating mga kababayan sa ibang lugar. May nangyari na ba kahit nagreklamo sila? May natanggap ba silang proteksyon mula sa ating pamahalaan? Pero dahil dito pa lang...” Nagtagis ang mga ngipin ni Rex. “Nasisiguro ko, paglabas mo sa building na ito... tatawid ka lang

nandiyan na ang POEA. Isumbong mo kami. At maghihintay ako sa huhuli sa akin if only to prove I’m really very sorry.” Bumuka ang mga bibig ng babae subalit walang lumabas na kahit isang kataga. “Now, tungkol sa nagasta mo... sa nautang ninyo sa probinsiya... sa naibentang kalabaw,” saglit na tumigil sa pagsasalita si Rex. Binuksan ang attache case na nakapatong sa upuan. Kinuha ang tseke at bolpen. “Babayaran ko? How much? I’m willing to give one hundred thousand.” Napakunot-noo ang babae. “Ang sabi ni Mr. Montero... gagawin niya akong scholar. Dito raw ako titira. Hindi na raw kailangang mag-abroad pa ako. Pero hindi ako pumayag. Gusto kong’ ang kikitain ay manggagaling sa aking pinaghirapan.” Hindi nakahuma si Rex. Tiniklop ang checkbook at akmang ibalik sa attache case. “Kung pagkababae ko rin lang ang mapahamak magwi-withdraw na lang ako. Pero ang tungkol sa nagastos ko... sa nautang namin... sa naibentang mga kalabaw... Ibig kong mabawi, bayaran mo ako.” Umaliwalas ang mukha ng babae. Napangiti si Rex. Muling binuksan ang checkbook. “Ano na nga pala ang pangalan mo?” “Aida Imperial.” Tumayo ang babae. Inayos ang sarili at tiningnan ang tseke na sinusulatan ni Rex ng pangalan. “Hindi magba-bounce?” “Kung sakalii… dalhin mo lang ito sa opisina. Bahala na ang kahera dito.” Iniabot ni Rex ang tseke. At matapos matanggap ng babae ang tseke ay tinapik-tapik ito ni Rex sa balikat. “I hope magamit mo ito... ninyo. And remember, hindi ito langis para hindi ka makapag-isip magdemanda. Gaya ng nasabi ko na nakahanda ako. Good luck.” Napakibit-balikat si Aida. Payapa na ang pakiramdam. Makikita ito sa kanyang matamis na ngiti. Matagal nang nakaalis ang babae ngunit hindi pa rin nakakilos si Rex na ngayon ay nakaupo sa sopa habang magkapatong ang nakaunat na mga binti. Natuon ang kanyang paningin sa basag na kopa sa sahig. Iniisip niya kung ano ang maaaring mangyari. Naisip din niya ang nawalang isang daang libong piso. Malaking kabawasan din ito sa kanyang savings. Savings na sinadya niya para may magamit siya sakaling lumayas siya sa Golden Opportunity systems. Ngunit makalayas kaya siya ngayong nabawasan ang kanyang savings? At saan naman siya pupunta? Ang utang na loob pala niya sa bulok na Mr. Montero? Napailing si Rex. Lalo siyang nagulumihanan. Pakiramdam niya ay inaaya siya ng matinding antok. Subalit napakislot siya nang tumunog ang kanyang beeper. Kinuha niya ito sa kanyang baywang at tiningnan ang mensahe. Tama ang kanyang hula. Si Dan Montero ang nagpadala ng mensahe. Hinihintay siya sa Hotel Intercon. Alam na niya kung bakit.

III

M

AG-AALAS diyes na ng gabi nang dumating sina Rex sa Hotel Intrercon. Halos puno na ang lobby ang pumasok siya matapos madala ni Mon ang kotse sa carpark. Makikita sa mga guest ang hindi maikubling kalagayan ng kanilang buhay. Parang mga human Christmas tree ang mga babae. Nakikipagpaligsahan sa kinang ng mga colored light ang mga alahas sa kanilang mga katawan. Napailing si Rex. Ang magawa nga naman ng kayamanan. Tumuloy si Rex sa twelfth floor. Nandoon ang suite ni Dan Montero. Nagmamadali siya. Gusto niyang matapos kaagad ang ano mang pag-uusapan nila ng kanyang amo. Wala siyang planong magtagal kasama ng kanyang boss kagaya ng nakaraang mga pagkakataon na ipinatawag siya. Nakadalawang katok pa lang sa pintuan si Rex nang marinig niya ang boses ni Dan Montero sa loob. Pinatutuloy siya. Namputsa, kanina pa siguro siya naghihintay, bulong ni Rex sa sarili. May kausap na dalawang tawo si Dan Montero nang makapasok si Rex. Bahagyang nagsalubong ang kanyang mga kilay nang makilala ang dalawang bisita ng kanyang boss. Mga Hapones. Ang kanilang Japanese connection. “Good evening,” pamimitagan ng binata. Lumingon ang dalawang singkit. Lalong naningkit ang kanilang mga mata nang makilala si Rex. Lalong pumapangit ang mga mokong kung nakangiti, sa sarili ng binata. Bahagyang yumukod ang dalawa bilang pagbibigay galang sa bagong dating. Umupo sa tabi ng dalawa si Rex. “Good news, Rex,” masaya ang tinig ni Dan. Lihim itong ikinainis ni Rex. Naunawaan niya kung ano ang tinutukoy ni Dan Montero. Ito ang kilos ng boss pagka may dumating na mga foreigner na kanilang katransaksyon at may dalang magandang balita- pera para sa kanilang bulsa. “We need fifty within six months,” sabi ng isang Hapon na tinapik pa sa balikat si Rex. “Business is flourishing.” Walang letrang l na narinig si Rex sa sinabi ng Hapon. Tamango-tango naman ang kasamang Hapon sa sinabi ng nauna. Pakiramdam ni Rex ay gusto niya itong batukan. Naasar siya sa ngisi nito. Noon pa man ay mainit na ang kanyang dugo sa dalawang ito dahil mga arogante kung kumilos. Parang mga manyak pa kung makatingin sa mga babae. “Makaka-deliver kaya tayo, Rex?” tanong ni Dan Montero na nakaagaw ng atensyon ni Rex sa mga hapon. “Kailangang maabot natin ang quota sa lalong madaling panahon. What do you think?” “Kung ang lahat na natanggap natin ay papayag sa double contract na walang reklamo, yes,” diretsong sagot ni Rex kagaya ng diretsong tingin sa mata ng kanyang boss. Nakuha ni Dan Montero ang ibig ipaunawa ni Rex. Hindi nga matiyak na ang lahat ng mga aplikante na maipadala nila sa Japan ay papayag na ibahin ang kontrata pagdating doon. Kagaya na lang kanina sa nangyari sa Robinson’s Tower. Napakunot ang kanyang noo.

“By the way, i-charge na lang sa aking account kung magkano man ang ipinangareglo mo kanina.” Expected na ng matanda na aregluhin ng kanyang vice president ang katulad na problema... na kadalasan ay idinadaan sa pera. “Magkano?” “A hundred thousand.” “Wow!” Napalatak si Dan Montero. Nanlaki ang mga mata. “Are you kidding? Aba, Hindi ko inakalang magsi-settle ka sa ganun kalaking halaga!” “Charged to my account anyway,” parang walang ganang sagot ni Rex. “Wow! Wow!” Sumipol pa si Dan Montero. Matamang tiningnan si Rex. Kunot ang noo. Pinag-aaralan ang ekspresyon ng kanyang vice president. Parang nanibago siya rito. Parang gusto nang umalis ni Rex. Nagbalik ang init ng kanyang ulo. Unti-unti siyang pinamulahan. Napansin ito ni Dan Montero. “Well, well. Kung iyan ang gusto mo wala akong magawa. Kug ano man ang dahilan mo ay hindi ko na gustong malaman. Anyway, hindi ko kinukuwestiyon kahit ganun kalaki. Nangyari lang ‘yon dahil...” “I’m sorry,” agaw ni Rex. Ngunit sa loob ng kanyang puso ay parang isigaw niyang walang ibang dapat sisihin kungdi ang kagahaman ng matanda sa laman. Bumuntonghininga lamang si Dan. Inilipat ang paningin sa dalawang bisitang Hapones. “Well, Gentlemen,” saglit na tumigil ang matanda. Inayos ang kurbata at tumayo, “the deal is closed. And if you want to roam our territory feel free. Mr. Sevilla here would like to accomodate you.” Pagkatapos agad siyang pumasok sa kanyang pahingahan. Yudikapra! Parang babatuhin ni Rex ng ash tray ang kanyang boss. Lihim siyang napatiim-bagang. Ayaw naman niyang mapansin ng kanilang panauhin na wala siyang ganang maglibot sa kanilang teritoryo. Teritoryo, hah! Ito ang salitang pinandidirihan niyang pakinggan mula sa kanyang boss. Nakaririndi sa kanya ang makinig sa salitang ito na ang ibig sabihin ay ang mga front ng kanilang ilegal na negosyo. May mga training center ang Golden Opportunity Sytems na ginagamit bilang dance center at domestic services center subalit kung gabi ay prostitution dens. Diyan ginaganap ang sex trade na ang mga milyunaryo lamang ang puwedeng sumali. Yari na ang pasiya ni Rex. Unti-unti niyang puputulin ang kanyang kaugnayan sa Golden Opportunity Systems. At sisimulan niya ngayon sa pag-iwas sa dalawang singkit. Bahala na si Mon sa pag-estima dito sa dalawa. Kabisado na ni Mon kung ano ang gagawin. KINABUKASAN dali-daling bumangon si Rex. Hindi siya nakasama sa mga Hapon ng nakaraang gabi subalit pakiramdam niya ay parang groggy siya. Halos umaga na siya makatulog sa kaiisip sa maraming problema sa opisina at sa sariling buhay. Tinungo ni Rex ang banyo. Ngunit napatigil siya sa salas nang mag-ring ang telepono. Agad namang lumapit si Puring na kanyang maid mula sa kusina upang sagutin ang telepono subalit pinigil niya. Dinampot ni Rex ang telepono. Si Zeny ang nasa kabilang dulo. Kailangan daw agad siya sa opisina. Kumunot ang noo ni Rex. “Hindi ba’t nandiyan naman si Rod?” ang kanyang assistant ang tinutukoy ni Rex. Hindi raw puwede sabi ni Zeny. Siya talaga ang hinahanap ni Dan Montero. “Nandiyan na pala siya?” Naragdagan ang kunot ng noo ni Rex. Ngayon lang ito nangyari na naunahan siya ng kanyang boss sa opisina. Ang totoo ay bihira kung pumunta si Dan Montero sa tanggapan ng Golden Opportunity Systems. Kung gusto nitong makausap ang sinuman sa kanila na mga subordinates ay ipinatatawag lang sa suite nito sa Robinson’s Tower o sa mga hotel. “M-may problema ba?”

Walang maisagot si Zeny. Basta kailangang makarating ang binata sa kanilang opisina. Sandali lang ang pag-shower na ginawa ni Rex. Pagkatapos agad nagbihis at uminom ng black coffee. Kalahati lang sa tasa ang nainom niya nang makitang naihanda na ni Mon ang kanilang sasakyan. Kaya binitbit na lang niya ang kanyang attache case at lumabas. “Hinayhinay lang ang pagdrayb, Mon,” sabi ni Rex habang sinusuyod na nila ang EDSA mula sa Corinthian Gardens kung saan sila nakatira. “Tingin ko parang hindi mo pa maidilat ang iyong mga mata.” “Feeling ko parang matutulog pa, e.” Ipinilig ni Mon ang kanyang ulo. “Pero sabi ni Puring nando’n na si Boss sa opisina at hinihintay ka. Anyway walang problema. Kahit inaantok ako pero kabisado ko ang Civic. Parang may isip ito kung tumakbo sa ganitong trapik.” Diniinan pa ni Mon ang accelarator para maka-overtake sa sinusundang kotse. Sumibad ang Honda Civic. Tumahimik na lang si Rex. Pagdating ni Rex sa opisina ay inabutan niya si Zeny na parang di-mapakali. Tiningnan niyang tila nagtatanong. Sinenyasan lang siya ng dalaga sa pamamagitan ng bibig nito. Sa kanya palang private office naghihintay si Dan Montero. Parang bantulot din si Rex na itulak ang pintuan. Subalit sarili niya ang private office at ang katotohanang ito ay nagbigay sa kanya ng lakas. Itinulak niya ang pintuan. Ngunit natigilan si Rex pabungad niya sa kanyang silid. Nakita niya si Dan Montero na nakaupo sa sopa. Nakayuko. Sa swivel chair ng binata ay nakaupo si Mrs. Montero. Madilim ang mukha.

IV

T

UMIKHIM si Rex. Nag-angat ng mukha si Mrs. Montero. Seryuso ang mukha. Subalit nanatiling nakatungo si Dan Montero. “G-good morning, Mam, Sir.” Walang umimik sa dalawa. Tahimik na tumayo si Mrs. Montero at tinungo ang mesita sa harap ng kinauupuan ng kanyang asawa. Dinampot ang kopya ng newspaper. Iniabot sa binata. Inabot naman ni Rex ang newspaper. Ngunit hindi nakatingin dito. “Headline tayo.” Hindi ngumingiti si Mrs. Montero. “At gusto kong malaman kung bakit... if that report is true.” Napakunot-noo si Rex nang makita ang headline ng diyaryo. JAPAYUKI CHEATS DEATH, headline ng balita. Karaniwan na itong balita. Sa libu-libong mga entertainer sa Japan ay hindi maiwasang lumala ang pang-aabuso. Ang hindi lang pangkaraniwan ay kung Japayuki ang mambugbog. Ngunit ang abusuhin ang mga Japayuki ay maituring na nga na kabilang pa sa kanilang trabaho. Marami na nga ang nabalitang pinatay sa Japan. At ang isang ito ay masuwerte dahil nakaligtas pa. Ngunit ano nga ba ang nangyari? Binasa ni Rex ang detalye. At nanlaki ang kanyang mga mata sa nabasa. “At kailan pa tayo nagpapadala ng entertainer sa Japan?” galit ang boses ni Mrs. Montero. Matalim ang paningin sa kanyang asawa. “Matagal na ba ang pagpapadala natin ng entertainer sa Japan, Rex?” “Mag-iisang taon pa lang ho, Mam,” mahinang tugon ni Rex. Tinupi ang diyaryo at ipinatong sa mesita. Lumapit sa kanyang mesa at umupo sa gilid nito. “Ang hangarin ng Golden Opportunity Systems ay ang pagtulong sa ating mga kababayan. Hindi ang pagdiin sa kanila sa putikan!” Nagapusnga pa rin si Mrs. Montero. “All the while ang akala ko ay mga domestic helper lang at iba pang workers ang ipinapadala natin sa labas ng bansa.” Tumungo si Rex. Hindi siya makasagot. At naisip niyang hindi kailangang sumagot pa siya. Bilang operations manager trabaho niyang mag-screen at tumanggap ng tao na kinakailangan niya. Gampanan niya ang sakop lamang ng kanyang tungkulin. Kung company policy, bahala na ang board magpasiya. At ang anumang pasiya ay kailangang mapag-usapan muna ng board. Ito ang kanyang sinasandalan. Sinusunod lamang niya ang existing policy ng kompanya mula nang umupo siya sa board. “We are dealing with services,” nakapagsalita din si Dan Montero. Tumayo siya. Ibinulsa ang dalawang kamay at nagpalakad-lakad. “At ang pagpapadala ng mga entertainer ay isa ngayong pinaka-lucrative na pagkakitaan.” “Gaano naman ka-competent yang’ ipinapadala ninyong mga entertainer? At gaano naman ka-legitimate ang mga kompanyang pinapadalhan ninyo sa kanila?” “In this business we are only talking of demand and supply. Whoever demands does not matter. For as long as we can get substantial returns,” si Dan pa rin. “Iyan lang ang pumapasok sa kukute mo!” Pumosnga pa si Mrs. Montero. “At paano na lang ang ating responsibilidad, kagaya niyang nabalita?” Tinunghayan niya ang diyaryo sa mesa ni Rex.

“Wala tayong pananagutan diyan,” pakli ni Dan. “Nabanggit lang ang Golden Opportunity Systems dahil tayo ang agent. At hindi pa tiyak kung sinadyang i-salvage ang babaeng ‘yon. So, wala tayong problema.” Umungol si Mrs. Montero. Dumukot ng sigarilyo sa dalang bag. Nagsindi. Humitit at nagbuga. “Ang gusto ko malinis na negosyo. Na ang pakay ay hindi lamang pera kungdi ang makatulong din sa walang trabaho.” “At ang gusto mo ay tumigil na lang tayo sa pagpapadala ng entertainers na siya ngayong may malaking demand kahit saan mang bansa?” nagtaas ng boses si Dan Montero. “Alam mo kung anong sadya ko sa pagtayo ng negosyong ito!” mas mataas ang boses ng babae. “At hindi ako papayag na mapunta lamang sa wala ang aking pinaghirapan!” “Ano ngayon ang gusto mong mangyari? I-cancel ko ang lahat ng mga transaction?” Medyo kumalma si Dan nang mapansing akmang lalabas si Rex na naaasiwa makinig sa pagtatalo nila. “It’s either you do it or I’ll take over!” Pagkatapos matapunan ng tingin si Dan ay binalingan niya si Rex. “Will you follow me?” Tahimik namang sumunod si Rex nang lumabas si Mrs. Montero. Naiwan si Dan na nagtatagis ang mga ngipin. Pinasunod na lang ni Rex si Mon sa kotse ni Mrs. Montero. Gusto ng babae na sa kotse nito sasakay si Rex para mapag-usapan daw nila ang ilang importanteng bagay tungkol sa plano nitong pagligtas sa imahe ng kompanya. Ito ang madalas na ginagawa ni Mrs. Montero kapag magtalo ng asawa at may gustong i-implementa sa kompanya. Alam na ni Rex kung saan makikipag-usap si Mrs. Montero. May opisina sa tahanan nito. Habang tumatakbo ang kotse ni Mrs. Montero ay hinuhulaan na ni Rex kung ano ang mangyayari sa kanilang pag-uusap. Halos tiyak niyang may mangyayaring reshuffling sa opisyales ng kompanya at hindi niya masiguro kung walang mangyayaring gulo. Sa kanyang panig ay hindi niya ito itinuturing na suliranin. Puwede siyang umalis at maghanap ng sariling mundo... na siyang talaga ang may likha. Bahala na kung ano ang sabihin ni Dan Montero. Inaamin naman niya ang kanyang utang dito. Na sa pakiramdam niya’y nabayaran na niya sa pamamagitan ng pagserbisyo at pagsunod sa mga kagustuhan nito. Tumikhim si Mrs. Montero. Papitlag na napalingon si Rex sa babae. “Y-yes, Mam?” “Parang malalim ang iniisip mo?” Ngumiti si Mrs. Montero. Maaliwalas na ang kanyang mukha. Kumunot ang noo ni Rex. Ngayon lang niya nakitang ganito ang asawa ng kanyang amo. Totoong madalas naman siyang makasama kay Mrs. Montero ngunit kanina lang niya nakitang galit na galit ang babae at ngayon ay parang wala namang nangyari. Bumuntung-hininga si Rex. Nguni hindi sumagot sa tanong ni Mrs. Montero. “Kung iniisip mo ang nangyari kanina sa opisina... forget it.” Binalingan pa ni Mrs. Montero si Rex at tinapiktapik sa tuhod. “Bagama’t hindi ko ‘yon in-expect ay hindi naman nangangahulugang dapat kitang sisihin.” Parang napayapa ang damdamin ni Rex. “Ginagampanan ko lang naman ho ang aking tungkulin.” “I know,” tugon ni Mrs. Montero. “At kagaya ng sinabi ko kanina, kailangan lang mabago ang lahat. We’ll go back to what Golden Opportunity Systems was meant to be. Kung bakit dapat sigurong malaman mo. Okay?” Tumango si Rex.

“Diretso sa bahay,” tukoy ni Mrs. Montero sa kanyang drayber. Sumandal sa sandalan at pumikit. Sumandal din si Rex at pumikit. Iniisip kung ano ang mga dahilan na ibig sabihin sa kanya ni Mrs. Montero. Parang nanibago siya ngayon dito. Ang kaswal na damdamin na pinatutungkol niya noon sa among babae ay pinalitan ng pag-alala. Lalo niyang diniinan ang pagpikit upang mawala ang alalahanin. Ngunit napapitlag si Rex nang tumunog ang kanyang beeper. Halos kasabay ding pumitlag si Mrs. Montero. Nilingon nito ang binata. Hindi inaalis ang paningin sa kamay ng binatang ngayon ay dumudukot ng beeper sa kanyang baywang. “Sino?” Tiningnan ni Rex ang mensahe. Mula kay Dan Montero. Napakunot ang kanyang noo sa nabasa. “Sino at ano raw?” Kumunot din ang noo ni Mrs. Montero nang makitang nangunot ang noo ni Rex. “S-si M-Mo...” muntik nang mabanggit ni Rex ang pangalan ng kanyang drayber upang maitanggi ang nagpadala ng mensahe ngunit naalala niyang pinapasunod pala nila si Mon. Kaya malalaman ni Mrs. Montero na nagsisinungaling lang siya. Hindi na siya nakaiwas. “E, si S-sir Montero.” Umigting ang mukha ni Mrs. Montero. Nakita ni Rex na nag-igtingan ang mga ugat sa leeg nito. Galit.

V

K

UNG ilang minutong hindi nakaimik si Mrs. Montero nang malamang tumawag si Dan kay Rex. Hanggang nakarating sila sa kanilang bahay sa Corinthian Gardens ay hindi nabawasan ang kunot ng kanyang noo. Paghinto ng kotse sa carport ay agad siyang bumaba. Walang imik ding bumaba si Rex. Dumireso sa loob si Mrs. Montero. Sumunod din si Rex. Parang atubili si Rex dahil nakita niyang hindi maganda ang timpla ng kanyang among babae subali’t napilitan siya. Mas nag-aalala siya dito kaysa kay Dan Montero. May paggalang siya dito dahil alam niyang katulad niya, ayaw din ng babae sa flesh trade na siya ngayong pinagkakaabalahan ni Dan Montero. Tinibayan ni Rex ang loob. Bahala na, bulong niya sa sarili. “Feel at home,” sabi ni Mrs. Montero kay Rex nang nasa sala na sila. Tumuloy sa bar at kumuha ng paboritong whisky. Kumuha din siya ng dalawang kopa. Nagsalin. Umupo si Rex sa sopa. Bagamat sanay na siya sa bahay ng amo ngunit parang sinisigaan siya. Hindi dahil sa init kungdi nanibago siya. Nanibago dahil sa nakitang galit ni Mrs. Montero. At nagbawas ito ng kanyang gilas. “What’s eating?” Nakangiti si Mrs. Montero nang magbalik sa sala. Umupo ito paharap kay Rex matapos maipatong sa mesita ang dalang dalawang kopa na may lamang whisky. “Here, makatanggal ito ng iyong tensiyon.” “Thanks,” parang wala sa loob ang pagsambit ni Rex. Kinuha ang isang kopa at sumimsim. Wala siyang naramdamang pait. Ngunit ang dalang init ay agad nanigid sa kanyang kalamnan. At nakaramdam siya ng konting lakas. Bahagyang gumaan ang kanyang pakiramdam. “Suwabe.” “Tell me, Rex,” malambot na ngayon ang boses ni Mrs. Montero. “Nasa kay Dan ang iyong loyalty, di ba?” Hindi natuloy ang ikalawang simsim ni Rex ng alak. Bahagya siyang tumungo. Hindi niya matingnan ng tuwid si Mrs. Montero. Malalaman ng amo ang kanyang saloobin kung titingin siya dito. “Kahit hindi mo sagutin ay alam ko rin,” patuloy ni Mrs. Montero. Sumimsim ito sa kopa. “Ang nais ko lang malaman ay kung kusang loob ang pagsunod mo sa ‘yong katungkulan. I mean sa mga gustong ipagawa ni Dan.” Hindi umimik si Rex. Hindi man niya inangat ang kanyang mukha bahagya naman siyang umiling. “Good!” sumaya ang tinig ni Mrs. Montero. “Iyan talaga ang inaasahan ko. Like me, mayroon kang dapat ituwid sa ‘yong buhay, di ba?’ Tumango si Rex. Pag-amin ito sa sinabi ni Mrs. Montero. Hindi nga lang niya masambit dahil parang sumikip ang kanyang dibdib. Ipinaalaala sa kanya ang magulo at mahabang daan tungo sa katuparan ng kanyang pangarap. “Well, you can now draw the line between your responsibility towards Golden Opportunity Systems and that of Mr. Montero.” Biglang napaangat ang ulo ni Rex. “What do you mean, Mam?” “Vice president ka aside from being the operations manager, di ba?”

Tumango si Rex. “Vice president for...?” “Operations, Mam.” “That’s it. Wala tayong problema. Ang gagawin mo lang ay ang pag-resteer towards the right direction. You can do it, I know. ‘Yan ang iyong responsibility. At tungkol sa mga appllicants, see to it na qualified sila para walang mabiktima ng abuses.” Napakunot ang noo ni Rex. Tama si Mrs. Montero. Pero paano na ang mga gusto ni Dan Montero? “Kung tungkol kay Sir mo, huwag kang mag-alala. Any decision he makes na contrary sa company policy dapat mo i-refer sa akin.” Shoot! Parang hihiyaw si Rex. Muling inangat ang kamay na may hawak na kopa at dinala ito sa kanyang mga bibig. Kumislap ang mga matang ipinukol kay Mrs. Montero. ALAS dos ng hapon ay parang hindi mapakali si Dan sa kanyang suite sa Robinson’s Tower. Doon siya nagpalipas ng oras matapos silang magtalo ng asawa. Madalas ang lagok niya ng Jhonnie Walker na kanina lang binuksan. Tiningnan ang kanyang relo. Three minutes after two na. Wala pa ang hinihintay niya. Muling nagsalin si Dan. Straight na. Hindi na nga on the rocks dahil napagod sa kababalik sa ref upang kumuha ng yelo. Muling nagsalin at lumagok. Pinagmasdan ang relo. Thirty minutes na ang nakalipas. Nilingon niya ang pintuan. Wala pang nagbubukas. Nabagot. Ibinato ang kopa sa pintuang salamin. Lumikha ito ng tunog pagbagsak sa glass door. Sinundan ito ng kalansing pagbagsak ng basag na kopa sa sahig. Halos kasunod nito’y nakita ni Dan ang guwardiyang nagkumahog lumapit sa pintuan. Agad namang bumukas ang glass door pagtuntong ng guwardiya sa approach na siyang automatic switch. “Something wrong, Sir?” Nasa mukha ng guwardiya ang pagtataka. Iginala ang tingin sa loob. Ngunit nang makitang nakatiimbagang ang namumulang si Dan Montero ay nagbawi ng tingin. Nakita nito ang basag na kopa sa sahig. Nakahinga ito ng maluwag. Walang imik na tumalikod ang guwardiya. Ngunit pinipigil ang sarili na mapakamot man lang sa batok sa pag-alalang masamain ito ng pinakamaimpluwensiyang tenant ng Robinson’s Tower. Parang nanumbalik din ang tamang kaisipan ni Dan Montero nang makatalikod na ang guwardiya. Nakaramdam siya ng hiya. Masama para sa katulad niya na nasa mataas na estado ng sosyedad ang mahuling nagwawala pag nakainom. Kinuha ni Dan Montero ang kanyang cellular phone sa ibabaw ng mesita. Nagmamadaling nag-dial. “I sent you a message,” mariing sabi ni Dan Montero nang marinig ang tinig sa kabilang linya. “I-I am sorry, Sir,” mapakumbaba ang tinig ni Rex na narinig ni Dan Montero. “Ngunit hindi ho ako makakapunta diyan. Mrs. Montero will be calling any moment from now. Besides may naka-schedule ho’ng interview.” “Cancel the interview!” pasigaw na buwelta ni Dan. “How about the call of Mrs. Montero? She’ll be calling.” Hindi nakaimik si Dan Montero. Dumalas ang paghinga. Pilit tinitimpi ang galit. Galit na unti-unting pinahupa ng pangamba kay Mrs. Montero. At unti-unti niyang ibinalik ang cellular phone sa mesita. Pabagsak na umupo sa kalapit na sopa. Sumandal na patingala. Iniunat ang dalawang paa. At hinayaang pawiin ng tuloy-tuloy na agos ng dugo sa mga ugat ang umaalimpuyong galit sa dibdib. Napangiti si Rex nang mawala sa linya ang boses ni Dan Montero. Inilapag niya ang telepono. Sumandal din siya sa kanyang swivel chair at pinagpatong ang mga binti.

Inunan pa niya ang dalawang palad na isinandal sa headrest ng kanyang swivel chair. Ngayon lang gumaan ang kanyang pakiramdam. Ngayon lang niya nadiskubre kung paano tanggihan ang utos ng kanyang boss. Si Mrs. Jane Montero lang pala ang mabisang pananggalang. At napagpasyahan niya, ito ang palagi niyang gagamitin upang madaling makatakas sa impiyernong ayaw niyang lunuyan. Nakangiti pa si Rex nang tumunog ang intercom. Boses ni Zeny ang kanyang narinig. Tinatanong siya kung ready na siyang mag-interview sa pinakaunang aplikante sa hapong iyon. “Let her in,” sagot niyang inayos ang pag-upo. Inayos din niya ang kanyang kurbata. Kailangan ito para maging maganda ang kanyang kundisyon. Alam niyang ang aplikante o interviewee ay katulad din ng interviewer. Nagpapataasan ng aura, para walang ma-kontrapelo. Kunsabagay, naisip ni Rex na sa tagal na niya sa tungkulin bilang operations manager, alam na niya kung paano dalhin ang interview na hindi ma-overpower ng kausap. At alam din niya na ang iniinterbyu ang madalas matameme. That’s part of job hunting, alam niya. Pero pumapasok pa rin sa kanyang isipan ang opposite, na miminsan lang naman nangyayari. Ito ay dahil sa special impression na magawa ng isang tao. At mapanganib din ito. Bumukas ang pintuan. Kaswal ang kilos na pumasok ang aplikante matapos bahagyang makayuko bilang pamimitagan. Nang makalapit na sa mesa ni Rex saka naggood afternoon. Taliwas sa inaasahan ni Rex, parang tumigil ang kanyang paghinga. May naramdaman pa siyang konting panginginig ng tuhod. Bigla itong dumaloy sa kanyang dibdib. Hindi maitatwa ni Rex. Na-impress siya ng kaharap. At hindi lang basta na-impress. Lubha siyang na-attract sa payak ngunit nakabibighaning ganda ng aplikante.

VI

N

AKANGITI ang babae na nakatingin kay Rex. Hindi naman napakatamis na ngiti na maaaring makabihag ng isang lalaki ngunit ang ngiti ay nagpapakita ng tiwala sa sarili. At dito lalong hindi nakaimik si Rex. Sandaling tumayo ang babae sa harapan ng mesa ni Rex. Mayamaya ang mukhang ngumiti ng may tiwala ay pinalitan ng pagtataka. Bahagyang bumuka ang mga bibig ngunit wala namang nabigkas na isang kataga. Dito at parang nahimasmasan si Rex. Awtomatikong ngumiti. Pormal ang pagngiti at sinikap mapanatili ang authority sa kanyang kilos. “Please...” nasabi ni Rex na binawi ang paningin at inilipat sa application form sa ibabaw ng kanyang mesa. Itinuro ang upuan sa harap ng kanyang mesa. Agad namang umupo ang babae matapos makapagpasalamat. “You’re nineteen,” sabi ni Rex habang tinitingnan ang application form ng babae. “Fresh graduate sa Mass Communication.” Tinapunan niya ng tingin ang babae. Pormal ang babae. Hindi nakangiti ngunit mapansing nakahanda sa anumang itanong dito. “Matataas ang iyong grades,” dugtong ni Rex habang tinitingnan ang records ng aplikante. “Brain and...” Matamang tiningnan ni Rex ang babae. Sa mukha, sa dibdib. Na nang mapansin ng babae ay bahagyang tumuwid para lalong umumbok ang dibdib. Seductive pose, anila. Sa ikinilos ng babae ay parang napahiya si Rex. Agad na binawi ang paningin. Umiling-iling. “It’s surprising why a beauty and brain like you would like to be a domestic helper.” “I want a job... a good-paying job,” walang gatol na sagot ng babae. “At sa katulad kong kaga-graduate lang, walang katiyakan na makapagtrabaho ako na ang kita ay kasinlaki ng sinasahod ng isang domestic helper sa abroad... kung nandirito lang ako magtrabaho agad.” Napatango si Rex. “Besides, gusto kong makaipon kaagad... para me magamit akong pondo in case gusto kong gamitin ang aking tinapos... maybe as newswriter/reporter kahit sa tabloid lang dito.” Napailing si Rex. Nanghihinayang siya sa kakayahan nitong aplikanteng sa pakiramdam niya ay malaki ang tsansang magtagumpay kung mabigyan lamang ng break. “Desperada ka na, ha,” nakangiting dugtong ni Rex. “Necessity dictates.” Ngumiti din ang babae. Kung gaano kadali natapos ang interview ganun din kadaling gumaan ang loob ni Rex sa aplikante. Nangako pa siya sa sarili na tulungan ang babae. Parang hindi niya mapayagang ma-disappoint ang babae at maligaw sa ibang mga kamay. SOBRANG disappointed si Dan Montero dahil sa unang pagkakataon naiwasan ni Rex Sevilla ang tungkulin nito sa kanya. Kaya upang mabawasan ang kanyang galit naisipan niyang magliwaliw kinagabihan. Sa Shangrila Plaza siya napadpad. Pumili siya ng isang bago at magandang bar and restaurant.

Ngayon lang nakapasok si Dan Montero sa nabanggit na bar and restaurant pero marami na ang mga tauhang nakakilala sa kanya. Sa kagaya niyang mataas ang katayuan sa sosyedad hindi nakapagtatakang makilala siya. At alam niya ito. Ngunit wala siyang planong makihalubilo ngayong gabi. Nais niyang magsolo. Kaya pumili siya ng isang di-mataong lugar at dito naupo. Malayo nga sa pinaka-stage ng bar ngunit malinaw pa ang music na umaabot sa kanyang kinaroroonan. Umorder siya ng paborito niyang inumin. Pagdating ng kanyang order ay agad na sumimsim. Pakonti lang ang kanyang simsim habang ang paningin ay nakatuon sa dance floor. Revival ang music. Nanunuot sa kanyang kalamnan. Makakatanggal ng pagod. Nakakagpalakas. Ang lakas ay bumura sa mga alalahanin ni Rex. Hinigpitan niya ang pagpisil sa kamay ng kasayaw. Matamis na ngiti ang iginanti nito sa kanya. “Ang akala ko’y hindi mo pagbibigyan ang paanyaya ko.” “There’s no reason why, hindi ba?” matamis din ang boses na pinarinig kay Rex. “You’re so sweet, Miss Cathy Imperial,” nabigkas ni Rex. Ngunit bigla siyang natigilan. May naalaala. “Anything?” Parang nagtaka si Cathy. “Imperial... Parang pamilyar ang apelyido mo sa akin. Ngayon lang sumagi sa isip ko ito.” “You remembered Aida, di ba?” “Yes... Aida Imperial.” Napatawa si Rex. “How did you know?” “Pinsang-buo ko siya.” “My God!” Parang nanlamig ang pakiramdam ni Rex. Nakaramdam siya ng hiya dahil sa nangyaring muntikang pagkapahamak ni Aida sa kamay ni Dan Montero. “Aano ang sinabi niya?” “Everything.” Hindi nagbago ang ngiti ni Cathy. “At ang pagligtas mo sa kanya.” “Pati ang one hundred thousand?” May ngiti na sa mga bibig ni Rex. “Yes!” Tumawa pa si Cathy. Nilalagok na ni Dan Montero ang huling shot ng kanyang inorder nang may umupo sa katabing mesa. Parang umigting ang kanyang pakiramdam nang makilalang si Rex pala at may kasamang babae. Parang gusto niya itong sigawan dahil binalewala ng binata ang kanyang mensahe. Ngunit nagpigil siya. Hinayaan na lamang niya ang dalawa. Ayaw niyang makinig sa usapan ng dalawa pero hindi naman niya maiwasan dahil napakalapit ng kanyang mesa sa mesa ng dalawa. Napailing na lamang si Dan Montero. Kahit empleyado lang niya si Rex pero iginagalang din naman niya ang karapatan nitolalo na’t may kasama ito ngayong babae. “Na-guilty ako sa nangyari kay Aida, you know,” narinig niyang sabi ni Rex sa kaharap habang nilalaru-laro ng kamay ang hawak na kopa. Tawa lang ang idinugtong ni Cathy. “Pero na-surprise ako na nag-apply ka pa sa amin despite what could have happened to her.” “Praktikal lang ako, Sir.” Ngumiti ng matamis si Cathy. Pinagpalit niya ang pagkakadekuwatro ng kanyang mga paa. Lalong lumabas ang kanyang mga hita sa suot na deep-slitted Chinese skirt. Lalong pumuti ang kanyang mga hita sa malamlam na liwanag ng club. Ang pumuti ay parang kumislap sa paningin ni Dan Montero. Parang may magneto ang pumuti na napako dito ang kanyang paningin. Nanuyo ang kanyang lalamunan. Dumalas ang kanyang paglunok. “Kung ako sa kanya ay hindi ko palilipasin ‘yong sinabi niyang offer ng isang DOM.” Humagikhik si Cathy. Napaka-flirty na hagikhik. Kumunot ang noo ni Rex. Parang nainitan siya sa sinabi ni Cathy. “I don’t like that idea.”

“Sa nasabi ko na... praktikal lang ako. At alam kong gamitin ang aking utak.” Napailing si Rex. Nakaramdam ng panghihinayang na ang kaharap na kagandahan ay pagtamasaan lamang ng kung sinong makapagbigay dito ng yaman. Lumakas ang tibok ng dibdib ni Rex. Nagkalabugan. Nag-init. Humiyaw ang selos. Iba naman ang hinihiyaw ng damdamin ni Dan Montero habang hindi inaalis ang paningin sa kaanyuan ni Cathy Imperial. Nag-iinit na nag-iinit ang kanyang damdamin. Pakiramdam niya ang lamig ng centralized airconditioning system ay lalong nagpainit sa kanya. At hindi na siya nakapagpigil. Walang imik na tumayo. Tinungo ang di-kalayuan kung saan hindi siya maririnig ng dalawa. Dinukot ni Dan Montero ang kanyang cellphone sa bulsa ng kanyang amerikana. Nag-dial. Nang marinig na nag-ring at may sumagot sa kabilang dulo ng linya ay mabilis na sinabi ang pakay. Pagkatapos ini-off ang cellular phone. Ibinalik sa bulsa ng kanyang amerikana at bumalik din sa kanyang mesa, maingat pa rin. Upang hindi mapansin nina Rex at Cathy. Hindi pa nag-iinit ang upuan nang makaupo si Dan Montero nang makita niyang yumuko si Rex. Napangiti si Dan Montero. Wala man siyang narinig ngunit natiyak niyang tumunog ang beeper ng binata. Tama ang hula ni Dan Montero. Tinitingnan na ni Rex ang kanyang beeper. Nagsindi pa siya ng lighter para malinawan ang mensahe sa kanyang beeper. At nakita ni Dan Montero na kumunot ang noo ni Rex. Nakakunot din ang noo ng kasamang babae. Ngunit matamis ang ngiti ni Dan Montero. “S-sir!” Labis ang pagkagulat ni Rex pagbaling niya.

VII

NAPANGITI na lamang si Dan Montero sa nakitang pagkagulat ni Rex. “K-kanina ka pa ho ba?” hindi maitago ang pagkapahiya sa boses ng binata. Tumayo siya. Binalingan si Cathy na ngayon ay nakatingin kay Dan Montero. Nangangaliskis ang paningin dahil sa nakitang pustora ng tinutukoy ng kasama. “In fact nandito na ako nang magbalik kayo dito sa inyong mesa.” Napakamot na lamang si Rex sa kanyang ulo. “W-well... j-join us...” Ito namang talaga ang hinihintay ni Dan Montero. Agad na dinampot ang kanyang kopa at lumapit sa dalawa. Humila ng bakanteng silya. Umupo matapos ang bahagyang pagyukod kay Cathy Imperial. “Thank you.” Tila hindi malaman ni Rex kung ano ang gagawin. Nagsasalitan ang pagkapahiya at inis na kanyang nararamdaman. Pagkapahiya dahil binigo niya ang mensahe ni Dan Montero nang araw na iyon sa dahilang may mahalaga siyang gagawin. At inis dahil dumating at nagkita sila sa sandaling nais niyang magkasarilinan ni Cathy. At isa pang dahilan- hindi niya gustong makita ni Dan Montero ang kagaya ni Cathy. Ilang sandaling walang nakaimik sa tatlo. Mayamaya’y tumikhim si Dan Montero na parang nakaramdam ng pagkaasiwa kahit parang ayaw ihiwalay ang mga mata sa babae. “Oh, I’m sorry,” nasambit ni Rex na parang nahimasmasan. “Mister Montero... si Cathy... Miss Imperial... si Mister Montero. Dan Montero ang aking boss.” Mabilis din ang reaksyon ni Cathy. Nakita ni Rex na kumislap ang mga mata ng dalaga. Ang mahigpit na pakipagkamay ni Dan Montero ay ginantihan nito ng mahigpit at matagal na pakipagkamay. Dinagdagan pa ito ng pamumungay ng mga mata. Parang iniengganyo talaga ang matanda. Para namang sasabog si Rex. Puno naman ng tagumpay ang ngiti ni Dan Montero. Takang-taka si Mon nang pagdating ni Rex ay ginising pa siya nito. Sa tagal ng panunungkulan niya sa kaibigan ngayon lang nangyari na ginising pa siya nito pagdating mula sa pakikipag-date. “Inom tayo, Mon.” Seryuso si Rex. Lalong nagtaka si Mon. Minasdan niya ang kanyang relo. Alas diyes pa lang ng gabi. Nakainom nga si Rex ngunit nakita ni Mon na hindi pa ito lasing. Parang galit ang hitsura ng kaibigan. “K-kumusta ang date mo?” “Kaya nga iinom tayo, e.” Pabagsak na umupo si Rex sa sopa. Ibinagsak pa ang kamay sa arm rest ng upuan. “Kunin mo ang lahat ng beer sa ref.” Nagtaka man walang imik na tumalima si Mon. Ayaw niyang mag-usisa sa kaibigan. Baka lalo itong magalit kung talagang mayroong kinagagalitan. Labindalawang boteng beer ang dala ni Mon pagbalik niya sa sala. May dala din siyang dalawang malalaking baso at ice na nakalagay sa ice bucket. Hindi na hinintay pa ni Rex na salinan siya ni Mon. Siya na ang nagsalin ng serbesa sa kanyang baso. Nilagyan ng ice. At hindi na hinintay na madagdagan ang lamig ng serbesa at sumimsim. Sunod-sunod. Hanggang yelo na lamang ang natira sa baso. “R-Rex?” Mapait ang ngiti ni Rex. “Don’t worry, Mon. Okay ako.”

“Pakiramdam ko’y hindi ka okay,” ganti ni Mon na nagsalin din sa kanyang baso. “Nagtataka lang ako dahil ngayon ka lang nagkagayon.” “Ano’ng ngayon lang nagkagayon?” Tumawa si Rex. Ngunit agad nagseryuso. “Naitanong mo ang date ko, di ba?” Tumango si Mon habang nasa bibig pa ang baso ng iniinom niyang serbesa. Inangat ni Rex ang dalawang paa. Magkapatong na inilapag sa ibabaw ng mesita. Nagkibit-balikat. “Maayos na sana.” “Sana?” Kumunot ang noo ni Mon. “Kung hindi dumating ang dirty old man!” Tumango-tango si Mon. “Hindi mo naiwasang ipakilala?” “Magagawa ko ba?” Bumuntong-hininga si Mon. “Wala ka ngang’ magawa. Anyway, wala namang problema. Hindi mo naman sagutin ‘yong Cathy na ‘yon.” Gusto ko siya! parang gustong isigaw ni Rex. Parang gusto na niyang aminin kay Mon na natusok na ng pana ni Kupido ang kanyang puso. At ang pana ay nagkabit ng kanyang puso sa puso ni Cathy. “Tutal marami namang ibang babae d’yan,” dugtong pa ni Mon. Nanlaki ang butas ng ilong ni Rex. Hindi niya nagustuhan ang narinig kay Mon. Pinukol niya ng padaplis na tingin ang kaibigan. Nakita niyang parang naumid ito dahil napawi ang ngiti sa mga bibig. “I’m sorry...” “Okay lang.” Pinilit mangiti ni Rex. “O, tagay mo. Tutal nabulahaw na kita, ubusin natin ang lahat na ‘to.” Ipiningki pa ang kanyang baso sa baso ni Mon. Sabay silang nagpataob ng kanilang mga baso. Sabay din silang nakaubos. Sabay na tumawa. ALAS tres na ng madaling-araw nang umuwi si Dan Montero. Pasipul-sipol pa siya habang pumapanhik sa ikalawang palapag ng kanilang bahay. Ngunit natigilan siya, may narinig. “What a wonderful evening!” si Jane Montero. Nasa tono ang pang-iinsulto. “Jane?” kunwari nagulat si Dan Montero. Pilit sinahugan ng hinanakit ang kanyang tinig. “Sa tower ako galing. And I downed a couple of shots with associates.” Hindi na siya tumuloy paakyat. Bumaba siya at lumapit sa asawa na nasa library sa gilid ng hagdan. “Wow, wow, wow!” Tumayo si Jane Montero. Ibinagsak ang binabasang mga papeles. “Kawawa naman ang mister ko. Napagod sa trabaho,” hindi nawala ang pangiinsulto sa tono nito. “What do you mean?” Nagpakita na ng pagkaasar si Dan Montero. “Huwag mo na akong bentahan niyang alibi mo!” tumaas ang boses ni Jane. “For your information tumawag kanina ang Hapon. Hinanap ka. I called you in your suite. You know what that damn phone told me? Huttt... huttt. Damn you, Dan!” Buking! Hindi na nakaimik si Dan Montero. Naunawaan niya kung ano ang ibig sabihin ng asawa. Basta gumigimik siya naka-hang ang kanyang telepono. Busy tone ang narinig ni Jane. Busy dahil abala siya sa pambobola kay Cathy Imperial. “What did he say?” Pinilit palambutin ni Dan ang kanyang tinig. “What about?” “About the sweet Filipnas you are to ship to them, you idiot impressario!” Nagsalubong ang mga kilay ni Jane Montero. “Don’t you call me that!” sigaw ni Dan Montero. Mula nang magkapangasawahan sila ay ngayon lang niya narinig na minura siya ni Jane. Idiot. Hah! Parang gusto niyang sampalin ang babae. Ngunit nakapagtimpi pa siya. Muling pinalambot ang damdamin. Ginawang mapayapa ang pakikipag-usap. “A-ano’ng sinabi mo sa kanya?”

“Filipinas are no longer sweet!” “What?” Nanginig ang kalamnan ni Dan Montero sa labis na galit. Milyong piso ang mawawala sa kanilang transaksyon. “Alam mo ba kung ano’ng ginawa mo?” “I let go of your millions! At ito ang tandaan mo, Dan Montero. Hindi ako nagbibiro sa sinabi ko sa iyo. At ito’y hindi na pananakot. By tomorrow I’ll be taking over!” Parang sinabuyan ng malamig na tubig si Dan Montero. Parang bigla siyang inantok. Nanghihina ang mga tuhod na pumanhik. At nang makarating sa kanilang kuwarto sa itaas ay ni hindi na hinubad ang kanyang polo shirt at nahiga. Ang kanyang amerikana na lang ang hinubad na initsa rin lang sa corner table. Pinilit niyang ipikit ang mga mata upang makalimutan ang sinabi ng asawa. Ngunit lalo pa nga’ng lumakas ito sa kanyang pandinig. Nagmulat siya. Hindi lang pala pakiramdam niya ang kanyang narinig. “Tandaan mo ang sinabi ko!” Sumunod pala si Jane Montero. Nakahinga ng malalim si Dan Montero. Ito ang finale, bulong niya sa sarili. Ngunit hindi siya basta-basta na lang magpatalo. Lalaki siya at maliban dito mayroon siyang dapat ipaghiganti. At nararapat lamang na iganti ang nagawa sa kanya noon ng asawa. KINAUMAGAHAN naliliyo pa si Rex nang pumasok sa kanyang opisina. Naalaala pa niya ang pangyayari sa Shangrila. Pinipilit niyang iwaksi sa isipan ang maaaring nangyari sa pagitan nina Dan at Cathy. Kung may nangyari nga, malamang masuwag na niya ang kanyang amo. Tensed na tensed ang mga empleyada pagpasok ni Rex. Hindi pa siya nakapagtanong sumenyas na si Zeny. Itinuturo ang opisina ng presidente. Napa-tsk-tsk si Rex. Tensed si Zeny ngunit may itinatagong pilyang ngiti.

VIII

PABULONG na nagtanong si Rex. Pabulong din ang sagot ni Zeny. “Si Mrs. Montero.” Napangiti si Rex. Mabuti, naisip ng binata. Malaya na siya sa mga transaksyon ni Dan Montero. Ngunit sandaling napawi ang kanyang ngiti. Naalaala si Cathy Imperial. May pangako siya sa dalaga na bibigyan ito ng ibang trabaho, in the meantime, para lamang makaiwas sa prostitution. Ngunit paano kung may usapan na ito at si Dan Montero? Lalong nangunot ang noo ni Rex. Iiling-iling na pumasok si Rex sa kanyang kuwarto. Pagkatapos saglit na nag-isip. Mayamaya ay diniinan ang intercom. Pinapapasok si Zeny. “Kung tatawag o magre-report si Miss Imperial patuluyin mo siya sa akin,” bilin niya kay Zeny nang makapasok na ito. “Gusto kong i-brief pa siya.” Tumango lang si Zeny. At matapos matiyak na wala ng ibang iutos ang boss ay agad ring lumabas. Naiwan si Rex na malalim ang inisiip. Iniisip niya kung ano ang nararapat gawin. Ibig niyang ma-counter kung anuman ang pinaplano ni Dan Montero kay Cathy. Gagawin niya ang lahat upang magtagumpay siya. Kahit pa na sa pakiramdam niya ay parang gusto din ni Cathy ang anumang plano dito ni Dan Montero. Nasabi ito ng dalaga doon sa klab. Na praktikal ito. Ibig sabihin kahit dirty old man si Dan Montero kung makapagbigay lamang ng materyal na pangangailangan, payag ang dalaga. Napatiim-bagang si Rex Sevilla. Hindi pa nag-iinit ang upuan ni Rex nang tumunog ang kanyang direct line. Parang may kung anong kumalabit sa kanyang damdamin. Pili lamang ang mga taong nakakaalam ng kanyang direct line. Una si Mrs. Montero. Sumunod si Dan Montero. At ang mga taong involved sa sensitibong operasyon ng Golden Opportunity Systems. Dinampot ni Rex ang telepono. Wala pa siyang nasambit nang marinig ang tinig ni Dan Montero. Nanibago si Rex sa tono ng pananalita ng kanyang amo. Parang walang buhay. “S-sir?” “Sayang, Rex,” nasa tinig ni Dan Montero ang pananamlay na ipinagtaka ni Rex. “Milyon ang kikitain natin sa transaksyong ‘yon.” “Ang alin hong transaksyon, Sir?” usisa ng binata. ‘“Yong sa mga entertainers,” narinig ni Rex na sinundan ito ng pagtagis ng mga ngipin. “Ikinansela ni Mrs. Montero.” Good! parang gustong isigaw ni Rex. At least mabawasan ang kanyang problema. Mabawasan ang mga babaing posibleng maging laruan ng mga manyakis sa abroad. At kabilang sa makaiwas ay si Cathy Imperial. Ngunit ang tuwang naramdaman ni Rex ay hindi niya ipinaramdam sa kausap. “I’m sorry to hear that, Sir.” Buntunghininga ang idinugtong ni Dan Montero. “Sayang ang millions. Pero ang mahalaga na maaaring mawala sa akin ay ang trust ng aking mga partners.”

Partners in crime, gustong idugtong ni Rex. Mapapangiti siya kung tutuusin. Ngunit iginagalang pa rin niya ang taong nagbigay sa kanya ng magandang buhay. Kahit paimbabaw lang pero dapat niyang bigyan ng konsuwelo si Dan Montero. “A-ano ho ang plano mo ngayon, Sir?” “Let’s save the situation. Let’s do something about it,” mariin ang tinig ni Dan Montero kahit parang ibinulong lang ito. Let’s... ibig sabihin damay pa ako, naisip ni Rex. Putsa, ngayon pang nakapagpasya na siyang umiwas sa mga aktibidades ni Dan Montero. Walang naidugtong si Rex. Hinintay niyang magpatuloy sa pagsalita si Dan Montero. “I’m putting up another company. And you will manage it.” “Sir?” Gulat na gulat si Rex Sevilla. Talagang itinutulak siya ni Dan Montero sa pagiging makasalanan. “We can start now and be much bigger. Marami na tayong connection.” “E, Sir... ang ibig ko hong sabihin...” “Rex Sevilla,” tumaas ang boses ni Dan Montero. “Huwag mong sabihing tinatanggihan mo ako.” “Hindi naman ho sa gayon, Sir. Pero kailangan ho sigurong maayos ko muna ito sa Golden Opportunity...” “Lukoluko! Wala namang problema d’yan, a.” Malaking problema, parang gustong sabihin ni Rex. Ganunpaman hindi na siya sumagot. “Gusto kong maayos agad ang papers of incorporation sa lalong madaling panahon.” “T-titingnan ko ho, Sir,” mahinang tugon ni Rex. Dahan-dahang ibinaba ang telepono kahit hindi pa tapos magsalita si Dan Montero sa kabilang linya. Pinanlamigan si Rex. Parang ngayon lang siya nakadama ng lamig ng aircon. Nakaragdag ito sa nararamdamang pagkaliyo dahil sa nainom niya kagabi. Parang nalito ang kanyang diwa. Nagulumihanan. Hindi niya malaman kung ano ang gagawin. Blangko ang kanyang isipan. Kung ilang sandaling nanatili sa gayong kalagayan si Rex. Napaangat lamang ang kanyang mukha nang muling tumunog ang telepono. Muling bumilis ang ikot ng kanyang diwa. “Mr. Rex Sevilla?” napakalambing ang boses na narinig ni Rex nang sagutin ang telepono. Lambing na pamilyar na pamilyar sa kanya. “Cathy?” Parang gustong lumundag ang puso ni Rex. “How did you know my number? I... I mean...” Tumawa muna si Cathy. “Paano ko nalaman sa akala mo?” Lalong lumakas ang tawa ni Cathy. Parang nanunukso. Saglit na nag-isip si Rex. Mayamaya’y tumawa. Parang napahiya sa sarili. Naalaalang kagabi pala ay nasabi niya ang numero ng kanyang direct line. Ganun na pala kahalaga sa kanya si Cathy na ang numero ng kanyang direct line ay ipaalam pa sa dalaga? Napailing siya. Ngunit wala na siyang magawa. “Pahiya ako, ‘no?” biro niya. “Anyway, talagang kanina pa kita hinihintay. Actually, hindi sa telepono kundi inaasahan kong darating ka dito. Nangako akong tulungan ka, di ba?” “Merong mas magandang pangako para sa akin,” ang tamis ng tinig ni Cathy. Nakakakiliti. Parang nanunukso. Si Dan Montero ang agad pumasok isipan ni Rex. Si Dan Montero lamang ang mahilig magpain ng malalaking pangako sa isang ibig nitong bingwitin. Nag-init ang kalamnan ni Rex. Matagal siyang hindi nakaimik. Pinagpawisan siya kahit malamig sa kanyang silid. “R-Rex... Sir?”

“Oh, yes...,” pinilit ni Rex na pasayahin ang kanyang boses. “Kung mas maganda ang pangako para sa iyo... then, ano pa ang maalagad ko?” “Malaki ang maitulong mo sa akin,” may halo pa ring tawa ang boses ni Cathy. “Pakiramdam ko parang hindi mo na kailangan ang tulong.” Nagpilit ring tumawa si Rex. “Sa tono ng pananalita mo ay wala ka ng problema, a.” “Well...sa problema natural lang na magkaproblema ang isang tao, di ba? Abnormal ang walang problema, e. At hindi ko gustong matawag na abno, ‘no?” Humalakhak si Cathy. Ako ang abnormal, gustong isagot ni Rex. Abnormal siya dahil mula nang makita niya ang dalaga ay parang naging abnormal na ang kanyang gawi at takbo ng kanyang buhay. “Ang abno kahit gaano kaganda... abno pa rin. Ibig sabihin hindi maitatago ng ganda ang pagkaabnormal ng isang tawo.” Sumeryuso si Rex. “Pero ikaw... ang ano mang abnormality sa ‘yong pagkatao ay maitatago ng ganda mo.” “Uy...” Kinilig si Cathy. “In fact, tinamaan mo nga ako,” tunog-biro ang pagsambit ni Rex. Iniiwasang malaman ang totoong nararamdaman. Parang gusto pang dugtungan ito na nagseselos siya. “No wonder na tinamaan din siya sa akin,” sinundan ito ng hagikhik. “Si Mister Montero?” Ibig makatiyak ni Rex. “Talaga nga palang totoo ang sinabi ni Aida.” “At ano’ng sinabi mo sa kanya?” Kumakabog ang dibdib ni Rex. “Nag-commit ka?” “Oo... hindi.” “What?” “Gusto kong matiyak ang aking hakbang.” Seryuso na si Cathy. “Kaya kailangang makausap kita.” Hindi maunawaan ni Rex kung ano ang daramdamin. “About him,” dugtong ni Cathy. “Tonight.” Pakiramdam ni Rex ay aagos ang kanyang luha.

IX

L

UMALIM ang pag-iisip ni Rex matapos mailapag ang telepono. Hindi siya nakatanggi nang hingin ni Cathy na magkita sila kinagabihan. Maaari ba niyang tanggihan ang babaing kumikiliti sa kanyang isipan sa halos lahat ng sandali? Humugot ng maraming hangin si Rex. Bagaman hindi niya natanggihan si Cathy ngunit nag-aatubili siya kung ano ang gagawin. Kung sino ang unang bigyan ng pansin. Nakapangako siya kay Dan Montero na makipagkita sa suite nito sa Robinson’s Tower ngayong gabi. Pag-uusapan raw nila ang ilang detalye sa pinaplano nitong kompanya. Papano na ito ngayon? Ipinilig-pilig ni Rex ang kanyang ulo. Bahala na, naiusal niya. Ilang sandaling nag-unat ng mga paa si Rex sa kanyang swivel chair. Gusto niyang mapayapa ang kanyang damdamin bago magpasya. Kailangang careful siya sa anumang gagawin. Ito rin naman ang madalas niyang ginagawa. Sanay naman siya. Nang mapayapa ang kanyang pakiramdam ay nag-ayos na si Rex. Uuwi siya nang maaga. Pagkatapos maaga rin siyang makipagkita kay Dan Montero. Hindi sia magtatagal upang makapakipagkita rin siya kay Cathy na hindi niya gustong mapunta kay Dan Montero! Bago umuwi si Rex ay sumilip muna siya sa kuwarto ni Mrs. Montero. Gusto niyang malaman kung nakauwi na ang kanyang amo. Ayaw niyang mauna siyang umuwi sa kanyang boss. Napakunot-noo si Rex nang mabungaran si Mrs. Montero na nakatungo sa kanyang mesa. Nakatutop ang dalawang kamay sa ulo nito. Tumikhim siya. “Something wrong, Mam?” Napaangat ang mukha ni Mrs. Montero. Nakita ni Rex na namumula ito. Ngunit pilit na ngumiti si Mrs. Montero. “Oh, Rex. I’m okay.” Pilit pinasaya ni Mrs. Montero ang mukha. “Are you sure, Mam? You don’t look fine.” Pumasok si Rex sa kuwarto. Nilapitan ang babae at dinama sa pamamagitan ng likod ng palad ang leeg ni Mrs. Montero. “Hmm... may lagnat ho kayo, Mam.” “That’s nothing. Dala lang marahil ng biglang pagpapagod.” Tumuwid si Mrs. Montero sa kanyang upuan. Sumandal. Ipinilig ang ulo. “I would suggest kailangan mo hong’ mag-relax, Mam,” wala sa loob na nasabi ni Rex. Biglang kumislap ang mga mata ni Mrs. Montero. Dali-daling binuklat ang kanyang planner. “Great idea. You remind me ng itinawag ni Brenda sa akin...” Kilala ni Rex ang tinutukoy ni Mrs. Montero na si Brenda. Matalik itong kaibigan ni Mrs. Montero at madalas na kasama kapag nagliliwaliw. Kadalasan sa diskuhan pumupunta ang dalawa. “Nakatatanggal ng tensyon ang mag-disco, Mam.” “Hindi sa diskuhan, Rex,” maagap na sabi ni Mrs. Montero. “Sa kanilang bahay. Darating daw ang iba naming mga acquaintances. Sort of get-together.”

Alam din ni Rex ang bahay ni Brenda Larsen. Doon din sa Corinthian Gardens. Ibang area nga lang. Ilang blocks din mula a bahay ni Mrs. Montero at ng kanyang tinitirhan. “Nung tumawag siya the other day parang wala akong planong pumunta. Pero sa suggestion mo ngayon parang sisipagin akong pumunta doon. Sama ka mamaya.” Mamaya? Parang inangat si Rex. “Sa gabi ho ba, Mam?” Nanlamig si Rex. Namutla. “Siyempre.” Tumawa si Mrs. Montero. “Bakit parang nayanig ka? Siguro me date ka, ano?” Napakamot sa batok si Rex. Parang nahihiyang napangiti. “Natural lang naman, di ba?” Nakatawa pa rin si Mrs. Montero. “Ang sa akin naman e, kung libre ka. At kung gusto mo.” “P-puwede ho bang sumundo na lang ako pagkatapos ng party?” Pag-amin ito ni Rex na meron nga siyang date. “Driver ang labas mo niyan. Mas mabuti sana kung kasama ka sa simula. Pero hindi naman ako KJ para sirain ang date mo, ‘no?” Ang tono ng tawa ngayon ni Mrs. Montero ay parang sa teenager. Tinutukso si Rex. Nadamay din ang binata. Napalitan ng tawa ang pilit niyang ngiti kanina. “Pipilitin ko hong makarating doon nang maaga kina Mrs. Larsen.” “Wow!” Nagpa-cute pa si Mrs. Montero. Masigla ang katawan ni Rex habang papalabas ng building kung saan nandoroon ang Golden Opportunity Systems. Parang nanibago din sa kanya ang mga security guard na nakaposte sa main entrance ng building. Sa labas nakita ni Rex na nakahanda na si Mon. Nasa manibela na ito ng Honda Civic habang bukas ang pintuan sa likuran para sa kanya. Sinalubong si Rex ng hanging bahagyang maalinsangan bagaman nakapagluluwag sa kanyang pakiramdam. Napasipol siya. Isinara ni Rex ang pintuan sa likuran ng kotse. Binuksan niya ang pintuan sa harapan at pumasok. Ipinagtaka ito ni Mon. Tumawa lamang si Rex at sinenyasan si Mon na patakbuhin na ang kotse. “Maganda ang panahon, a.” Bahagyang tumingala si Rex. Tiningnan ang langit. “Hindi ang mundo,” dugtong ni Mon at tumawa. Nakamot na lamang ni Rex ang kanyang batok. Alam na niya kung ano ang tinutukoy ni Mon. Nagtataka ito sa magandang ikinikilos niya. “Kung minsan lang naman ‘to,” na sinundan niya ng tawa. “Maaga pa. Saan tayo?” si Mon. “Sa bahay. Magbibihis lang ako. Pagkatapos pupunta tayo sa Tower. Pagkatapos...” “Mang-chicks,” agaw ni Mon. Pilyo ang ngiti na binalingan ang kaibigan. “Ba’t alam mo?” “Itatanong mo pa?” Sabay silang tumawa. Naunang naputol ang tawa ni Rex nang tumunog ang kanyang cellular phone. Yatis, usal niya. Ganito talaga pag mataas ang tungkulin. Kahit oras ng pahinga ay tuloy ang transaksyon. Sumandal siyang maigi sa sandalan. Businesslike ang pagsambit niya ng hello. “S-sir... Rex?” mula sa kabilang linya. Kilalang-kilala ni Rex ang boses. Ngunit parang nanibago siya ngayon sa boses. “Anything wrong, Cathy?” Napalitan ang timplada ni Rex. Napabaling sa kanya si Mon.

Narinig ni Rex na pilit tumawa si Cathy. Style-Cathy pa rin na nakakikiliti pakinggan. Ngunit naramdaman ni Rex na parang may kulang. Parang nahihiya ang may-ari ng boses. “Napatawag ka?” “E... parang feel ko kasing huwag magpuyat ngayong gabi.” “So... cancel lang muna ang date natin?” Kumunot ang noo ni Rex. “Tuloy,” mabilis na sagot ni Cathy. “Pero kung maari’y magkita tayo kaagad.” Narinig ni Rex na parang kumikiwal si Cathy habang nagsasalita. Parang naglalambing. “Saan ka ba tumatawag ngayon?” “Dito sa taksi na sinasakyan ko ngayon.” Lalong kumunot ang noo ni Rex. “Parang Julia Vargas na yata itong dinadaanan namin,” patuloy ni Cathy sa kabilang linya. “M-may kasama ka? Cellular phone ‘tong ginagamit mo? Kanino?” “Isa-isa lang ang tanong.” Humalakhak si Cathy. “Iisa-isahin ko rin ang pagsagot. Taxi driver lang ang kasama ko. Cellular phone nga itong ginagamit ko... at sa akin ‘to.” Galing kay Dan Montero! Gustong isigaw ito ni Rex. Ngunit nagtimpi siya. Tama na na natiyak niya ang kanyang kutob. Saan naman kukuha ng pambili ng cellular phone si Cathy imperial? “Inibigay ni Dan,” patuloy ni Cathy. Parang putok ng bulkan pa rin sa pandinig ni Rex ang idinugtong ni Cathy. Bagaman natiyak niyang kay Dan Montero nga galing ang cellular phone ngunit talagang iba na kung galing mismo sa bibig ni Cathy. Nagtagis ang mga ngipin ng binata. “Hihintayin kita dito... same place,” dugtong ni Cathy. Ni hindi na hinintay na makasagot si Rex at nagpatunog ng kiss saka ini-off ang cellular phone. Sa salamin madalas ang sulyap ni Mon. Hindi siya bumabaling sa kaibigan dahil umiiwas siyang magkatinginan sila ngayong nakita niyang masama ang pakiramdam ni Rex. Sa salamin na lang siya tumitingin sa kilos ng kaibigan. “Pasibarin mo, Mon,” mariin ang utos ni Rex. Nag-dial siya sa kanyang cellular. Mabilis. Parang may hinahabol na tawagan. Nang mag-ring sa tinatawagan at marinig ang hello, tiyak ang kanyang pagsalita. “I’ll pick you not after the party.” Sandali siyang huminga. “I’ll pick you for the party... Mam.”

X

“G

OOD!” Narinig pa ni Rex ang malutong na tawa ni Mrs. Montero nang malaman ang pagpayag niyang samahan ito sa party. “We both deserve to have a relaxing evening.” Matapos silang makapag-usap ni Mrs. Montero ay sumandal si Rex. Inilabas ang isang mahina ngunit mahabang buntung-hininga. Sinundan ito ng isang mahinang pagtagis ng kanyang mga ngipin. Pinukol ni Mon ng tingin sa salamin ang kanyang kaibigan. Parang matatawa siya sa kilos ng kaibigan. Ngunit naaawa naman siyang mangiti man lang. Nauunawaan niya ang damdamin ng kanyang boss. Marahan na lamang siyang umiling at binilisan pa ang sasakyan. Kailangang makauwi sila agad para makapagpahinga si Rex. Kailangan nito ang pahinga para manumbalik ang magandang kundisyon nito. Pagdating nina Rex sa kanilang bahay ay agad siyang tumuloy sa kusina. Tinungo ang refrigerator. Kumuha ng ice cubes. Pagkatapos tinungo ang kanyang corner bar. Kumuha ng stateside na alak. Jhonnie Walker. Bibihira lang naman siyang uminom nito ngunit ngayon ay gugustuhin niya. Dala ang alak, ice bucket at dalawang kopa ay tinungo niya ang salas. Nagulat pa si Mon pagdating niya sa sala at makita ang kanyang amo na umiinom na. Napakunot-noo siya dahil sa nakitang bote ng Jhonnie Walker na nakapatong sa mesita sa harap ni Rex. Agad siyang lumapit sa kaibigan. “Akala ko’y umidlip ka,” sabi ni Mon at marahang tinapik sa balikat si Rex. Hindi umimik si Rex. Isinenyas na lang kay Mon na maupo. Umupo naman si Mon paharap kay Rex. “Hard ‘yan, a?” Alam ni Mon na bihirang uminom ng alak ang kaibigan. Beer ang paborito ni Rex at hindi naman manginginom kagaya ng ibang apostoles ni San Miguel. “Mas okay ‘to,” nasabi din ni Rex. “Kahit marami ang mainom natin hindi mabigat sa tiyan.” “Mabigat naman sa ulo,” pakli ni Mon. “Kung masobrahan,” ganti ni Rex na nagpakita ng mapait na ngiti. “Kailangan ko lang ‘to sa party. Pampatapang.” “Hindi alak ang kailangan mo, Rex,” may pagkabahala sa boses ni Mon. “Pahinga ang kailangan mo. Mas mabuting presko ang pag-iisip at pakiramdam kung a-attend ka ng party, di ba? Besides hindi diskuhan ang pupuntahan mo.” Sandaling natingnan ni Rex si Mon. Nairita. Naunawaan ni Mon na nagalit ang kaibigan. Napabuntung-hininga na lamang siya. “Toast!” sabi ni Rex matapos salinan at malagyan ng ice ang kopa ni Mon. “Alalay lang ang sa ‘yo. Ida-drive mo ako mamaya sa pagsundo kay Mrs. Montero.” Hindi na umimik si Mon. Inangat na lang ang kopa at ipiningki sa kopang hawak ni Rex. Kailangang pagbigyan na lang niya ang kaibigan upang hindi na madagdagan ang kinikimkim na inis. Halos nangalahati na nina Rex ang isang bote ng alak ng magpaalam si Mon na lalabas upang malinisan at ma-check-up ang sasakyan. Tumango lang si Rex at ipinagpatuloy ang pag-inom.

Mag-aalas siyete nang balikan ni Mon si Rex. Nakahanda na siya ngunit tuloy pa rin ang inom ng kaibigan. Nang malingunan siya nito agad namang tumayo. Nakita pa ni Mon na matibay pa rin ang tayo nito. Hindi pa groggy. Napailing na lang si Mon. “Magsa-shower lang ako.” Tumalikod na si Rex. NAKATATLONG ladies’ drink na si Cathy. Medyo nahihilo na siya. Lalo siyang nahilo dahil sa maya’t-mayang paggala ng paningin. Salit-salit lang sa entrance ng club at sa kanyang relo ang kanyang tingin. “Inindiyan niya ako,” bulong ng dalaga. “Siguro kulang ang ipinakita ko sa kanya. Siguro hindi totoong nakikipagkaibigan siya sa akin.” Makailang sandali pa ang paghihintay ni Cathy na walang Rex Sevilla na dumating nakaramdam na siya ng yamot at hinanakit. Pakiramdam niya ay nainsulto sia ng labis. Kaya sa sama ng loob nasenyasan niya ang waiter na siya naman talaga ang binabantayan. Isa pang shot ang kanyang inorder Sandali lang na naubos ni Cathy ang bagong order na dinala ng waiter. Hindi pa nakalalayo ang waiter nang tawagin ulit ito ni Cathy. “Boy,” hindi na nadugtungan ni Cathy ang sasabihin dahil parang sisinok siya. Dinugtungan na lang niya ito ng senyas. Isa pang round. Napailing na lamang ang waiter na agad namang tumalima. Mapapansin sa mukha nito ang simpatiya. Pakibit-kibit ng balikat si Dan Montero habang papasok sa klab. Ni hindi na siya naghanap kung saan pupuwesto. Tiningnan niya ang kanyang relo. Maaga pa naman. Nakita niyang hindi pa naman gaano karami ang mga tao sa klab at hindi pa okupado ang medyo kubling bahagi kaya doon siya tumuloy. Sa lugar ding ito aksidenteng nagkitakita sila nina Rex at Cathy. Marahan ang paghatak ni Dan Montero ng silya upang makaupo siya. Ni hindi na siya naghintay sa waiter na sumusunod para mag-assist sa pag-upo niya. Sinenyasan na lamang niya ito ng kanyang order. “One more time,” parang alanganing kumakanta ang tinig na nagpalingon kay Dan. Tinig ng babaing lasing. Tinig na kilalang-kilala niya. “C-Cathy?” Agad tumayo si Dan Montero at lumipat sa kabilang mesa kung saan omuukupa si Cathy. Bumaling din si Cathy. Bagaman parang tinamaan na ito ng nainom ay nasorpresa pa rin pagkakita kay Dan Montero. “S-sir?” may halong pagkapahiya at pilit pinalilinaw ng dalaga ang pagbigkas. “I didn’t expect you to come earlier.” Pinisil ni Dan Montero ang balikat ni Cathy. “Alas diyes ang usapan natin, a. And it seems matagal ang paghintay mo... Marami ka nang nainom?” Mabubuking siya kung hindi niya sasakyan ng mabuti. Ito ang pumasok sa isipan ni Cathy kahit dinadaya na siya ng kanyang paningin. Ipinilig niya ang kanyang ulo. “N-naisip ko hong pumarito much earlier dahil me kailangan akong bilhin kaagad,” dahilan niya. Ngunit ng ma-realize na wala pala siyang dala maliban sa cellualr phone ay agad nakahanap ng lusot. Lalo pa’t nakita niyang iginala ni Dan Montero ang paningin upang makita kung ano ang pinamili niya. “P-pinadala ko po sa boardmate ko. I don’t want to be late sa date natin, ‘no.” Napangiti si Dan Montero. “Well... eto na ako.” Dumating ang waiter na may dalang order ni Dan Montero. Scotch on the rocks. Sinenyasan ito ni Dan Montero sa pamamagitan ng dalawang daliri. Pakuwadrado. Tumango naman ang waiter at tumalikod. Pagbalik may dala na itong dalawang menu booklet.

“Magdi-dinner muna tayo,” sabi ni Dan at iniabot ang isang menu booklet kay Cathy. “Pumili ka ng gusto mo. Lahat ng gusto mo.” Diniinan pa niya ang pagbigkas ng lahat. Sa halip kunin ang iniaabot ni Dan pinagpatong ni Cathy ang dalawang kamay at tukurin ng likod ng mga palad ang kanyang baba. Namumungay na ang kanyang mga mata. “Well...” “Parang hindi ko feel kumain,” walang galak sa tinig ni Cathy kahit pinipilit iyang mangiti. “M-mas feel kong uminom ngayon.” Saglit na tinitigan ni Dan Montero ang mukha ni Cathy. Parang hinahanap dito ang dahilan kung bakit parang hindi iyon ang kanyang pakiramdam sa kilos ng dalaga. “Are you sure magiging maliwanag sa iyo ang pag-uusapan natin?” Bahagyang napatawa si Cathy. Kahit lasing nakabibighani pa rin ang maikling pagtawa. Malaki pa rin ang kaibahan sa tawa ng mga babaing bagaman may katayuan sa lipunan ay madali namang makalimutan. Iba si Cathy. Ang nasa isip ni Dan ay sinamahan niya ng tango. “Madilim man ang aking paligid at patutunguhan...” Sumigok muna si Cathy. “Pero tinitiyak ko munang malinaw ang aking isip bago makipagnegosasyon.” Lumalim ang isip ni Dan Montero. “Just buy me some more drinks, okay?” Sumenyas sa waiter si Dan Montero. Agad naman itong lumapit. Ngunit hindi pa nasabi ni Dan Montero ang kanilang order ay dumulas ang baba ni Cathy sa nakatukod na mga kamay. Lumapat ang mukha niya sa mesa. Kumindat ang waiter na sinundan ng iling. Napatango na lamang si Dan Montero. Napasobra daw ang inom ni Cathy.

XI

M

ARAMI na ang mga panauhin ng dumating sina Rex at Mrs. Montero sa bahay ni Brenda Larsen. Halos okupado na ang mga mesa na nakakalat sa loob ng compound. May grupong nag-iinuman. Meron ding nagsisesyon. Kung hindi madyong, baraha. Parang sa teenager ang tili ni Brenda Larsen nang matanaw sina Mrs. Montero. Dalidali siyang sumalubong sa mga panauhin. Hindi maitagong tipsy na si Brenda Larsen. “Dumating din ang bruha!” Muling tumili si Brenda. “Ang akala ko’y magkukulong ka na lang sa inyo.” Binalingan niya ang iba pang panauhin. “Ladies and gentlemen... your attention please...” Halos ang lahat ng mata ay natuon kina Mrs. Montero at Rex Sevilla. “Announcing the arrival of the apparent business diva, Jane Montero and consort!” Sumigabo ang palakpakan. Halos kilala na ni Rex ang lahat ng mga panauhin. Dapat panatag na ang kanyang kalooban. Ngunit pakiramdam niya ay unti-unti siyang lumiliit dahil sa hiya. Bagaman alam niyang kung gaano magbiro ang ordinaryong mga tawo ay gayon din ang nasa mataas na lipunan, nakararamdam pa rin siya ng pagkaasiwa tuwing mapansin ang malisyusong mga tingin na ipinupukol sa kanila. Sandali silang nagpalipat-lipat sa mga mesa upang saglit ding makabati si Mrs. Montero sa naunang mga panauhin. Walang imik si Rex ngunit nakikipagkamay siya. Kung hindi, kakaway o kundi man yuyukod. Isa sa mga panauhing matrona ang hindi nakapagpigil ng pagkapilya nito. Marahil dala ng ispiritu ng nainom. “Mabuti naman at iginarahe mo na si Dan. Mas okay ang nakuha mo ngayon, a,” sinundan ito ng mahabang uy. Humalakhak lamang si Jane. Ikinawit pa ang isang kamay sa bisig ni Rex. “Sige... hahanap kami ng mapuwestuhan.” Tumuloy sila sa isang di-mataong gilid. Ngunit malapit sa kinalalagyan ng mga pagkain. Magarbo ang handa. Maraming pagkain. Kumain muna sila. Ngunit patikim-tikim lang si Rex. Bagaman parang nawala na ang bisa ng nainom na alak ngunit parang natalo siya ng mga parunggit ng mga panauhin ni Brenda Larsen. Nang may dumaang waiter ay tinawag ito ni Rex. Humingi siya ng beer. Nagpadamay na rin si Mrs. Montero. “Mas mabuti ang champagne, Mam.” “Okay na sa akin ang beer. Tutal beer din ang iinumin mo. Mabuti ‘yan para hindi na mahirapan pa ang waiter dahil isang klase lang ang kukunin.” Nang dumating ang kanilang order agad na lumagok si Rex. Sunod-unod ang kanyang lagok hanggang makaramdam siya ng hilab ng tiyan. Kaya napilitan siyang mamulutan ng ulam na hindi niya naubos. Nang matapos kumain si Mrs. Montero ay sumimsim-simsim rin siya ng kanyang serbesa. Sa simula pakonti-konti lang ang kanyang lagok. Paminsan-minsang iginagala ang paningin. Kapag makasulyap ng grupong may napasamang kalog at nagtatawanan, mapapangiti rin si Mrs. Montero. Ngunit hindi siya umiimik. Ang pagpagala niya ng paningin sa katulad niyang mga panauhin ay sinasalitan niya ng inom ng beer.

Wala ring imik na nagmamatyag si Rex sa kilos ng kasama habang patuloy ang kanyang pag-inom. Kapagdaka’y napansin niya na parang napatda si Mrs. Montero. Sinundan ng tingin ni Rex ang tinutukoy ni Mrs. Montero. Ang magpamilyang Espiritu pala ng banking industry. Lubhang malapit sa isa’t-isa itong magpamilya. Nakita pa ni Rex na sinusubuan ng lalaki ang asawa habang pumapalakpak naman ang dalawang anak. Inilipat ni Rex ang kanyang paningin kay Mrs. Montero na patuloy ang paglingon. Dumalas ang paglunok ng babae. Naunawaan ito ni Rex. Ngunit hindi siya umimik. Naawa siya sa kanyang among babae. Nang magbawi ng paningin si Mrs. Montero napansin niyang tinitingnan siya ni Rex. Nakaramdam ng pagkapahiya ang babae. Alam niyang nakita rin ng kasama ang kanyang tinitingnan. Agad niyang hinagilap ang kanyang baso at lumagok. “Beast!” Hindi natuloy ni Rex ang paglagok sa narinig kay Mrs. Montero. Pakiramdam niya ay naaasiwa siya. Kahit alam niya kung sino ang tinutukoy ng babae. Si Dan Montero. Alam at naramdaman rin niya ang pagkainis na dinaramdam ni Mrs. Montero. Nainis siya dahil alam niyang sa mga sandaling ito ay magkasama sina Mr. Montero at Cathy Imperial. Ano na kaya ang ginagawa ng mga ito? Napapikit si Rex. Parang gusto niyang magpakalunod sa serbesa. “Get some more beer, please...” si Mrs. Montero. Puno ng hinanakit ang tinig. “Hindi ba sabi ko sa iyo we deserve to have a relaxing evening?” Tumangu-tango lamang si Rex na pilit ngumiti. Sumenyas siya sa waiter. Hala tayo, himutok niya. Magpapakalunod tayong dalawa sa serbesa. “By the way, hindi ba may date ka sana?” Umiling-iling si Rex. Kumuha ng pulutan. “Hmmm. Parang nahulaan ko kung bakit.” Wala ng hinanakit nang tumawa si Mrs. Montero. Parang gustong sabihing amanos tayo. Kaya nga magpapakalunod tayo sa inom, parang gustong usalin ni Rex. Ngunit tumawa na lang siya. Kagaya ng tawa ni Mrs. Montero, parang walang hinanakit. At nang dumating ang waiter na dala ang kanilang beer ay agad rin nilang kinuha at uminom. Ilang balikan pa ang nagawa ng waiter sa mesa nina Rex. Namumungay na ang mga mata ng dalawa. At nagpalagapakan pa sila ng kanilang mga palad. High five! ANG tamis ng ngiti ni Dan Montero habang ginagabayan si Cathy papasok sa kanyang suite. Talagang plano rin niyang dalhin dito sa Robinson’s Tower si Cathy kahit hindi pa sana ngayong gabi. Ngunit suwerte siya dahil hindi na raw kaya ng dalagang umuwi. Pumayag na dalhin niya kahit saan makatulog lang ito. Dahan-dahang pinaupo ni Dan si Cathy sa malaki at mahabang sopa. Ngunit hilunghilo na ang dalaga na nang pasandalin ni Dan nabuwal pahiga samantalang nakakapit pa ang dalawang kamay sa leeg ng lalaki. Napadapa sa kanya si Dan. Labis ang init na naramdaman ni Dan Montero. Lalong nag-alab ang pag-iinit na kanina pa niya naramdaman. Kaya nagmamdaling tinanggal ang mga kamay ni Cathy sa kanyang leeg at hinubad ang kanyang amerikana. SUMUSURAY si Mrs. Montero pagbaba sa kotse ni Rex pagdating sa kanilang bahay. Inalalayan siya ng binata ngunit dahil pareho silang nakainom, dalawa na silang sumusuray. “Yeah... it’s true the world is round,” nabubulol na si Mrs. Montero. Pabulol din ang kanyang tawa. “Easy... easy...” si Rex. Hindi na siya nag-aalangan kung saan niya mahawakan si Mrs. Montero. Natawa si Mon sa kilos ng dalawang lasing. Bumaba din siya sa kotse at tinulungan sa pag-alalay si Rex.

“Thank you, Mon,” ani Mrs. Montero nang mapansing umalalay din sa kanya si Mon. “But I think kaya na namin ni Rex hanggang sa aking silid. You may go now... Balikan mo na lang si Rex bukas ng umaga.” Biglang napahinto si Mon sa narinig. Napahinto din sa paghakbang si Rex. Parang tumuwid ang kanyang pagtayo. Hindi naman nalingid sa kanyang pandinig ang sinabi ni Mrs. Montero. At parang iba ang tunog ng narinig kay Mrs. Montero sa kanyang pandinig. Nagkatinginan na lamang sila ni Mon. Maluwang ang kuwartong pinili ni Mrs. Montero. Hindi nila bedroom. Guest room ang pinahatiran niya. Alam ito ni Rex dahil walang mga gamit pangmag-asawa sa kuwartong iyon. “M-Mam?” “I want it here...” salo ni Mrs. Montero at inihagis ang katawan sa kama, patihaya habang ang dalawang paa ay nakalaylay sa malambot na carpet. “If you’re okay now... I’ll leave.” “Wait!” Bigla ang pagbangon ni Mrs. Montero. “You’re not leaving. You’re going to sleep with me tonight.”

XII

P

ARANG hindi pagsawaang tingnan ni Dan Montero ang kagandahang nakalatag sa sopa. Dahan-dahan siyang yumuko. Marahang dinampian ng halik ang bahagyang nakabukang bibig ni Cathy Imperial. Umungol ang dalaga. Sumingaw ang amoy ng nainom nito. Nakakurisong si Dan Montero. Napasobra ang inom ng dalaga. Binuksan ni Dan ang blusa ni Cathy. Tumambad sa kanya ang mabilog at nagyayabang na dibdib ng dalagta. Dumalas ang paglunok ni Dan Montero. Bagaman may bra si Cathy ngunit kitang-kita ni Dan ang tila nag-aanyayang paanan ng dibdib nito. Kumilos si Cathy. Dumalas ang taas-baba ng dibdib nito. Pinagpapawisan. Epekto ng alkohol sa katawan. Playboy si Dan Montero ngunit hindi naman hayok sa laman. Clean sex ang gusto niya. Malinis kahit sa anumang anggulo. Magandang kapartner. Hindi prostitute. At malinis ang katawan. Malinis si Cathy ngunit umaalingasaw ang nainom na alak. Umiinom din si Dan ngunit hindi niya kaya ang singaw ng alak sa katawan ni Cathy. Kailangang mawala ang amoy upang maangkin niya ang kagandahang wala siyang maramdamang balakid sa kanyang pagnanasa. Tumalikod si Dan. Tinungo ang kusina. Nag-init ng tubig. Nang maligamgam na ay isinalin ito sa bowl. Kumuha ng face towel sa kabinet ng bathroom. At muling bumalik sa kinalalagyan ni Cathy. Nakapikit pa rin si Cathy kahit madalas ang pagbiling-biling. Marahil gawa ng lamig na ibinubuga ng centralized aircon ng tower. Kahit hindi naramdamang bukas ang blouse ay natakip nito ang mga kamay sa dibdib. Unang pinunasan ni Dan ang mukha ni Cathy. Isinunod ang leeg ng dalaga. Bawat mapunasang bahagi ng katawan ng dalaga ay dinadampian niya ng halik. At lalo itong nagpainit ng kanyang pakiramdam. Pababa na sa dibdib ng dalaga ang pagpunas ni Dan. Muling kumilos si Cathy. Lumalim ang paghinga. Parang ninanamnam ang nakagagaang init ng ipinunas dito. Umangat ang ulo nito. Ngunit pinid pa rin ang mga mata. Napangiti ang dirty old man na clean sex ang gusto. SA mansiyon ng mga Montero umuungol si Mrs. Jane Montero. Ngunit ang kanyang ungol ay nag-aanyaya. Naglalambing. Ngunit nangingibabaw ang panunukso. “Hindi mo man lang ba ako pupunasan?” Naging labis ang pag-iinit na naramdaman ni Rex dahil sa sinabi ni Mrs. Montero. Nakadagdag ito sa init na nararamdaman ng binata dahil hindi bumibitiw si Mrs. Montero sa paglambitin sa kanyang leeg. Napatiim-bagang si Rex. Hindi dahil sa pagkatukso kundi sa pagkaasiwa. “T-tatawagin ko ho si... si...” “A, si Chedeng?” dugtong ni Mrs. Montero. “No! Ayaw kong makita niya akong lasing. Kayo na lang.” Namungay ang kanyang mga mata. Parang wala ng maidahilan si Rex. “Please... parang masusuka na ako. Umiikot ang pakiramdam ko.” Hindi na ito mapabayaan ni Rex. Kukunsensiyahin siya.

“O-okay...” “Thanks,” mabilis na sambit ni Mrs. Montero at hinatak ang ulo ng lalaki. Hinalikan ito sa pisngi. May kakaibang naramdaman si Rex. Pinanlamigan siya. “Please take a rest.” Tumalikod na ang binata na iiling-iling. NANUOT na ang lamig ng aircon sa bukas na dibdib ni Cathy. Nagmulat siya. At napakislot nang masalubong ang repleksiyon ng ilaw sa salamin na nakapaikot sa kisame. Bumalikwas siya at bumangon. Nakakrus ang dalawang kamay sa dibdib. Nayanig siya sa natuklasan. Nanginig. Agad naalalang magkasama sila kanina ni Dan sa klab. Ang hayup! Sinamantala ang kanyang pagkalasing. Sumambulat ang labis na galit niya kay Dan Montero. Nagbabaga ang mga matang luminga-linga si Cathy. Nasaan ang hayup! May lumagaslas na tubig. Nakita ni Cathy na naghuhugas ng kamay si Dan Montero sa kusina. Nakita rin niya ang bowl na may nakausli pang face towel. Natigilan ang dalaga. Ibinaba ang mga kamay. Sa puson. Pababa pa. Saglit na pinakiramdaman. Ngunit parang wala siyang naramdamang unusual. Parang binuhusan ang kanyang galit. Napalitan ng hiya. Mabilis na bumalik si Cathy. Humarap sa salamin at inayos ang sarili. Mayamaya’y narinig niya ang muling paglagaslas ng tubig. Ngunit hindi na sa kusina. Parang doon na sa banyo. Nag-shower siguro si Dan Montero. Gusto ni Cathy na makaalis kaagad. Nakahihiyang abutan pa siya ni Dan Montero na gising na. At mapanganib din kung abutan siya ni Dan Montero na tulog pa. Tiyak na mangyayari sa kanya ang muntik nang mangyari kay Aida. Akmang lalabas na si Cathy nang mag-ring ang telepono. Nakiramdam siya. Lumalagaslas pa rin ang tubig sa banyo ngunit walang imik si Dan Montero. Hindi yata narinig ang ring ng telepono, naisip ni Cathy. Pangatlong tunog, wala sa loob na inangat ni Cathy ang telepono. Ngunit hindi siya nagsalita. Nakinig lang siya. Mayamaya’y parang nakuryente ang dalaga. Nagulat dahil sa tinig na narinig sa kabilang linya. “C-Cathy!” Parang hindi makapaniwala ang binata sa kabilang linya. “Ba’t nand’yan ka?” Walang maisip na isagot si Cathy. “Cathy?” may pag-alala na at pagtataka sa tinig ni Rex. “E... kuwan... May pinag-usapan kami. Oo, nasabi ko na sa ‘yo na may paguusapan kami, di ba?” pilit pinasaya ni Cathy ang tinig. Ngunit hindi pa rin maitago ang panginginig ng kanyang boses. “Sa ganitong oras ng gabi?” bahagyang tumaas ang boses ni Rex. Nagseselos. “E...” Hindi na natapos ni Cathy ang sasabihin nang maramdamang may dalawang kamay na humawak sa kanyang balikat. Sinundan iyon ng mahinang halik sa kanyang leeg. Napapitlag siya. “Okay ka na?” Hindi umimik si Cathy. Naidikit niya sa dibdib ang telepono at hinarap si Dan Montero. “Sino ang tinawagan mo?” Kumunot ang noo ni Dan Montero nang makitang hawak ni Cathy ang telepono. “Police or what?” “H-hindi ako ang tumawag...” Kinuha ni Dan Montero ang telepono na hawak ni Cathy. Ngunit hindi inaalis ang mga mata sa dalaga. Hindi maitago ang kanyang pagdududa. “Hello?” pasinghal ang tinig ni Dan Montero. “S-Sir?” natigilan si Dan Montero nang marinig ang boses ni Rex.

“Anything important?” pilit pinatigas ni Dan ang kanyang boses. “Dis-oras na ng gabi, a.” “Nandito ho ako sa bahay n’yo, Sir.” Kumunot ang noo ni Dan Montero. Nakita ni Cathy na parang nag-iba ang mukha ng dirty old man. Ilang sandali na nakinig ito sa kabilang linya. Ngunit hindi na nagsalita hanggang inilapag ang telepono sa mesa. “Sinabi mong’ narito ka?” Takot at galit ang namumugad sa dibdib ni Cathy ngunit parang matatawa siya sa tanong ni Dan Montero. Muntik na siyang mapangisi. Hindi na inulit ni Dan Montero ang kanyang tanong. Naunawaan niya ang reaksyon ng dalaga. Hindi na nga kailangang sabihin nito na nandito ito. Ito ang nakasagot sa telepono nang tumawag si Rex. At ang tinawagan ni Rex ay ang numero dito sa Robinson’s Tower. Numero ng kanyang suite. Nagtagis ang mga ngipin ni Dan Montero. Nagtagis ang mga ngipin dahil sa sinabi sa kanya ni Rex sa telepono. At lalo siyang nagalit dahil nalagay sa alanganin ang kanyang kagustuhang maangkin si Cathy. Matapos makapagbihis, pinukol ni Dan ng tingin si Cathy at nagmamadaling lumabas. Papaalis na rin si Cathy nang muling tumunog ang telepono. Muli niya itong sinagot. “I want you to see me in my office tomorrow!” Ikinagulat ni Cathy ang sinabi ni Rex sa kabilang linya. Galit ang binata. At ikinabahala ito ni Cathy.

XIII

N

APAAWANG ang mga bibig ni Zeny nang tingnan lamang ni Rex matapos siyang mag-good morning pagdating nito. Sinundan na lamang niya ng nagtatakang tingin ang boss na ngayon ay pahablot na pumipihit ng door knob ng private room nito. Napailing si Zeny. Maaga pang naligo si Rex. Bagaman at malamig ang tubig at malamig din ang aircon ng kanyang kotse hanggang dito sa kanyang kuwarto ngunit parang ang init ng kanyang pakiramdam. Umiinit ang kanyang ulo. Kagabi pang hindi siya mapalagay. Kaya nagpasya siyang maaga mag-oopisina. Ilang sandaling hindi napanatag si Zeny. Madalas naman niyang nakikitang mainit ang ulo ng kanilang boss ngunit pakiramdam niya mas malala ang ipinakita nito ngayon. Naisipan ni Zeny na remedyuhan ang sumpong ng kanyang boss. Bagaman nasaktan siya sa ipinakita ni Rex ngunit naunawaan naman niya kung gaano karami ang problema ng kanyang boss. Pinapanatag niya ang sarili at pilit pinasaya ang kilos. Nagtimpla siya ng kape. Nakakunot pa ang noo ni Rex habang nakasandal sa kanyang executive chair nang bumukas ang pintuan. Tumambad si Zeny. Nakangiti ang sekretarya ngunit napansin pa rin ni Rex na parang naaasiwa ito. May bitbit ang sekretarya. “I-iginawa kita ng kape, Sir,” sabi ni Zeny na lumapit sa mesa ni Rex. Bigla ang pagporma ng ngiti sa labi ni Rex. Sinundan ito ng buntunghininga. “Thank you, Zeny.” Tumayo si Rex at lumipat sa harap ng kanyang mesa. “And I’m sorry sa reaction ko kaninang pagdating ko.” Ngiti lang ang iginanti ni Zeny. “At good morning din kahit huli na.” Tumawa si Rex. Pinisil pa niya ang baba ng sekretarya. “Sorry uli.” Dinilaan ni Zeny si Rex. Ngunit matamis na ang ngiti ng dalaga. Bumalik nang lubusan ang saya niya. ‘“Yan ang tumatandang binata. Mas pa sa babae.” At tumalikod na siya para lumabas. Nakangiting sinundan ng tingin ni Rex ang sekretarya. Nang may maalala siya. “Zeny, wait.” Natatawang lumingon si Zeny. “Kulang ang asukal?” “No. Halika muna rito.” Humigop ng kape si Rex. Bumalik naman si Zeny. Umupo sa harap ng mesa ni Rex. Tiningnan ang boss. Nagtatanong ang mga mata. “Hindi na ito biro. Tatanungin kita. Serious ang tanong ko kaya dapat serious din ang isagot mo.” “Ano ba ‘yan?” Hindi seryuso ang pakiramdam ni Zeny. Natatawa siya sa kanyang boss. Parang alam na niyang personal ang itatanong ni Rex at natatawa siyang isipin na hihingi ito ng sagot sa katulad niyang sekretarya lamang. “You remember Miss Imperial?” Seryuso nga si Rex. Matiim ang tingin niya kay Zeny.

Kumislap ang mga mata ni Zeny. Lalong natawa. Napailing si Rex. Binawi ang paningin kay Zeny. Inilipat sa mga papeles na nakapatong sa kanyang mesa. “Aplikante siya, di ba? So nothing personal kung magtatanong ako tungkol sa kanya.” “Ow?” “What I would like to know kon may job opening na puwede sa kanya... I mean sa kanyang qualifications. “DH ang inaaplayan niya, di ba?” “Kung merong pupuwede sa kanyang tinapos, iyon ang papasukan natin sa kanya.” “Then maghihintay siguro siya. So far, entertainers at DH lang ang mga kinokontrata natin.” “Wala nang mga entertainers. ‘Yan ang desisyon ni Mrs. Montero, di ba? Meron nang memo to that effect, a.” “Well...” “Anyway, in case na may job opening tayo na pupuwede siya just give her priority...” “Uyyy...” Tumawa si Zeny. “Na-in love na si Boss.” “Loka!” Ilang oras ding bumalik ang saya ni Rex dahil sa pakipagbiruan kay Zeny. Sandaling nakalimutan niya ang pagkainis na ipinatutungkol kay Dan Montero dahil sa pagkakaalam niyang magkasama ito at si Cathy sa suite ng lalaki. Talagang magaling mag-amo si Zeny. Nanumbalik din ang saya ni Zeny. Kumakanta na siya habang nag-e-encode ng kanyang report sa computer. Natatawa nga pati ang kanyang mga kasama. Ngunit labis ang katuwaang nararamdaman ni Zeny. Kung ano ang kanyang kinatutuwaan ay siya lamang ang nakakaalam. Ang nararamdamang tuwa ay pinasundan pa niya ng pa-cute. Mayamaya’y may sumungaw sa pintuan. Sandaling natahimik ang mga kasama ni Zeny. Napatingin din siya. At biglang napawi ang sayang nadarama kanina. Sa pintuan huminto si Cathy. Pilit siyang ngumiti at bahagyang yumukod bilang pagbibigay galang. Ngunit napakunot ang noo ni Cathy. Wala man lang ni kahit isa sa mga inabutan ang nag-react upang tumuloy siya sa loob. Sa tingin niya ay napatigagal ang mga dinatnan. Mas lalong napatigagal si Zeny. Nanibago siya sa hitsura ni Cathy na noong una itong nag-aplay ay nakapasimple ng kilos at suot. Ngayon ay napakaismarte at kumikinang ang suot na mga alahas. Napahinga ng malalim si Zeny. Lalong lumutang ang ganda ni Cathy Imperial. Hindi pala nakapagtataka na interesado sa aplikanteng ito ang kanyang boss. “Well...?” si Cathy. Noon pa lamang at pilit ngumiti si Zeny. Isinenyas na tumuloy na lamang sa kuwarto ng kanyang boss dahil alam niyang hinihintay nito ang aplikante. “Thank you,” nakakaengganyo ang tinig ni Cathy. Humakbang siya at tinungo ang kuwarto ni Rex Sevilla. Naiwan sina Zeny na nagkakatinginan. Isa sa kanila ang napalatak. Hindi itinatago ang paghanga kay Cathy Imperial. Ngunit nakaramdam ng inis si Zeny. Umungol lamang siya. Ang pag-ungol ni Zeny ay nagpataka sa kanyang mga kasama. Sinundan ito ng bulungan. Na ang mga mata ay pasulyap-sulyap sa nakasimangot na Zeny. Ang bulungan ng mga kasama ay nagdagdag ng inis ni Zeny. Ibinagsak niya ang hawak na diskette at harapin ang mga kasama. “Kayo ha...” Ngunit naputol ang sasabihin ni Zeny nang makarinig sila ng ingay sa silid ni Rex. Sinundan ito ng mahinang pag-iyak ni Cathy. Dali-daling lumapit si Zeny sa pintuan at

idikit ang tainga. Pagkakita ng mga kasama ay nagsilapit din at nakinig. Ngunit wala na silang narinig na kasunod ng unang ingay. Nagkatinginan na lamang sila. “May drama,” bulong ng isa na lalong idinikit ang tainga upang marinig ang pinakamahinang ingay sa loob ng silid. Sumunod din ang isa. Ngunit dahil nagsisiksikan sila sa pintuan ay nakabuwelo ang isa at biglang nabuksan ang hindi nakalock na pintuan. Muntik nang masubasob sina Zeny sa biglang pagbukas ng pintuan. Hindi napigilan nina Rex at Cathy na matawa sa nakitang pagsuray ng tatlo. Agad ring nagsitayo sina Zeny. Hindi maitago ang labis na pagkapahiya sa kanilang boss. “Iyan ang sinasabi ko na maasahan sila, Cathy. Talagang maipagmamalaking perfect secretaries. Kita mo, sa sobrang pagmamatyag ng sekreto muntik na nilang masungkal ang sahig.” Hindi napigilan ni Cathy ang paghalakhak. Naging kataka-taka ito kina Zeny. Halos sabay silang napatingin sa mata ni Cathy. Ngunit wala silang makitang bakas man lang ng luha dahil sa pag-iyak na narinig nila kanina. At lalo pa silang nagtaka ng akbayan ni Rex si Cathy palabas sa kuwarto nito. Natatawa pa rin ang dalaga na humilig sa binata.

XIV

“W

ELL...? Ano ang gusto mo, mag-snack muna o tuloy sa sinabi mo?” tanong ni Rex nang makaupo na siya sa driver’s seat at mapaandar ang kotse. Siya ang magda-drive. Hindi niya gustong marinig pa ni Mon kung ano ang pag-uusapan nila ni Cathy. “Busog ako. Gusto kong’ tumuloy sa pupuntahan natin.” “Okay. Just say when to turn right or left.” At pinatakbo na ni Rex ang kotse. Nang makarating sila sa intersection ng Ayala Avenue at EDSA napangiti si Rex ng sabihin ni Cathy na kumaliwa sila. Naisip ng binata na sa Shangrila ang kanilang patutunguhan. Ngunit napakunot-noo siya nang malapit na sila sa EDSA-Buendia. “Puwedeng maka-left turn dito, ano?” si Cathy. Nagtataka man napilitang magpa-inner lane si Rex. Siya ring pagpalit ng signal light. Yellow. Nagmenor si Rex. At nang pumula ai inihinto niya ang kotse. Binalingan si Cathy na nakatingin sa traffic enforcer na naaasar sa pagpabilis sa mga motorista na pumapasok sa Forbes Park. “Pabalik tayo sa Ayala o diretso Buendia?” “Diretso Buendia,” sagot ni Cathy na hindi hinihiwalayan ng tingin ang traffic enforcer na ngayon ay nagwawasiwas ng batuta nito dahil muntik nang mahagip ng sumisibad na kotse. “Makakarating ng Taft?” “Hindi na.” Hinulaan ni Rex kung saan sila pupunta. Naisip niya na kung hindi sila makarating ng Taft parang wala namang pupuntahan na maraanan nila. Halos mga opisina lang naman ang nasa Buendia. Mayroon namang mga kainan ngunit hindi maituturing na class. Maliban dito wala naman silang planong mag-snack dahil busog nga daw ang dalaga. Kung gayon saan sila pupunta? Nagulumihanan si Rex. Pag-go signal ng left turn mabilis na pinaharurot ni Rex ang kotse. Ngunit pinahina niya ang takbo ng makalagpas na sila sa approach ng flyover. Parang inaasahan na magpapara ang dalaga. Tinatantiya na dito sa Buendia Extension sila hihinto dahil baka may pupuntahan ito sa isa sa mga opisina ng nakahilerang mga building. Ngunit nang sulyapan niya si Cathy ay nakasandal na ito sa sandalan at nakapikit ang mga mata. Ibig sabihin malayo pa ang kanilang tatakbuhin. Napailing si Rex. Binilisan ang pagpatakbo. Lumagpas na sila sa Ayala-Buendia. Wala pa ring imik si Cathy. Ngunit nasulyapan ni Rex sa salamin na nagmulat ang dalaga. Saglit na bumaling. Pagkatapos muling pumikit. Pagdating nila sa Crispa muling nagmulat si Cathy. Saglit na nagpalinga-linga. At nang makita sa unahan nila ang isang pampasaherong dyep ay binalingan si Rex. “Sundan mo ‘yang dyep.” Kakaliwa sila. Ang dyep na pinapasundan sa kanya ni Cathy ay biyaheng BelAirWashington. Liliko ito sa Pasong Tamo Street bago lumiko sa kanan patungong Washington Street.

Ngunit hindi Washington Street ang nasa isip ni Rex na tutumbukin nila. Naisip niyang baka sa Makati Cinema sila tutungo. Kaya diniinan niya ang silinyador dahil malayo pa ang Makati Square. Bigla ang baling sa kaya ni Cathy. “Menor na. Sundan natin ‘yang dyep pa-Washington,” pagkasabi ay kinuha ni Cathy ang dalang bag. Binuksan ito. Kinuha ang make-up kit. Nag-ayos ng mukha. Napakibit-balikat na lamang si Rex. Bago sila makarating sa Washington Street ay tapos nang mag-retouch ng kanyang make-up si Cathy. “How do I look?” Nagpa-cute pa. At nang mapalatak si Rex ay ngumiti si Cathy. “Turn left... Then right,” sabi pa niya nang nasa kanto na sila ng Washington. More or less nahulaan na ni Rex ang kanilang patutunguhan. Kanina pumasok sa kanyang isipan na sa Makati Pension House ang kanilang patutunguhan nang marinig kay Cathy ang Washington Street. Ngunit nng pakaliwa ang sumunod na direksiyon at sinundan pa ng pakanan ay parang nakaramdam siya ng hiya. Masama ba kung naisip niyang yayain siya ni Cathy sa Pension House? Ito ang bawi niya. Ngunit hindi sa Pension House ang tungo. Baka sa isa sa mga townhouse sa Washington area. Ngunit hindi lang pala townhouse ang kanilang pupuntahan. Pagdating nila sa tapat ng Citiland Condominium ay sinenyasan siya ni Cathy na ipasok ang kotse. Nabalingan niya si Cathy nang may pagtataka. Ngunit ngumiti lang ang dalaga. SA Golden Opportunity Systems ay napakunot-noo si Mrs. Jane Montero. “Sa labas sabi mo at may kasamang babae?” “Y-yes, Mam.” Parang natakot si Zeny nang makita na kumunot-noo si Mrs. Montero. Naisip na galit ito dahil di-sinasadyang nasabi niya ang totoo kung saan si Rex. At dahil dito ay nakaramdam siya ng pagkapahiya sa binata dahil hindi niya ito napagtakpan. “B-baka kliyente ho, Mam,” pahabol niya. “Tell him to see me pagdating niya.” Nagkibit-balikat si Mrs. Montero at tinungo ang sariling kuwarto. Naiwan si Zeny na sinusundan ng tingin ang among babae. Naisip niya na galit ito dahil hindi man lang tumango bago tumalikod. Ako inis din, gustong ihabol ni Zeny kay Mrs. Montero. “HOW do you like this unit?” Parang nananaginip si Cathy habang hinihimas-himas ang mga furnishing ng unit na kanilang pinasukan sa Citiland Condominium. “Hindi rin naman pahuhuli sa Galleria Suites, di ba?” Hind sumagot si Rex. Tinitingnan lang niya ang dalaga. Ni hindi siya umupo. Nakatayo lang siya ng pasandal sa pintuan. Parang may nagsasalimbayan na kung ano sa kanyang isipan. Parang hindi niya maunawaan kung bakit naririto siya ngayon at kasama pa nitong babae na wala namang kaugnayan sa Golden Opportunity Systems. Itinuturing niyang walang kaugnayan sa kompanya dahil parang wala na itong ganang ipagpatuloy ang application. Nakapagtataka talaga na kasama niya ngayon si Cathy. Ngayong office hours pa. Nilingon ni Cathy ang binata nang wala siyang narinig na reaksyon. Kumunot ang noo ni Cathy. “Hey, what’s wrong?” Napapitlag si Rex. Pilit pinasaya ang mukha at humakbang palapit sa dalaga. Nang makatabi ay iginala ang paningin na parang naghahanap ng mapuri. “Class din ano?” Hinawakan pa ni Cathy ang braso ni Rex. Tumango lang si Rex. Ngunit sa kanyang isipan ay parang sabihin niyang karaniwan lang ito. Karaniwan na magawa ng pera. At sa kagaya niyang malaki ang kinikita, nagiging karaniwan lang ito dahil sanay siya sa katulad nitong mga lugar. “Puwede na kaya ito?” mayamaya’y sabi ni Cathy.

“Kukunin mo?” Tumawa si Cathy. “Talagang diskumpiyado ka na makakuha ako ng unit dito, ha. Siyempre, hindi ko kaya. Wala pa akong pera. Ni wala pang trabaho.” “E...” “Huwag mo nang ituloy. Alam ko na ang iniisip mo. At sasagutin ko agad ang itatanong mo. Una, hindi ako ang bibili ng unit na ito. Dahil sabi ko nga, hindi ko kaya. Ang unit na ito ay pinatingnan lang sa akin... kung magugustuhan ko raw.” “Ni Mister Montero. Si Mister Montero ang tinutukoy mo,” ani Rex. Nagsalubong ang kanyang mga kilay. “Bakit parang galit ka?” Lumabi si Cathy. Kunwari parang nagtampo. “Walang dahilang magalit ako, di ba?” Ngunit hindi nalingid ang hinanakit ni Rex. Matagal na tiningnan ni Cathy sa mata si Rex. Parang binabasa ang totoong damdamin ng binata. Ang paningin ng dalaga ay nagpapaunawa. Ngunit sa tingin ng binata ay parang nagmamakaawa ito. Tumawa ng mahina si Rex. Mahina ring tinapik sa balikat ang dalaga. “Sige, ituloy ang sasabihin mo.” Huminga ng malalim si Cathy. “Actually, pinatingnan na niya sa akin ang unit na ‘to. Baka raw magustuhan ko.” Habang sinasabi ito ni Cathy ay naninikip naman ang dibdib ni Rex. Todas na. Adiyos na pag-ibig. Parang nanlupaypay ang mga siko ng binata. “Nang makita ko ito... hindi ko alam kung ano ang daramdamin. Nalula ako. Pakiramdam ko ay parang natupad na ang aking pangarap.” “Sinabi mong nagustuhan mo? Marahil hindi na kailangang sabihin mo sa kanya. Nakita naman niya siguro sa reaction mo... na nagustuhan mo.” “Ipokrita ako kung hindi ko sasabihin ang totoo,” sagot ng dalaga. Patay na, sigaw ng puso ni Rex. “Bibilhin raw niya.” “Magkakaroon ka ng sariling unit. Bibilhan ka ni Mister Montero. Ito ang magiging love nest ninyo,” parang bulong lamang ang pagbigkas ni Rex. “Hindi mo na kailangang magtrabaho. Hindi mo na ako kailangan...”

XV

“P

INANGARAP ko ang pamumuhay na ganito. Na mapatira ako sa kagaya nito,” gumagaralgal ang tinig ni Cathy. “Wala namang problema, di ba? Ano pa ang pinoproblema mo?” Hindi maitago ang pagkainis ni Rex. “Hindi naman talaga ako desperada, a,” sa tinig ni Cathy ay pinaparamdam niya sa binata na nasaktan siya. “That’s why nakipag-appointment ako sa ‘yo. Na hindi mo naman sinipot.” “You mean?” “Hindi ba sabi ko noon sa ‘yo mahalaga ang sasabihin ko? Actually gusto kong humingi ng payo sa ‘yo. Pero you did not see me. Naghintay ako pero hindi ka dumating. Hanggang...” “Hanggang sa nagkita kayo?” Parang gustong ibahin ni Rex ang sinabi. Parang gustong sabihin na sadyang nagkita ang dalawa sa Shangrila. Ngunit naisip niyang hindi na kailangang palalain pa ang sitwasyon. Tumango si Cathy. Nakagat ang mga labi. “Alam ko kung ano ang nasa isipan mo. Na may nangyari sa amin sa Robinson’s...” Ano pa? himutok ng dibdib ni Rex. “Walang nangyari. At hindi ko gustong may mangyari. Hindi ko ‘yon napaghandaan. Naiwasan ko sana ang pagsama doon kung...” At napabuntong-hininga si Cathy. Masusing tiningnan si Rex. Naunawaan kaagad ni Rex ang ibig sabihin ni Cathy. Dahil hindi niya sinipot sa kanilang usapan kung bakit nagkagayon. At nakunsensiya ang binata. “Ang ibig ko lang naman ay merong magpayo sa akin...” Lumalim ang buntunghininga ni Cathy. “Although naniniwala naman ako sa sarili kong desisyon pero, honestly, talagang mas mabuti kung may magpayo na pinaniniwalaan ko... like you.” Hindi na nakaimik si Rex ngunit dumalas ang kabog ng kanyang dibdib. Parang nanigas ang kanyang mukha. Marahil dahil sa ibang damdamin na umalipin sa kanya. Matagal na pinagmasdan ng binata ang parang nagmamakaawang mukha ng babae. Na habang tumatagal ay nakikita ni Rex na lumulutang ang kainosentihan nito. Paimbabaw lang pala ang makikitang confidence sa mukha na iyan, naisip ni Rex. Marahil ay dahil sa sinabi ng dalaga. Humikbi si Cathy. “Nakahihiya, ‘no?” “A-ang alin?” Napatuwid si Rex. “Ang ginagawa ko.” Tumungo si Cathy. Mayamaya’y tinungo ang sopa. Umupo na nakatungo pa rin. Sumunod din si Rex at umupo sa tabi ng dalaga. Tumungo din siya. Pinagsalikop ang mga daliri ng dalawang kamay at itukod ang mga siko sa dalawang tuhod. Huminga ng malalim. ‘“Yan din ang pinagtatakhan ko sa ‘yo, Cathy. Aywan kung tamang sabihin na weird ka. Pero nahihiwagaan ako sa ‘yo.”

Nag-angat ng mukha si Cathy. Bumaling dito si Rex. Ngunit madali ring binawi ang paningin. “It seems you’re not sure of what you’re doing. Nakalilito ka. At frankly, naguguluhan ako. Masyado akong affected.” Matagal na hindi nakakibo si Cathy. Minamatyagan ang kilos ng binata. Inaarok kung ano ang tunay na damdamin sa sinasabi nito. “Bigla ka na lang dumating sa aking buhay. Pero naramdaman kong involved na ako sa iyo... Very much involved.” At pilit tumawa si Rex. “Rex, tell me... May feeling ka ba sa akin?” ani Cathy mayamaya. “What do you think?” Binalingan ng binata si Cathy. Umiling lamang si Cathy. Binawi ang paningin sa binata. “Corny kung mag-i-inamorata pa ako, Cathy. Sa edad ko... sa katayuan ko... magiging corny na ang magsalita pa tungkol sa birds and bees.” Hindi pa rin umiimik si Cathy. “Nang una kitang makita nasabi ko sa aking sarili… dumating din ang sandali. Na akala ko ikaw at ako...” Mas malalim ang paghingang binitiwan ni Rex. “Panaginip din ba ‘yan?” nasambit din ni Cathy. “No... Ikaw lang ang nananaginip, Cathy. At hindi ko maarok kung anong klaseng panaginip ang patuloy mong ginagalawan.” “Ako rin ay hindi ko maintindihan,” parang dala ng pananamlay ang tinig ng dalaga. “Marahil dahil sa panaginip na ito... sa pangarap na ito... Kung iisa lang ‘yan. Ewan, hindi ko maintindihan ang sarili ko.” Muling huminga ng malalim si Rex. Mayamaya... “A-ano ang nararamdaman mo para sa akin?” Binalingan ng binata ang dalaga. Gustong makita kung ano ang reaksyon ni Cathy. “Marami,” parang walang anumang sagot ng dalaga. “Noon pa naramdaman kong mabait ka. At napanatag ako sa ‘yo. Maaasahan ka. ‘Yan ang dahilan kung bakit nagtitiwala ako sa ‘yo.” “A-ano pa?” Inaasam-asam ni Rex na madinig ang ibinubulong ng kanyang puso. “Ano pa ba? A... maalalahanin ka... mabuting kaibigan...” “A-ang ibig kong sabihin kung may... may pagtingin ka sa akin,” halos matapos ni Rex ang sinabi. Sinabayan ito ng panginginig ng kanyang mga tuhod. Matagal na hindi nakakibo si Cathy. Tiningnan lamang ng masusi ang binata. Ngunit hindi nagbago ang kulay ng kanyang mukha. Iba ito sa inaasahan ni Rex. Ang akala niya ay magba-blush ang dalaga. Napatda lang ito. “Hindi ka nagbibiro?” Napabuntunghininga si Rex. “My God, Cathy. Susundan-sundan ba kita kung nagbibiro lamang ako?” Bumuntunghininga rin si Cathy. Pagkatapos pinagala ang paningin sa kabuuan ng suite. Umiling-iling. “Hindi ka naniniwalang I love you?” Biglang nahawakan ni Cahty ang kamay ni Rex. Tiningnan ito sa mga mata na parang naglalambing habang nanginginig ang mga labing bahagyang nakabuka. Bahagya ring napayuko si Rex. Hindi na napigilan ang tulak ng kanyang damdamin sa parang nag-aanyayang mga labi ni Cathy. Ngunit dumistansya ang dalaga. Tinakpan ng dalawang daliri ang labi ng binata. “Salamat, Rex. I can feel you really love me,” parang umuungol na sabi ni Cathy. Kinuha ang mga daliri sa labi ng binata at idiniin sa kanyang mga labi. Ngunit hindi napawi ang silakbo ng damdamin ni Rex. Biglang niyakap si Cathy.

Nagpumiglas si Cathy ngunit nakalapat na ang mga labi ng binata sa kanyang mga labi. Matagal na paglapat. Nang bitiwan siya ni Rex ay pareho silang humihingal. “K-kung gusto mo ang unit na ito ay babayaran ko para sa ‘yo.” Hindi sumagot si Cathy. Tumungo lamang. “Did you hear me? Magiging iyo pa rin ang unit na ito. Ibig kong ipakita sa ‘yo na gagastusan rin kita pero hindi lamang dahil sa lust kungdi dahil sa nararamdaman ko sa aking dibdib.” Hinaplus-haplos ni Rex ang buhok ng dalaga. “I love you, Cathy.” ILANG araw na masaya si Rex. Ilang araw ding hindi sila nagkita ni Dan Montero. Matagal ding hindi tumatawag ang matanda. At lalo itong ikinatuwa ni Rex. Naisip niyang makakaiwas na siya sa kanyang amo. Hindi na siya masasangkot pa sa kung ano mang plano ni Mr. Montero. Nakangiti pa si Rex nang diinan ang intercom. Parang kumakanta ang boses ni Zeny nang sumagot. Ilang araw ding masayahin si Zeny dahil masigla ang kilos ng kanyang boss. Mayamaya’y pumasok si Zeny. Nagpa-cute pa bago lumapit kay Rex. Napatawa din ang binata. “Anything, Sir?” “Pakisabi kay Rod na meron akong ipalakad sa kanya.” “Bakasyon si Rod, Sir, a.” Napakunot ang noo ni Rex. “Wala akong alam diyan, a.” “Meron daw importanteng ipagawa sa kanya si Mr. Montero. Pinayagan din siya ni Mrs. Montero.” Lalong nangunot ang noo ni Rex. Agad pumasok sa kanyang isipan ang sinabi sa kanya noon ni Mr. Montero na magpapatayo ito ng sariling kompanya. At siya ang mamahala ngunit tinanggihan niya. Kung gayon ay si Rod ang kukunin ni Mr. Montero. Parang kinabahan si Rex. Naalala niya si Cathy. “Zeny, please check the status of unit 21, Citiland Condominium.” Nagtataka man sa kilos ng kanyang boss dali-daling tumalima si Zeny. Naiwan si Rex na malalim ang iniisip. Mayamaya’y muling pumasok si Zeny. “Sir, sold na raw ang unit 21. Kahapon lang nabayaran.”

XVI

N

ANGINIG ang buong katawan ni Rex sa narinig kay Zeny. Parang kandila siyang nauupos. Namula ang kanyang mga mata. Parang iiyak. “S-sir?” Nabagabag si Zeny. “Anything wrong?” Dali-dali siyang lumapit sa binata at dinama ang kamay nito. Walang reaksyion si Rex. Parang nawalan siya ng lahat niyang lakas. Ang natira niyang lakas ay ginamit niya sa pagpigil na hindi makatulo ang kanyang luha. “C-coffee?” Umiling-iling si Rex. Iniiwas ang mukha upang hindi mahayag sa sekretarya ang mga luha na unti-unting namumuo sa kanyang mga mata. “It’s alright, Zeny.” Pinilit ni Rex na pasiglahin ang kanyang boses. “You may go now.” Nag-aalala man napilitang lumabas si Zeny. Ngunit palingun-lingon siya sa binata. PARANG nasa alapaap ang pakiramdam ni Rod pagpasok niya sa suite ni Mr. Montero. Napakagaan ng kanyang pakiramdam sa malawak at modernong kuwarto na ngayon lang niya napasukan. Matagal siyang napatda sa labis na paghanga. Napangiti si Mr. Montero paglabas niya sa kanyang silid nang makita si Rod na indi maitago ang pagkalula sa luxury ng suite. Mabilis siyang lumapit kay Rod na hindi nakapansin dahil walang ingay ang bagsak ng kanyang mga paa sa malambot at makapal na carpet. “How do you like my suite?” Tinapik ni Mr. Montero ang balikat ni Rod. Pagkatapos lumapit sa built-in bar at kumuha ng whisky. “Great!” halos nasambit ni Rod. “In a matter of months puwede ka ring magkaroon nito,” mariin ang pagkasambit ni Mr. Montero. Nagsasalin na siya ng whisky sa baso. “Ngayong naayos mo na ang mga papeles ng bago nating kompanya... as I’m very sure magdadala sa atin ng malaking pera. On the rocks?” dinugtungan ito ng tanong habang isinisenyas ang isang baso na may laman ng whisky. Si Rod na ang kumuha ng ice at inilagay sa kanyang baso. Pakiramdam niya ay malaki na siyang tao. Nang makaupo sa sopa si Mr. Montero ay parang nawala ang kanyang pagbantulot na umupo din sa kaharap na upuan. “I won’t say thanks sa pag-ayos mo ng papers, Rod. Para ito sa ating lahat. For you and me.” Bumilis ang pintig ng puso ni Rod. Naragdagan dahil sa naramdamang init ng nainom na stateside na whisky. “And you will run the operations.” Bumuka ang mga labi ni Rod ngunit walang nabigkas dahil sa labis na pagkagulat. “Let’s toast to that!” Itinaas ni Dan Montero ang kanyang baso at ipiningki sa baso ni Rod na hindi pa nito naiangat. Napilitan ang binata na itaas ang kanyang baso at sinabayan sa paglagok si Dan Montero. KINAUMAGAHAN ikinagulat ni Rex ang ipinaalam sa kanya ni Mrs. Montero. Nasa kuwarto na siya ng kanyang boss.

“Wala ba siyang sinabi sa iyo kung bakit magre-resign siya, Rex?” “Wala ho, Mam. Sa ‘yo ko nga lang nalamang magre-resign siya.” Parang hindi makapaniwala si Rex na nag-file na ng resignation letter si Rod. Ngunit naisip niya agad na ang dahilan nitong agarang resignation ng kanyang assistant ay ang ipinalakad dito ni Mr. Montero. Ngunit hindi niya ito binanggit kay Mrs. Montero. Ayaw niyang iparating sa babae ang kanyang haka-haka lamang. “He is a good, hardworking young man, Rex. I’m sure he’ll be a big loss to Golden Opportunity Systems.” “I-ibig mo hong’ kausapin ko siya, Mam?” Nang magbalik sa kanyang kuwarto si Rex ay inabutan niya roon si Rod. Parang hindi ito makatingin sa kanya ng tuwid. Kahit ang ngiti sa kanya ay parang pinilit lamang upang maitago ang guilt. “Is it true, Rod?” unang nasambit ni Rex. Umupo siya sa gilid ng kanyang mesa. Paharap kay Rod na nakaupo sa sopa. “I-I’m sorry, Sir,” sagot ni Rod. “Hindi ko rin naman inaasahan na magiging biglaan ang aking pagre-resign.” “Dahil ba doon sa ipinalakad sa ‘yo ni Mr. Montero?” Hindi kaagad nakasagot si Rod. Lalo lamang siyang tumungo. “Okay lang. Wala namang diperensiya kung kinuha ka niya. Sino nga lang ba ang hindi naghahangad ng personal upliftment? Alam ko, you deserve naman, e.” Nilapitan ni Rex si Rod at tinapik sa balikat. “Ang masasabi ko lang ay mag-ingat ka on your way up. Mahirap nang malagay ka sa alanganing sitwasyon.” Tumangu-tango si Rod. Ngumiti. “That’s why nakipagkita talaga ako sa ‘yo before leaving. At gusto kitang pasalamatan sa mga naitulong mo sa akin. Especially sa pagpasok mo sa akin dito.” “Okay lang.” Muling tinapik ni Rex si Rod. “Pero gusto kong humingi ng isang pabor, Rod. Baka ‘kako kung meron kang alam tungkol sa unit 21 ng Citiland Condominium.” Parang nagulat na natingnan ni Rod si Rex. “Kursunada mo pala ‘yong unit?” Natawa si Rex. Pagkubli ito sa totoong dahilan kung bakit natanong niya si Rod tungkol dito. “Sana... No other choice dahil ‘yon na lang ang unit na natitira no’ng mag-inquire ako.” Nakapanagutsot si Rod. “Ang malas mo, Sir. Naunahan ka. Pinabayaran na ‘yon sa akin ni Mr. Montero. “Hmm. Investments, ha?” “Pagbawas sa umaapaw na pera.” Tumawa pa si Rod. “Para kasi ‘yon sa kanyang other woman.” Other woman! Parang pinitik ang tainga ni Rex. Naalaala niya si Cathy. “At hindi lang basta other woman na ibinibili ng condo unit. Stockholder din siya ng korporasyon.” Nalula si Rex. Stockholder na ng korporasyon si Cathy! Gusto niyang makatiyak. Kung totoo ito titingala na lang siya dito. O, Cathy. “Who’s she?” Tumalikod si Rex upang hindi makita ni Rod ang pag-igting ng kanyang mga ugat. “Hindi ko pa siya nakikita pero I know her name. Nag-aplay pa raw ito dito noon.” Wala ng iba! Cathy! Parang aatungal si Rex. Parang ibagsak niya ang sarili upang maramdaman niya ang pagkawasak ng kristal na nabanig sa mesa. Gusto niya ito upang maramdaman niya na nawasak din ang kanyang katawan.

Nanikip ang dibdib ni Rex. Tumayo siya at lumapit sa bintana. Pinihit ang venetian blind. At nang mabuksan ay pinagala ang paningin sa labas. Parang dinadama na naglalayang-layang ang sarili sa labas. “E, Sir... thanks again.” Tumayo si Rod. Lumapit kay Rex. “I’ll always be in contact. At baka mapasyal ka rin sa magiging opisina ko...” May dinukot siya sa kanyang bulsa. “Eto ang calling card.” Inilapag ito sa mesa ni Rex. At matapos mapisil ng mahigpit ang kamay ng dating boss nagmamadaling lumabas. MAAGANG nagising si Cathy. Masigla ang kanyang kilos. Tinunghayan niya sa salamin ang sarili. Hindi siya nakapagsuklay ngunit hindi nito naitago ang kanyang ganda. Kahit siya ay napahanga sa sarili. Ngayon lang niya nakita ang buong kahubdan sa napakalaking salamin sa kanyang kuwarto. Labis ang kanyang kagalakan. Lumapit pa siya sa salamin. Hinipo sa salamin ang bahaging kapantay ng kanyang mukha. Parang gustong pisilin. ‘“Yan ang suwerte mo dahil ginagamit mo ng tama ang iyong utak,” sabi niya sa sarili. “At umpisa pa lang ito ng lahat ng darating pa, Catherine. Wala ng makapipigil sa balak mong ‘yan.” Napawi ang ngiti sa kanyang mga labi. Tumiim ang mga bagang. Sandaling sinipat ni Cathy ang sarili. Nang makaramdam ng ginaw dahil manipis na negligee ang suot, nagmamadaling kinuha ang bathrobe sa kabinet. Isinuot ito at tinungo ang pintuan. Ngunit hindi natuloy ang pagbukas ni Cathy nang mag-ring ang telepono sa mesita malapit sa kanyang higaan. Kunot-noong bumalik siya at dinampot ang telepono. Parang walang anumang nag-hello. May nagsalita sa kabilang linya. Ikinagulat ito ni Cathy. Kumabog ang kanyang dibdib. Si Rex ang tumatawag. At maaga pa ay lasing na.

XVII

“GOOD morning,” ulit sa kabilang linya. Nanginig ang kamay ni Cathy. Bumuka ang kanyang mga labi ngunit walang lumabas na tinig. “Is this 812-0656?” sa kabilang linya pa rin. “W-wrong number,” nasambit ni Cathy. Ngunit hindi niya inilapag ang telepono. “Wait!” lumakas ang tinig ni Rex. “C-Cathy...” “R-Rex... you’re drunk.” “Nakainom lang,” narinig pa ni Cathy na tumawa si Rex. “Hindi ako makatulog kaya eto, tumikim-tikim.” “Tumikim-tikim lang hanggang umaga?” Bahagyang napanatag na ang damdamin ni Cathy. “By the way, napatawag ka?” “Gusto kong’ makausap si Mister Montero,” pagdadahilan ni Rex. May sumundot sa damdamin ni Cathy. “Ba’t dito mo hahanapin?” “Tumawag ako sa kanyang suite sa Robinson’s Tower... wala siya. Wala din siya sa kanilang bahay.” “So, dito mo iniisip na makontak?” Naningkit ang mga mata ni Cathy. Biglang naginit ang kanyang pakiramdam. “N-no!” Hindi umimik si Cathy. Huminga ng malalim. Naasar. Naramdaman ito ni Rex sa kabilang linya. “At paano mo maipaliwanag ang pagtawag mong ito dito?” may halong yamot ang pananalita ni Cathy. “Siguro tinitiyak mo kung nandito nga ako, ‘no?” Hindi nakasagot si Rex sa kabilang linya.. Huminga lang ito ng malalim. Sinundan ito ng sinok. “Huwag ka nang tumanggi. Alam mo nang nakuha ko na ang unit na ito. Nasabi sa akin ng administrator na tumawag dito ang sekretarya mo.” Sa kanyang kinaroroonan ay parang nawala ang sakit ng ulo ni Rex. Napatiimbagang siya. Parang gustong sabihin na mali ang sinabi ni Cathy. Na hindi totoong ito ang nakakuha ng unit kungdi si Dan Montero. At nakatira lamang diyan ang babae. Na marahil paminsan-minsan ay kasama ni Dan Montero. Ngunit nanatiling tahimik si Rex. Hinihintay na lang kung ano pa ang sasabihin ng dalaga. “Well?” si Cathy. “Ano pa ba ang gusto mong malaman?” “W-wala na yata,” mahina ang pagsambit ni Rex. “Nagkausap kami ni Rod. Nabanggit niya sa akin pati na ang bago ninyong kompanya.” Nilakasan ni Rex ang pagsambit ng ninyo. Parang sinundot si Cathy. Ngunit hindi siya nagpahalata sa kanyang tinig. “Well, satisfied ka na? Maliligo pa ‘ko.” “Good morning, Cathy. Hope you’ll have a nice day.” Pagkatapos narinig ni Cathy ang pagbaba ng telepono.

Matagal bago makakilos si Cathy. Ang naramdaman kaninang init ay nagpaliyo sa kanya. Ngayon ay naramdaman niyang hindi paligo ang kailangan niya kungdi ang magbalik sa higaan. Parang gusto niyang mamaluktot at balutin ng kumot ang kanyang ulo. Hindi na tumuloy sa banyo si Cathy. Muli siyang humiga. Litung-lito siya. Pumikit siya. Pilit binabalikan ang pangyayari sa lalawigan na naging dahilan kung bakit narito siya ngayon sa Maynila hindi lang sa paghahanap ng trabaho kundi pagtupad sa pangako sa ina. Kahit pa na ang katuparan ng kanyang pangako ay pagsuway sa kagustohan ng mimamahal na ina. “A-anak... kung ano man ang binabalak mo huwag mo nang ituloy,” dinadalaw pa siya ng sinabi noon ng kanyang ina. “Matagal ko na siyang napatawad.” Umubo ito. Inatake ng hika. “Nagawa mo siyang patawarin sa kabila ng ginawa niya sa ‘yo? Sa atin?” Parang ayaw niya noong magpatubaring. Awang-awang pinagmasdan ang hapis na pisngi ng ina. Parang kaydaling umimpis ang pangangatawan ng ina dahil sa labis na pagtatrabaho. Mapagtapos lamang siya sa pag-aaral. “Nakalipas na ‘yon, Anak. Nailibing ko na sa limot.” “Gumaling man ang sugat na idinulot ng kanyang pagtataksil ngunit natiyak kong nananatili pa rin ang peklat, Inay,” aniya. “Kung napatawad ko si Jane... dapat mapatawad mo rin siya, Anak.” Nagtagis lamang ang mga bagang niya noon. Talagang hindi nabawasan ang inalagaang poot sa kanyang dibdib. “Kahit si Rodante ay napatawad ko na rin...” “Ang walanghiyang ‘yon,” halos bulong na lamang ang nasambit niya. “Ilang taong tiniis mo ang lahat mapalaki at mapag-aral mo lamang ako. Ilang beses bang’ dapat nandito siya sa ating tabi upang tupdin ang kanyang tungkulin? Pero nasaan siya?” “Kalimutan mo na lang sila, Anak,” paos na ang boses ng ina. Nalungkot dahil sa pagmamatigas ng anak. “Hindi magandang magtanim tayo ng poot sa kanila.” “Naaawa kasi ako sa ‘yo, Inay.” Pumatak ang kanyang mga luha. Napilit ni Cecil na ngumiti. Pinilit pasayahin ang mukha. “Alam ko, Anak.” BUMANGON si Cathy. Binuksan ang hand bag na nakapatong sa ibabaw ng kanyang drawer. May kinuha. Isang maliit na kahon. Mapusyaw na ang kulay nito dahil sa kalumaan. Binuksan. Kinuha ang lamang gold ring. Meron itong malaking batong diyamante. Maingat na isinuot sa kanyang daliri. Sinipat ng maigi. Bagaman matagal na hindi nagagamit ngunit kumikinang pa rin. Parang kinang ng ngiti ng kanyang ina noong malakas pa ito. Hanggang unti-unting pumusyaw ang kinang ng mga ngiti nang magkasakit... na naging dahilan ng maagang kamatayan. Nalulungkot na tinanggal ni Cathy ang singsing. Maingat na ibinalik sa maliit na kahon. Dapat niyang ingatan ang naiwang alaala ng kanyang ina. Magkapatong ang mga paang nakaupo si Dan Montero sa malambot na sopa sa kanyang suite sa Robinson’s Tower nang dumating si Rod. Nakaroba pa si Dan Montero. Kagigising lang niya ngunit may hawak nang kopa ng alak. “Ipinatatawag mo raw ho ako?’ tanong ni Rod matapos maka-good morning. Umupo siya sa isang silya paharap sa kanyang boss. “Gusto kong kumustahin ang first few days ng ating operation.” Isinenyas ni Dan Montero ang kamay sa bar. Ngunit umiling si Rod. Pilit na ngumiti. Ayaw niyang uminom dahil napakaaga pa. “Medyo okey na ho ang takbo. Marami na akong nakontak na mga placement agencies. Pati mga dance centers. Okey naman sila. Basta fair dealing lang ho.”

“Good!” Nagliwanag ang mukha ni Dan Montero. “By the way, kumusta sa Citiland Condominium? Wala ba siyang kulang doon?” “Fully furnished na ho. So far wala pa namang pinapadagdag si Miss Imperial. So I presumed kumpleto na ang kanyang pangangailangan.” “Good. Just do the best you can para sa kompanya.” Tumayo si Dan Montero. Paunawa ito na tapos na ang sasabihin kay Rod. Agad namang tumayo si Rod upang magpaalam. “By the way, ipaalam agad sa akin kapag kumontak na ang ating Japanese connection. Ibig kong ma-accommodate sila ng husto.” Tumango si Rod at nagpaalam. SA Golden Opportunity Systems ay parang di-mapakali si Rex. Makailang ulit na siyang nagkamali sa kanyang trabaho. Natawa nga si Zeny dahil ang pinipirmahan sa papeles ay pangalan ni Mrs. Jane Montero. Sa ilang oras na trabaho ay makailang ulit rin siyang nagkamali sa pinipirmahan. Makailang beses ding nagpaulit-ulit ng pag-type si Zeny. Hanggang napansin ni Mrs. Montero ang pagkaligalig ni Rex. Kaya pinatawag niya ang binata. “Kung gusto mo puwede kang mag-day off ngayon, Rex.” Ngumiti si Mrs. Montero. “Tingin ko sa ‘yo parang sumusunong ng mundo.” “I-I’m sorry, Mam. Siguro wala lang ho ako sa kundisyon. Nag-take na ako ng gamot. Baka mawala din ito mam’ya.” “No. Mag-day off ka na lang. Anyway wala namang masyadong problema ngayon. Mabuti ‘yan para makapagpahinga ka ng husto. Or better still, magpatingin ka muna sa doktor.” Napahinga ng malalim si Rex. “T-thank you ho, Mam.” Tumalikod na si Rex. “Don’t worry, Rex. Naiintindihan ko kung bakit.” Napalingon si Rex. Nakangiti si Jane Montero. “Talagang makapagpasakit ng dibdib ang pag-ibig,” sinundan ito ng tawa. Lalong sumakit ang dibdib ni Rex.

XVIII

U

MIILING si Rex nang lumabas siya sa kuwarto ni Mrs. Montero. Parang mapikon siya sa biro ni Jane ngunit alam niyang totoo ang sinabi nito. Huminga na lang siya ng malalim at tunguhin ang sariling kuwarto. Sa labas naraanan niya si Zeny na nakangiti. Nanunukso ang ngiti ng kanyang sekretarya. Ngunit agad din itong napawi nang kumunot ang noo ni Rex. Nagkibit na lang ito ng balikat at binalikan ang ginagawa. Nang makapasok na si Rex sa kanyang kuwarto ay tumigil naman si Zeny sa kanyang ginagawa. Ipinukol ang tingin sa kuwarto ng binata. Kumunot ang kanyang noo. “O, bakit parang ang talim ng tingin mo sa kuwarto ni Boss?” nakangiting tanong ni Mon na hindi napansin ni Zeny ang pagdating. “Baka mabalya ang pintuan,” dagdag pang biro. Sumimangot lamang si Zeny. Pinatulis ang mga bibig. “Hay, naku, Zeny. Alam ko na kung bakit nagkakaganyan ka.” Lalong tumulis ang bibig ni Zeny. “Meron kang kalabog de korason kay Boss.” Malutong ang halakhak ni Mon. Isang plastic paper weight ang nadampot ni Zeny at biglang ibinato kay Mon. Ngunit nahandaan ito ng binata kaya agad namang nasalo bago tumama sa kanya. Natigil ang tawa ni Mon. “Sa akin mo na lang sana ibaling ang iyong kalabog de korason.” Seryuso si Mon. “Mas bagay ako sa ‘yo.” Hindi na umimik si Zeny. Ngunit lalong umigting ang pagsalubong ng kanyang mga kilay. Pinukol pa niya ng masakit na tingin si Mon bago ibaling ang atensiyon sa mga gagawin sa kanyang mesa. Nakatawang tumuloy na lang si Mon sa kuwarto ng kanyang boss. “Pareho kayo ng amo mo!” hindi napigilan ni Zeny na pahabol sa kanya. Nakapangalumbaba si Rex nang pumasok si Mon. Namumula ito kahit nakita ni Mon na matamlay ang kaibigan. “May lagnat ka yata,” nasambit ni Mon na agad lumapit sa kaibigan at dinama ng likod ng palad ang leeg nito. “Sabi ko na nga. Halika na... para makadaan tayo sa doktor.” Tumayo rin si Rex. “Hindi na siguro kailangan ang doktor. Pahinga lang siguro ang kailangan. Tara na.” At nagpauna na siya sa paglabas sa pintuan. Nang makaalis sina Rex ay ipinatawag ni Mrs. Montero si Zeny. Ipinagtaka ito ni Zeny dahil ngayon lang siya ipinatawag ni Mrs. Montero. Kadalasan kung may kailangan ito ay si Marlene ang tinatawag. Seryuso si Mrs. Montero nang pumasok si Zeny sa opisina nito. Nakaramdam kaagad ng kaba si Zeny. “I want an honest answer to a personal question, Zeny.” Lalong kinabahan si Zeny. Ngunit sinikap niyang hindi mahalata. “T-tungkol ho saan, Mam?” “Tungkol kay Mr. Sevilla.”

Napakunot-noo si Zeny. Napawi ang kanyang kaba. “Ano ho ang tungkol sa kanya, Mam?” “Siguro napansin mo rin ang kanyang mga kilos these past days. Dahil sa babae... woman’s intuition ko.” Napatungo si Zeny. Kung maaari nga lang ay ayaw niyang mapag-usapan ang tungkol dito. May bahagi sa kanyang puso na masasagi kada mapag-usapan ang tungkol sa damdamin ng kanyang boss. “May alam ka rito, di ba?” Napaangat ang mukha ni Zeny. Natuliro. Napangiti si Mrs. Montero. “Don’t worry, Zeny. Ang gusto ko lang naman ay makatulong. Ayaw kong’ may kasama dito na nahihirapan... lalo na sa problema sa puso.” Pakialamera! Ngunit hindi umimik si Zeny. Ang nasa isipang tsismosa ang kanilang boss ay nakabawas ng kanyang kaba. Napangiti siya. “Personal ito pero siguro may karapatan akong makialam. Kung nakakaapekto naman ito sa performance ng aking empleyado,” parang paliwanag ito sa hindi naisatinig na reklamo ni Zeny. Wala sa loob na napatango si Zeny. “Now, sino ang babae?” “Hindi ko ho sigurado kung si Cathy Imperial.” Napakunot ang noo ni Mrs. Montero. “Do I know her?” “Aplikante ho natin siya, Mam. At maganda...” “Kaya absent-minded na si Rex ngayon. Baka nag-away sila?” Napailing si Zeny. “E-ewan ko ho, Mam,” napakahina ng pagkasambit ng dalaga. Huminga ng malalim si Jane Montero. Tumingala sa kisame. Mayamaya... “Get her picture. Gusto kong makita ang kanyang hitsura.” Naghahalungkat lamang si Zeny sa file ng kanilang applicants ngunit parang kinukunsensiya siya. Nahihiya siyang isipin na parang tinraydor niya si Rex dahil sa pagpasunod sa haka-haka ni Mrs. Montero. Walang pagpayag si Rex at alam ni Zeny na mali itong gawain ng isang sekretarya. Kung makailang beses halungkatin ni Zeny ang file ngunit hindi niya nakita ang papers ni Cathy. Naalala niyang ipinahiwalay sa kanya ni Rex ang application papers ng dalaga at hinanap naman niya ito sa priority file. Ngunit talagang wala. Nagulumihanan ang dalaga. “Hmmm. Nakita na ba ni Mister Montero ang aplikanteng ‘yon?” tanong ni Mrs. Montero nang magbalik si Zeny sa kanyang kuwarto. “P-parang hindi pa ho, Mam,” mabilis na sagot ni Zeny. “Then walang ibang kumuha kungdi ang lalong interesado,” sinundan ito ni Mrs. Montero ng nanunudyong ngiti. Napangiti din si Zeny nang maunawaan ang ibig sabihin ni Mrs. Montero. Ngunit mahapdi ang kanyang pakiramdam. Nagtaka si Mon nang pagdating nila sa Buendia-EDSA ay sinabihan siya ni Rex na mag-left turn. Nagtataka man ay hindi na siya nagtanong pa. Lalong nagtaka si Mon nang pagdating nila sa Pasong Tamo Street ay pina-left turn naman siya. Doon daw sila pupunta sa Citiland Condominium. Napailing na lang si Mon. Hindi niya alam kung sino ang pupuntahan nila doon. Napangiti din si Rex nang makita ang pag-iling ni Mon. Mapait ang ngiti ni Rex. “Nagtataka ka, ‘no?” ani Rex. “Nagtataka ka sa kilos ko ngayon. Pero ang lalo mong dapat pagtakhan ay kung bakit pati ako nagtataka din sa kilos ko.” Muntik nang maapakang bigla ni Mon ang preno ng kotse. Tawang may hinanakit ang inilabas ni Rex.

“Sabi ko na nga ba.” Hindi na nagbigay ng kung anong reaksyon si Mon. Tuloy ang kanyang pagmamaneho hanggang makarating sila sa De la Rosa Street, kumanan papasok sa entrance ng Citiland. Pagdating sa main entrance inihinto niya ang kotse. Hinintay na makababa si Rex upang madala niya ang kotse sa parking area. Bumaba na si Rex. “Kung gusto mong’ malaman kung bakit nagkakaganito si Boss mo, puntahan mo ako sa second floor. Suite 27.” “S-SIR... Rex!” parang nagulat na bati ni Rod nang makita si Rex na papasok. “Tuloy... tuloy.” Tumayo siya at sinalubong ang dating boss. Inilahad ang kanang kamay. Tinanggap din ni Rex ang kamay ni Rod. Ngunit hindi siya umimik. Pinagala lang ang paningin sa kabuuan ng opisina. Napahanga ang binata. Hindi naman malaki ngunit maganda ang furnishings. May sinasabi sa interior design ang nag-ayos ng opisina. “O-okay din ba ang opisina ko, R-Rex?” Parang hindi masambit ng diretso ni Rod ang pangalan ng dating boss. Nasanay na kasi siyang sir ang tawag kay Rex. Sa halip na sumagot tinapik ni Rex ang balikat ni Rod. Napalatak. “Wow!” si Mon. Kapapasok lang. Hindi niya napigilan ang paghanga. “Bigtime ka na talaga, Rod,” sinundan niya ito ng tawa. Ang malakas na tawa ni Mon ay gumulat sa taong nasa isang silid na may nakasulat na VICE PRESIDENT sa pintuang salamin. Bumukas ito. Tumambad ang parang nairitang mukha. “What’s...” “C-Cathy…” bahaw ang pagkasambit ni Rex.

XIX

BIGLA ang pagbago ng kilos ni Cathy. Napatda. Unti-unting namutla ang mukha. Mas lalo ang pagkapatda ni Rod. sa kilos ng dalawa ay naramdaman niyang mayroong di-karaniwang kaugnayan na nakapagitan sa mga ito. At hindi niya ito inaasahan. “W-welcome, Mister Sevilla,” mayamaya’y nasabi ni Cathy nang makawala sa kanyang pagkabigla. Nakapilit agad ng ngiti. Muling lumutang ang katangiang siyang gumugulo kay Rex. Matagal na tulala si Mon. Parang hindi makapaniwala na ang kaharap nila ngayon ay ang babaing noon ay simple ang kilos... at aplikante pa noon ng Golden Opportunity Systems. Ano kaya ang ginagawa nito dito? naisip ni Mon. “Mabuti’t napasyal kayo.” Lalong tinamisan ni Cathy ang ngiti. “Rod, why didn’t you offer them some coffee?” E, kararating lang ho nila, Mam,” mabilis na sagot ni Rod. Agad sumenyas sa isa sa dalawang empleyada na magtimpla ng kape. Mabilis naman itong tumayo at kumuha ng dalawang cup. Nakita ni Rex na bahagya pang lumiyad si Cathy nang marinig ang pagbigay-galang dito ni Rod. Parang tinukod ng Mam ang noo nito upang tumaas. Lihim na napangiti si Rex. Ngunit may halong tuya na parang gusto niyang ipapansin kay Cathy. “Black or...” tinig ng babae na ngayon ay may hawak nang kutsarita na akmang isandok sa kape. Napakasuwabe ng pagkasalita niya na saglit nalipat sa kanya ang paningin nina Rex at Mon. “B-bl... bla...” Parang nabulunan si Mon. Nautal. “Black!” agaw ng babae na ngumiti. Me pagkapilya pala. Pati si Cathy ay napangiti rin. Ngunit halakhak ang naidugtong ni Mon sa kanyang pagkautal. Imbes na tumawa dahil sa pagkautal ni Mon ay napatulis ang bibig ni Rex nang mapansing nakatingin sa kanya si Cathy at parang natatawa. Naramdaman ng binata na parang sinundot siya ng kilos ni Cathy. At hindi niya matanggap na maging ganun ang pagkikita nila sa opisina nito. Baka lalong bumaba ang pagtingin sa kanya ng dalaga. Napansin yata ni Cathy ang naging reaksyon ni Rex. Kaya lumapit siya sa binata at hinawakan ito sa siko. “How would you like to see my office?” Idinaiti pa niya ang dibdib sa siko ng binata. Tiningala at pinapungayan ng mata. Masama man ang pakiramdam napilitang sumunod si Rex. Napilitan siya dahil sa hindi mapigil na kalabog sa kanyang dibdib. “Marami kang dapat ipaliwanag sa akin,” parang bulong lamang ang naipalabas ni Cathy. Ito ang lalong nagpalambot sa pagmamatigas ni Rex Sevilla. Ilang saglit na di-mapakali si Rod. Madalas niyang pagtuunan ng tingin ang nakapinid na pintuan ng kuwarto ng kanilang vice president. Wala siyang

nararamdamang selos ngunit hindi siya mapanatag. Lalaki siya at napansin niya ang nakapagitan sa dalawa. At ito ang inaalala niya. Baka biglang dumating si Dan Montero. Parang tinudyo ang isipan ni Rod. Ilang sandali lang nag-ring ang kanyang hot line. Si Dan Montero! Ipinapaayos sa kanya ang lahat sa opisina. Darating daw ang mga ito. Ibig sabihin may kasama si Dan Montero kahit hindi sinabi kung sina sino. Lalong natuliro si Rod. Paano na ito ngayon? Alam niyang hindi maganda ang loob ngayon ni Dan Montero kay Rex. Kaya nga siya ang naging manager sa bagong kompanyang ito na dapat sana’y pamamahalaan ni Rex Sevilla. Todas! Talagang hindi mapakali si Rod. Kailangang maabisuhan niya ang kahit sino sa dalawa Diniinan ni Rod ang intercom. Konektado ito sa lahat na mga departamento at maaaring marinig ang mensahe sa lahat na linya kapag gustuhin ng tumatawag. Ito ang ginawa ni Rod. Kahit pa ang sekretarya sa lobby ang tinawagan niya ngunit ang mensahe ay nais niyang iparinig kina Cathy sa kuwarto nito. “Joanne, please prepare VTR’s of our applicants. Mister Montero and some principals will be here at three.” Napakunot ang noo ni Cathy nang marinig ang instruction ni Rod kay Joanne. Lihim na sinulyapan niya si Rex. Nakakunot ang noo ng binata ngunit ang paningin ay natuon sa pintuan. Naisip ni Cathy na katulad niya, ayaw din ni Rex na madatnan ni Mr. Montero. “Well?” gambala ni Cathy na nagpalingon sa lalaki. Sinamahan ito ng matamis na ngiti. Parang nanghahamon. Ikinainis ni Rex Sevilla ang naghahamong ngiti ni Cathy. Parang sasabog siya. Ngunit nagpigil pa rin siya. At matapos mapayapa ang damdamin, tumayo siya at ngumiti. “Ano’ng oras pala ang dating nina Mister Montero?” tanong ni Rex habang minamasdan ang kanyang relo. Pagkatapos sinulyapan ang dalaga. At napangiti siya sa napansin. “Mas mabuti nga’ng magkita kami before I go back to the office.” Namutla si Cathy. “Well... kung ayaw mong magkita kami rito,” sadyang hindi itinuloy ni Rex ang idudugtong. Lalong binigyan ng kulay ang pagngiti, “sa ibang araw na lang siguro ako babalik.” Bumuka ang mga bibig ni Cathy. Ngunit walang katagang lumabas. Nanatili na lang itong nakabuka hanggang kumindat si Rex at lumabas. “R-Rex...” bahaw na usal kalaunan ni Cathy. Ngunit nagsara na ang pintuan. Matagal nang nakaalis sina Rex ngunit hindi pa rin nakakilos si Cathy. Bagaman napako ang kanyang tingin sa nakasarang pintuan ngunit wala doon ang kanyang kaisipan. Naglalakbay ito. Sa simula doon sa lalawigan. Noong nagdadrama silang mag-ina. Hanggang nagkita sila ni Aida. At nang makarating siya dito sa Maynila. Sa balak na gamiting paraan ang muntik ikapahamak ni Aida upang matupad ang kanyang plano. Hanggang makaharap niya ang mga taong may malaking kaugnayan sa kung bakit naririto siya ngayon. Nanikip ang dibdib ni Cathy nang mapadako ang kanyang isip kay Rex.. Si Rex na pinagkatiwalaan niya... sinandalan sa sandaling nangangailangan siya ng lakas. Ngunit ito ngayon ang bumabagabag sa kanya. Nasaktan niya ang damdamin ni Rex. At nasaktan din siya... dahil may pagtingin siya sa binata. Matagal ang unti-unting paghinga ni Cathy. Parang nakabuti ito sa naninikip niyang dibdib. Nagpagaan ito sa kanyang pakiramdam. Ngunit nananamlay pa rin ang kanyang katawan na bumalik sa pagsandal sa kanyang upuan. NAKAHINGA ng maluwag si Rod nang pumasok si Dan Montero na may kasamang dalawang Belgian. Naiisip ng binata kung anong maaaring nangyari sakaling naratnan ng kanyang amo na bisita ni Cathy si Rex. At tiyak na pati siya ay madadamay. At

maaaring maging dahilan ng pagbalik niya sa ibaba. Magsisimula na naman sa umpisa. At managhili na lamang sa tinatamasa niya ngayon. Kahog na tumayo si Rod at sinalubong ang bagong dating. Agad nakita niyang sa pamamagitan ng mga mata, sumenyas si Dan kung nandiyan si Cathy. Bahagya lang ang tango ni Rod. Pumihit patungo sa kuwarto ni Cathy. Nakasunod sa kanya ang tatlong lalaki. Kumatok si Rod. Saglit na naghintay. Mayamaya’y bumukas ang pintuan. Pusturang-pustura at preskong tingnan si Cathy na matamis ang ngiti sa kanila. Ilang saglit na hindi nakahuma si Dan Montero. Parang inalipin siya ngayon ng pagtataka. Ngayon lang niya nakita si Cathy na napakapormal sa suot nito. Ngunit lutang pa rin ang katangiang umaalipin sa kanya. O mas lalong lumutang ang katangian nito. Tumikhim ang dalawang Belgian. Napakislot si Dan Montero. “A... e, Gentlemen, this is my partner, Madam Cathy Imperial.” Mabilis ang dalawa. Halos nagbanggaan pa ang kanilang mga kamay sa pag-abot ng kamay ni Cathy ng ipakilala ni Dan Montero. Parang naramdaman ni Cathy na hindi maggiging maganda ang buong araw niya nang magkamay sila ng Belgian. Agad pumasok sa kanyang isipan na manyakis din ang mga Belgian.

XX

A

GRESIBO din ang dalawang Belgian. Kung pakiramdaman ni Cathy ay mahigit pa ang dalawa kay Dan Montero. Parang hindi kapani-paniwalang mga macho kung hindi ka madikitan. Ito ay dahil sa kanilang kulay na parang pink. Hindi matingkad ang dugo kung tingnan. Kung sa pagkain nakakaumay. Dahil halos sabay ang dalawang Belgian na humawak ng kanang kamay ni Cathy, napilitan ng dalagang iabot din ang kaliwa niyang kamay. Kaya halos hindi makakilos ang dalaga nang mahigpit na kamayan ng dalawang Belgian. Laluna’t parang ayaw bitiwan ng dalawa ang kanyang kamay. Mas malakas ang kuryenteng pinadaloy ng nagpakilalang Maurois Stacke na humahawak ng kaliwang kamay ni Cathy. Pakiramdam ni Cathy ay sumasama sa init ng kamay ng lalaki ang malisyang ipinapakita ng paningin nito. Parang naasiwa si Cathy. Na-offend. Ngunit ayaw naman niyang iparamdam sa kanilang panauhin kaya isinenyas ang upuan sa pamamagitan ng bibig. Parang napahiya din na binitiwan ng dalawa ang kamay ni Cathy at tinungo ang upuan at umupo. Noon lang nakakilos si Dan Montero na napatigagal dahil nakaramdam ng selos sa pagka-attract ng mga kasama kay Cathy. Pumilit ng ngiti si Dan Montero at umupo din sa isang upuang paharap sa dalawang Belgian. Pilit ding pinawi sa dibdib ang naramdamang selos upang hindi maasiwa ang kanyang mga kasosyo. Ngunit lihim na nakiramdam si Dan. Pinakikiramdaman ang kilos ng mga Belgian. Pati ang kilos ni Cathy. Lihim na napangiti si Cathy sa nakitang iginawi ni Dan Montero. Isang mapanudyong ngiti ang inilabas ng labi ng dalaga. May naisip siya. Lalo niyang tutuksuhin si Dan Montero. Pati na ang dalawang Belgian na kahit may ipinapaliwanag sa mga ito si Dan Montero, ang mga mata ay hindi humihiwalay kay Cathy. Hindi umupo ang dalaga sa tabi ng kanilang mga panauhin. Nanatili siyang nakatayo, pasandal sa gilid ng kanyang mesa. “Coffee?” tukoy ni Cathy sa tatlo. Sinabayan ito ng hilig-patagilid upang diinan ang intercom. At sa paghilig niya ay sadyang inangat ang kabilang binti upang kunwari madaling maabot ang intercom. Umangat ang mini-skirt ni Cathy. “Coffee please,” patukoy kay Joanne. Halos sabay kumislap ang mga mata ng dalawang Belgian. Si Maurois umawang ang bibig. Hindi naman naitago ni Bruno Dervesselt ang mapalunok. Ngunit saglit itong bumaling at ibinalik ang atensyon kay Dan Montero. Malalim na paghinga ang naging reaksyon ni Dan Montero. Ito na lamang ang nagawa niya upang mabawasan ang umaalimbukay na selos sa kanyang dibdib. Kung puwede nga lang lilipat siya ng upuan upang maikubli niya si Cathy sa paningin ng mga Belgian. Ngunit nagtimpi siya. Desente siya at sanay humarap sa malalaking mga tao. Nadala na ni Joanne ang kape at naipatong na ito sa mesita sa harap ng tatlong lalaki ngunit walang isa man sa mga ito ang gumalaw. Tila wala sa sarili ang dalawang Belgian. Unti-unti namang nag-init ang mga ugat ni Dan. Nakaramdam ito ng pagkabalisa. Naunawaan naman ito ng dalaga. Kaya nakangiting bumalik sa kanyang upuan si Cathy.

Noon lang parang nanumbalik ang katinuan ng dalawang puti. At upang mapagtakpan ang kanilang pagkabalisa kanina, agad nilang hinanap ang VTR. Tumayo si Cathy. Balak gabayan ang dalawang Belgian patungo sa visual room. Ngunit mabilis na tumayo si Dan. “Ako na ang sasama sa kanila,” sabi ng matanda. Pagkatapos binalingan ang mga Belgian. “Follow me, please.” Napailing na lamang si Cathy nang makalabas na ang tatlo. Magkahalo ang damdaming umalipin sa kanya. Naalala niya ang higpit ng pagpisil ni Maurois sa kanyang palad. Nagpainit ito ng kanyang kalamnan. Dahil sa pagkaasar. Sa visual room ilang beses na ipinaulit ng mga Belgian ang tape ng limang cultural dance groups. Maganda ang performance nitong mga grupo kaya halos natiyak ni Dan na kumbinsido ang dalawang Belgian. Maliban sa panay magaling sumayaw mga bata pa at magaganda ang mga katawan ng mga miyembro ng bawat grupo. Isa sa nakakuha ng atensiyon ng mga Belgian ay ang magandang pangangatawan at pinong mga kutis kahit medyo morena ang iba. Ito ang natiyak ni Dan. Nakita kasi niya ito sa madalas na paglunok ng dalawa nang ipakita ang Hawaiian dance. Dahil ang suot ng mga babae ay napaka-revealing. “Well?” sabi ng masayang si Dan Montero nang patapos na ang pang-apat na pagulit ng viewing. Tumayo siya at pinailaw ang bilugang flourescent na pinatay niya kanina bago simulan ang viewing. Hindi na siya umupo. Tinungo niya ang isang mesa sa gilid malapit sa bintana at sumandal na ang pang-upo ay nasa gilid ng mesa. Saglit na nagkatinginan ang dalawang Belgian. Nagpalitan ng makahulogang ngiti. “We are the impressarios who mean business, Mr. Montero,” sabi ni Dervesselt. “That’s our reputation in the whole of Europe.” Yatis, andami pang pasakayle! ito ang usal ni Dan Montero sa sarili. Naisip na parang naglalatag ng bitag ang dalawa. “So do I,” parang asar na dugtong ni Dan. Ngunit ang pagkaasar ay hindi niya ipinahalata sa kanyang kilos at pananalita. Itinago na lamang niya ito sa kanyang sarili. “And if we say we need a supply of ten groups... we mean it,” mula kay Stacke. Masusing tiningnan ni Dan Montero ang dalawa. Parang nang-aarok. Dama kontra dama kung sa laro pa. “Ten each group,” dugtong ni Dervesselt, “every two months.” Wow! Napatuwid si Dan Montero. Ngunit pinigilan niya ang labis na kagalakan. Ngumiti lamang siya. “We’ll talk about the terms. My operations manager can explain the full details.” “Not so fast, Mr. Montero,” sansala ni Stacke. Itinaas pa niya ang dalawang kamay at pinasundan ng iling. Ngunit nakangiti. “We might as well; condition ourselves before going into details. I’m sure there are so many things we have to get accustomed to before we put our hands on this deal.” Naintindihan ni Dan Montero ang ibig sabihin ng puti. Sanay na siya sa gayong uri ng pangangailangan ng kanyang mga ka-partner. Konting pagpasasa sa alak at babae. Tutal milyon naman ang babalik sa kanya. At regular pa. Naisip ni Dan Montero na kahit painan pa niya kay Cathy ay walang masama. Matiyak lang niya ang daloy ng milyunes. Sisiguruhin lang niya na hindi siya maunahan kay Cathy Imperial. “Deal!” halos pasigaw na sabi ni Dan Montero makalipas ang ilang saglit. Isa-isang kinamayan ang dalawa. “Mister Soliva and Miss Imperial will make you comfortable tonight.” “Then let them prepare the papers now for the signing tomorrow.” Malisyuso ang ngiti ng dalawang Belgian.

PARANG wala sa sarili si Rex Sevilla pagbalik niya sa kanyang opisina. Nagsasalubungan ang kanyang mga kilay. Nasa Suntown Management ang kanyang isipan. Nasa kay Cathy at kung sinong mga bisita nito. Nasulyapan agad ni Zeny ang kanyang boss pagpasok nito. Agad siyang tumayo upang salubungin si Rex. Ngunit parang walang nakita ang binata na tumuloy sa kuwarto nito. “S-Sir!” Biglang napahinto si Rex. Nagulat sa halos piyok na pagtawag ni Zeny. “Yes?” Hindi man lang ngumiti si Rex. Nakahawak na siya sa door knob ngunit hindi na naipihit upang buksan ang pintuan. Dali-daling lumapit si Zeny. Agad napansin ng binata ang bahagyang panginginig ng mga bibig nito. Hindi maitago ang pagkabagabag. “May problema?” Kumunot ang noo ni Rex. “Malaking problema, Sir,” mahina ngunit mariin ang pagkasambit ni Zeny. Nakalingon pa siya sa silid ni Mrs. Montero. “Kanina pa naghihintay si Mam. Hinahanap ang mga kontratang pipirmahan na sana ng ating prinsipal sa Hawaii.” Todas! Parang inangat at ibinagsak si Rex. Nakalimutan niyang pirmahan ang mga kontrata na kailangang-kailangan sana. “A-ano ang reaksyon ni Mam?” Nanginig ang tuhod ni Rex. Hindi dahil sa takot kundi sa pagkapahiya. “Madilim ang mukha. Sa tingin ko’y talagang galit.” Parang hindi maihakbang ni Rex ang kanyang mga paa. Nanlumo siya. Kung hindi lang siya nakahawak sa door knob marahil ay nabuwal siya.

XXI

M

ABILIS na nahawakan ni Zeny ang braso ni Rex nang makita na parang mauupos ang binata. Ngunit iniwas ng lalaki ang kanyang kamay at umiling-iling. “N-no... It’s alright.” Pilit na ngumiti si Rex kahit makitang ang galaw ng facial muscles ay pangiwi. Lalong hinigpitan ang paghawak sa door knob. Pinarelaks naman ang mga ugat sa tuhod upang mabawasan ang panginginig. Hindi na umimik si Zeny kahit bahagyang nakabuka ang mga bibig. Masusi ang tingin niya sa mukha ng namumutlang binata. Unti-unting naka-recover si Rex. At nang magbalik ang lakas ay tinapik sa balikat si Zeny at pumasok sa kanyang kuwarto. “S-sir...” pahabol ni Zeny sa mahinang tinig. “A-ano ang sasabihin ko kapag nagtanong si Mam?” Lumingon si Rex. Ngunit hindi na siya nakasagot dahil nakita niya si Mrs. Montero na nakatayo na sa likuran ni Zeny. Tama ang sabi ni Zeny. Madilim ang mukha ni Mrs. Montero. Agad nag-iba ang kulay ng mukha ni Rex. At parang umigting sa pagkapahiya ang kanyang mga ugat. Hindi na siya nakatagal sa pagtingin sa kanyang boss. Napatungo siya. “S-Sir?” si Zeny. Akma siyang papasok. Ngunit napatigil nang maramdaman ang mahinang kalabit sa kanyang braso. “Ako na,” mahinang usal ni Mrs. Montero na ikinagulat ni Zeny. Pagkatapos makapasok ipininid ni Mrs. Montero ang pintuan. Mga ilang saglit ding nakatungo si Zeny sa kanyang mesa bago tumayo. Hindi siya mapakali. Nasa kuwarto ni Rex ang kanyang isipan. Hindi naman siya kinakabahan sa maaaring pag-reprimand sa binata kungdi nag-aalala siya sa magiging epekto nito sa kanila na nasa rank and file. Kadalasan sila lang namang mga shock absorber ang mababagsakan. Patingkayad na tinungo ni Zeny ang nakapinid na pintuan. Nais niyang marinig kung talagang magmumura si Mrs. Montero. Inilapit niya ang tainga sa pintuan. Halos kasabay na dumaiti ang mga tainga nina Marlene at Trina na hindi napansin ni Zeny na lumapit sa tabi niya. Sandali silang nagkatinginan at nagpalabas ng alanganing ngiti. Matagal silang nakiramdam sa nangyayari sa loob. Ngunit tahimik. Mahina lamang ang pag-uusap sa loob na hindi maririnig sa labas. ALAS singko ang oras sa hapon nagulat si Cathy habang nagpapahinga sa kanyang opisina nang tumunog ang kanyang direct line. Mabilis siyang bumalikwas. Si Rex na sana, dasal niya. Gusto niyang makapag-usap sila ng binata upang malaman niya kung ano ang naging damdamin nito sa loob ng ilang oras nang maghiwalay sila. Dinampot ni Cathy ang telepono. “Cathy?” tinig sa kabilang linya na nakapakunot ng noo ng dalaga. Hindi nagsalita si Cathy. Hinintay kung ano ang susunod na sabihin ni Dan Montero dahil seryuso ang tono ng matanda. “Cathy...” tiyak sa boses ni Dan na si Cathy ang nasa kabilang linya. “Yes, S... D-Dan.” Muntik nang makalimutan ni Cathy na ayaw ni Dan Montero na tawagin niyang sir. Ayaw din nitong hinu-ho niya.

“May instruction ako kay Soliva na i-entertain ang ating mga bisita. Inaasahan ko ang milyong papasok sa ating kaha sa transaksyong ito kaya kailangang tratuhin natin sila ng husto.” “Gusto ba ninyong karinyuhin ko sila?” biro ang pakay ni Cathy. Gusto niyang pagselusin pa si Dan Montero. Kahit wala sa isipan niya na ito ang balak ng matanda sa pagtawag sa kanya. “That’s exactly what I’d like to tell you,” tuwang-tuwa ang boses ni Dan Montero na ikinagulat ni Cathy. Naisip ng dalaga na malaki talaga ang magawa ng pera. Naalala niya ang kilos kanina ng matanda habang nagkakamayan sila ng mga Belgian. Parang sinisilaban si Dan Montero kahit hindi ito nagpahalata. Labis ang pagseselos. Ngunit biglang nagbago nang maisip ang matatanggap na milyon. Napabuntunghininga si Cathy. Dinig ito kay Dan Montero. “Magdala ka ng mga kaibigan mo. The more the merrier.” Tumawa pa si Dan Montero. Sa isipan nakatawa din ang dalaga. Talagang wais ang lukoluko, nausal ni Cathy. Hindi rin pala papayag na pabayaan siya sa mga Belgian. Lalaruin ko ang laro mo, Dan Montero, dagdag pa ng isip ni Cathy. NAPAANGAT ang mukha ni Zeny mula sa pagsubsob sa kanyang mesa nang masulyapan si Mon sa labas na paparating. Sumenyas ito sa kanya. Si Rex ang tinutukoy ni Mon sa senyas nito. Napatingala si Zeny sa wall clock sa kanyang ulohan. Five minutes after six na pala. Ngayon lang niya napansin na mag-isa na lang pala siya. Hindi niya napansin ang paglipas ng mga sandali dahil sa paghintay kay Rex sa kuwarto nito. Naipasya niya kanina na hintayin si Rex nang lumabas si Mrs. Montero na madilim pa rin ang mukha Nagkukumahog na tinungo ni Zeny ang pintuan ng silid ni Rex. Pinihit ang door knob. Ngunit naka-lock ito. Nakaramdam siya ng kaba. Baka kung napaano na sa loob si Rex. Ito ang sumagi sa kanyang isipan. Kaya parang natarantang nilakasan ang pagpihit ng door knob. Matigas. Napabaling siya kay Mon na nakapasok na at nasa likuran na niya. Nadala ng reaksyon ni Zeny si Mon. Agad na kumatok ng malakas ang lalaki. Ilang sandali pa bumukas na ang pintuan. Nakita ng dalawa na agad ding nagbalik sa kanyang mesa si Rex matapos mabuksan ang pintuan. Umupo at hinarap ang nakasalansang mga papeles sa ibabaw ng kanyang mesa. Nagkatinginan sina Zeny at Mon. Sa mukha ni Mon ay nariyan ang pagtataka dahil sa ginawi kanina ni Zeny sa labas na tila bagang may nangyari kay Rex. Ngunit sa nakita niya ngayon sa kanyang amo ay wala naman palang problema. Marami lang pala itong inaasikaso. “Akala ko kung...” ang sinambit ni Mon ay sinundan niya ng isang buntunghininga. Parang nabunutan ng tinik. Napaangat ang mukha ni Rex. Parang naintindihan ang sinabi ni Mon. Umiiling na pinukol ng tingin si Zeny na ngayon ay nakatungo dahil sa hiya. “Ang akala n’yo kung ano na ang ginawa ko dahil pumalpak ang performance ko kay Mrs. Montero?” Lalong napatungo si Zeny. Parang iiyak. Ang pagpalit ng kanyang kulay ay napansin ni Rex. “Don’t worry, Zeny,” nakangiting patungkol sa dalaga. “I can manage. At thank you sa concern mo.” Hindi umimik si Zeny. Tahimik itong umupo sa upuang nasa harap ng mesa ni Rex. Umupo din si Mon na pangiti-ngiti habang nakatingin kay Zeny. Natatawa siya sa dalaga.

“Tingin ko sa ‘yo parang ikaw ang pumapasan ng problema ko, Zeny,” sabi ni Rex makaraan ang ilang saglit nang mapansing nakatungo pa rin ang sekretarya. “Dapat nakauwi ka na.” Masama sa pakiramdam ng dalaga ang narinig kay Rex. Walang imik na tumayo upang lumabas. “Uy, nagtampo,” biro ni Mon. Ayaw ni Rex na magtampo ang kanyang sekretarya. Alam niya kung gaano ang pagtingin ng dalaga sa kanya. Mahirap na kung magtagal ang tampo nito at mag-resign. Mahihirapan siyang makakita ng katulad ni Zeny. “Zeny, wait!” bigla ang pagsigla ng boses ni Rex. Napahinto si Zeny. Lumingon. Bahagyang napatawa si Rex. Tumayo at isinenyas ang upuan sa kanyang harapan. “Sit down.” Huminga ng malalin si Rex. Lumanghap ng hangin at lumipat sa unahan, sa bandang tagiliran ni Zeny. Tinapik ang balikat ng sekretarya. “Kailangan mo ng pahinga,” si Zeny. Seryuso. “Kayo ang sasabihan kong’ magpahinga,” pakli ni Rex. “No, mag-relax ka pala.” Lumabi lamang si Zeny. “Uyyy!” si Mon. Tumulis ang bibig ni Zeny. Lalo namang dinagdagan ni Mon ang panunudyo. “How about kung mag-disco ngayong gabi?” si Rex. Napaangat ang mukha ni Zeny. “Puwede ako, Sir?” si Mon. “Tayong tatlo.” Tumawa si Rex. Ngumiti lang si Zeny. Ngunit napakatamis na ngiti.

XXII

S

IMPLENG babae si Zeny ngunit nang sandaling iyon halos lahat ng anggulo ng kanyang sarili ay namasdan na niya sa salamin. Gusto niyang matiyak na walang kapintasan sa kanyang katawan at anyo kahit konti. Gusto niyang ma-impress si Rex. Maliban sa pag-ayos ng anyo gumamit pa siya ng mamahaling pabango. Marami siyang pinagpilian dahil marami din sa kanilang napaalis patungo sa ibang bansa ang nagbigay sa kanya sa pag-uwi ng mga ito. Itim at hanging na halter ang isinuot ni Zeny. Ibinagay niya ito sa puting tights niya. Naisip niya ang kulay na ito dahil alam niyang maganda ang epekto nito sa gabi. Lalo na sa sari-saring ilaw ng diskuhan. Napangiti si Zeny nang matiyak na okay na ang lahat. Naisip na niya ang tamang mga hakbang na gagawin kapag nandoon na sila sa diskuhan. Nakahihiya man para sa isang babaing katulad niya ngunit kailangang kumilos siya. Sa kangkungan siya dadamputin kung magpa-Maria Clara effect siya. Wala siyang magawa kay Cathy Imperial. Dahil kay Cathy Imperial ay isaisantabi ni Zeny ang kanyang kahihiyan. Ngayong gabi dapat na maka-first base siya. EXCITED din si Mon habang nagpapalit ng damit. Pasipul-sipol pa siya. Matapos makapanalamin naghintay siya sa sala. Ngunit hindi siya umupo. Ayaw niyang magusot kaagad ang suot na bagong polo at pantalon. Pakiramdam niya ay naiinitan siya. Ganito yata talaga kung excited, pag-alo niya sa sarili. Ilan pang sandali lumabas din si Rex. Ordinaryong t-shirt na puti ang suot niya. Puti rin ang shorts na pang-ibaba. “Iyan lang ang suot mo?” nagtatakang naisatinig ni Mon. Hindi niya inisip na magsu-shorts lang si Rex. “Maaasiwa tayo niyan, a.” “Wala namang problema, a.” “Pero parang ikaw ang tsimoy.” Pinagmasdan pa ni Mon ang sarili. “Mas guwapo ako tingnan kaysa sa ‘yo. Baka sabihin nilang ako ang boss mo.” Humalakhak pa siya. Napahalakhak din si Rex. “Lalong mabuti. Para makakita ka agad ng babaing hahabol sa ‘yo.” ALAS siete ng gabi nandoon na sina Cathy sa first floor ng Heritage Hotel sa Roxas Boulevard. Kumain muna sila. “Maganda itong napili mong lugar, Miss Imperial,” pormal si Dan Montero. “Madalas ako dito noong hindi pa ako abala sa negsoyo.” “Saan ka madalas, dito o sa casino?” may panunudyo sa tinig ni Cathy. Alam niyang may casino sa basement ng Heritage Hotel. Kahit hindi pa siya nakapunta dito ngunit may nakapagsabi sa kanya na talagang maganda raw ang lugar. Kaya dito siya nagyaya upang gulatin si Dan Montero. Na hindi pala siya basta-bastang probinsiyana. “Madalas ka pala rito, Mam?” si Rod Soliva. Palinga-linga siya dahil nanibago sa lugar. “Antagal mo na rito sa Maynila pero parang baguhan pa rin,” pakli ni Cathy na hindi sinagot ang tanong ni Rod. “At please lang, huwag mo akong tawaging mam. Cathy na lang.” Papilyang siniko pa si Rod. At naramdaman ng dalaga na parang sumigok ang lalaki. Tahimik ang dalawang Belgian habang kumakain pa sila. Parang wala silang

ganang magsalita. Parang wala din silang gana sa pagkain dahil kokonti ang kinukuha nilang pagkain kahit smorgasbord ang sistema ng restawran. Ngunit napansin ni Cathy na ang ginaganahan ng dalawa ay ang pagsulyap-sulyap sa kanya. Hindi lang si Cathy ang nakapansin sa kilos ng dalawang Belgian. Napansin din ito ni Dan na kahit sumusubo ay nagmamatyag sa kilos ng kanilang bisita. Hindi niya hahayaang makauna ang dalwa kay Cathy. Ngayon pang malaki na ang naipuhunan niya upang maglapit sila ng dalaga. Hindi naman mapakali si Rod. Hindi siya sanay sa gayong lugar at parang nanlalamig ang kanyang talampakan kahit may medyas naman siya. Pakiramdam niya ay umiimpis siya kapag natingnan ng ibang mga kustomer. Parang gusto nyiang patayi ang ilaw upang hindi siya makita. Sa pumasok sa kanyang isipan ay agad siyang nagpasya. “Mas makapag-enjoy ho siguro ang dalawa kung mag-disco tayo,” banggit ni Rod. Naisip niya ang diskuhan dahil hindi maliwanag ang ilaw doon. Lumipat sila sa third floor. Maluwag ang diskuhan. Marami na ang mga parukyano nang dumating ang grupo. Agad silang naghanap ng mapagpuwestuhan. Ang dalawang Belgian ang nagpili ng lugar. Doon sila sa medyo malayong bahagi kung saan hindi sila abot ng umiikot-ikot na liwanag. Ito naman talaga ang hinihintay ko, bulong ni Cathy sa sarili. Unang umupo si Cathy. Maagap si Maurois Stacke sa paghatak ng upuan para sa kanya kaya hindi na siya nakatanggi. Agad ding umupo ang puti sa tabi ng dalaga. Humatak din sana ng upuan sa kabila si Dan upang makatabi rin kay Cathy ngunit hindi na tumuloy sa pag-upo dahil naunahan siya ni Bruno Dervesselt. Kumakamot sa batok na pumuwesto na lang si Dan paharap sa tatlo. Magkatabi sila ni Rod. Naisip niya na mas mabuti na ang gayon dahil hindi niya mahiwalayan ng tingin ang tatlo. Paglapit ng waiter ayagad umorder ng whisky si Dan. Whisky din ang inorder ni Rod na gustong ipakita sa amo na nagustuhan din niya ang nagustuhan nito. “Same for us here,” halos sabay na nasambit ng dalawang Belgian nang lingunin sila ng waiter. Halos sabay din silang tumayo at iniabot ang mga kamay kay Cathy. Sasayaw sila. Pilya si Cathy kaya agad namang hinawakan ang dalawang kamay na inilahad sa kanya. Atubili sana ang dalawang Belgian dahil parang nakakaasiwang tatlo sila ngunit napilit sila ni Cathy. “Whew!” si Dan. Nakangiti siya. “Talagang pilya.” Napatawa din si Rod. “Kung sa akin mangyari na unahan nila ako sa babae, Sir...” “Ano ang gagawin mo?” pakli ni Dan. “Talagang tataktakan ko ng abo ang kanilang inumin,” sinundan niya ito ng tawa. “Lukoluko! Magmaoy pa sila!” NATAWA si Rex nang tumingin kay Zeny. Nakasimangot ito habang nakatingin sa dance floor. “Mon, isayaw naman si Zeny. Sayang ang music.” “Pagod pa ako.” Walang gana si Zeny. “Lalo siyang mapapagod kung sasayaw pa kami. Napagod nga siya na nakaupo lang tayo dito.” Humagikhik si Mon. Tudyo niya ito dahil alam niyang si Rex ang gustong makasayaw ni Zeny. Lalong nainis si Zeny. Dinampot ang kanyang baso at tinungga ang laman. Nang bitiwan ay wala nang laman. “Easy, Zeny,” si Mon. “Mahirap ang pabigla-biglang inom kapag pagod... ang isipan.” Pumormal si Mon. Nakaramdan ng pagkabahala si Rex. Baka masobrahan ng inom ang dalaga at kung ano pa ang mangyari. Magiging sagutin pa niya. Isa pa siya ang nagsuhestiyon na magdisco. At alam niyang inaasahan ni Zeny na isayaw niya kahit minsan lang.

Muling nagtagay ng serbesa si Zeny. Tinungga. Straight. Sa liwanag ng kumikislapkislap at umiikot na ilaw ay napagmasdan ni Rex na pulang-pula na si Zeny. At ang mga mata nito ay may namumuong luha. Nagpalit ng music. Tumayo si Rex. Inilahad ang kamay kay Zeny. “Pasensiya ka na’t matagal nilang pinatugtog ang paborito kong music.” Parang biglang tinangay ng hangin ang tampo ni Zeny. Masigla siyang tumayo at sumama kay Rex. Kaydaling napuno ang dance floor. Halu-halo ang mga nagsasayaw. Bata matanda. Bata kasayaw ng bata. Bata kapareha ng matanda. Meron ding matanda kapareha ng matanda. Ang lahat ay masaya. Sinusundan ang hiyaw sa musika. Parang nadala din si Rex. Pati si Zeny ay lalong sumigla. Nawala ang pananamlay dahil sa init na nararamdaman sa tuwing mahawakan ni Rex ang kanyang kamay at baywang. Ngunit napatingala siya nang biglang tumigil sa pag-indak ang lalaki. Nakita ni Zeny na parang napako ang paningin nito sa katabing babae na kasayaw ng foreigner. Dinaklot ng selos ang dibdib ni Zeny. Si Cathy!

XXIII

M

APANUKSO ang ngiti ni Cathy habang sinisikap makaiwas sa sinasadyang pagkiskis sa kanya ni Maurois Stacke. Kaliwa’t kanan ang iwas ng dalaga. Matapos makaiwas palayo kay Maurois mabilis naman siyang iiwas sa kuskos ni Bruno Dervesselt. Napakiramdaman ng dalaga na parang yayakapin na siya ng dalawa lalo na’t magaling din siyang manukso. Unti-unti namang sumilakbo ang poot ni Rex habang nakatingin kay Cathy na bigaytodo naman ang kembot sa gitna ng dalawang foreigner. Nagtagis ang mga ngipin ni Rex. Nanginig ang kanyang mga tuhod sa labis na pag-iinit na nararamdaman. Matalim ang paninging ipinukol ni Zeny kay Cathy na hindi pa napansing nandiyan lang sila ni Rex malapit sa kinaroroonan nito. Hindi galit ang naramdaman ni Zeny kungdi selos. Parang nagpatigil ito sa tibok ng kanyang puso. At nakabura ito ng kanyang sigla. Parang hindi na niya maangat ang paa dahil sa nararamdaman. Tiningala niya ang binata. Napatuon pa rin kay Cathy Imperial ang paningin ni Rex. Nakita ni Zeny na nagtatagis pa rin ang mga ngipin ni Rex. Namumula na ito. At alam ni Zeny na mapanganib kung hindi man nakahihiya ang ibubunga sakaling hahayaang magpatuloy ang kalagayang ito. Sa naalala ay biglang napayapa ang dalaga. Napalingon sa dance floor si Mon nang marinig ang di-karaniwang hiyawan. Nakita niyang unti-unting nagsitabi ang mga sumasayaw. Mayamaya’y nakita ni Mon na kokonti na lang ang naiwan sa gitna. At napatayo siya nang makita si Zeny na bumabanat ng sayaw sa gitna. Talo pa nito ang teenager sa pagsayaw. Napaawang ang mga labi ni Cathy nang makita si Zeny. Napatigil siya at bahagyang nangiti. Ngunit saglit din itong napawi nang mapansin si Rex na parang ipinako sa kinatatayuan habang tulalang nakatingin kay Zeny. Naunawaan agad ni Cathy kung bakit nagkagayon si Zeny lalo na’t sumulyap sa kanya si Rex ng pababa. Madaling napalitan ng awa ang tuwang naramdaman kanina ni Cathy. Kailangang mailigtas niya sa kahihiyan sina Zeny at Rex. Pumalakpak si Cathy. Gumaya ang dalawang Belgian na nakatayo sa tabi ng dalaga. Naging hudyat ito upang magpalakpakan ang mga kustomer. Ang palakpakan ay nakapagbago ng kalagayan. Unti-unting nakabawas ng kuryosidad ng mga nanonood sa nangyayari sa gitna ng dance floor. At nakabawas ito sa panginginig ng tuhod ni Rex dahil sa pagkapahiya. Nakahinga ng maluwag si Mon nang makitang pabalik na sina Rex at Zeny. Nakita niyang pangiti-ngiti si Rex habang hawak ang braso ni Zeny. Nakatungo naman ang dalaga. Nakapanagutsot na lamang si Mon. Ang babae talaga, nausal niya. Pagkaupo agad dinampot ni Zeny ang kanyang baso. Pinataob. Nang maubos ang laman ay muling nagsenyas sa waiter. Pilit ang tawa ni Rex. “O, paglalasing na ‘yan, Zeny. Baka hindi mo na maihakbang ang iyong mga paa mamaya. Hindi na tayo makapagsayaw pa.” Umangat ng mukha si Zeny. Magsasalita pa sana ngunit siya namang paglapit ni Rod. “Oy, Rod,” pansin ni Rex.

“Pinapa-join kayo ni Mister Montero sa aming mesa.” Itinuro pa ni Rod ang lugar na kinaroroonan nina Dan Montero. Pagkatapos tinapik-tapik sa balikat si Rex. Sumunod ay bahagya namang pinisil ang balikat ni Zeny. “Halina kayo.” “M-mauna na lang kaya ako,” si Zeny. “Parang naliliyo na ako.” “Tatanggihan mo si Mister Montero?” Napilitang tumango si Zeny. Nauna pa siyang tumayo sa mga kasama. Naisip na makabubuti ito upang masaksihan niya ang magiging damdamin ni Rex na alam niyang labis ang nararamdaman ngayong selos. Napangiti si Dan Montero nang lumapit sa kanilang mesa sina Rex kasama ni Rod. Tiningnan niya kaagad si Zeny na ngayon lang niya napansing maganda rin pala. Pinalutang ng suot ng dalaga ang ganda nito. Kumislap ang mga mata ni Dan Montero. “Gentlemen,” tukoy ni Dan Montero sa dalawang Belgian. “Mr. Sevilla here,” pakilala niya kay Rex nang makatabi sa kanila. “And Zeny...” “Zeny Lopex,” dugtong ni Zeny nang mahinuhang parang nakalimutan ni Dan Montero ang kanyang apelyido. Inilahad ni Zeny ang kanyang kanang kamay. Halos sabay ang dalawang kamay na humawak dito. Nagkibit-balikat si Zeny ngunit nang masulyapan si Cathy na makahulugang kumindat ay napangiti na lamang siya. Just play their game, ito ang ibig sabihin ng kindat ni Cathy. Kagaya ng ginawa noon ni Cathy napilitang iabot ni Zeny ang kanyang dalawang kamay. Halos sabay naman nag-alok ng upuan ang dalawang Belgian. Hindi malaman ni Zeny kung sino ang pagbibigyan sa dalawa. Napangiti naman si Dan Montero. Nalipat na ang pansin ng kanyang mga bisita kay Zeny. Magkakaroon na siya ng pagkakataon upang maiwas dito si Cathy. Ngunit nagkamali si Dan Montero. Napatotohanan niya ito nang muling tumugtog ang musika. “Shall we?” halos sabay na sabi ng dalawang Belgian. Ngunit dalawang babae ang kanilang pinatutungkulan. Si Bruno Dervesselt ay nakalahad ang kamay kay Zeny. Si Maurois Stacke kay Cathy. Hindi na nakatanggi ang dalawang babae dahil pagkatapos magsalita sabay ding tumayo ang dalawang lalaki. Napilitang tumayo ang dalawang babae. Pasayaw-sayaw na si Cathy kahit malayo pa ang dance floor. Naisip ni Zeny na gayahin na lang si Cathy. Pinasigla ang katawan at sumunod sa gitna ng dance floor. Napangiti na lang si Rod nang masulyapan na parang napabuntung-hininga si Dan Montero. Hindi rin ito nalingid kay Mon na masusi ang pag-oobserba sa kanyang boss at kay Dan Montero. Sinulyapan niya si Rex matapos tapunan ng natutuwang tingin ang matanda. Nakita ni Mon na parang kumurba ang kilay ni Rex. Pagkatapos nangapa ang kamay nito sa ibabaw ng mesa. Nahawakan ang basong kasasalin lang ng laman. Tumungga. Straight. Napailing na lamang si Mon. “Kumusta, Rex?” sabi ni Dan Montero na ikinapitlag ng binata. “O-okay lang ho.” Pilit ang ngiti ni Rex. Ngunit nag-init ang kanyang tenga. Nakita kasi niya na tumingin si Dan Montero kay Rod. “Kumusta naman sa opisina?” Sa Golden Opportunity Systems ang ibig sabihin ni Dan Montero. “Hindi malawak ang field kung isaisantabi ang entertainment, you know that.” Huminga ng malalim si Rex. Tumangu-tango. “Mas gusto ni Mrs. Montero ang maliit ngunit tuloy-tuloy at walang problemang kita.” “Hmmm...” Hinipo ni Dan Montero ang kanyang baba. Parang may gustong sabihin ngunit hindi maibuka ang bibig. Mayamaya... “Talagang noon pa malakas ang kutob ko na malakas ang takbo ng entertainment industry.”

Kaysarap pakinggan, usal ng isip ni Rex. Ngunit kasumpa-sumpa naman para sa mga Pinay na mabiktima sa labas ng bansa dahil dito sa mga kababayang gahaman sa pera. “At ngayon pa lang... in a matter of months na operation… millions na ang pumapasok na kontrata.” Alam na ito ni Rex. Wala siyang ipinakitang anumang reaksyon. “And this is a good chance na nagkita-kita tayo rito. Maibo-blowout kita,” pinasundan pa ito ng tawa. Ngunit saglit din itong napawi nang mapatingin sa dance floor. Wala na ang mga sumayaw. Napakunot ang noo ni Dan Montero. Nakakunot ang noong luminga-linga si Rex. Wala sina Cathy!

XXIV

DUMALAS ang paglinga-linga ni Rex. Ngunit talagang wala na ang apat. Mas lalo ang kaba ni Dan Montero. Tumayo na siya at nagpalinga-linga. Nang walang makita kahit anino nina Cathy ay agad na tinungo ang stage. Mabilis ding sumunod sina Rex. Naisip agad ni Rex na magpapa-page si Dan Montero. At naisip ng binata na nakahihiya kung gawin ito ni Dan. Kaya dali-daling nilapitan ang isang waiter na naalala niyang siyang nag-serve sa kanila. Nagtanong. Nagsabi naman agad ang waiter. Aakyat na sana si Dan Montero sa stage. Ngunit narinig niyang tinawag siya ni Rex. Meron itong isinenyas sa kanya. Kaya bumalik na lang siya. Sandaling kinausap ang waiter tungkol sa kanilang chit. Pagkatapos tinungo ang pintuang pababa. Hindi sana mapanatag si Zeny habang sumusunod siya kina Cathy dahil alam niyang magkakagulo ang kanilang kasamahan dahil hindi sila nakapagpaalam na bababa ngunit hindi na siya kumibo nang makitang kampante si Cathy sa ikinikilos nito. Bahala na, usal na lamang ni Zeny sa sarili. Sa casino ang destinasyon nina Cathy. First time ni Zeny na makapasok dito kaya parang hindi niya malaman ang gagawin sa nakitang sirkulasyon ng pera na pinapapalitan ng chips. Lihim siyang nangarap na makahawak ng ganoon kalaking halaga. Sa pangunguna ni Cathy nagpapalit sila ng chips. Ten thousand pesos ang agad nilang pinapalitan. Napalunok si Zeny. At parang nanginig pa ang kanyang mga kamay nang abutan siya ni Cathy ng marami-rami ring chips. Hindi na nag-elevator sina Rex. Nauuna siyang bumaba sa hagdan mula sa third floor. Kasunod niya si Mon na sinusundan naman ni Rod na palingon-lingon sa nasa hulihang si Dan Montero. Pagdating nila sa ground floor halos sabay-sabay silang tatlo na lumabas sa main door. Ngunit wala silang inabutang sasakyan na umalis galing sa Heritage Hotel. Napakamot sa batok si Rex. Kumunot ang kanyang noo. Napatingin sa kanya sina Mon at Rod. “O?” tanong ni Dan Montero nang makalapit. Lalong lumutang ang kaba sa kanyang mukha. Iling at buntung-hininga ang isinagot ni Rex. Mayamaya’y lumapit siya sa guwardiya. Nagtanong. Ngunit iling din ang isinagot ng guwardiya. Wala raw itong nakitang lumabas na dalawang babae at dalawang lalaking foreigner. “B-baka nasa casino?” wala sa loob na suhestiyon ni Rod. Tama! Ito ang pumasok sa isipan ni Dan Montero. Naalala na tinanong siya kanina ni Cathy kung saan ba siya madalas dito sa otel, sa restawran o casino. “Sa basement!” sabi ni Dan Montero. nagpatiuna na siya patungo sa hagdan upang bumaba sa basement. Ilang beses nang nanalo-natalo sina Cathy at ang dalawang Belgian sa blackjack ngunit hindi pa nakataya si Zeny. Kahit hindi naman sa kanya ang perang pinapalitan ng chips na ang iba ay hawak na nga niya ngayon ngunit nanghihinayang siyang tumaya. Natatakot siyang matalo. Ngunit nang malingunan ang isang dalaga na mag-isa lamang at tahimik na naglalaro sa isang slot machine sa nasa hulihang linya ay napilitan siyang lumapit dito. Tumabi siya sa babae. Inobserbahan ang paglalaro nito. Sa kaharap na slot

machine nakita ni Zeny ang hulugan ng taya. Mayroong para sa dalawang piso at limang piso. Naghulog ng dalawang piso si Zeny. Ikinambyo ang plangka. Naghintay. Ngunit walang nangyari. Binalingan niya ang babae. Kagaya ng kanyang paghulog wala ring nangyari sa kanyang katabi. Nakita niyang naghulog para sa lima ang babae. Naisipan niyang para sa lima din maghulog. Pagkatapos dahan-dahang hinatak ang plangka. At biglang napakislot si Zeny. Sabay-sabay na napatingin sina Rex sa hanay ng slot machines nang biglang tumili ang babae kasabay ng isang di-pangkaraniwang tunog. Nakita ni Rex na lumulundag sa tuwa ang babae habang nakatingala sa monitor sa itaas ng slot machine sa tabi nito. Nakita rin ni Rex ang kumislap-kislap na liwanag ng limang mickey mouse kung saan sa dulo nito ay malinaw ang nakasulat na limang milyong piso. “Naka-jackpot ka!” mula sa tumili na babae. Tinatapik-tapik niya ang balikat ng katabing babae na parang ipinako sa kinatatayuan nito. “God, si Zeny,” halos pabulong na nausal ni Rex nang mapansing si Zeny pala ang nakaharap sa slot machine kung saan tinamaan ang jackpot. Nagkukumahog silang lumapit sa dalaga. Halos lahat na mga parukyano ng casino ay lumapit kay Zeny na matagal na hindi nakahuma dahil sa sobrang excitement. “Milyunarya ka na, Zeny,” halos makapaniwalang sabi ni Mon. “H-hindi sa akin ang itinaya ko, S-sir,” halos pabulong ding sabi ni Zeny kay Rex. “Pera ng mga Belgian ang pinapalitan at binigyan lang ako ni Cathy.” “Kung bibigyan ka nila ng ten percent... aba, half a million pesos din, Zeny,” mahina ngunit hindi maitago ang tuwa sa tinig ni Rex. “Ang laki pa ring pera!” Dahil sa nangyaring suwerte sa casino nakalimutan nina Dan Montero ang kaba at pag-alala na naramdaman ng umalis sa diskuhan ang apat na hindi nakapagpaalam. Niyaya pa sila ng dalawang Belgian na lumipat sa ibang entertainment dugouts upang iselebra ang pagkapanalo. Si Zeny ay parang hindi mapanatag. Labis ang kanyang tuwa. Abala ang kanyang isipan sa pag-iisip kung ano ang gagawin niya sa kabahaging kalahating milyong piso. Alas dos na ng madaling-araw ay nasa diskuhan pa rin ang grupo. Malakas pa ang tawa ni Cathy. Nakikipagpaligsahan ito sa tawa ng dalawang Belgian. Masayangmasaya sila. Ngunit hindi gayon kasaya ang kanilang mga kasama. Lalo na sina Dan at Rex. Si Dan ay inaantok na. Si Rex ay nayayamot. Nayayamot si Rex tumingin kay Cathy na sa pakiwari niya ngayon ay ito pa mismo ang kumikiskis ng dibdib nito sa braso ng dalawang puti. Flirt! sigaw ng isipan ni Rex. Goldigger, dagdag pa. Nakapagpasalamat si Rex nang magsabi si Dan Montero na mauuna na sa pag-uwi. Binilinan nito si Rod Soliva na ito na lamang ang magsama sa mga puti kung gusto pa ng mga ito na magtagal. Sumenyas ito kay Cathy. Nagyayayang umuwi. Ngunit lasing na si Cathy at walang balak umuwi. “I think we have to go, Miss Imperial,” mariin ang pagbigkas ni Dan Montero. “Bahala na si Mr. Soliva sa ating mga bisita.” Tumayo na ang matanda. Tumayo din si Rex nang makitang tumayo si Dan Montero. Tiningnan si Cathy. Ngunit talagang walang reaksyon ang dalaga na umuwi. Sa inis ay binalingan si Zeny. Hinawakan ang isang kamay ng dalaga at itayo. Ang isang kamay niya ay umalalay sa likod ng babae. Napatingala si Zeny sa kanya. Nagniningning ang mga mata ng sekretarya. Nauna si Dan Montero na humakbang palabas. Sumusunod sa kanya sina Rex, Zeny at Mon. Wala silang imikan. Ang pag-alis lang pala nina Rex ang hinihintay ni Cathy at kumilos din.

Nang makitang hindi na lumingon ang binata, agad ding bumalikwas si Cathy. “H-hey, what’s wrong?” sabi ng nagulat na Maurois Stacke nang palisin ni Cathy ang kanyang kamay na nakaakbay sa dalaga. Ngunit hindi na pumansin si Cathy. Nagmamadaling tinungo ang pintuan. Paese-ese siya dahil lasing ngunit tuwid pa rin ang tingin sa patutunguhan. “Your share,” pahabol din ni Bruno. Sa narinig ay mabilis na humabol si Rod sa dalaga. Nang abutan ay hinawakan ito sa kamay. “M-Mam, ang balato mo raw sa panalo...” “I don’t care!” pakli ni Cathy. Maluha-luha ang kanyang mga mata. Napatigil si Rod. “Anything wrong?” “Ang mga hudas! Hahayaan pala nila ako sa mga herodes na ‘yon!” Napangiti si Rod. Pakipot ka kasi, e. Ito ang panunudyo ng kanyang isipan.

XXV

S

A opisina ng Golden Opportunity Systems ay hindi mapakali si Mrs. Jane Montero. Namumuo ang galit sa kanyang dibdib. Ilang beses na siyang tumawag sa intercom ngunit wala pa rin si Zeny. Sabi ni Trina ay hindi naman daw nakatawag na hindi papasok ngayong araw. Muling minasdan ni Mrs. Montero ang kanyang relo. Ten minutes to eleven na. Napabuntung-hininga si Mrs. Montero Paano ka makapagtrabaho nang maayos kung ganitong wala ka man lang mautusang manghalungkat ng record sa file? Ito ang usal niya sa sarili. Naisipan niyang tawagan si Rex. Ngunit wala ring sumagot sa kuwarto nito nang diinan niya ang intercom. “Himala,” ani Mrs. Montero. “Sabay pa silang wala ngayon.” Sumandal si Mrs. Montero. Ipinikit ang mga mata. Pilit na binubura sa damdamin ang pagkabagot at inis. Ayaw niyang matalo ng yamot. Ngunit hindi rin niya maialis sa kanyang isipan na wala ang kanyang dalawang tauhan. Hindi niya ito mabura sa kanyang isipan hangga’t wala siyang ginagawa. At wala namang natitirang gagawin sa kanyang mesa. Mayamaya’y tumayo si Mrs. Montero. Lumabas sa kanyang kuwarto. Tinungo ang mesa ni Zeny. Gusto niyang makita ang mga papeles na inihanda ni Zeny para maaprubahan niya. Gusto niyang mapag-aralan bago pa man ma-finalize ang mga papeles upang dumating man sa kanya alam na niya kung ano ang nilalaman. Nanghalungkat si Mrs. Montero. Habang ginagawa niya ito ay nasulyapan niya sina Marlene at Trina na nagbubulungan. Lokang mga babae, bulong ni Jane. Kung anuano yata ang pumapasok sa kukote ng mga ito. Kokonti lamang ang mga papeles na gagawin ni Zeny. Ang iba ay mga follow-up na lang ng unang mga transactions at kabisado na ito ni Mrs. Montero. Wala sa loob na nabuklat niya ang memo pad ni Zeny. Sa isang pahina ay may nabasa siya. May 24. Inquire status of Unit 21, Citiland condo. Parang namagneto ang isipan ni Mrs. Montero. Sino ang may gustong malaman tungkol sa gayong unit? Ang tanong niya ay kumalabit sa kanyang kuryosidad. Dali-daling pinilas ni Mrs. Montero ang pahinang minamasdan niya. Binalingan si Marlene. “Paki-tsek kung for rent or sale itong unit.” Dali-dali ring lumapit si Marlene. Binasa ang nasusulat sa papel na iniabot sa kanya ni Mrs. Montero. “Marami ho’ng phase nitong Citiland, Mam.” “Subukan mo ang lahat ng condo nila dito sa Makati. We’ll choose kung saan ang mas maganda.” Tumalikod na si Mrs. Montero upang magbalik sa kanyang kuwarto. “Inform me immediately kung ano’ng resulta, ha?” Wala pang limang minuto na nakabalik sa kanyang kuwarto si Mrs. Montero nang kumatok at pumasok si Marlene. “Sa inyo rin ho pala ang unit twenty-one sa Citiland Eight, Mam?” Napaawang ang mga labi ni Mrs. Montero. “May twenty-three pa ho binayaran ni Sir Montero...”

Parang bombang sumabog sa pandinig ni Jane ang sinabi ni Marlene na nakatunghay sa notes nito. Sumulak ang kanyang galit. Ngunit hindi siya nagpahalata sa kanyang empleyada. “Ang sa number ten, Mam, for rent. British ang may-ari. I-transact ho ba natin, Mam?” Pilit ang pagtitimpi ni Mrs. Montero. Ngunit hindi niya namalayang nagtagis pala ang kanyang mga ngipin. “M-Mam?” Napapitlag si Jane. “N-never mind,” mabilis ding nausal ni Mrs. Montero. Pilit ngumiti. “Thank you.” NAPABALIKWAS si Rex nang maramdamang mainit na ang sikat ng araw na tumatama sa kanyang mukha. Minasdan niya ang kanyang relo. Alas onse na pala. Agad siyang bumangon. Nakaramdam siya ng pagkaliyo. At napailing siya. Naalala ang pangyayari nang ihatid nila ni Mon si Zeny sa tinutuluyang apartment. Dahil lasing ay halos makalakad si Zeny. Kaya inalalayan ito ni Rex hanggang makapasok sila sa apartment. Sa sala, pinahiga ni Rex ang dalaga sa sopa. Ngunit hindi bumitaw si Zeny na tuloy ang paglambitin sa leeg ng binata. Nagpapaalalay ito na makapasok sa silid. Ayaw raw nitong matulog sa sopa dahil baka magisnan ng mga kasama nito ay nakakahiya raw. Kaya napilitan si Rex na ihatid sa silid ang dalaga. Sa loob ng kuwarto ay napansin ni Rex na parang pinanumbalikan na ng malay ang dalaga. Ngunit hindi nalingid sa lalaki ang kakaibang kilos ng dalaga. Tinutukso siya ni Zeny. At hindi naman magpapahuli ang dalaga kung ganda rin lang at katawan ang paguusapan. Kahit sinong lalaki ay magising ng ganda nito. At nagising din ang pagkalalaki ni Rex. Ngunit hindi nagpadala sa tukso at damdamin si Rex. Nanaig pa rin ang paggalang sa kanyang sekretarya na alam niyang hinding-hindi magkakaroon ng bahagi sa kanyang puso. At nang hatakin siya ni Zeny sa leeg upang mabuwal sila sa kama, dali-daling tinanggal niya ang kamay ng dalaga. “Ipahinga lang. Hang-over lang ‘yan,” dugtong pa ni Rex na nakangiti habang papalabas sa silid ng nakasimangot na Zeny. At dahil sa pangyayaring iyon ay hindi kaagad siya nakatulog. Kaya tinanghali siya ngayon sa paggising. Quick shower lang ang ginawa ni Rex. Ni hindi na siya uminom kahit kape. Hindi rin niya ginising si Mon dahil alam niyang inaantok pa rin ito. Tumawag na lamang siya sa opisina at sinabing papunta na rin siya. Pagkatapos ay dali-daling sumakay sa kanyang kotse. Papaakyat na siya sa Guadalupe nang maramdaman ni Rex na tumunog ang kanyang cellphone na nasa bulsa ng kanyang amerikana. Bagong modelo ito at cigarette-pack size kaya kasya sa bulsa. Si Mrs. Jane Montero ang tumatawag. At napakunut-noo si Rex sa sinabi ng kanyang employer. Ikinabahala rin niya ito. Pinapatuloy siya sa Citiland Condominium. Kumabog ang dibdib ni Rex. Parang may darating na unos sa kanyang pakiramdam. At naalala niya si Cathy. May alam na kaya si Mrs. Montero? Matagal na nag-isip si Rex. Iniisip kung may mga transaksyon sila na may kaugnayan sa Citiland. Ngunit wala siyang maalala. “Rex?” Nasa linya pa si Mrs. Montero. “Y-yes, Mam.” “Are you familiar with this condo?” “N-nakapunta na ho ako diyan.” “In what floor do you think is unit twenty-one?” Lumutang sa tinig ni Mrs. Montero ang pagtatagis ng mga ngipin nito.

Damn! Parang inangat si Rex at ibinagsak. Na nang pagbagsak paupo. Itong pakiramdam ay dumaloy sa kanyang mga paa. Naapakan niya ng malakas ang silinyador. Humarurot ang Honda Civic. Kaydaling nakarating sa Buendia si Rex. Napituhan pa siya ng traffic enforcer dahil hindi siya nagmenor pagliko niya sa Buendia. Mabuti na lang at hindi masikip ang trapiko kaya hindi rin siya pinatulan ng traffic aide. Nakakamot sa batok na tinanaw na lang nito ang humaharurot na sasakyan. Pagdating sa entrance ng condo ay mabilis na bumaba si Rex. Initsa ang susi sa guwardiya upang ito na ang mag-park ng kanyang sasakyan. Pagkatapos dali-daling pumasok. Umakyat. Halos tigdalawang baytang ang hakbang niya. Gusto niyang maunahan si Mrs. Montero sa second floor upang masansala kung ano man ang maaaring mangyari sakaling magkita sila ni Cathy. Walang nakitang tao si Rex sa alley patungo sa unit 21. Nakahinga siya ng maluwag. Ngunit mabilis pa rin ang kanyang hakbang. Pagdating sa unit 21 ay kumatok siya. Ilang beses siyang kumatok ngunit walang sumagot. Makaraan ang ilang sandali nagmamadali siyang bumaba. Naalalang kasama pala nila si Cathy kagabi at maaaring natutulog pa ito. Tatawag na lamang siya sa telepono dahil natitiyak niyang magigising ito kapag nag-ring sa tabi nito. Ngunit ilang beses na nag-ring hanggang nag-busy tone walang sumagot sa kuwarto ni Cathy. Parang ihampas na ni Rex ang telepono. “Ano ho’ng unit ang tinatawagan n’yo, Sir?” tanong ng babae sa information na nagtaka kay Rex. “Twenty-one.” Tinigilan ni Rex ang pagda-dial. “A, kay Miss Imperial.” Ngumiti ang babae. “She’s out. At aywan kung anong oras babalik.” Nakahinga ng maluwag ang lalaki. Parang pinanumbalikan ng sigla. Salamat! usal ng kanyang isipan. Makabubuting hindi sila magkita dito ni Mrs. Montero. Matapos makapagpasalamat sa babae ay tinungo ni Rex ang upuan ng lobby. Panatag na ang kanyang pakiramdam nang makitang paparating si Jane Montero.

XXVI

M

ABILIS na sinalubong ni Rex si Mrs. Jane Montero nang makitang papasok na ito sa lobby ng Citiland Condominium. Sinikap ng binata na huwag mahalata ang pagtataka at pag-alala sa kanyang mukha habang papalapit kay Mrs. Montero. “Nauna ka pa pala?” Pinipilit din ni Mrs. Montero na pasiglahin ang mukha. Ayaw din niyang mapansin ni Rex ang totoong nararamdaman niya. Ngunit alam na ito ng binata. “What’s our agenda?” Nakalimutan ni Rex ang pagsambit ng mam at ho na nagpapakita ng respeto sa employer. Ang pagkalimot ni Rex ay napansin ni Mrs. Montero. Agad pumasok sa kanyang isipan na parang tama ang kanyang suspetsa na may nangyayaring hindi niya alam. Ngunit hindi siya nagpahalata. “Not so important,” kaswal na sagot ni Mrs. Montero. Hinawakan pa niya sa braso ang binata na para bagang ipinadadama niya ditong walang dapat ikabahala. Napanatag nga ang isipan ni Rex. “Gusto ko lang ma-check ang unit namin dito.” Lumutang ang karaniwang ngiti ni Mrs. Montero. Actually hinuhuli lang niya ang binata kung talagang may alam ito tungkol sa unit 21. Dahil pakiramdam ni Mrs. Montero imposibleng walang nalalaman si Rex dahil nasa memo pad ng sekretarya nito ang address ng condo. Ayaw namang magpahuli ni Rex. Malakas na kasi ang kanyang kutob na unti-unti nang nabubunyag ang lihim sa asawa ni Dan Montero. “Residential ho ba, Mam?” Hindi tumitingin si Rex kay Mrs. Montero. “Residential.” Natiyak na ito ni Mrs. Montero sa sarili. “Studio type.” Muling kumalabog ang dibdib ni Rex. Hindi sana iyon! Hindi sana iyon! dasal ng binata. “Ano hong unit, Mam?” Dinarasal ng binata na hindi unit 21 ang sasabihin ni Mrs. Montero kahit malakas ang kutob niyang talagang ang unit na inuokupahan ni Cathy ang tinutukoy ng kanyang boss. Hindi sana iyon! Mariing tiningnan ni Mrs. Montero si Rex. “Twenty-one.” Iyon nga! Ngunit naihanda na ni Rex ang sarili. Talagang hindi siya nagpakita ng reaksyong makadagdag ng suspetso ni Mrs. Montero. “Halika na,” yaya ni Jane at tinungo ang hagdan. Atubiling humakbang si Rex Sevilla. MAAGANG nagising si Zeny ngunit hindi naman bumangon. Iniisip niya ang suwerteng natamo nang nakaraang gabi. Sa buong buhay niya ay hindi siya nakaisip na makahawak ng kalahating milyong piso. At ito ay sa halos isang kisapmata lamang. Kahit sabihing tseke pa lamang ang hawak niyang galing kay Dervesselt ngunit anytime basta office hours ay mapalitan ito Napakagaan ng pakiramdam ni Zeny kahit paminsan-minsang kumikirot ang kanyang ulo dahil kulang siya sa tulog. Ang sarap isipin na richer by half million siya ngayon.

Naalala niya si Cathy. At may nasundot sa kanyang damdamin. Nakaramdam siya ng pagkapahiya sa sarili. Nabura ang pagseselos niya kay Cathy. Kung wala si Cathy na nagbigay sa kanya ng pitsas marahil kahit isang libo ay wala siyang napanalunan. Naalala din niya si Rex. Mas ang pagkapahiyang naramdaman ni Zeny. Hindi niya malilimutan ang ginawa niyang pagtukso sa kanyang boss. At nagsisi siya kung bakit hinangad niyang maangkin ang pagtingin ng lalaki. Na siya pa ang kumilos upang matukso ang lalaki. Talagang nakahihiya! Ngunit nakapagpasalamat si Zeny dahil desenteng lalaki si Rex. At dahil dito naipangako ng dalaga sa sarili na tutulungan ang binata na matupad ang hangad nito kay Cathy. Ito ang magiging paraan niya upang mapagtakpan ang nagawa niyang perhuwisyo sa kanyang boss. PANATAG naman ang pakiramdam ni Cathy. Nakabuti ang pagmasahe sa kanya ng masahista sa beauty parlor na pinuntahan niya. Nawala ang kanyang hangover. At pakiramdam niya’y preskong-presko siya ngayon. Pakiramdam niya ay hindi magiging problema ang anumang problema na ihaharap sa kanya ngayong araw. Bago magbalik sa kanyang condominium unit ay dumaan muna si Cathy sa Andok’s. Bumili siya ng isang litsong jumbo. Pagkatapos dumaan naman sa Goldilocks. Bumili siya ng cake. Napansin niya dito ang freezer ng ice cream kaya bumili din siya ng isang galon. Nakasakay na sa taksi si Cathy nang may maalala. Napangiti siya. Ano nga ba ang okasyon kung bakit marami ang pinamili niyang pagkain? Iti-treat ba niya si Rod... at si Joanne? Ngunit hindi nila mauubos kung tatatlo lamang sila. Naalala niya si Rex. Kumislap ang kanyang mga mata kahit nasa dibdib pa ang konting hinanakit dahil iniwanan siya ng binata kagabi. SI Mrs. Montero ang kumatok pagdating nila sa unit 21. Ilang beses itong kumatok ngunit walang sumagot. Alam na ni Rex na walang tao sa loob dahil nasabi na sa kanya sa information na nasa labas si Cathy ngunit tumahimik na lamang siya. Ayaw niyang malaman ni Mrs. Montero na kumatok na siya dito. Maliban dito alam ng babae na meron siyang nalalaman tungkol sa unit number twenty-one. “Parang walang tao.” “Buksan na lang natin,” si Rex. “Nakakandado.” Pinihit-pihit ni Mrs. Montero ang door knob. “Wala ho ba kayong duplicate key?” pahula ang tanong ni Rex. “Baka nasa labas si Mister Montero,” panlalambat ang dugtong niya. At may nalambat si Rex sa kanyang tanong. Nag-iba ang kilos ni Mrs. Montero. Alam niyang walang duplicate key si Mrs. Montero. Alam din niyang hindi hahayaan ni Dan Montero sa ulanan ang bagoong nito. At ang drama ni Mrs. Montero ay hindi na nito naitago sa binata. Huminga ng malalim si Mrs. Montero. “Tell me honestly, Rex,” parang nagmamakaawa si Mrs. Montero. “I know meron kang alam tungkol dito. Marahil ay matagal na. Ako kanina lang...” Huminga rin ng malalim si Rex. Alam niyang hindi magandang magsinungaling. Ngunit alam din niyang hindi makabubuti kung sasabihin niya ang katotohanan lalo na sa sandaling ito na nasa poot si Mrs. Montero. Tiyak na hindi nito makokontrol ang magiging damdamin at baka maeskandalo pa sila. “H-hindi ho kita maintindihan, Mam.” Pakiwari ni Rex ay pang-famas ang kanyang akting. Muling huminga ng malalim si Mrs. Montero. “Hindi ko matiyak kung pinaglilihiman ninyo ako. Pero ang address na ito ay nakita ko sa memo pad ni Zeny. May petsa pang Mayo baynte kuwatro.”

Nalintikan! Iyon ang araw ng pagpa-inquire niya kay Zeny tungkol sa unit 21. Parang nanlamig ang binata. Ngunit kailangang panindigan niya ang pagtanggi. Kunwari ay saglit siyang nag-isip. “A, yes...” Pinakislap pa ni Rex ang mga mata na para bang ngayon lang may naalala. “Naisip ko sana noon na kumuha ng isang unit. Pero hindi natuloy dahil may nakauna na raw sabi ni Zeny.” “That’s why nasabi mo kanina na nakarating ka na dito?” “Minsan,” sinundan ito ni Rex ng tango. “Kaya nga parang nakalimutan ko na itong unit na kursunada ko sana.” “Sana lang dahil naunahan ka ni Mister Montero?” Tiningnan ni Jane si Rex. Nangaarok. Nalintikan! “Hindi ko ho alam na si Mister Montero ang nakakuha,” iwas ni Rex. “Kinuha niya para tirhan ng kanyang kerida!” Parang sisigaw si Mrs. Montero. Napapihit si Rex. Hindi niya masalubong ang tingin ni Jane Montero. Ngunit parang pinitik naman ang kanyang tainga ng maispatan sa di-kalayuan na paparating si Cathy. Nakangiti sa kanya ang dalaga.

XXVII

P

ARANG nangingig ang mga tuhod ni Rex nang malingunan si Cathy na papalapit sa kanilang kinaroroonan. Sa tingin ni Rex ay matamis ang ngiti ng dalaga kahit alam niyang may tampo pa ito sa kanya. Pilit na gumanti ng ngiti si Rex. Hindi nalingid kay Mrs. Montero ang kilos ng binata. Nilingon ang pinatutungkulan ng paningin ni Rex. At napakunut-noo siya nang makita ang paparating na si Cathy. Parang kumalabog ang dibdib ni Mrs. Montero. May pumasok sa kanyang isipan. Napakunot din ang noo ni Cathy nang mapansing nasa harap pala ng kanyang unit nakatayo sina Rex at ang kasama nito. Hindi niya kilala si Mrs. Montero. Hindi sila magkakilala. Ngunit parang may tumusok sa isipan ni Cathy. Pumakabog ito ng kanyang dibdib. Hindi siya lumantad sa pagtingin kay Mrs. Montero ngunit masusi niya itong kinaliskisan. At agad na hinanapan ng sagot ang tanong sa kanyang isipan. Bakit kasama ito ni Rex? At bakit parang hinihintay siya ng mga ito? Sino ang babaing ito? Mabilis ding luminaw sa isipan ni Cathy ang kasagutan sa kanyang mga tanong. At nagpakatal ito ng kanyang kalamnan kayat muntik ng mabitiwan ang kanyang mga bitbit. Naloko na! Hindi na maiwasan ang banggaan ng dalawang babae! ito ang nasa isipan ni Rex. Kinabahan si Rex sa maaaring ibunga nito. Lalo na at makitang nanginginig ang nakatikom na mga kamay ni Mrs. Jane Montero. TANGHALING-TAPAT na nang magising si Dan Montero. Nahihilo pa siya dahil marami ang nainom niya nang nagdaang gabi. Naalala niya si Cathy. Naalala niyang naiwan ang dalaga sa diskuhan kasama ni Rod at ng dalawang Belgian pag-uwi nila ni Rex. Baka dinala kung saan ng dalawang Belgian si Cathy kagabi! Hindi bale sana kung nakauna siya sa dalaga at nagsawa na siya! Nagmamadaling bumangon si Dan. Dinukwang ang telepono sa mesita. Tumawag siya sa opisina ng Suntown Management. Si Rod ang nakasagot ng telepono. At nawala ang tensiyon na nararamdaman ni Dan nang marinig ang natutuwang boses ni Rod. Naghihintay na raw ang dalawang Belgian para sa pipirmahang kontrata. “Ikaw na ang bahala sa lahat ng kakailanganin. Hindi ako makakapunta diyan ngayon.” “O-okay, Sir. Ako na ho ang bahala.” “Wait!” pahabol ni Dan Montero. “Sir?” “Si Miss Imperial?” “Hindi nakapasok, Sir. Inaantok pa yata,” sinundan ito ni Rod ng mahinang tawa. “Meron ho ba kayong message sa kanya in case pumasok siya mamayang hapon?” “Never mind.” Agad binalik ni Dan ang telepono. Bumuntunghininga siya. Sandaling nag-isip. Pumasok sa kanyang isipan ang kuwartang dadaloy mula sa kontrata niya sa dalawang Belgian. Walang sablay! Tiyak ang daloy. Kung kailan titigil magdedepende na lamang sa sipag ng Suntown Management at sa dami ng mga babaing handang makipagsapalaran kapalit ng dolyares. Babae? Kumibo ang ugat sa noo ni Dan. Muling naalalala si Cathy. Kailangang kumilos na siya. Mahalaga ang bawat sandali. Nagmamadaling tinungo ni Dan Montero ang banyo. Nag-shower siya.

NAGTAGIS ang mga bagang ni Mrs. Montero nang makitang lumingon pa si Cathy paglagpas nito sa kanilang kinatatayuan. Nakangiti ito ng makahulugan at ikinembot pa ang balakang na parang tinutukso talaga si Rex. Nakita ni Mrs. Montero na hindi na pinansin ito ng binata. “Talagang ang mga babae ngayon,” nabanggit ni Mrs. Montero na sinundan ng irap “Siya pa ang nagpapakita ng motibo kung may kursunadang lalaki.” Napangiti na lamang si Rex. Ngunit sa loob ng kanyang dibdib ay parang hahalakhak siya. Alam niyang sa loob ng dibdib ni Cathy ay humahalakhak din ito. Pagtatawanan nila si Mrs. Jane Montero dahil wala itong kaalam-alam na nalusutan nilang dalawa. Lihim na napahanga si Rex sa dalaga. Hindi niya akalaing hindi sila mahuhuli. Ngunit talatang wais ang dalaga. Kahit hindi nito kilala si Mrs. Montero ay naramdaman agad na may kaugnayan ito sa tinitirhan nitong condo unit. Kaya lumagpas ito na ipinakikita kay Mrs. Montero na ang pagngiti nito sa kanya ay pagpakita lamang ng pagkapalakaibigan. Ang paghanga ni Rex sa dalaga ay nahaluan ng tawa. Paano, sa halip na sa unit nito papasok ang dalaga ay napilitang tumuloy sa opisina ng Suntown Management upang makaiwas kay Mrs. Montero. Nangingiting nilingon ni Rex si Cathy na ngayon ay papasok na sa suite 27. Naiiling na napalatak si Rex. Napailing din si Mrs. Montero. Huminga ng malalim. Nakabawas ito sa kanyang poot. Kaya nakangiti na siya nang humarap si Rex. “Well, I think it’s over for now.” Nilingon ni Mrs. Montero ang naka-lock na pintuan ng unit twenty-one. “Hindi yata ngayon ang sandaling ma-satisfy ang aking hangarin.” Napatawa na lamang si Rex. Nakahinga ng maluwag. At muling nilingon ang suite 27 na ngayon ay sarado na ang pintuan. Kung hindi pa nakapasok si Cathy at nakalingon ito parang gustong kindatan ni Rex. Parang gusto pa niyang senyasan ito ng thumb’s up upang maiparating na okay! “K-kursunada mo siya?” Iba ang pagkaunawa ni Mrs. Montero sa paglingon ni Rex sa pinasukan ni Cathy. Mabilis na binawi ni Rex ang paningin sa suite 27. Parang babae na nag-blush. “It’s okay,” patuloy ni Mrs. Montero na nakangiti. “Pupuwede akong umuna.” Lumingon din si Mrs. Montero sa suite 27. Siya namang pagsungaw ng ulo ni Cathy na tumango kay Rex. Tinapik na lang ni Jane ang balikat ni Rex. “File na lang bukas ng leave of absence. Enjoy...” Tumalikod na siya. Ilang sandaling hindi nakakilos si Rex nang makatalikod si Mrs. Montero. Parang nagtaka siya sa nangyayari. Maliban sa pagtataka inalipin din siya ng hiya. Pagpakahiya dahil naging bahagi pa siya sa pagtraydor kay Mrs. Montero, na kahit hindi nakahuli sa ngayon ngunit na-guilty pa rin si Rex. Napailing siya. Si Mr. Montero kasi, paninisi ng kanyang isip. At si Cathy kasi... si Cathy nga pala! Agad siyang humakbang patungo sa suite 27. Napahalakhak si Cathy nang makitang humaharurot si Rex. Natuwa ang dalaga sa pagkikita nilang ito ng binata. Kahit alam niyang nagtampo sa kanya kagabi ang binata ngunit hindi naman nito matiis na hindi lumapit sa kanya. Natitiyak niya ito dahil ganito rin ang kanyang nararamdaman. “Whew, that was close!” nabanggit ni Rex nang dumating siya sa harap ni Cathy. “Mabuti na lang at naisipan mong tumuloy dito. Kung hindi, aywan ko na lang...” “Gusto mo bang sirain niya ang beauty ko?” birong ganti ni Cathy na nagpa-cute pa. Si Mrs. Montero ‘yon, ‘no?” Tumango si Rex.

“Sabi ko na nga ba. Walang ibang magka-interes na maghintay sa harap ng aking unit kung wala rin lang kaugnayan sa akin. O di kaya’y kay...” “Well... well,” sansala ni Rex. Ayaw rin niyang marinig ang idudugtong ni Cathy. Sasakit ang kanyang dibdib kung makinig pa siya. “Hindi mo ba ako yayaing pumasok?” Natawa si Cathy. “Kaya nga kita sinenyasang lumapit dito. Halika, may sorpresa ako sa iyo. Blowout. Ay, sinabi ko rin,” sinundan ito ng hagikhik at hinila papasok ang binata. Natatawa ring sumunod ito sa kanya. Ngunit napaatras si Rex nang makapasok na sila. “Ice cream?” halos sabay na alok nina Bruno Dervesselt at Maurois Stacke na kanya-kanyang hawak ng kanilang baso na nangangalahati na lang sa lamang ice cream.

XXVIII

N

AGSALUBONG ang mga kilay ni Rex pagpasok na pagpasok niya sa opisina ng Suntown Management. Naratnan niya sina Bruno Dervesselt at Maurois Stacke na kumakain ng ice cream. Inalok siya ng dalawa. Nakita ni Rex na tapat ang pag-alok ng dalawa. Marahil dahil natandaan ng dalawang Belgian na magkasama sila kagabi. “Thank you,” napilitang ganti ni Rex sa alok sa kanya sabay angat ng kanyang kamay. Hindi na niya hinintay pang alukin ni Cathy na umupo. Tumabi na lang siya sa dalawang Belgian. Agad namang sumenyas si Rod kay Joanne na agad ding tumalikod. Pagbalik ng dalaga ay may bitbit na itong baso at kutsara. “Hayan, mas marami ang iyong parte dahil snahuli ka,” si Cathy. Nakatawang tumabi siya kay Rex. Bahagyang inilapit ang mukha sa binata. “Para malamigan ka kung nayayamot ka pa sa kin,” bulong niya. Napansin ni Rex na nasa tono pa ni Cathy ang tampo. Naisip niya na nabanggit lang ng dalaga ang tungkol sa pagkayamot na sa katotohanan ay dinaramdam nito. “I-I’m sorry sa nangyari kagabi.” Pumormal ang binata. Parang nahihiya na sana siyang kumuha ng ice cream ngunit naisip na masama kung gagawa pa siya ng eksena. Pilit na lang na binura sa isipan ang nakaraang damdamin. “Know what?” si Cathy. Luminga sa kanya si Rex. “I’ll be richer by half a million kung tatanggapin ko lang...” Tumaas ang kilay ni Rex. Iginala ang paningin sa mga katabi. Nakita ng binata na tumangu-tango ang dalawang Belgian. Tumingin din sa dalawa si Cathy. “Pardon?” si Rex. “Ayaw tanggapin ni Mam ang balato sa napanalunan kagabi ni Zeny,” si Rod ang nagsalita. Lumapit siya at umupo sa tabi ni Cathy. “Malinaw na kuwarta na gusto pang gawing bato ni Mam.” Lalong tumaas ang kilay ni Rex. Tumangu-tango. Naalala ang five million pesos na napanalunan ni Zeny. At kinuha ni Zeny ang kanyang five hundred thousand. Na tama lang dahil ito ang naglaro. Aywan kung ano ang ginawa dito o gagawin ng dalaga sa kuwarta nito. “Kung ako,” patuloy ni Rod na napalatak pa, “hindi ko na palilipasin ang oportunidad na ito. Clean money naman ‘to, a.” “Oo nga naman,” ayon n Rex. “Walang masama kung tanggapin mo,” patungkol kay Cathy. “H-hindi ako magigigng mukhang pera?” mahina ang pagbigkas ng dalaga. Gustong si Rex lamang ang makarinig. Naitanong niya ito dahil naalaala niya noon na naparinggan siya ng binata na mukha siyang pera. Naunawaan din kaagad ni Rex ang pinupunto ni Cathy. “Balato ‘yan na hindi mo hinihingi. At iyan ay hindi dahil kilala ka lang. That’s your share dahil magkasama kayo.” Tumangu-tango si Cathy. Pumasok agad sa isipan si Zeny. Kung tatanggapin niya ang balato dalawa na sila ni Zeny na magkaroon ng half a million pesos. At baka maging

malapit pa sila ni Zeny at magiging dahilan ng dagdag na pagbabago sa kani-kanilang buhay. Nakapagpasya na si Cathy. Pumihit paharap sa dalawang Belgian. Ngumiti ng pagkatamis. Hihintayin niyang muling magsalita tungkol sa alok ang dalawang Belgian. Tumingin din ng hayag ang dalawang Belgian. Nagkatinginan. Eto na, sa isipan ni Cathy. “Well, thank you for the ice cream,” si Dervesselt ang nagpasalamat habang naunang tumayo si Maurois Stacke na naglahad pa ng kanang kamay kay Cathy. Napilitan si Cathy na abutin ang kamay ni Stacke kasabay sa pagtayo. Nakita ng dalaga na tumayo din si Rex na handang makipagkamay sa kahit sino sa dalawang unang maglahad ng kamay. Makahulugang tingin ang ipinatutungkol ng binata kay Cathy. Parang umasim ang ngiti ni Cathy. Hindi nabanggit ng dalawang Belgian ang inaasahan ni Cathy na alok na balato. Hanggang sa nakaalis ang dalawang Belgian. “Malas!” basag ang tinig ni Cathy. Nanlulumong umupo. Iniiwas ang paningin kay Rex na umupo din sa tabi niya. “Kung kailan pang tatanggapin ko na sana...” “Kuwarta pa naging bato pa,” si Rex. Nanagutsot pa. Napabuntung-hininga si Cathy. Naghalo ito sa panagutsot ni Rex. “O, bakit parang napisaan kayo, ha?” si Rod. Tumawa pa siya. “Ikaw, Rod, ha?” Parang galit si Cathy. “Hindi na katawa-tawa ito, ‘no.” “Siyempre, walang matutuwa kung mawalan ng half a million pesos,” dugtong ni Rex. “Natural,” si Rod. Lumapit sa kanyang mesa. May kinuha sa ibabaw nito. At nang magbalik ay may ipinatong na sobre sa harap ni Cathy. “Here.” “Ano ‘to?” Hinipo ni Cathy ang sobre ngunit hindi niya binuksan. “Your half a million!” “Ano?” halos sabay na nausal nina Cathy at Rex. Ngunit mas malakas ang sa dalaga. Nanginginig ang mga kamay na agad binuksan ang sobre. Inilabas ang lamang traveller’s check. “Sa akin nila ibinigay dahil tinanggihan mo sila doon sa diskuhan,” paliwanag ni Rod. Namilog ang mga mata ni Cathy. Bahagyang bumuka ang bibig. Hanggang untiunting sumara. Ngunit nag-iwan ito ng matamis na ngiti. Sa tingin pa nga ni Rex parang nananaginip si Cathy. Napailing si Rex. Ang magawa nga naman ng pera. Nang magpaalam si Rex ay parang hindi siya napansin ni Cathy. Kaya umalis na lang ang binata na malungkot, kahit hindi niya ipinahalata kina Rod at Joanne. Ngunit sa loob ng kanyang dibdib, nasugatan naman ang kanyang puso. Nang makasakay na sa kanyang kotse ay nakalimutan na ni Rex na papasok pa siya sa kanilang opisina. Gulo ang kanyang isipan. Kalalabas lang sa compound ng condominium ang Honda Civic ni Rex nang pumasok naman ang kotse ni Dan Montero. Hindi sila nagkita dahil mabilis ang pagsibad ng sasakyan ni Rex. Sa bahagi naman ni Dan kahit mahina ang patakbo ng kanyang drayber ay napapayuko naman siya kapag may masalubong na sasakyan. Ayaw ng matanda na may makapansin sa kanya lalo na sa mga lugar na maraming kakilala si Mrs. Montero. Pagdating sa second floor ng Citiland hindi tumuloy sa opisina ng Suntown Management si Dan kagaya ng karaniwang ginagawa kapagka dumating siya dito. Sa uit 21 siya tumuloy. Hindi siya nahirapan sa pagpasok dahil may sarili siyang susi. Nang makapasok siya ay agad niyang tinungo ang refrigerator. Kumoha ng beer. Mapipilitan siyang uminom ng beer dahil alam niyang walang hard sa bar ni Cathy. Noon aypinadalhan niya si Cathy ng sari-saring whisky para sa bar ngunit tinanggihan ng

dalaga dahil lubos raw mawawala ang femininity ng tirahan nito. Mas gusto raw nito ang beer kung pampatulog rin lang. Hindi na kumuha ng baso si Dan. Bitbit ang isang bote ng beer ay umupo siya sa sopa. Bahagyang pahiga. Nakita niya sa sulukan ang mahabang salamin. Napakunot ang noo ni Dan Montero. Hindi ito ang karaniwang kalagayan nang una niyang pagpasok sa unit na ito. Noon ay pahaba sa dinding ang pagkasabit nitong mahabang salamin na naging separator ng dinding at kisame. Ngayon ay bahagya na itong patunghay. Iginala ni Dan Montero ang kanyang paningin. Ngayon lang niya napansin na halos paikot pala sa sala ang salamin sa itaas na bahagi ng dinding. Patunghay lahat ang salamin. Lalong napakunot ang noo ni Dan Montero. Inobserbahan ang kanyang repleksiyon sa iba’t-ibang anggulo. Pinalitpalitan din ni Dan ang kanyang posisyon. Merong pasandal. Merong uupo ng tuwid. At mayroon siyang natuklasan. Umepekto ang visual trick dahil sa posisyon ng mga salamin. Na sa bawat galaw makikita sa salamin ang sabay-sabay na galaw ng lahat ng anggulo. At natuklasan din niya na sarisaring damdamin ang epekto, depende kung gaano kabilis ang pagkurap ng mata at paggamit ng isipan kasunod ng makikita sa salamin. Tinungga ni Dan ang kanyang serbesa. Pagkatapos saglit na nag-isip. Naisip na may dahilan kung bakit ganoon ang arrangement ng mga salamin. Wala sa loob na muling tiningala ang salamin sa itaas ng pintuan mula sa labas. Nakaharap ito sa pintuan ng kuwarto ni Cathy. At ang pintuan ng silid ay mayroong ventilation gap sa itaas nito. Aywan kung bakit pakiramdam ni Dan Montero ay mayroong kumislap mula sa kuwarto ni Cathy. Nakita niya ito sa salamin na nakaharap sa kuwarto.

XXIX

N

APALATAK si Dan Montero sa kanyang nalinawan kung bakit mayroong nakapalikot na salamin sa dugtungan ng dinding at kisame. Hindi naman antiburglary ngunit ma-monitor mo sa loob ng silid kung may tao dito sa sala. Hindi nga lang electronic system ang nagpapaandar kundi repleksiyon. Nang biglang may gumuhit sa isipan ni Dan Montero. Kung makikita sa loob ng kuwarto ang sinumang nandito sa sala dahil sa repleksiyon sa salamin, posibleng makikita din dito sa sala ang nasa kuwarto! May pilyong ngiti na bumahid sa mukha ni Dan Montero. Susubukan niya ngayon. At muling binalikan ang pagtungga. HANGGANG hapon na parang wala sa sarili si Cathy. Pakiramdam niya ay inililipad siya sa kawalan. Walang problema ngunit hindi mapakali. Parang kaaahon lang niya mula sa isang panaginip na malabo sa kanyang isipan. “S-si Rex?” Nagkatinginan sina Rod at Joanne. Nangagtaka. Ngunit nakita ng dalawa na parang mas nagtaka pa si Cathy kaysa sa kanila. “O, bakit?” Kumunot ang noo ni Cathy. “Kanina pa siya umalis, a,” si Rod. Bigla ang pagbago ng anyo ni Cathy. Nakaramdan ng pagkapahiya nang maalalang nagsabi pa sa kanya ang binata. “Bakit naman?” biro na lang niya at tumawa. “Ang half a million kasi.” Tumawa rin si Rod. “Malaki ang epektong maibigay sa tao.” “Kailangan ho yatang magpahinga ka, Miss Imperial,” sabad ni Joanne. Napahalakhak si Cathy. “Talagang nakakapagod ang walang ginagawa.” Naisip ni Cathy na maganda ang suhestiyon ni Joanne. Kaya matapos maihabilin kay Joanne ang pagligpit ng kanilang pinagkainan ay dali-dali siyang lumabas. Natigilan si Cathy na handa na sanang ipasok ang susi sa keyhole ng pintuan ng unit 21 nang mapansing nakaawang ito ng konti. Biglang kumabog ang kanyang dibdib. Natiyak niyang naisusi niya kanina ang pintuan pag-alis niya kanina. Nangangahulugan lamang ito na may ibang nakapasok sa kanyang kuwarto. Litsugas! Baka nanakawan siya. Naalala ang kanyang singsing. Kinapa ito sa kanyang bag. Wala! Naiwan pala niya sa kanyang drawer. Bigla ang pagsulak ng damdamin ni Cathy. Hindi na siya nakapag-isip. Tiim-bagang na itinulak ang pintuan. Napapitlag si Dan Montero nang biglang lumagabog ang pintuan. Muntik na siyang masamid sa iniinom na serbesa dahil sa labis na pagkagulat. “C-Cathy...” hindi malaman ni Dan Montero kung ano ang sasabihin. Tumayo siya habang nagpupunas ng tumilamsik na serbesa sa kanyang long sleeves. “H-hinintay na lang kita.” Hindi nakaimik si Cathy. Ang kaba at pagkagulat na nadarama ay unti-unting pinalitan ng yamot. “Ang akala ko’y pinasok na ng magnanakaw...” Pinagmasdan niya ang door knob. Nagtaka ang dalaga kung paanong nabuklan ni Dan Monterro ang kanyang unit. “May sarili akong susi,” paliwanag ni Dan Montero nang mapansing pinagmamasdan ng dalaga ang door knob. Alam ni Dan Montero na naisip ng dalaga na

baka pinwersa niyang mabuksan ang pintuan. “Wala namang masama, di ba?” Ngumiti siya. Hindi sumagot si Cathy. Ngumiti lang ng mapakla. Nilampasan niya si Dan Montero at tinungo ang kanyang kuwarto upang magbihis. Ngunit napahinto siya ng akma nang buksan ang pintuan. Naisip na kabastusan ang pagtalikod sa kanyang boss na hindi man lamang magsasabi kahit ano. Kahit kabastusan din ang ginawa nitong pagpasok sa kanyang unit. “Magbibihis lang ako,” nasambit ng dalaga bago pumasok sa kanyang silid. “It’s alright,” pahabol ni Dan Montero. Muli siyang umupo. Pasandal. Ngunit ang paningin ay nasa bote ng serbesa na nakapatong sa mesita. Nadagdagan ang pagkayamot ni Cathy nang maisara na niya ang pintuan ng kanyang kuwarto. Tumingala siya sa kisame. Nakita niya sa salamin ang repleksiyon ni Dan Montero sa sala na umiinom ng beer. Nakita rin ng dalaga na patingin-tingin si Dan Montero sa pintuan ng silid. Naiiling. Kahit nayayamot ay napangiti si Cathy. Naisip na wala talagang kaalam-alam ang dirty old man na nakikita niya ang lahat ng kilos nito. Diniinan ni Cathy ang lock ng door knob bago humiga sa malambot na kama niya. Bahala ka sa buhay mo, bulong ng dalaga patungkol kay Dan Montero. Sa sala, sumandal si Dan Montero. Bahagyang tumingala habang iginagalaw-galaw ang ulo. Bahagya ding ipinikit ang mga mata at pinisil-pisil ang batok. Mayamaya’y dinampot ang bote ng serbesa habang patuloy na nakatingala. Ngunit sa pagkakataong ito ay nagmulat. At nang dalhin na niya sa kanyang bibig ang bote ay nahuli na ng kanyang tingin sa salamin si Cathy na nasa silid nito at nakatihaya sa kama. Sa loob ng kuwarto matamis ang ngiti ni Cathy. Naalala niya ang tsekeng nagkakahalaga ng kalahating milyong piso. Nag-init ang kanyang katawan. Talagang totoo ang sabi nila, mainit ang pera. Biglang namawis si Cathy. Kaya bumangon siya at hinubad ang pang-itaas na suot. Hinubad din niya ang palda at muling humiga. Ipininid ang mga mata habang patuloy na nakangiti. Dumipa at bahagya pang inilayo ang mga binti. Kung klaro kay Cathy ang lahat ng kilos ni Dan Montero sa labas ng kuwarto, klaro din naman sa lalaki ang lahat ng kilos nito sa silid. May nakita siyang magandang anggulo upang masilipan. At nang makita niyang pumikit na ang dalaga ay dumilat ng todo. Hindi na niya inangat ang bote ng serbesa at mag-akmang iinom upang disimulado na nakatingala siya sa salamin dahil hindi naman nakatingin si Cathy. Pigil ang paghinga niya sa pagbabantay kung ano ang kilos ni Cathy sa loob. Ilang sandali pa nag-init na ang pakiramdam ni Dan Montero. Marahil ay nakatulong ang nainom niyang serbesa sa nararamdamang pagnanasa sa kagandahan ni Cathy. Tumayo si Dan. Dahan-dahang lumapit sa pintuan ng kuwarto ni Cathy. Nag-aalalang baka magmulat si Cathy at malamang nanunubok din siya. Ngunit sa tingin ni Dan ay nakatulog ang dalaga. Bagaman kumilos ito ngunit nakapikit pa rin. At sa pagkilos napapihit ito na lalong naghayag ng katawan sa paningin ni Dan sa labas. Parang sinisilaban na si Dan Montero. Hindi na siya nakapagtimpi. Kailangang kumilos na siya. Sinubukan ni Dan Montero na itulak ang isang pigurin na nakapatong sa divider malapit sa kanya. Malaki ang pigurin at naisip niyang gagawa ito ng ingay kung mausod. At umingit nga. Ngunit kahit malakas ang ingit ay hindi ito nakagambala kay Cathy na natatanaw ni Dan sa salamin ay parang nahimbing na. Dali-daling dinukot ni Dan Montero ang susi sa kanyang bulsa. Agad na isinuot sa keyhole. Ngunit hindi magkapareho ang susi sa main door at dito sa kuwarto ni Cathy. Parang gustong balyahin ni Dan ang pintuan. Pakiramdam niya ay para na siyang manyak na talagang naglalaway. Kaya binilisan niya ang pagsundot-sundot ng susi sa keyhole. Inaasahang matsambahan at mabuksan din.

Sandali lang na nahimbing nga si Cathy. Marahil bunga ng magdamag na pag-disco nila. Ang antok na nawala nang magpamasahe siya ay bumalik nang makahiga siya sa malambot na kama. At nanaginip pa siya. Nakita raw niya ang kanyang ina habang naglalakad siya. Lalong pumayat ang kanyang ina. Ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay ni hindi man lang niya nabati ang ina. Patuloy raw siyang lumalakad. Hindi lumilingon. Kahit alam niyang humahabol sa kanya ang ina. Kandarapa ito. Ngunit tuloy pa rin ang paghabol. Umiiyak na tinatawag ang kanyang pangalan. Kalaunan may sinabi ang kanyang ina. Hindi niya masyadong narinig ngunit nakapagpatigil ito sa kanya. Lumingon siya. Paduhapang na nakalapit ang ina. May iniabot sa kanya. Isang malaking singsing. Ngunit hindi raw niya kinuha. Hanggang nabitiwan na lang ito ng ina dahil sa panginginig ng kamay. Nalaglag ang singsing sa lupa. Kumalansing. Napangiti si Dan Montero nang maramdamang lumambot ang pagpihit niya ng susi. Mayamaya’y lumagitik. Nabuksan ang pintuan.

XXX

A

NG tunog ng lock ng door knob ay parang musika sa pandinig ni Dan Montero. Hindi masukat na tuwa ang idinulot ng tunog sa kanya. Nagpabilis ito ng tibok ng kanyang puso. Saglit na sumandal sa pintuan si Dan Montero. Lumanghap ng hangin. Hinayaang mapanatag ng konti ang kanyang excitement. Baka atakihin siya sa sobrang excitement. Nang mapanatag ang kanyang pakiramdam ay dahan-dahang pinihit ang door knob. Halos pigilan niya ang paghinga upang hindi makagawa ng ingay. Inayunan naman siya ng kalidad ng door knob. Walang kaingay-ingay. Kahit ang bisagra ay nakisama. Walang kahit konting ingit. Ang tamis ng ngiti ni Dan Montero. Naniniyak! Iginala ni Dan Montero ang paningin sa kabuuan ng silid. Itong-ito ang kabuuang nakikita din sa salamin sa labas. Inihimpil ni Dan ang paningin sa nakatihayang si Cathy. Malamig ngunit kagaya ni Dan ay balisa din ang dalaga. Totoong balisa si Cathy. Patuloy ang panaginip. Matapos malaglag sa sahig ang singsing na iniabot sa kanya ngunit hindi naman niya kinuha, nakita ni Cathy na untiunting lumayo ang ina. Dito at nakaramdam ng pagkapahiya at awa sa ina si Cathy. Tinawag niya ito ngunit hindi man lang lumingon. Inulit niya. Hindi pa rin lumingon ang ina. Nilakasan na niya. “Nayyy!” Biglang natigilan si Dan Montero dahil sa pagkagulat nang sumigaw ang dalaga. Dadayb pa sana siya sa paanan ng kama upang hindi siya makita ni Cathy ngunit huli na. Nasalubong ng kanyang tingin ang nandidilat na mga mata ng dalaga. Sa tingin ni Dan ay takot na takot si Cathy. “A-ano’ng ginagawa mo dito?” Bumalikwas ang dalaga at bumangon sabay kapa sa kumot upang itakip sa kanyang katawan. Umurong palayo kay Dan Montero. Hindi na umimik si Dan Montero. Alam niyang magiging walang kabuluhan ang anumang isasagot niya. Ano pa nga ba ang maidadahilan niya? Hindi na siya tumingin sa mata ng dalaga upang maiwasan ang nang-uusig na paningin nito. Napako ang tingin niya sa dibdib ng dalaga na bagaman natatakpan ng hawak na kumot ngunit palitaw-litaw din dahil sa panginginig ng kamay nito. Nanginginig din ang kalamnan ni Dan Montero. Lalong nagatungan ng kanyang pagnanasa! “H-huwag kang lumapit. Sisigaw ako...” mariin ang babala ni Cathy kahit patuloy ang kanyang pag-urong. Nakangisi si Dan Montero. Ngising demonyo. “Sisigaw?” Nanunuya si Dan Montero. “Sige, sigaw! Tingnan natin kung may makarinig sa’yo.” Patuloy ang paglapit ni Dan Montero habang unti-unting tinatanggal ang kurbata. Wala nang maurungan si Cathy. Bumangga na ang kanyang likod sa drawer. May nasagi ang kanyang kamay sa gilid ng drawer. Nakabawas ito ng kanyang takot. “Please, Dan,” binago ni Cathy ang kanyang tono. Bagaman totoong mariin ngunit wala na ang eksaheradong babala. “Get out of this room bago tayo maeskandalo rito.”

Unti-unting ipinatong ni Cathy ang kanyang daliri sa buton ng security alarm na nasa gilid ng kanyang drawer. “Damn, Cathy!” Humihingal na si Dan. Sa sandaling ito ay ang butones na ng kanyang polo ang tinitanggal niya. Nagmamadali. “Hindi ko na palilipasin ang pagkakataong ito. Kung noon ay nakaligtas ka, ngayon ay hindi na. Malaki na ang naipuhunan ko sa iyo.” Impit na napagibik si Cathy nang bigla siyang duhapangin ni Dan Montero. Napasandal siya sa drawer. Nadiinan ang buton ng security alarm na konektado sa security room. “B-bitiwan mo ak...” hindi na natapos ni Cathy ang sasabihin nang lumapat ang mga labi ni Dan Montero sa kanyang mga labi. Buong lakas na nagpumiglas siya. Ang lahat ng pagnanasa at pagpipita ay nasa utak na ni Dan Montero habang pilit na niyayapos ang dalaga. Hindi na nakasigaw ang dalaga. Halos mapatid ang kanyang hininga dahil sa higpit ng pagkasibasib ni Dan Montero sa kanyang mga labi. Sandaling nagpaubaya si Cathy. Naramdaman niyang unti-unting lumuwag ang pagyakap ng lalaki. At ito ang kanyang hinihintay. Ubod lakas na itinulak niya si Dan Montero. Napaatras ang matanda. “Hija de...” “Sige!” Nanlilisik ang mga mata ni Cathy habang nakahanda ang isang kamay. Naninigas ang mga daliring handang mangalmot. Ang isa pang kamay ay mahigpit na nakahawak sa kumot na nakatakip sa kanyang katawan. Sa gilid ng kanyang mga mata ay tinatantiya niya kung makaya niya sa isang igpaw lamang ang pintuan na hindi mapigilan ni Dan Montero. Ngunit matalas din ang matanda. Nakita niya ang sinulyapan ni Cathy. Kaya’t padipang muli siyang dumamba. Umiwas din si Cathy ngunit nahawakan niya ang kamay nito. Hinaltak. Nagtitiling nabuwal sa kama si Cathy. Nabitawan nito ang kumot. Hindi man lang ito nakakalmot. Sa tingin ni Cathy ay tila asong-ulol si Dan Montero na naglalaway habang nakatingin sa kanya. SA security room ay napatuwid sa pagkakaupo ang guwardiya nang mapansin ang mabilis na pagpatay-sindi ng pulang ilaw na may bilang 21 matapos itong tumunog. Emergency, nausal niya. Ngunit bago tumawag sa kasamang maipadala sa naturang unit ay tumawag muna siya sa telepono. Nais niyang makausap ang occupant ng unit upang malaman kung ano ang nangyari. Naisip niya ito dahil inaakala niyang hindi naman nakapadelikado dahil hindi naman fire alarm ang natanggap niyang signal. Sa silid ni Cathy ay nagpapalag na lamang siya habang nakapamaluktot. Ito na lamang ng nagawa niya dahil hindi niya mailayo ang dalawang kamay sa kanyang dibdib. Malalantad ang hubad na dibdib kungdi man madakma ng hayok na hayok na Dan Montero. Nakatiim-bagang naman ang matanda habang sinisikap na mayapos si cathy. Ngunit lalo siyang nahirapan dahil maliban sa nakabaluktot ay nagpapalag ang dalaga. Napagod ang matanda. Naisip na hindi siya magtatagumpay habang nakakapanlaban ang dalaga. Niluwagan niya ang paghawak kay Cathy. Hinihintay ang tamang pagkakataon. At nang magkaroon ng pagkakataon ay sinuntok sa tiyan ang dalaga. Isa lamang mahinang gibik ang nailabas ni Cathy. Unti-unti siyang nawalan ng lakas hanggang lumambot ang kanyang katawan na nakapagpatihaya sa kanya. At nawalan siya ng ulirat. Nagmamadali namang hinubad ni Dan Montero ang kanyang pantalon. At isusunod na sana ang kanyang brief nang tumunog ang telepono.

“Buwisit!” ungol ng dirty old man. Hindi pinansin ang telepono. Nagmamadaling ibinaba ang brief. Ngunit dahil sa pagmamadali ay nawalan ng panimbang si Dan Montero. Nabuwal siya sa sahig. Tuloy pa rin ang ring ng telepono. Pakiramdam ni Dan Montero ay para itong nanguuyam na halakhak sa kanyang pandinig. Pinagtatawanan siya! Sa yamot ay pinalis niya ang telepono. Nalaglag ito sa sahig. At tila hayop na sumisingasing na dinamba ang walang malay na dalaga. Nagulantang ang guwardiya nang marinig ang pagbagsak ng telepono sa kabilang linya. Hindi na siya nag-aksaya ng sandali. Agad siyang lumabas sa security room at tinungo ang unit 21. HINDI mapakali si Jane Montero. Ilang stik na ng sigarilyo ang kanyang naubos. Ngunit hindi pa rin siya mapanatag. Nandoroon ang kanyang isipan sa unit 21 ng Citiland Condominium. Bago siya pumunta kanina sa naturang condominium ay tinawagan muna niya si Dan sa suite nito sa Robinson’s Tower. Ngunit wala doon ang asawa. Sinubukan rin niyang tawagan ito sa kanilang bahay kung nakauwi na ngunit wala rin doon ang asawa. Nasaan kaya ito kanina? Nandoon kaya ito sa loob ng unit 21 sa Citiland at nagsara lamang? Naisip ni Jane na tumawag sa Citiland. Nakailang beses siyang tumawag ngunit busy ang linya ng telepono ng naturang unit. Naisip niyang kausapin ang receptionist ng Citiland. Dito siya hihingi ng impormasyon tungkol sa nais niyang malaman. “Hindi ho si Mr. Montero ang occupant, Mam,” sabi ng receptionist ng condominium. “Pero nasa pangalan ho niya ang unit.” “Then sino ang omookupa?” Hindi sumagot ang receptionist. Ngunit nang magpakilala si Jane na siya si Mrs. Montero at nang manakot siyang madadamay ang receptionist kung naglilihim ito, napilitang magsalita ang kausap. “A-ang alam ko ho... ang pangalan ng babae...”

XXXI

D

UMILIM ang paningin ni Jane Montero. Sumakit ang kanyang ulo. Pakiramdam niya ay masusuka siya. Mapait pa ang kanyang mga mata. “A-anything else, Mam?” mula sa receptionist sa kabilang linya ng telepono. Ang tinig ng kausap ay nakapagpabalik ng ulirat ni Jane. Pinigil niyang huwag mahalata sa kanyang boses ang panginginig ng kanyang kalamnan. “One more favor please,” panatag na ang pakiramdan ni Mrs. Montero. Nakatulong sa kanya ang malalim na paghinga. Hindi na sarcastric ang kanyang tono. “Go ahead, Mam,” sumaya din ang boses ng receptionist. “Please check kung pumunta diyan kanina si Mister Montero.” “Hold on, Mam,” narinig pa ni Jane ang mahinang paglapag ng receptionist sa telepono pati na ang paghakbang nito papalayo. Mayamaya’y bumalik. “Hello, Mam? Nasa log book ho ng guwardiya na nag-in siya at five two this afternoon. At hanggang ngayon ho ay hindi pa siya nakaka-check out.” Iyon lamang ang dagdag na impormasyon na kailangan ni Mrs. Jane Montero. Matapos makapagpasalamat sa receptionist ay nagmamadali siyang nagbihis. Pagkatapos kinuha sa drawer ang kanyang Beretta. Lady’s edition ito at halos apat na pulgada lamang ang haba na hindi man lang lalagpas sa kamay ng isang katamtamang babae. Semi-automatic ito at malakas. Nang matiyak na loaded, isinilid ni Jane Montero ang pistola sa kanyang bag. Pagkatapos ay nagmamadaling lumabas at bumaba. Hindi na niya tinawag ang kanyang drayber na si Bert. Siya na mismo ang nagmaneho ng kanyang kotse. MAY master key ang security detail ng Citiland Condominium. Pagdating niya sa unit 21 ay hindi na siya kumatok. Nang ipihit niya ang door knob at malamang naka-lock ito ay ginamitan agad niya ng dalang master key. Pagkabukas ay maingat na pumasok habang nakahanda ang kanyang traynta’y otso. “M-mam?” Makalawang ulitin ng guwardiya ang pagtawag. Nang walang sumagot ay tiningala ang bahagi ng salamin sa kisame na nakaharap sa silid ni Cathy. At napatiimbagang siya sa nakitang repleksiyon mula sa loob ng silid. ANG mga haplos ng nanginginig na kamay sa kanyang dibdib ay nakapagpanumbalik ng ulirat ni Cathy. Naramdaman niya kaagad ang bigat na nakadagan sa kanya. Naramdaman din niya ang mainit na hininga at pagdila sa kanyang leeg. Ubod lakas na bumalikwas si Cathy. “Hayup!” sinabayan ito ng tulak kay Dan Montero. Napaurong ang DOM na dahil sa lakas ng pagkatulak sa kanya ay napabuwelo paatras sa pintuan. Siya namang pagbukas ng guwardiya. Kaya ang nabangga ng katawan ni Dan Montero ay ang dulo ng traynta’y otso ng guwardiya. Kumid-ol ang kanyang likod. “Arestado ka!” Agad dinakma ng guwardiya ang kamay ni Dan Montero at binaliti. Nakangiwi namang napalingon ang matanda paharap sa guwardiya.

“Tarantado!” Nanlilisik ang mga mata ng matanda sa labis na galit. Ngunit agad ding itinakip ang isang kamay sa harapan ng maalalang wala pala siyang saplot. “S-sir Montero?” Tila napahiya din ang guwardiya. Kilala niya si Dan Montero at alam din niyang ito ang may-ari ng unit 21. Nakatungong akma siyang aatras. “Pinagtangkaan niya akong reypin! Idedemanda ko siya!” Nanginginig sa galit si Cathy habang mahigpit ang paghawak sa kumot upang maitago ang kanyang katawan. “Get him out of this room!” Seguridad ng occupants at mga kagamitan ng Citiland ang inaalagaan nila kung kaya’t napatigil ang guwardiya. Kilala nga niya si Dan Montero ngunit may ginawa itong krimen laban sa kanilang occupant. At nasaksihan pa niya. Kung hindi siya gagawa ng hakbang ay maaaring madamay pa siya. “I’m sorry pero may kasalanan ho kayo, Mister Montero.” Nanginginig ang kamay ng guwardiya na tinutukan ng baril ang matanda. Hindi inaalis ang tingin kay Dan Montero habang kinakapa ng isang kamay ang mga damit nito. Nang makuha ay inihagis sa harap ng matanda. Agad namang dinampot ni Dan Montero ang kanyang damit habang isinasara naman ng guwardiya ang pintuan. Hindi malaman ni Cathy kung ano ang kanyang gagawin. Nanginginig pa rin siya. Mabuti na lamang at nakarating kaagad ang guwardiya bago magtagumpay ang dirty old man! Nang mapanatag ay nagmamadaling nagbihis si Cathy. Tinawagan niya sa telepono si Rex. Nagkataong maagang umuwi ang binata. “A-ano ngayon ang plano mo?” Tila hindi mapakali si Rex nang malaman ang nangyari sa dalaga. “A-aywan. Kaya nga tinawagan kita. Baka may maipayo ka sa akin.” Napabuntung-hininga si Rex. “Ang mabuti pa ay puntahan kita diyan. Hindi tayo makapag-usap ng mabuti dito sa telepono.” “N-no! Ang mabuti pa’y magkita na lamang tayo sa isang lugar. Parang hindi ako makatagal dito. B-baka balikan niya ako,” halata ang pag-alala ni Cathy. “Hindi ba sabi mo ay hinuli na siya ng guwardiya?” Kumunot ang noo ni Rex. “Oo nga. P-pero parang sinisilaban ako dito. Hihintayin na lang kita sa Shakey’s sa Makati Square.” Sinulyapan ni Rex ang wall clock. Alas siyete na. In less than an hour ay makakarating siya doon, ito ang nasa isip niya. Tamang-tama, hindi pa siya nakapaghapunan. “I’ll be there.” Hindi man lang ngumiti si Jane Montero nang mag-good evening sa kanya ang guwardiya pagpasok niya sa entrance ng Citiland Condominium. Tuloy-tuloy siyang umakyat sa second floor. Nang makarating sa harap ng unit 21 ay kinapa ang kanyang bag. Hinimas ang kanyang Beretta. Mayamaya’y pinihit ang door knob. Matigas. Nagpingkian ang mga kilay ni Jane Montero. “Ang mga walanghiya,” usal ni Jane Montero. “Ang agang maglampungan.” Sa galit sinipa niya ang pintuan. “Lumabas kayo riyan!” Sa security room ay tila ayaw mabura ang ngiti ng guwardiya. Tila walang sawa sa paghimas ng lilibuhing nakasalansan sa ibabaw ng kanyang mesa. Diyes mil! Mga bago at malulutong. “Ang suwerte nga naman, oo. Dumarating kahit hindi mo hanapin.” Pinitik-pitik ng guwardiya ang lilibuhin at inilagay sa kanyang pitaka. “Kapag natupad ang kasunduan namin ni Mister Montero ay mas malaki pa dito ang matatanggap ko.”

Napapitlag ang guwardiya nang masulyapan ang pag-ilaw ng alarma. Sa second floor pa rin ang na-activate na alarma. “Aba, baka grasya na naman ‘to,” bulong ng guwardiya na agad tumayo at lumabas sa security room. Nadatnan ng guwardiya sa second floor na sinisipa ni Jane Montero ang pintuan ng unit 21. Agad niya itong nilapitan. “E-este, Miss... ano ho ba’ng problema?” “Hindi ako miss!” singhal ni Mrs. Montero sabay palis ng kamay ng guwardiya na humawak sa kanyang braso. “Wala akong pakialam kung hindi ka man miss!” singhal din ng guwardiya. “Huwag kang mag-eskandalo dito!” Lalong nagalit si Jane Montero dahil sa isinagot ng guwardiya. Mabilis na kinuha ang kanyang Beretta at itinutok sa mukha ng nagulat na guwardiya. “Kung wala kang pakialam kung hindi ako miss, puwes, kilalanin mo si Misis Montero!” Bigla ang panlalamig ng guwardiya. Pinagpawisan. “W-wala ho’ng tao diyan, Mam.” “Huwag n’yo ako’ng lokohin!” “Nakakandado, hindi ho ba?” Alam ng guwardiya na ito ang dahilan kung bakit sinipa ni Mrs. Montero ang pintuan. “Ibig sabihin walang tao sa loob. Dahil kung meron ay kanina pa lumabas dahil sa ingay.” Hindi nakasagot si Jane Montero. Parang sasabog siya.

XXXI

N

APAHIYA din si Jane Montero sa sinabi ng guwardiya na kung talagang may tao sa loob ng unit 21 ay tiyak na lumabas dahil sa ingay. Ngunit labis ang galit ni Jane. Ang naramdamang pagkapahiya ay nilupig ng galit. “Nandiyan ang mister ko! Tumawag ako dito at sabi sa information hindi pa siya nakaka-eck out!” “Kaaalis lang ho niya, Mam,” pakli ng guwardiya. “Puwede ho ninyong itsek sa log book. Baka ho paparating pa lang kayo nang umalis si Mister Montero.” “Kasama ng demonyang si Cathy Imperial?” Nagtatagis ang mga ngipin ni Jane Montero. Naalala agad ng guwardiya ang insidente kanina kung saan tinangkang gahasain ni Dan Montero si Cathy Imperial. Ang mister mo ang demonyo! halos ito ang isigaw ng guwardiya. At halos isigaw din niya na hindi magkasama ang dalawa na umalis dahil ito naman talaga ang totoo. Ngunit alam ng guwardiya na mahirap salubungin ang poot ng babae. “M-mam,” pilit pinalumanay ng guwardiya ang kanyang boses. “Guwardiya lang ho ako dito. Kung ano man ho ang problema ninyong mag-asawa, wala akong pakialam. Sasabihin ko lang ho kung ano ang totoo. Nakaalis na ho si Mister Montero. Nakaalis din ho si Cathy Imperial. Pero hindi ho sila magkasabay. Patotohanan ho iyan ng log book.” Ngunit hindi sinabi ng guwardiya ang totoong nangyari na naratnan niya sa loob ng silid ni Cathy. Ilang beses na nagpabalik-balik si Jane Montero sa harap ng pintuan. Sumisingasing. Maya-maya... “Buksan mo ang pintuan. Hihintayin ko sila sa loob!” “H-hindi na ho siguro babalik si Mister Montero, Mam. Hindi naman ho siya dito nakatira.” “Si Cathy Imperial ang hihintayin ko dito!” asik ng babae. “H-hindi ko ho tiyak kung babalik siya, Mam.” “Istupido! Hindi maaaring hindi siya bumalik dito. She is occupying this unit... of my husband... unit namin!” Yudikapra! Tila naipit ang guwardiya. Ngunit hindi niya mapayagang makapasok sa unit si Mrs. Montero. Delikado! “Gaya ng nasabi ko na, Mam, guwardiya lang ho ako dito. And I’m just following orders. Wala ho kayo sa talaan ng mga puwedeng pumasok sa unit na ito.” “Ano?” “Bilin ho ito sa amin ni Miss Imperial.” “Ng babaing ‘yon lang?” pakli ni Jane na nanginginig na sa galit. “Pati ho ni Mister Montero,” pagsisinungaling ng guwardiya. “My God!” Nanlambot ang kalamnan ni Jane Montero sa labis na galit. “Pati akong conjugal owner ay walang access dito.” “I’m sorry, Mam.” “Kung bakit there’s such a word as illicit affair na kinukunsinti ninyo!” Humikbi si Jane. Hanggang tuluyang umiyak.

Sa Shakey’s sa Makati Square dalawang boteng beer na ang nainom ni Rex ngunit hindi man lang nakakagat ng kanyang inorder na pizza pie si Cathy. Tila ayaw pumasok sa kanyang lalamunan ang nasa harapan kahit sa pakiramdam lang niya. Hindi pa rin ganap na nawala ang kanyang kaba. “Kumain ka kahit konti,” si Rex. “Nakatatlo kaagad ako. Parang gusto kong malasing agad para makalimutan ko ang kahayupan ni Dan Montero!” Nagtagis ang mga bagang ni Rex. “Naisip ko sana kanina na ireport sa pulis.” Huminga muna ng malalim si Cathy. “Pero naisip ko na baka pagtawanan lang nila ako.” Tumungo ang dalaga. Naunawaan ni Rex ang ibig sabihin ng dalaga. Ano nga ba ang sasabihin ng mga pulis kapag nalamang ang condominium unit na tinitirhan ng dalaga ay pag-aari ni Dan Montero, ang inirereklamo? Napailing si Rex. Huminga ng mas malalim. “Talagang mahirap ang sitwasyon.” Humikbi si Cathy. “Kung maibalik lang ang nakaraan...” Kumunot ang noo ni Cathy. “Noong sinabi mong’ ikaw ang magbibigay sa akin ng kaluwagan?” salo ng dalaga. “Please... huwag mo na akong sisihin. Wala na nga akong mapupuntahan...” Napatiim-bagang si Rex. Mariing tiningnan ang dalaga. Bumuntung-hininga si Cathy. Lalong nawala ang kanyang gana sa kaharap na pizza pie. Nanikip ang kanyang dibdib kung kaya’t dali-daling inabot ang basong may tubig at uminom.. Maya-maya... “I-I’m sorry... pawang problema lang ang ibinibigay ko sa ‘yo.” “Please don’t say that...” Nakunsensiya din ang binata. “Nandito ako para pakinggan ang iyong problema... tumulong...” “A-ano ang gagawin ko?” “Isa lang ang alam kong solusyon sa problema mo, kung talagang mahirap idemanda si Dan Montero dahil sa mga sirkumstansya.” “Ano ‘yan?” “Lumayo ka sa kanya!” Tama ang suhestyon ni Rex. Alam na ito ng dalaga. Ngunit humahadlang ang alaala ng kanyang ina. Napapikit si Cathy. “Well, ano ang masasabi mo?” “Aywan,” sinundan ito ni Cathy ng iling. “Sumasakit ang ulo ko.” “Ang mabuti pa’y magpahinga ka muna. .We can talk about this tomorrow.” “Hindi ako uuwi...” “Saan ka pupunta?” Kumunot ang noo ni Rex. “Delikado para sa isang babae na nasa labas kung gabi lalo na ngayong...” “Then take me with you tonight.” HINDI na nagpumilit si Jane Montero na makapasok sa unit 21 nang mapansin ang guwardiyang nangingiti sa pagkakatingin sa kanya na galit na galit. Napag-isip-isip niya na lalabas siyang kawawa kapag patuloy siyang umiyak na parang bata sa condominium ng asawa na ang nakatira ay ibang babae. Lalabas pa siyang mumurahing babae. Abandonado ng asawa. Ayaw ni Jane Montero na bumaba pa ang tingin ng tao sa kanya. Lalo na sa isang guwardiya lamang ng condominium. Nang bahagyang mapanatag ang kalooban ni Jane ay nagmamadali siyang bumaba. Nang makaalis si Mrs. Montero ay agad na nagdayal ng telepono ang guwardiya. 631-62-43 ang numerong sinabi sa kanya ni Mr. Montero bago sila maghiwalay kanina. SA Robinson’s Tower ay sunod-sunod ang lagok ni Dan Montero ng Johnnie Walker. Kararating lang niya ngunit nakaapat na tagay na siya. Tila ibig niyang bawiin sa inumin

ang kabiguan ng kanyang hangarin kay Cathy Imperial. Nagtagis ang kanyang mga bagang. Ngunit napangiti din siya nang maalala ang guwardiya. Mabuti na lamang at mukha din palang pera ang loko kaya’t pumayag na kalimutan na lamang ang nangyari. Nangako pa itong tumulong upang maangkin niyang lubos ang dalaga. Kahit pa raw kidnapin ang dalaga at ito mismo ang gagawa. Ang magawa nga naman ng pera. Kung nadala ng pera ang guwardiya, nadala din ng pananakot nito si Dan Montero. Kaya nga nangako din ng pera ang matanda. At hindi lang basta pera. Maraming pera na marahil ay hindi kikitain ng guwardiya sa pag-eempleyo lamang. At iyan ay dahil sa pagtatakip ng guwardiya sa tootong nangyari kanina sa silid ni Cathy. At maliban dito ay nabigyan pa niya ito ng numero ng kanyang telepono sa Robinson’s Tower. Nakangiti ngunit napailing si Dan Montero. At lalo siyang napailing nang mag-ring ang telepono. “O,” walang ganang magsalita si Dan Montero nang maangat ang telepono. “K-kaaalis lang ho dito ni Misis Montero, Sir,” bahagyang nautal ngunit hindi na nagpaliguy-ligoy pang sabi ng guwardiya sa kabilang linya. “Galit na galit ho siya. Tinutukan pa nga ho ako.” Tila kumulo ang alkohol sa ulo ni Dan Montero. Hindi na niya maitago ang lihim. Nabulgar na sa kanyang asawa. At maaaring saglit na lamang ang kailangan at magkakagulo sila. Kailangang samantalahin niya itong saglit. “Bata,” tila bulong ngunit mariin ang pagkasambit ni Dan Montero. “Sir?” pati hingal ng guwardiya ay malinaw sa telepono. “Ang sinabi mo kanina...” Huminga muna ng malalim si Dan. “Kung magawa mo ngayon, gawin mo!” “Sir?” Nagtaka ang guwardiya. “One hundred thousand!” nanginginig ang boses ni Dan Montero. Sinundan ito ng pagtagis ng mga ngipin. “Para sa hugadang ito!” “Kung gayon, sa safehouse ho ng aking kaibigan. Doon ho kayo maghihintay. Sasalubungin ho kayo sa Batangas Street.” Ibinigay din ng guwardiya ang adres ng safehouse. Isa ring maliit na condominium sa Arthur Street sa Makati.

XXXIII

E

KSAYTED na eksayted si Dan Montero na matupad ang planong pagkidnap kay Cathy kaya’t pumayag agad siyang maghintay na lamang sa isang condominium sa Makati. Ang magawa nga naman ng pera, nausal ni Dan Montero. Kahit ano’ng oras ay makapagpakilos ng tao, nakahanda man o hindi. Tila may tumusok sa ulirat ng DOM. “H-hello?” pahabol niya. Narinig ni Dan Montero na may tao pa sa kabilang linya. Madidinig ang sunod-sunod na paghinga. Marahil ay sobrang eksayted sa narinig na isang daang libong piso na ibabayad sa serbisyo nito. “S-sir?” “Tawagan mo na lang ako kung sigurado na. Hihintayin ko ang tawag mo.” Naisip niyang delikado kung maghihintay siya sa nabanggit na condominium. Hindi siya nakatitiyak. Kailangang gamitin niya nang tama ang kanyang pag-iisip upang walang aberya. Pupunta lamang siya sa nabanggit na condominium kapag nandoon na si Cathy. Dadaanan lang niya ang dalaga at dadalhin sa isang lugar na siya lamang ang nakakaalam. Halimbawa sa Tagaytay. Oo nga pala. Muntik na niyang makalimutan ang nabiling cottage sa Tagaytay na sinadya niya para sa espesyal na mga aktibidad. Doon niya dadalhin si Cathy. Ang magiging aktibidad nila ni Cathy ang pinakaunang gagawin niya sa kanyang cottage sa Tagaytay. Napangiti siya sa naisip. Doon ay makapagpasasa siya. HINDI maunawaan ni Rex ang sarili habang nagmamaneho ng kanyang sasakyan. Nag-aagawan ang paghangad at awa niya kay Cathy. Nasulyapan niya itong nakasandal sa upuan katabi niya. Nakataas ang noo habang nakapikit. Ang dalawang kamay ay nakaugpong sa kandungan nito. At nakita ni Rex na parang umuuga ang balikat ng dalaga. Tila umiiyak. Lalong nakaramdam ng awa si Rex. Binawi ng binata ang kanyang paningin. Kunot-noong ibinaling sa kanilang dinadaanan. Ngunit pakapang hinawakan ang kamay ng dalaga. Mahinang pinisil. Pinaparamdam ang kanyang pag-alala. Kumilos ang kamay ni Cathy. Kinuha ni Rex ang kanyang kamay na humahawak dito ngunit naramdaman niyang humawak din sa kanyang kamay ang dalaga. Nagpaubaya na lamang ang binata. Hanggang naramdaman niyang dinala ng dalaga ang kanyang kamay sa dibdib nito. At sa pamamagitan ng kanyang kamay ay naramdaman ni Rex na huminga ng malalim si Cathy. Malalim at matagal. Hanggang naramdaman ng binata na napanatag ang dalaga. Ngunit hindi napawi ang pag-aagawan sa damdamin ni Rex. Ang awa at pag-alala na naramdaman kanina ay sandaling napalitan ng pagnanasa. Nagatungan ito ng init ng kamay at dibdib ng dalaga na umiipit sa kanyang kamay. Nagpakinig ito pati sa kanyang siko. Na agad ding dumaloy patungo sa kanyang balakang pababa sa dalawang binti. At sa hindi sinasadya’y naisikad niya ang kanang paa. Biglang sumibad ang Honda Civic sa biglang pagdiin ng paa ng binata sa silinyador. Napalingon si Cathy sa binata. Ngumiti dito.

Bigla rin ang paghatak ni Rex ng kanyang kamay upang tumatag ang pagkahawak sa manibela matapos maapakan ng bahagya ang breyk. Mayamaya’y patuloy na ang banayad takbo ng kotse. Kaliwa’t kanan ang sulyap ni Rex sa kanilang dinadaanan. “Kahit saan mo ako dalhin ngayong gabi.” Tila nananaginip ang dalaga. Ngunit pakiwari ni Rex ay nakapagsalita lamang ng gayon si Cathy dahil sa helplessness. Wala sa tamang wisyo. At tila nakunsesnya siya. Kaya’t pinasibad niya ang kotse. Luminga lamang sa kanya si Cathy at muling ngumiti. Pakatapos ay tumuwid sa pagkakasandal at ipinikit ang mga mata. Banayad ang paghiwa ng Honda Civic sa kahabaan ng South Superhighway. Bagama’t mabilis ang kanyang pagpapatakbo ngunit maayos naman ang kalagayan ng highway. Bagong lagay ng aspalto ang noon ay malalaking mga lubak. Kaya’t napanatag din ang pakiramdam ni Cathy. Nakakaramdam pa siya ng konting tensiyon ngunit nasapawan na ito ng kakaibang sigla. Marahil ito’y dahil sa naipasya sa sarili na matulog ngayong gabi na kasama ni Rex. Pasasalamat niya ito sa walang panghihinawang pag-alala sa kanya ng binata kahit pa sinasaktan niya ang damdamin nito. Maliban sa pasalamat ay pagpaparamdam din ito sa binata na may bahagi ito sa kanyang puso. Iniibig ba niya si Rex? Nagmulat si Cathy. Sandaling nilinga ang binata. Talagang guwapo si Rex. Matagal na itong alam ng dalaga. Matibay na sandalan. Aywan kung bakit hindi niya kaagad nabigyan ng halaga ang mga sinabi noon ng lalaki. “Cathy?” sabi ni Rex nang mapansing tinitingnan siya ng dalaga. “I’m serious, Rex.” Sa isip ng dalaga ay bahala na. HINDI makatulog si Zeny nang gabing iyon. Ilang beses na siyang nagpaikut-ikot sa kabuuan ng maliit na apartment na kanyang tinitirhan. Gusto niyang maramdaman ang halos ilang taon ding katiwasayang natamo niya dito simula nang makapagtrabaho siya. Kung tutuusin ay nagustuhan na niya ito ngunit kailangang umalis na siya. Lilipat siya sa isang maliit na condominium sa Makati. Malayo ang Parañaque at nahihirapan na siya sa tila walang solusyong kalagayan ng trapiko. Ang condominium na lilipatan ni Zeny ay nandoon lang sa Arthur Street. Puwede mong lakarin mula dito sa condominium palabas sa Buendia Avenue upang makaabang ka ng bus o dyep papuntang Ayala Avenue. So malaking kabawasan ito sa haba ng biyahe kung papasok sa trabaho si Zeny. Makailang beses nang napuntahan ni Zeny ang lugar na kinatitirikan ng condominium. At nakita niyang payapa din ang lugar kaya nang maalala kaninang maghanap ng malilipatan ay ang lugar na iyon ang agad pumasok sa kanyang isipan. Agad siyang tumawag sa kanyang kaibigan na kabisado ang condominium at nalaman nilang may natira pang isang unit. 1.8 million ang halaga. Hindi na tumawad si Zeny. Binilinan na lamang niya ang kausap na kinabukasan sila magbayaran upang makalipat siya kaagad. Tila hindi makapaniwala si Zeny sa suwerteng dumating sa kanya. Sino nga ba ang mag-aakalang makaka-afford siya ng condominium? Bibilhin niya ng cash, ha. Napangiti siya at dumungaw sa bintana. Sinalubong siya ng medyo malamig na ihip ng hangin. Tila lumulutang ang kanyang pakiramdam. Ngunit biglang napawi ang ngiti ni Zeny nang mapansin ang isang kotse na humimpil sa tapat ng kanyang tinitirhan. Kilala niya ang puting kotse. Kumabog ang kanyang dibdib. Nagalak. “Si Rex!” Nagmamadaling bumaba si Zeny. Mabilis na nakarating siya sa ibaba. Agad na binuksan ang maliit na steel gate. At halos kasabay sa pagbukas niya ang pagbukas din ng pintuan ng kotse.

“Rex...” puno ng galak ang boses ni Zeny. Nagmamadaling lumapit sa binata. Ngunit bahagya siyang napakunut-noo nang mapansing tila problemado ang binata. “What’s wrong?” Hindi sumagot si Rex. Pumilit lang ng ngiti at umakmang iikot upang buksan ang pintuan sa passenger’s side ngunit bumukas na ito. Lumabas si Cathy na tila nabigla nang makita si Zeny. Mas lalo ang pagkabigla ni Zeny. Iba ang agad pumasok sa kanyang isipan. “What’s this?” Matagal na natingnan ni Zeny si Rex. Gayundin si Cathy na sandaling huminto. “Puwede ba’ng doon na tayo sa itaas mag-usap?” “T-tuloy kayo,” naisagot na lang ni Zeny at nagpatiunang humakbang pabalik. Pagkatalikod ni Zeny ay dali-daling tumabi si Cathy sa binata. Marahan itong kinurot sa tagiliran. Napaigtad naman si Rex. “Ano’ng kabaliwan ito?” may konting yamot sa tinig ni Cathy. Ngunit hindi na sumagot si Rex. Walang imik na sumunod siya kay Zeny. Sumunod na rin ang nag-aatubiling si Cathy. Sa itaas nagtaka si Rex nang makitang nakabalot na ang mga gamit ni Zeny. “I’m moving.” Hindi na hinintay na magtanong pa ang binata at nagpaliwanag si Zeny. “Bukas na ako aalis. Naisip kong kumuha na lang ng condominium unit... kahit ang maliit lang.” Napahawak si Cathy sa braso ni Rex. Tila gustong sabihin na kung gusto ni Zeny na tumira sa condominium, siya, ang nais ay ang umalis. “Oo nga pala... Unusual ang pagkadayo ninyo rito.” “Actually, wala naman talaga sa plano,” si Rex. Inakbayan niya si Cathy at pinisil sa balikat. “Pero may problema si Cathy...” Marahang siniko ni Cathy ang tagiliran ng lalaki. Napabuntunghininga si Rex. Hinarap si Cathy. “Lalo lamang madaragdagan ang problema, Cathy. That’s why dito kita dinala. I hope you understand.” Napaawang ang labi ni Cathy. Tila napahiya. Napakunot ang noo ni Zeny. Lalong nagulumihanan. Wala na silang nagawa kungdi sabihin na lang kay Zeny ang katotohanan. Pati ang dahilan kung bakit napadayo sila dito. “Hindi ko malaman ang gagawin. Parang ayaw ko nang umuwi.” “Lilipat ako. Why not stay with me?” Naramdaman agad ni Cathy ang katapatan ni Zeny. Nayakap niya ito.

XXXIV

“T

HANK you very much sa offer, Zeny.” Lubos ang kagalakan ni Cathy na hinalikan pa sa pisngi ang dalaga. “Siguro mga two or three days lang ang kailangan ko na makapag-isip ng mapayapa. O baka one week at the most.” Tumawa si Zeny. “Kung ako ang masusunod hangga’t gusto mo. At depende naman iyan kung magugustuhan mo ang ugali ko.” “At ugali ko rin...” salo ni Cathy. “I’m still lucky pa rin naman. May mga kaibigan pa pala akong masasandalan sa oras ng mga problema.” Tumikhim si Rex. “Lalo na si Rex.” Kinabig ni Cathy ang braso ng binata. May paglalambing na sumandal dito. “Ever since ay hindi ko nalamang tumalikod siya sa akin.” “Kayo lang ang tumalikod sa kanya,” biro ni Zeny. Bumuntung-hininga si Cathy. “Aywan ko kung bakit nagawa ko naman. I hope maka-cover up ako.” Salamat naman, hiyaw ng puso ni Rex na hindi na niya naisatinig. Parang nabawasan ang kanyang pagod. ALAS kuwatro ng hapon nang sumunod na araw matapos ang nasilat na pag-abuso ni Dan Montero kay Cathy Imperial. Nagtatagis ang mga ngipin na pabalik-balik sa loob ng kanyang suite si Dan Montero. Hawak niya sa isang kamay ang kopitang nangangalahati pa ang lamang alak. Chivas Regal ang iniinom niya ngayon. Sa bawa’t paghakbang niya ay lumiligwak ang alak sa kopita. Bumasa ito sa kanyang mga daliri. Nakaramdam siya ng lamig na dulot nitong alak na nilagyan ng ice. Dumaloy ito sa kanyang mga ugat. Nanulay patungo sa kanyang balikat. Nakaramdam siya ng biglang panlulumo. “Punyetang’ guwardiya!” ang security guard ng Citiland Condominium ang tinutukoy ng matanda. “Parang hindi maasahan ang pangako. B-baka bumaligtad?” Tinungo ni Dan Montero ang sopa. Nilagok ang laman ng kopita. Straight. Nakaramdam siya ng kakaibang pait ngunit mayamaya’y nakapagpabalik ito ng init ng kanyang damdamin. At may naramdaman din siyang pag-iinit sa kanyang balakang. Nanginig ang kanyang mga tuhod. Hanggang nabitiwan niya ang kopita na bumagsak ng mahina sa sahig. “Damn!” Tumayo si Dan Montero. Tinungo ang kinalalagyan ng telepono. Nagdayal. Numero ng Citiland Condominium. Nang may sumagot ay nagpakonekta siya sa security room. Nabosesan agad ni Dan Montero ang parang inaantok na guwardiya. Nakilala din agad ng guwardiya ang boses ni Dan Montero. “Areglado na ho ang lahat, Sir,” may paniniyak sa tinig ng guwardiya na narinig ni Dan Montero. “Pero hindi ho siya nakauwi dito. Baynte kuwatro oras nga ho ang pabantay ko sa kanya. Kaya nga ho pati ako napuyat. Pero don’t worry, Sir. Na-set up na namin na kahit araw ay puwede namin siyang madagit.”

“Do it... and fast!” bahaw ngunit mariin ang huling mga kataga ni Dan Montero bago niya inilapag ang telepono. Malabo ang kanyang paningin dahil sa labis na pag-iinit ng kanyang katawan. Pakiramdam niya ay gumagalaw ang kanyang paligid. At sa tingin niya ay gumalaw ang babae sa kalendaryo na nakasabit sa dinding. Sa tingin niya ay tumayo ang babae sa kalendaryo. Nalaglag ang tuwalyang nakatakip sa hubad na katawan. Ngunit hindi ito pinansin ng babae. Pakiramdam ni Dan Montero ay tila kumindat pa ito sa kanya. Tila mabiyak ang ulo ni Dan Montero. Tumakbo siya papasok sa banyo. Ni hindi na niya nahubad ang kanyang suot at... Ilang sandali pa ay narinig ang lagaslas ng tubig sa shower. MALAKAS ang bagsak ng tubig sa katawan ni Jane Montero. Ngunit hindi niya hininaan ang bukas ng shower. Mas gusto pa nga niyang masakit ang bagsak ng tubig sa kanyang balat upang magising niya ang laman na matagal nang hindi nakatikim ng haplos ng pagmamahal. Naisip niyang baka akala ni Dan ay talagang makunat na siya. Tumalikod siya sa shower. Paharap ngayon siya sa malaking salamin ng banyo. Sinipat ang sarili habang hinahayaang bumagsak sa kanyang likod ang lagaslas ng tubig mula sa shower. Napaangat ang kilay ni Jane Montero. Hindi pa siya makunat! Nasa kanya pa ang ganda ng kanyang katawang kinababaliwan noon ng mga lalaki. Matikas pa rin ang kanyang dibdib. Kasingtikas ng mukhang pinatigas ng responsibilidad sa kanyang kompanya. Ngunit pinalambot ng sari-saring krema na mabibili lamang sa malalaking mga tindahan. Preskang-preska pa rin siyang tingnan. Basta huwag lang sipatin ang balat sa leeg na siya naman talagang bumubuking ng edad ng babae. Ibinaba niya ang paningin. Itinigil sa baywang. A, maipagmamalaki niyang wala talaga siyang bilbil. At ang tiyan. Makinis at malinis. Walang stretchmark, kahit naranasan din niyang manganak. Napapitlag si Jane Montero nang pumasok sa kanyang isipan ang tungkol sa kanyang panganganak noon. Buhay pa kaya ang kanyang anak? Nanginig ang kalamnan ni Jane. Ni hindi na nga niya maalala kung lalaki iyon o babaye. Basta nagkaanak siya at matagal nang hindi niya naiisip. Ang nasa isipan lang niya mula noon hanggang ngayon ay ang pansariling kaligayahan. Ang kaligayahang talagang pinagsikapan niyang matamo. Ngunit ngayon ay nawawala. O nawala na dahil sa tagal ng panahon? Dahil sa mithing kaligayahan ay tinalikuran niya ang kanyang ina! Dahil sa kaligayahang tatamuhin niya sa tabi ni Dan Montero. Sa simula ay kaligayahan. Ngayon... “Buwisit ka, Dan!” Dali-daling tinapos ni Jane Montero ang pag-shower at agad nagbihis. Dala pa rin niya ang kanyang Beretta, lady’s edition. Ngunit naka-denim siya ngayon. At nakadyaket na siyang nagtatago ng armas na nasa inside pocket ng suot. Hindi niya ginamit ang kanyang kotse. ALAS sais na at naisipan ni Rex na lumabas sa kanyang opisina. Nag-overtime siya dahil hindi pa rin nakapasok si Zeny at ang importanteng gawain ng dalaga ay siya na ang gumawa. Ginawa niya ito dahil kalilipat lang ni Zeny sa nabiling condo unit. Higit sa lahat, kasama nito si Cathy. Natutulog na si Mon sa lobby ng opisina nang lumabas si Rex. Nagulantang din ang drayber nang marinig ang paglabas ng amo. “U-uwi na tayo?”

“Ikaw lang,” nakangiting sagot ni Rex. Dumukot siya ng isang daan sa kanyang bulsa at iniabot kay Mon. “Magtaksi ka na lang pauwi. Ako na lang muna ang magmaneho. Baka umagahin ako.” “Puwede namang hintayin kita hanggang umaga, a.” Tinapik na lang ni Rex ang balikat ng kaibigan. “Ayaw kong maabala ka sa mga abalang aywan ko kung dapat kong pagkaabalahan.” Napailing na lamang si Mon. “Hay, puso.” Sa Citiland Condominium ay napangiti ng may kasiyahan ang information clerk nang makitang papasok si Cathy. “Miss Imperial!” Tuwang-tuwa ang information clerk na sumalubong sa dalaga. “Naku, akala namin kung napa’no ka na. Kagabi may napansin kaming dalawang lalaki na kahina-hinala ang mga kilos. Ayon sa mga guwardiya ay sa unit mo raw umaalialigid.” Talagang kumalat na kung gayon, sa isip ni Cathy. Ang tangka sa kanya ni Dan Montero ang ibig sabihin ng dalaga. “Noong isang araw ay me isang babaeng gustong pumasok sa unit mo. Galit na galit raw. Sabi ng guwardiya ay nagpakilala pa raw na si Misis Montero.” Tila nanlagkit ang laway ni Cathy. Napawi ang kanyang ngiti. Napaangat naman ang kilay ni Zeny sa pagtataka. Lihim siyang nakaramdam ng pag-alala. Bakit nakarating dito sa Citiland Condominium si Mrs. Montero kung talagang ito ang sinasabi ng babae? Paano nalaman ni Mrs. Montero ang tungkol sa unit 21? Sandaling nag-isip si Zeny. Mayamaya’y tila tinusok ang kanyang dibdib. Naalalang noon ay ipina-inquire sa kanya ni Rex ang naturang unit. At naisulat niya ito sa kanyang memo pad. Bigla ang panlalamig ng mga kamay na naramdaman ni Cathy. “Z-Zeny?” “A-alam na pala ni Mam?” “Don’t worry, Zeny. Hindi dapat alalahanin si Misis Montero. Besides hindi pa niya ako kilala. Pero siya kilala ko na.” Hindi pa rin mapanatag si Zeny. “Todas pa rin ko, Cathy. Puwede niyang sabihing kakutsaba ako kung tama ang naisip ko na nalaman niya ang tungkol sa unit 21 dahil sa naisulat ko sa memo pad.” Nakaramdam ng pag-alala si Cathy para kay Zeny.

XXXV

N

APANGITI ang guwardiya nang makitang papasok si Cathy at si Zeny sa unit 21. Agad siyang bumaba. Pumasok sa security room. Tatawagan niya ang kanyang kontak upang ipaalam na nandiyan na ang kanilang binabantayan. Ngunit kumunot ang noo ng guwardiya nang abutan sa security room ang kanilang inspektor. “U-umihi lang ho ako, Sir,” pagdadahilan ng guwardiya. “Alam ko,” pakli ng inspektor. Ngumiti pa siya. “Sinabi ni Daprinal.” Nakahinga ng maluwag ang guwardiya. Ngunit hindi niya nagawa ang kanyang binabalak. Hindi niya matatawagan ang kanyang kontak. Maririnig ng kanilang inspektor. Delikado. Parang hindi niya mahintay na lumabas ito. Parang gusto niya itong itulak palabas. “O, parang hindi ka mapakali?” pansin ng inspektor. “Wala namang problema, a.” Iginala niya ang paningin sa kabuuan ng security room. Nasulyapan niya ang chessboard na nakapatong sa itaas ng kabinet. Napangiti ang inspektor. Napakunut-noo ang guwardiya nang mapansin ang kilos ng kanilang inspektor. “‘Langhiya, maglalaro pa ata ng chess,” usal ng guwardiya. “Marami na ho’ng kulang ang piyesa niyan, Sir.” Hindi sumagot ang inspektor. Sumandal sa upuan at binuksan ang dalang clutch bag. Inilabas ang notebook na sinusulatan ng kanyang report. Binasa ang mga nakasulat. “Tangna!” bulong ng guwardiya. Maaabala sila kung hindi siya kaagad kumilos. Bahala na. Pinakita niya sa inspektor na hinihimas niya ang kanyang puson. “Para ho’ng binabalinsawsaw ako, Sir.” Sumenyas siyang lalabas. At nang makitang tumango ang inspektor ay nagmamadaling lumabas. Tuloy-tuloy na tinungo ng guwardiya ang telepono sa lobby. Nagmamadaling nagdayal. Mayamaya’y tumunog ang busy tone. Muli siyang nagdayal. NAGTATALSIKAN ang mga gamit dahil sa pagmamadali ni Cathy na makuha sa mga lalagyan. Natawa si Zeny. Siya ang tagabalot. “Sobra ang pagkaasar mo. Relaks lang.” Tumawa din si Cathy. “Gusto ko kasing makaalis agad dito.” Tuloy ang pangunguha ni Cathy ng kanyang mga gamit. Ang mga drawer ay pinanghaltak na lamang niya at ibinuhos ang mga laman sa ibabaw ng kama. “Kung ako... whew!” sinundan ito ni Zeny ng palatak. “Parang hindi ako magsawa dito sa unit mo. Feeling princess ka dito, ‘Day!” “Kahit mangyari pa ang muntik nang mangyari sa akin?” wala na ang pait at poot sa boses ni Cathy. Sa sandaling ito ay nailagay na niyang lahat sa ibabaw ng kama ang personal niyang mga gamit. “Ayy...” Ginaya ni Zeny ang aksyon ng batang model; sa hotdog advertisement. “Goodbye unit 21!”

“Pero frankly...” Nagseryuso si Cathy. “Noon, pinangarap ko talagang makatira dito. At during the first few days na nandito ako, ang pakiramdam ko ay nananaginip ako lagi. Na naabot ko na ang langit...” “Kung wala sanang taong kagaya ni Mister Montero...” Nalungkot din ang mukha ni Zeny. “Kung wala ang kagaya niya ay hindi rin sana ako nakatikim ng luhong gaya ng pagtira dito.” Nakahinga ng malalim si Zeny. “Alam mo, talagang hindi ko akalaing pumatol ka sa kanya, Cathy. You were very innocent noong mag-aplay ka sa Golden Opportunity.” “Kung ang ibig mong sabihin ay nagpakerida ako, nagkamali ka, Zeny.” “I’m sorry, Cathy. Pero nagkamali ka rin kung inakala mong nabaliw na si Sir Montero noong patirahin ka dito na walang kikitain. Alam mong maganda ka. And I know alam mong iyan ang hinahabol sa iyo ni Mister Montero. Ginamit mo ang iyong ganda upang...” “Hindi ako golddigger!” Tila nabigla si Cathy. Nakita niyang nabigla din si Zeny sa pabalang niyang sagot. Kaya agad ding ibinaba ang kanyang boses. “I’m sorry... Pero may iba akong dahilan...” Hindi natuloy ang idudugtong ni Cathy dahil parang kumabog ang kanyang dibdib. Napabalikwas siya. “Cathy?” Tila nagtaka din si Zeny. Hindi umimik si Cathy. Nagmamadaling kinapa ang mga gamit na ibinuhos niya mula sa mga drawer. “Salamat,” tila pabulong na usal ni Cathy nang makita ang hinahanap. Hindi nalingid kay Zeny ang kumikinang na singsing na agad isinilid ni Cathy sa hand bag. Ngunit hindi na siya umimik pa. Walang imik ding itinuloy ang pagbabalot ng mga gamit ng kaibigan. Ilang sandali pa’y puno na ang dalawang malalaking maleta. Ang hindi personal na mga gamit lalo na ang mabibigat ay iniwan na lang nila. Hindi naman sila nahirapan sa dalawang malalaking maleta dahil may mga gulong ang mga ito. “Goodbye unit 21!” si Cathy naman ang gumaya sa bata sa TV commercial nang makalabas na sila sa silid. Ngunit hindi siya lumabi. Ngumiti pa nga siya. Dumaan muna sila sa suite 27. Sa opisina ng Suntown Management. Balak ni Cathy na magpaalam sa mga kasama. Ngunit hindi nila napansin na gabi na pala at sarado na ang opisina. Ang guwardiya na lamang ng Suntown ang kanilang inabutan. “Wala hong’ nag-obertaym, Mam,” magalang na sabi ng guwardiya. “Bubuksan ko ho ba, Mam?” “Hindi bale. Aalis na lang kami.” Hinatak na ni Cathy ang nagtatakang si Zeny. Naiwan ang guwardiya na nagtaka din nang mapansing may dala silang maleta. “Opisina ‘yon ng Suntown Management,” sabi ni Zeny habang pababa na sila sa ground floor sakay ng elebeytor. “Nagtataka lang ako kung bakit nasabi ng guwardiya na bubuksan kung gusto mo... Connected ka ba do’n?” “Part owner ako ng Suntown Management.” Muntik nang mabitiwan ni Zeny ang hinahatak na maleta. “Wow!” “Marami ka pang dapat malaman sa aking pagkatao, Zeny. Na marahil ay dapat kong sabihin sa ‘yo sa ibang araw.” Hindi umimik si Zeny ngunit ang tingin niya ay hindi si Cathy ang kanyang kaharap. Tila lumiit siya kung ikumpara kay Cathy. ILANG beses ding nadayal ng guwardiya ang telepono bago nakontak ang kakutsaba. Kagaya niya, nagmamadali din ang kakontak. Gusto ring maisakatuparan kaagad ang kanilang plano. At sa pagtawag niya ay kumilos din agad ito. Pinapaantala ang pag-alis

kung nakaalis na nga si Cathy. Bahala na ang kontak nito at iba pa nilang kasama sa pagkidnap sa dalaga. Pagkatapos makausap ang kakutsaba ay nagbalik na sa security room ang guwardiya. Inabutan niyang nakapikit ang kanilang inspektor. Napangiti siya. Dali-dali siyang lumabas at umakyat sa second floor. Pagdating niya sa itaas ay sandaling tumigil. Nagisip kung ano ang gagawin upang maantala ang pag-alis ni Cathy. Ngunit wala siyang maisip. Bahala na nausal niya. Basta magbabantay siya sa labas ng unit. Gagawin lang niya mamaya ang nararapat kung anu’t-ano man. Walang tao sa lobby nang dumaan sina Cathy. Kahit sa information ay walang tao. Wala rin ang guwardiya sa entrance. “Bahala kayo kung walang makakita na lumabas kami,” bulong ni Cathy na kinalabit si Zeny. Ngumiti ito at dali-daling sumunod sa kanya. Sa harap ng Makati Townhouse tumigil ang magkaibigan. Malayo ito ng konti sa kanilang pinanggalingan. Dito sila mag-aabang ng taksi.

XXXVI

A

LAS otso na nang dumating sa kanto ng Buendia Avenue at Pasong Tamo Street na ngayon ay Don Chino Roces na, ang taksing sinasakyan ni Jane Montero. Nang lumiko na ito sa Pasong Tamo upang makapasok sa De la Rosa Street patungo sa Citiland Condominium ay lalong yumuko si Jane. Ayaw niyang may makapansin sa kanya. Nakatawid na ang taksi sa Washington Street. At ngayon ay mabagal ang takbo nito dahil iniiwasan ng drayber ang ilang tumpok ng lupa na itinulak ng mga trabahante ng ginagawang building. Kinapa ni Jane Montero ang Beretta sa bulsa ng kanyang dyaket. Hindi pansinin na may dala siya nito. “Papapasukin ho ba natin, Mam?” tanong ng drayber nang makita ang isang taksi na may pasahero na dalawang foreigner na papasok sa backdoor ng condominium. “Huwag na,” pakli ni Jane Montero. “Iikot mo na lang at doon ako bababa sa harapan.” Sa Buendia Avenue ang tinutukoy ni Jane. Binilisan naman ng drayber ang patakbo ng taksi patungong Mayapis Street para makaliko pa-Buendia. Nang huminto ang taksi sa harap ng Citiland Condominium ay nagmamadaling bumaba si Jane matapos bayaran ang drayber. Nakatungo siya kahit mabilis ang kanyang hakbang. Nang makalapit sa entrance ay saglit siyang tumigil. Nang matiyak na walang nakatingin sa kanyang kinaroroonan ay dali-dali siyang pumasok. Maingat na umakyat ng hagdan. Ngunit pagdating ni Jane sa second floor ay napahinto siya. May nakita siyang dalawang tao na nakatayo sa harap ng unit 21. Mga foreigner. Ang isa ay kumakatok. Ang dalawang ito ang nakita niya kanina na pasahero ng taksi. Saglit na nag-isip si Jane kung ano ang gagawin. Hindi naman siya maaaring magbalik agad dahil baka makatawag ng pansin ang kanyang gagawin. Napalingon kasi ang isang foreigner at nakita siya. Padismulang tumuloy si Jane. Marahan ang hakbang ngunit hindi siya tumitingin sa dalawang foreigner. Sa kabila ang kanyang paningin upang hindi siya maklaro ng dalawa. Nilagpasan niya ang dalawa at tumuloy sa dulo. Ngunit napahinto siya nang makita sa paroroonan ang dalawa pang lalaki na pawang nakadyaket. Mukhang mga sanggano ang dalawa. Matalim ang tingin sa kanya. Napilitang magbalik si Jane. Wala pa naman siyang napansing security guard sa second floor na makakita sa kanila sakaling may mangyaring masama. Pagdating sa hagdan ay huminto si Jane. Yumuko at kunwari ay inayos ang pagkakasuot ng kanyang sapatos. Ngunit ang kanyang paningin ay nakatuon sa dalawang lalaking nakadyaket. Malapit na ang mga ito sa dalawang foreigner. Nakita ni Jane na inangat ng isa ang dyaket nito. Lumitaw ang sukbit nitong kuwarenta’y singko. Sinadyang ipakita sa dalawang foreigner. Nakita din ni Jane na masakit ang tingin ng mga ito sa dalawang puti. “Delikado ‘to,” usal ni Jane nang makitang kinapa na ng isa ang armas nito. Mabilis na bumaba si Jane. Kinakabahan. Mas kinabahan ang dalawang foreigner. Halos nakasabay nila si Mrs. Montero sa pagbaba sa hagdan. At naunahan nila ang babae pagdating sa ibaba.

Agad na nilapitan ni Dervesselt ang guwardiyang kalalabas lang sa isang silid malapit sa counter. Si Duval ito na kumuha ng bag nito sa security room upang umuwi. Dahil humihingal ay nagkandabulol si Dervesselt sa pagsumbong ky Duval na may dalawang taong armado sa second floor. Kaya hindi naunawaan ng guwardiya. Sumenyas si Dervesselt na bumabaril. Naunawaan ito ni Duval. At napangiti siya. Napakamot sa kanilang mga ulo ang dalawang Belgian sa nakitang reaksyon ng guwardiya. Naiiling na lumabas sila sa condominium. Agad ding lumabas si Jane Montero. Ngunit hindi sila lumayo. Tumawid lamang siya sa driveway na humahati sa Citiland Condominium at Buendia Plaza. Dito sa Buendia Plaza ay may bukas pang maliit na refreshment parlor kaya pumasok siya dito. Umorder siya ng kape. Ito ang maidahilan niya habang nagbabantay na makita si Cathy. Kapag makita niya ang dalaga na kasama si Dan Montero, aywan niya kung ano kaagad ang kanyang gagawin. Nakapa niya ang dalang pistola. Matagal ang pag-abang nina Cathy ng taksi ngunit hindi kaagad sila nakasakay. Kung meron mang dumaang taksi ay okupado ito. Kaya uminut-inot silang lumapit sa kanto ng Washington. Hatak pa rin ni Zeny ang dalang maleta. Hindi mapakali si Zeny. Nang malingunang may paparating ay agad pinara. Halos nakaharang siya sa gitna ng kalsada. Ngunit nang malapit na ang taksi ay napansin niya na may pasahero ito kaya’t tumabi na lamang siya. Gayunman biglang huminto ang taksi sa unahan ni Zeny. At halos hindi pa naka-full stop ang taksi ay bumaba ang sakay na mga pasahero. Kinakabahang napaurong si Zeny. Agad ding nabitawan ni Cathy ang hatak na maleta at lumapit sa kaibigan. Humanda sa kung ano mang gagawin ng mga lalaki. “Zeny... Cathy, what’s the matter?” Si Maurois. “M-Mister Stacke!” nabigkas ni Cathy. Tila nabunutan siya ng tinik. Gayundin si Zeny na nakahinga ng maluwag. Hindi kaagad napansin ni Zeny na ang mga Belgian pala. “Mister Dervesselt...” Nagtaka ang dalawang Belgian kung bakit may dalang maleta sina Cathy. Nag-alala ang dalawa nang makilala nila si Zeny kaya pinahinto nila ang taksi. Hindi sinabi ni Cathy ang totoo. Ang idinahilan niya ay kay Zeny ang mga maleta at tinutulungan lang niyang madala sa lilipatan nito. Ngunit nakita ng dalaga na tila hindi naniniwala ang dalawa. Nagkatinginan ang dalawang puti. “We just left your place,” si Dervesselt. Itinuro pa niya ang direksiyon ng Citiland Condominium. “We thought of inviting you for dinner. But...” “Something fishy back there,” sabad ni Maurois. “We saw two burly men with iron tucked in their waist. Looked as they wouldn’t do any good.” Nagkatinginan sina Cathy at Zeny. Iisa lamang ang nasa kanilang isip. Kung sa unit ng dalaga ang sinasabi ng dalawa, may posibilidad na sila ang kailangan ng mga lalaking iyon. Ngunit bakit? Lalong kinabahan ang dalawang dalaga. Kung sila nga ang pakay at kung bakit ay hindi na kailangang isipin pa nila. Ang kailangan ay makalayo sila agad. Nakisuyo ang dalawa sa mga puti na ihatid muna sila sa condominium ni Zeny. MULA sa opisina ng Golden Opportunity Systems ay dumaan muna sa Makati Square si Rex. Pumasok siya sa isang bar and restaurant at uminom ng isang boteng serbesa. Gusto niyang mabawasan ang nararamdamang tensiyon. Pagkatapos ay naggroseri. Hindi siya sanay sa pamimili ngunit naisip niyang magdala ng makain sa condo ni Zeny ngayong alam niyang hindi na babalik sa tinitirhan si Cathy. At dahil dito tiyak din ang pagkawala ng sahod nito mula sa Suntown Management. Paano ito makaka-survive?

Walang tao sa condominium nang dumating si Rex. Naisip niyang namili din ang dalawa. Hindi ito mawala sa mga babae. Karamihan sa mga babae ay ganito ang nasa isipan. Pagkain. Minasdan ni Rex ang kanyang relo. Alas nuwebe na. Sa pamumuhay sa lungsod ay maaga pa ito. Para sa ilan ay simula pa lang ng kanilang aktibidad ang gayung sandali. Pinaandar ni Rex ang kanyang car stereo. Pinihit sa FM band. Lumutang ang old favorites. Patapos na. Maya-maya’y sumunod ang intro ng isa pa. Lumutang ang vocals. I’m a fool to want you. Sumandal si Rex. Pinikit ang mga mata. Inulit ang vocals. Yeah, I’m really a fool to want you, patungkol niya kay Cathy. Lumalim ang kanyang paghinga. Ilang sandali pa’y tila nakalimutan na niya kung nasaan siya. Napabalikwas lamang si Rex nang marinig ang mahinang katok sa salamin ng kanyang kotse. Nalingunan niya ang mukha nina Cathy at Zeny na nakasilip sa kanya. Nakangiti ang dalawa. Mabilis na binuksan ni Rex ang pintuan ng kotse matapos mapatay ang stereo. Bago bumaba ay diniinan niya ang lock para sa compartment sa likod ng kotse. “Wow! Nag-grocery...” nabigkas ni Zeny nang makita ang ilang plastic bag ng grocery na nasa compartment pagbukas ng takip nito. Ngumiti lamang si Rex. Ngunit agad ring napawi nang mapansin ang dalawang Belgian na may bitbit na maleta. Kunut-noong kinalabit ni Rex si Cathy at itinuro ang mga Belgian. Naunawaan ni Cathy ang kilos ni Rex. Kinindatan niya ang lalaki na tumahimik na rin lang at kinuha ang mga grocery sa kotse. Pagkatapos ay walang imik na sumunod sa apat na pumasok sa condominium. Nang nasa loob na sila ay agad na inasikaso ni Zeny ang mga pinamili ni Rex. Si Cathy ang nag-istima sa tatlong lalaki. Napuna ni Cathy na tila ayaw ni Rex na makiharap sa dalawang Belgian. Naisip niyang nagseselos ang binata. Kaya sinabi niya dito kung bakit kasama nila ni Zeny ang dalawang Belgian sa pag-uwi. Pati na ang sinabi ng mga puti na may mga armadong lalaki daw na tumakot sa mga ito sa condominium. Parang malapit ang damdamin ni Cathy sa dalawang Belgian, nasa isipan ni Rex. Tila lalong naragdagan ang nararamdamang tensiyon. At tila wala siyang tiwala sa dalawang Belgian. Nakapagpainit ito sa ulo ng binata.

XXXVII

N

APAPITLAG si Rex nang maramdaman ang mahina at manipis na kurot sa kanyang tagiliran. Nabalingan niya si Cathy na pinamumulahan ng mukha. “Dapat pa nga’ng magpasalamat kami sa kanila, di ba?” pabulong na sabi ni Cathy sa binata. “Baka totoo nga’ng may mga taong armado doon at ako nga ang pakay dahil sabi nila ay sa harap ng aking unit...” Naunawaan ito ni Rex. Ngunit tumingala lang siya at huminga ng malalim. Tila hindi matanggap ng kanyang kalooban. Iba ang dinidikta ng kanyang dibdib. “Ano ka ba?” pabulong pa ring sabi ni Cathy. May halo na itong hinanakit. “Kung tutuusin ay malaki ang naitulong at maitulong pa nila sa akin.” Matiim na natingnan ni Rex si Cathy. “At hindi lang sa akin. Pati si Zeny ay natulungan.” “Narinig ko ang aking pangalan,” sambit ni Zeny na nakalapit pala na hindi napansin nina Cathy at Rex. May dala siyang tray na napatungan ng termos at kape. Inilapag ito sa mesita. Tila naalimpungatan si Rex. Sinulyapan ang dalawang Belgian na ngayon ay tahimik na nagkatinginan na lamang. Nagtataka siguro sa kilos nila ni Cathy. Nang lumingon ang dalawa ay nagkasalubong ang kanilang mga tingin. Tila nasagi ang damdamin ni Rex. Nakita niya sa mukha ng dalawang puti na nag-alala din sa kalagayan ni Cathy. May natitira pa palang kabutihan sa mga taong ito, naibulong ni Rex. Masama ang impresyon ni Rex sa mga Belgiang ito dahil alam niyang involved ang dalawa sa flesh trade. Ngunit dahil sa sinabi ng mga ito tungkol sa armadong mga tao ay makilaro muna siya. Gumaan-gaan na ang pakiramdam ni Rex hanggang sa naghahapunan sila kasama ang dalawang Belgian. Inalok na lang nina Cathy at Zeny ang dalawa na kumain. Pumayag na lang ang dalawa dahil hindi makasama sina Zeny sa paanyaya ng mga ito na kumain sa labas. Naisip nila na kung sila nga ang sadya ng armadong mga tao ay makabubuting huwag na silang lumabas ngayong gabi. Sabay-sabay na umuwi sina Rex at ang dalawang Belgian. SAMANTALA sa kanto ng Buendia Avenue at Batangas Street nang mga sandaling iyon ay tumatawag sa telepono si Duval. Humahaba ang leeg niya sa pagmasid sa susunod na kalye. “Punyeta ka, Duval!” sabi sa kabilang linya nang makilala ang tinig ni Duval. Galit na galit si Bodoy. “Halos naisa-isa ng mga bata ang lahat na unit. Wala kahit anino man lang ng ating dadagitin!” “Huwag mo akong murahin, hayup ka!” Nag-init din si Duval. “Dapat mong isipin na hindi mo ako bataan. Ako ang nagbibigay sa inyo ng grasya!” “Paano na ito ngayon?” bumaba ang boses ni Bodoy. “Inutil ang mga bata mo. Tatawag na sana ako kay Sir!” “Ngayon lang nabulilyaso ang mga bata.” “Paano tayo nito makapaghapi-hapi?” “Relaks, Duval. Pareho naman tayong pumalpak. Pero kung gusto mo ang mamam lang, marami ako dito. Bahala ka kung magdamagang laklak!”

ALAS one na ng gabi nang umuwi si Jane Montero. Pagod na pagod siya. Makati pa ang kanyang pakiramdam sa kagat ng lamok sa kanyang mga kamay at mukha. Tila nagsisi din siya kung bakit nagtagal pa siya sa paligid ng condominium sa pag-abang na lumabas ang babaeng kinababaliwan ng asawa. Tumawag din siya sa telepono upang malaman kung nasa loob ng unit ang babae. Ngunit walang sumagot sa telepono. Ibig sabihin walang tao. Natawagan din niya ang lobby ngunit wala ring nasabi ang nakasagot kung nasaan si Cathy. Basta hindi rin naman narekord sa log book na lumabas ang babae. Naragdagan ang kanyang poot. At lalo siyang napoot nang pagbukas niya ng kanyang silid ay naratnan niyang nakahiga si Dan Montero. At natiyak niyang lasing ang asawa dahil hindi man lang nakapaghubad nang mahiga sa kama. Bahagya lang itong kumilos nang maramdamang nagbukas ang pintuan. Napansin ni Jane na saglit itong dumilat ngunit pumikit din agad. “Ang akala ko’y mapayapa na ang aking isipan dito sa bahay. Dedemunyuhin din pala ako rito!” marakulyo ni Jane. Pahablot na hinubad ang dyaket. Pabagsak na inilapag sa tokador. May tumunog. Naramdaman din ni Dan Montero ang pagdadabog ng asawa. Pumihit siyang patihaya upang matambad sa asawa. Ngunit napakunut-noong tila nagulat. “O?” Galit na tiningnan ni Jane ang asawa. Namaywang. Tila hinahamon ang asawa. Bumalikwas si Dan Montero. Ang paningin ay nasa tokador. “B-bakit dala mo ‘yan?” ang Beretta ang tinutukoy ni Dan. Litaw ito sa bumukang dyaket ni Jane na nakapatong sa tokador. “At saan ka galing?” “Pasalamat ka at nandito ka lang pala...” Nagtatagis ang mga ngiping dinuro pa si Dan. Alam ni Dan kung ano ng tinutukoy ng asawa. Halos natiyak niyang naniktik ang asawa. At natitiyak niyang doon ito galing sa Citiland Condominium dahil hindi ito nakapunta sa Robinson’s Tower. At sa nakita niyang galit ng asawa, alam ni Dan na talagang sasabog ang damdamin nito. Kung hindi, bakit nagdadala ito ng armas? Ang pakay ni Dan Montero sa pag-uwi ngayong gabi ay ang pagtighaw sana ng kanyang pagkauhaw na kanina pa lumulupig sa kanya sa suite niya. Nagsawa siya sa paghintay ng development sa plano nila ng sa inakala niyang walanghiyang guwardiya kung bakit naisip na lang niyang umuwi, pilitin ang sariling pagtiisan si Jane. Tutal bata pa namang tingnan ang asawa at matagal na ring hindi sila nakapagniig. Ngunit tila wala nang mangyayaring pagniniig ngayong nagbabaga ang mga mata ng asawa sa sobrang galit sa kanya. Huminga ng malalim si Dan Montero. Marahang bumangon. Pilit pinakalma ang sarili upang hindi mabigyan ng pagkakataong makaalpas ang poot. “Ayaw kong makipagtalo,” sabi ni Dan sa malumanay na tinig. “Kung magtatalo lang tayo ay walang mabuting maidulot. Ang gusto ko lang ay mabigyan mo ako ng pagkakataong makapagsalita.” “Ilang taong pinagbigyan kitang mambabae. Naunawaan ko ang damdamin mo dahil wala tayong anak!” Inakbayan ni Dan ang asawa. Ngunit tinabig siya nito. “Pero ang patirahin mo pa sa condominium ang iyong babae...” “Wala akong pinatitirang babae sa condominium,” pakli ni Dan. Sinadyang patigasin ang boses upang bigyan ng diin ang pagsisinungaling. “Kung sa Citiland ang tinutukoy mo, investment ko ‘yon. At kung may iba mang nakatira, walang diperensiya dahil karapatan niyang gamitin ang kanyang inuupahan.” Tila nakapuntos dito si Dan. Nawala ang pangungunot ng noo ni Jane kahit nakaangat pa ang isang kilay nito. Walang itinangging babae sa unit ni Dan Montero. Ipinaliwanag lang na tenant kung bakit nakatira sa unit ng asawa.

“Ang diperensiya ay wala akong alam dito kung hindi ko natuklasan!” Tinalikuran ni Jane ang asawa. Tinungo ang mini-bar ng silid. Inilabas ang nakatagong Japanese beer in can. Nagbukas at lumagok. Tiningnan lamang ni Dan ang asawa. Tila pinag-aaralan kung ano ang hakbang na gagawin. Napansin niyang unti-unting kumakalma ang damdamin ng asawa. Ibinaling na lang nito sa inumin. “Yes,” sinundan ito ni Dan ng malalim, na paghinga. “It’s a foolish thing to do. Pero marami nang pagkakataong nakagawa ako ng pasya na hindi ka nakonsulta. Aminado ako... it’s very improper...” Nilingon ni Jane si Dan. Ubos na ang kanyang beer. Matalim pa rin ang tingin niya sa asawa. “Pero matagal na itong set-up natin, di ba? Ilang taon na nga ba’ng nangyayari ‘to? I hate this, alam mo ba?” Binawi ni Jane ang paningin sa asawa. Hinubad ang pantalon at nagsuot ng roba. Tinungo ang sopa sa tabi. Umupo. Nakita ni Dan, wala na ang apoy sa mata ng asawa. Ngunit sa kanya, ang init na kanina ay pilit niyang pinaram ay muling bumalik. Nadagdagan ito nang makita ang paghubad ng asawa. Bumalik ang damdaming umalipin sa kanya kanina sa Robinson’s Tower. Dahan-dahang lumapit si Dan sa kinaroroonan ng asawa. Naglalagablab ang damdamin. “Bakit hindi natin balikan ang nakaraan... noong hindi pa natin natutunang kapootan ang isa’t-isa?” pabulong ang pahayag ni Dan. Umupo siya sa tabi ng asawa. Ipinatong ang kamay sa balikat nito. Bahagyang inilapit ang mukha sa mukha ni Jane. “Kahit saglit, kalimutan naman natin ang pag-away...” Ang init ng hininga ni Dan na humahagod sa mukha ni Jane ay nagbigay ng kakaibang damdamin. Lalong kakaiba ang init na idinudulot ng kamay ni Dan sa kanyang balikat. Natitigan niya ang asawa. Nang halikan ni Dan si Jane na hindi na pumalag, natiyak ng lalaki na mahihintay pa niya ang pagkakataon kung kailan maangkin si Cathy Imperial.

XXXVIII

M

AAGANG gumising si Zeny nang sumunod na araw. Halos kasabay din niyang bumangon si Cathy dahil paglabas niya sa kanyang silid ay siya ring paglabas ng kaibigan sa isa pang silid. “Morning...” bati ni Zeny. “Maaga pa ito.” Sinulyapan niya ang wall clock na nakasabit sa dinding sa sala. Ang dalawang silid ay nakaharap sa sala. “Maaga akong gumising dahil maaga akong papasok sa opisina. Three days na akong hindi nakapag-duty, a.” “Parang gusto ko ring bumalik sa opisina, Zeny. Gusto kong kunin ang importante kong mga gamit. At gusto ko ring makapagpaalam sa mga kasama ko. ang pangit namang basta na lang ako mawawala, di ba?” “Kunsabagay.” “At gusto kong maaga pa pumunta sa opisina para hindi ako maabutan ng matanda.” Napahinto sa paghakbang si Zeny. Kunut-noong tiningnan si Cathy. “Ni Mister Dan Montero,” mabilis na pagtutuwid ni Cathy at tumawa. Napatawa rin si Zeny. “Parang maganda ang morning natin. Masaya.” Sumeryuso si Zeny. “Talagang ito ang kailangan. Kahit ano ang problema natin ay kailangang pasayahin ang katawan. Isa itong paraan na mapatibay natin ang mga sarili laban sa mga problema.” Nagseryuso din si Cathy. “No choice.” Kumibit-balikat sabay pa-cute. Muli silang nagkatawanan at tinungo ang banyo. MEDYO masakit pa ang ulo ni Dan Montero habang papasok sa lobby ng Citiland Condominium. Maaga siyang nagising kaya kulang ang kanyang tulog. Napagod pa siya dahil nilubos niya ang pag-arte upang lubos ding mawala ang galit ni Jane. Naiiling na tinungo ang hagdan. Hindi na niya pinansin ang nakasalubong na guwardiya na naggood morning sa kanya. Nagulat pa ang guwardiya ng Suntown Management nang makitang tila sumusuray palapit si Dan Montero. Mabilis siyang tumayo at tumambad. Muntik na siyang mahuli ng amo na natutulog habang nakasandal sa upuan. Hindi niya inaasahang sa gayon kaaga ay darating ito. Alas sais y medya pa lang sa kanyang relo. Mabuti na lang at medyo tago ang kanyang kinaroroonan at nagulat na lamang siya sa yabag ni Dan Montero. “G-good morning ho, Sir,” bati ng guwardiya nang makalapit si Dan Montero. Itinulak niya ang glass door upang makapasok ang matanda. Tumango lamang si Dan Montero at pumasok na sa opisina. Mabagal ang kanyang paghakbang. Napakamot na lamang sa kanyang ulo ang naiwang guwardiya. Ngayon lang pumasok sa opisina si Dan Montero sa ganoong oras. Talagang himala, bulong niya. Nang nasa kanyang private office na si Dan Montero ay umupo siya sa kanyang swivel chair at tumungo. Iniisip kung ano nga ba ang kanyang sadya at maaga siyang nag-opisina. Natatawa siya sa sarili. Kumikilos siya ng walang tamang dahilan. Tila baliw ang kanyang kahalintulad. Nababaliw siya dahil sa isang Cathy Imperial.

“Cathy!” Nagtagis ang mga bagang ni Dan Montero. Napukpok niya ng mahina ang mesa. Umuga ang pencil holder. Natumba ito at gumulong. Bumagsak sa sahig na kahit carpeted ay napatungan naman ng makapal na plastic panel ang kinalalagyan ng mesa. Sa labas nagulat ang guwardiya sa narinig na ingay sa opisina ng amo. Dali-dali siyang pumasok upang mag-usisa. Naratnan niya si Dan Montero na nakayuko na upang damputin ang pencil holder. “Anything I can do, Sir?” Nahihiyang magsabi ng totoo si Dan Montero. Ano ba ang magagawa ng isang guwardiya lamang sa kanyang problema? Ngunit agad niya itong binawi sa kanyang isipan. Guwardiya din ang inaasahan niyang makapaglapit sa kanya kay Cathy. Ang guwardiya na nangakong magkidnap kay Cathy para sa kanya. “Igawa mo na lang ako ng kape. ‘Yong black.” Tumango siya sa guwardiya. Mabilis namang isinaksak ng guwardiya ang cord ng airpot sa convenience outlet. Ngunit agad ding hinugot nang may maalala. “Naku, wala na pala tayong kape, Sir. Kahapon pa naubos. Alanganin nang bumili kahapon kaya dadalhin na lang daw ngayon ni Joanne.” “Hindi bale,” pakli ni Dan Montero. “Sa labas na lang ako magkakape.” “Any instructions, Sir?” Umiling na lamang si Dan Montero at lumabas. IDINAAN muna ni Zeny si Cathy sa Citiland Condominium bago siya tumuloy sa kanilang opisina. Sa harap na lang ng Citiland siya nag-abang ng sasakyan patungo sa Ayala Avenue. Pinapadaan pa sana siya ni Cathy ngunit tumanggi si Zeny. Nagbiro pa siya na miss na miss na niya ang Golden Opportunity Systems. Kaaalis lang daw ni Dan Montero nang dumating si Cathy sa Suntown Management. Ito ang sinabi ng nagtatakang guwardiya nang makitang maaga pa pati si Cathy. “Kagabi sarado na ho ang opisina nang dumating ka. Ngayon naman ho, sarado pa ang opisina nandito ka na, Mam,” pabirong sabi ng guwardiya. “May dala ho kayong maleta kagabi, Mam?” Tsismosong guwardiya, naisip ni Cathy. Hindi na niya ito sinagot. Tinungo niya ang pintuan at itinulak. Bumukas. “Sabi mo sarado pa ang opisina nandito na ako. Bukas naman pala,” pabiro ding sabi ni Cathy. Ngunit hindi niya nasundan ng ngiti ang biro. Napakunut-noo siya nang mapansing nakaawang ang pintuan ng private office ni Dan Montero. At nakasindi ang ilaw sa loob. “Nakalimutan ko nga pala, Mam,” nakangiting sagot ng guwardiya. “Maaga pa ho’ng dumating si Sir.” Biglang napaurong si Cathy. “N-nandiyan siya?” tila bulong na tanong ni Cathy. Ipinagtaka ito ng guwardiya. Wala itong alam sa nangyaring pagsamantala sana ni Dan Montero sa kanya. Naisip ni Cathy na nabayaran ang security guard na nakaabot sa kanila. Kaya hindi kumalat ang nangyari. Kahit nga ang information clerk pagdating nila ni Zeny kahapon ay tila walang reaksyon tungkol sa ginawa ni Dan Montero. Tila ang ipinakita ay ang pagka-miss lamang sa kanya at pag-alala dahil sa nakita raw na mga taong aali-aligid sa unit 21. Halos ayaw nang tumuloy sa loob si Cathy. “Umalis pa ho si Sir,” sagot ng guwardiya. “Sa labas na lang daw ho magkakape dahil naubusan tayo dito ng kape.” Tila tinamaan ng libu-libong boltahe ng enerhiya si Cathy sa narinig na sinabi ng guwardiya. Napapitlag siya. Agad inilabas ang dalang tatlong sobre. Ang isa ay resignation letter. Ang dalawa ay goodbye letter para kina Rod at Joanne. Parang andaling nakalapit si Cathy sa kanyang private office. Ang tatlong sobre ay ipinatong niya sa mesa.

Lalong nagtaka ang guwardiyang napakamot naman ng ulo. Sa loob ng silid ay mabilis na pinagbubuksan ni Cathy ang mga drawer at filing cabinet. Pinanghuhugot ang mga laman. Mabilis ang kanyang kilos. Ang mga papeles at personal na mga gamit ay ibinukod niya. Sa kanyang drawer ay nakuha niya ang tsekeng ibinigay ng dalawang Belgian. Travellers check. Katumbas ng kalahating milyong piso. Kinuha din ni Cathy ang personal na mga papeles. Pati na ang cash na two hundred thousand pesos at ilang daan dolyar na ibinigay sa kanya bilang souvenir mula sa kanilang mga aplikante. Napuno ang isang attache case ng mga gamit na kinuha ni Cathy. At lalabas na sana siya nang mapansin ang nagkalat na kagamitan. Inayos niya ito at ibinalik sa mga drawer at filing cabinet. Naisip niyang kung sakali man ay hindi lalabas na parang niransak niya ang opisina. Hindi kagaya sa unit 21 na kahit nagkalat nang iwanan nila ni Zeny ngunit walang magsasabing niransak niya. Siya ang occupant at bahala siya kung ano ang gagawin niya sa kanyang mga gamit. Humahangos na lumabas si Cathy dala ang attache case. Sinalubong siya ng guwardiya. Ibig siyang pigilan ng guwardiya na may napunang hindi tama sa nangyayari sa opisina. Ibig nitong malinawan bago makalabas si Cathy. Mabilis din si Cathy. Hinalikan niya sa pisngi ang guwardiyang hindi na nakakilos hanggang makalabas siya.

XXXIX

T

ILA nanibago din si Zeny sa kalagayan ng kanilang opisina pagpasok niya nang umagang iyon. Bagaman walang nakakalat na mga gamit ngunit tila naaasiwa siya sa kaayusan kahit ng mga papeles lang na nakasalansan sa mesa ng mga kasama. “Talagang burara itong sina Trina,” naiusal ni Zeny na inabot ang duster at pinagpagan ang kanyang mesa. Hindi nabuksan ang kanyang drawer ngunit nakita niya agad na wala sa tamang lugar ang kanyang memo pad. Naalala niyang palaging nasa left side ng mesa ang nilalagyan niya ng kanyang memo pad ngunit ngayon ay nasa kanan na. Hindi rin naman niya ito ipinagtataka dahil alam niyang nagalaw ito. Sa memo pad natuklasan ni Mrs. Montero ang tungkol sa unit 21 ng Citiland Condominium. Nakahinga ng malalim si Zeny. Ngunit wala na ang kanyang pag-alala. Napaghandaan na niya ito. Matapos makapag-ayos at malinisan ni Zeny ang kanyang mesa ay tiningnan niya ang kanyang planner. Para sa araw na iyon ay wala namang gagawing minamadali. Tiningnan niya ang mga incoming memo. May nakita siyang para sa tatlong communications. Para ito sa kanilang prinsipal sa Hawaii. At dalawang araw pa bago kakailanganin ni Mrs. Montero. Ibig sabihin puwede pang bagal-bagalan. Magaan ang pakiramdam ni Zeny nang simulan niya ang unang communication. Tuloy-tuloy ang kanyang trabaho dahil nag-iisa pa lamang siya. Natapos na ni Zeny ang tatlong sulat nang dumating ang kanyang mga kasama. Unang dumating si Marlene. Nagulat ito nang makita si Zeny. Nag-hi at pumasok sa powder room. Hindi pa nakalabas sa powder room si Marlene nang dumating naman si Trina. Nagalak ito nang makita si Zeny. Tila sobrang na-miss si Zeny na tinakbo at niyakap. “Naku, miss na miss ka na namin.” “Lalo siguro akong na-miss ni Mam. May dagdag pa sigurong sabon, ‘no?” pabirong sagot ni Zeny. Ang biro ni Zeny ay sinuklian ni Trina ng malutong na halakhak. “Pero merong sobra-sobrang miss ka.” Kinalabit ni Trina ang balikat ni Zeny. Nanunukso ang kislap ng mga mata. “Iniintriga mo ako, ha...” “Totoo, oy!” “Sino?” natatawang ayon na lang ni Zeny. “Sino pa ba ang kumukulit dito sa ‘yo?” Hagikhik ang kay Trina. Lumayo siya kay Zeny at pumunta sa kanyang mesa. “Si Mon?” Itinaas ni Zeny ang isang kilay. “Sa ‘yo na lang.” “Totoo?” sinundan ito ng hagikhik. Biglang nabuksan ang pintuan. “Narinig ko ang aking pangalan. Tsinitsismis n’yo ako, a,” si Mon. Kasunod niya si Rex. Agad na nag-good morning kay Rex ang dalawang babae. Gumanti din ang binata at tumuloy sa kanyang silid. “Binanggit mo ang pangalan ko...” Tumabi si Mon kay Zeny. “Nakapag-isip-isip ka na ba?” biro ang dugtong ni Mon.

“Ibinibigay ka niya sa akin,” sabad ni Trina na muling humagikhik. Ang maniwala ka diyan ay hindi nasambit ni Zeny. Binanggit ito ng dalawang daliri na kumurot ng manipis sa tagiliran ni Mon. PAYAPA ang pakiramdam ni Dan Montero habang pabalik sa Citiland Condominium. Nauna pa siyang nag-good morning sa receptionist pagpasok niya sa lobby. Payapa din ang pakiramdan ng guwardiya nang makita si Dan Montero na nakangiti na pagdaan nito sa kanyang tabi upang pumasok sa opisina. Nawala ang kanyang pagalala sa paglabas ni Cathy na hindi niya nasiyasat kung ano ang dala. Kung sa bagay naisip ng guwardiya na may dahilan kung pinalusot man niya si Cathy dahil amo niya ang dalaga. Bilang empleyado lamang, wala siyang karapatang sumita sa kanyang employer. Bahala na, usal ng guwardiya na pumikit at hinimas ang pisnging sandaling kinaulayaw ng labi ni Cathy. Bigla, tila tumulo ang laway ng guwardiya. Nabasa ang kanyang labi. Ang tamis ng kanyang ngiti. “Guard!” Nasamid ng kanyang laway ang guwardiya sa bigla niyang pagtayo dahil sa dumadagundong na boses ni Dan Montero. “S-sir?” Pagtataka at kaba ang naghari sa dibib ng guwardiya. Biglang tumalsik ang matamis na alaala tungkol sa halik ni Cathy. “Sinong nagdala nito?” Iwinagayway ni Dan Montero ang makinilyadong sulat. Lumalabas ang ugat sa leeg ng matanda. Hindi maitago na galit na galit. Hindi masagot ng guwardiya ang tungkol sa hawak ni Dan Montero. Wala siyang alam dito. Hindi naman niya nabasa ang sulat. “A-ano ho ‘yan, Sir?” “Resignation letter!” mas malakas ito kay sa pagtawag ni Dan Montero sa guwardiya kanina. Hindi na kailangang itanong ng guwardiya kung kanino ang resignation letter na hawak ni Dan Montero. Naisip agad niya si Cathy. Naalala ang pagdaan nito kagabi na may dala pa’ng maleta. At ang pagdating ng dalaga kanina nang maaga pa. At ang pagmamadaling pag-alis nito kanina na may bitbit na attache case. At ang balak sana niyang pagpigil sa dalaga na hindi natuloy dahil sa damping halik sa kanyang pisngi. Bumalik ang kanyang ngiti. “S-siguro ho’y iniwan ‘yan kanina ni Mam Cathy,” nakangiti pa ring sagot ng guwardiya. “Kaaalis lang ho niya, Sir. Siguro ho’y nagkasalisi lang kayo.” “Punyeta! Bakit hindi mo sinabi kanina?” Nagsalubungan ang kilay ni Dan Montero. Nilamukos niya ang hawak na resignation letter at dali-daling tinalunton ang pasilyo. Balak niyang abutan si Cathy. Parang tatakbo siya. Naiwan ang guwardiya na lalong nagtaka. Ang mga taong ito, oo. Ang hirap ispilingin, bulong niya na muling bumalik ang ngiti. Bahala ka d’yan! dugtong pa ng kanyang isipan. Sa lobby ay napatunganga ang receptionist nang ngitian niya ang nagmamadaling si Dan Montero at walang nakuhang ganti. Tingin pa nga niya ay tiningnan siya ng masakit. At nasaktan ang kanyang damdamin. Kaya nang makatalikod si Dan Montero ay pinukol niya ng dila. Pagkatapos ay humagikhik sa nagawang kapilyahan. Lakad-takbo ang ginawa ni Dan Montero hanggang makarating sa labas. Wala siyang nakita sa harap ng condominium. Sinuyod niya ng tingin ang mga taong nagaabang ng sasakyan sa harap ng katabing Buendia Plaza. Matagal ang pagsuyod ng kanyang tingin sa mga nag-aabang. Ngunit wala kahit anino man lamang ni Cathy. Pumihit si Dan Montero sa direksiyon ng Washington Street. Wala din siyang nakitang kahit kabikas ni Cathy. Saan kaya nagsuot ang babaeng iyon? Nakasakay na kaya sa taksi? ito ang mga katanungang pumasok sa ulo ng DOM.

Malalim na paghinga at pagtagis ng mga ngipin ang nagawa ni Dan Montero bago magbalik sa Citiland Condominium. Nang makatawid na si Cathy sa South Superhighway mula sa condominium ay huminto muna siya at nagkubli sa poste ng tulay. Nilingon niya ang pinanggalingan. Tiningnan kung may sumusunod sa kanya. Si Dan Montero ang nasa kanyang isipan. Baka napansin siya. Ilang sandali pang lumingon-lingon si Cathy bago tumuloy sa paglakad. Hindi na siya sumakay dahil walking distance lang naman ang Arthur Street mula sa Citiland Condominium. Mga dalawang daang metro lang ang layo ng condo ni Zeny mula sa kanto ng South Superhighway. Nakatungo habang naglalakad si Cathy. Hindi niya inilalantad ang mukha sa pagalalang may makakilala sa kanya sa mga makakasalubong. Wala pa naman siyang mga kakilala sa naturang lugar ngunit naninigurado siya. Nasa harapan na ng gate ng condo ni Zeny si Cathy nang mag-angat ng mukha. Narinig niya ang pag-ingit ng steel gate sa katabing unit. At parang inangat siya nang makita ang bumubukas ng gate. Ang guwardiya ng Citiland na nakaabot sa kanila ni Dan Montero. Nagulat din ang guwardiya ngunit matalim ang tingin nito kay Cathy. At ito ang ikinabahala ng dalaga.

XL

H

INDI maunawaan ni Cathy kung ano ang nararamdaman nang magkatinginan sila ng guwardiya. Bakit ang lakas ng kabog ng kanyang dibdib? Kahit mapakla ay napilit ni Cathy na ngumiti. Ngunit nadagdagan ang kanyang kaba nang mapansing hindi ngumiti ang guwardiya. Sa halip ay nagtaas lang ito ng isang kilay. Tila itinulak nito si Cathy. Kaya walang lingun-likod na pumasok sa kanilang condominium unit ang dalaga. Pagkapasok ay agad ini-lock ni Cathy ang pintuan. Tila hiningal siya ng todo. Sandali siyang sumandal sa pintuan at huminga ng malalim. Pagkatapos ay maingat na sumilip sa bintana sa pamamagitan ng awang ng venetian blind. Wala na sa gate ang guwardiya. Iginala ni Cathy ang paningin sa harap ng condominium. Sa kabila ng kalsada malapit sa kanto ay nakita ni Cathy na nagkukubli sa poste ang guwardiya. Patingin-tingin ito sa kanyang kinaroroonan. Nakita din ni Cathy na tila may malalim itong iniisip dahil kung minsan ay nakasapo ito sa ilalim ng baba. Nag-isip din si Cathy. Ano kaya ang iniisip ng guwardiya? Napag-isip-isip kaya nito na ituloy ang naudlot na tangka sa kanya ni Dan Montero? Manyak din kaya ang guwardiya? Tila nanlagkit ang lalamunan ng dalaga. Iginala niya ang paningin sa kabuuan ng sala ng condominium. Kung sa tibay, hindi basta-bastang mapasok ng tao kapag nakakandado ang pintuan dahil wala itong madaanan papasok. Ang bintana ay may rehas na bakal. Maliban ditto, hindi naman kaagad makapasok sa gate pa lamang dahil naitrangka niya kanina. Ngunit ito kaya ang iniisip ng guwardiya? Tila binayo ang dibdib ni Cathy. Muling tiningnan ni Cathy ang kinaroroonan ng tao. At tila napasinok siya nang makitang bumalik ang guwardiya. Sa kanyang kinaroroonan ang tingin nito habang malalaki ang mga hakbang. Inay ko! Tila may spring ang mga paang lumayo sa bintana si Cathy. Tinungo ang telepono na nasa divider sa gitna ng sala at kusina. Numero ng Golden Opportunity Systems ang dinayal ni Cathy. Ngunit hindi pa nagring ang telepono ay naalala niyang maaga pa pala. Naisip na wala pa sa opisina si Rex. Naisip na sa bahay ng binata tatawag. Ngunit mga dalawang numero pa lamang ang nadiinan nang maisip na baka nakaalis na ito. Naalala niya ang cellular phone ng binata. Ngunit nakalimutan niya ang numero ng cellular ni Rex. Inilapag niya ang telepono at tumakbo sa bintana. Ilang dipa na lang at nasa gate na ang tao. Nakatingin pa rin ito sa kanilang unit. Naalala ni Cathy na may nakatago siyang telephone directory para sa kanyang mga kakilala at contacts. Dali-dali niya itong kinuha sa kanyang bag. Binuklat-buklat. At nakahinga siya ng maluwag nang makita ang numero ni Rex. Agad siyang nagdayal. Balak ni Duval na ipaalam kay Bodoy na nakita niya si Cathy. Na ang hinahanap nilang babae ay nariyan lang pala sa kanilang tabi. Na dinding lang ang pagitan ng kanikanilang condominium, ng condominium ni Bodoy. Naisip din ni Duval ang perang tatanggapin nila kay Dan Montero kapag nadagit na nila si Cathy. Nakahanda ang matanda na magbayad ng one hundred thousand pesos para dito. Kung gayon ay talagang mahalaga si Cathy para sa matanda? Bigla ang pagpasok ng katusuhan sa pagkatao ni Duval. Susubukan niyang pataasan ang presyo ng kanilang serbisyo, na magiging presyo nila para kay Cathy.

Ang tuso ay maitim ang damdamin. Namayani ito kay Duval. Naisip na huwag munang ipaalam kay Bodoy na nandiyan ang kanilang target habang hindi pa niya napaplano ng husto kung ano ang gagawin upang mapataasan ang presyo ng kanilang serbisyo. Kakausapin muna niya si Dan Montero! Sa pinaplano, nagmamadaling umalis si Duval. BIGLA ang paglabas ni Rex sa kanyang silid habang bitbit pa ang kanyang cellular phone. Ginugulo siya ng tawag ni Cathy. Bakit pinapapunta siya ng dalaga? At bakit parang natatakot kanina ang dalaga? Natigil ang bulungan nina Mon at Zeny nang biglang lumabas si Rex sa kanyang silid. Napaangat ang mukha ni Zeny. “Pupuntahan ko muna siya,” si Cathy ang tinutukoy ni Rex kay Zeny. “Pakisabi kay Mam pag nagtanong na babalik agad ako.” Inilahad ni Rex ang kamay kay Mon na ngayon ay nakatayo sa kanyang harapan. Isinenyas ni Rex ang kamay na tila nagsususi. “I-ikaw na naman ang magdadrayb?” nagkakamot ng ulo na tanong ni Mon habang dinudukot sa bulsa ang susi ng Honda Civic. “Mas mabuti sigurong magkasama tayo,” dugtong niya dahil napansin niyang tila hindi mapakali ang amo. Tumango din bilang pagsang-ayon si Zeny kahit hindi nagsalita. “I can manage,” si Zeny ang pinatutungkulan ni Rex. Kinuha ang susi na iniaabot ni Mon at dali-daling lumabas. Naiwan sina Zeny at Mon na nagkatinginan na lamang. Si Trina ay kumibit-balikat. Si Marlene ay napatunganga habang sinusundan ng tingin ang papalabas na binata. Kaaalis lang ni Rex nang dumating naman si Mrs. Montero. Pagkakita sa kanya ni Zeny ay agad siyang sinalubong ng dalaga. May bitbit na papel si Zeny. “M-mam, sick leave application ko ho.” Napatawa si Mrs. Montero. “Para kang bago pa lang dito sa opisina, Zeny,” sabi ni Mrs. Montero. “Hindi ka pa nakapag-good morning sick leave agad ang isinalubong mo.” Alam ni Zeny na taos sa puso ang sinabi ni Mrs. Montero ngunit hindi napawi ang pag-alala sa kanyang mukha. “Hindi naman ako galit na nag-absent ka ng walang paalam.” Tinapik-tapik pa ni Mrs. Montero ang balikat ni Zeny. “Halika sa office ko.” Todas na! usal ni Zeny. Naisip niyang magtatanong ito tungkol sa Citiland Condominium. Walang imik na sumunod si Zeny sa silid ni Mrs. Montero. Sa upuan sa harap ng mesa ni Zeny ay nakaupo si Mon at iiling-iling habang nakatingin sa nakatalikod na dalaga. Naaawa siya kay Zeny. Sa loob ng silid ay hindi nabura ang ngiti ni Mrs. Montero. Pinilit pa niyang maging kaswal ang kanyang kilos kahit sa pag-upo upang mapanatag ang loob ni Zeny. Tila ibig iparamdam kay Zeny na gusto niyang ituring na kaibigan at hindi boss. Hindi siya naaasiwang umarte ngayon dahil nabawas-bawasan ang naramdamang sama ng loob. Nakatulong sa drama niya ngayon ang nadadarama pang kaligayahan sa pagniig nila kagabi ni Dan Montero. Muling iniabot ni Zeny ang kanyang sick leave form. “No.” Isinenyas pa ni Mrs. Montero ang kanyang kamay. Ipinagtaka ni Zeny ang kilos ng kanilang presidente. Mayamaya’y wala sa loob na tumango. Parang alam na niya kung ano ang gusto ng kaharap. Agad ring naunawaan ni Mrs. Montero ang kilos ni Zeny. Binura nito ang kanyang ngiti. Napahinga siya ng malalim. Pagkatapos sumandal sa kanyang swivel chair. “You had been a part of this company for long, Zeny. At I know alam mo kung gaano ang pangarap kong mapaunlad pa ito.”

Tahimik lamang na nakikinig si Zeny. Ngunit hindi siya nakatingin kay Mrs. Montero. Tila iniisip na kung ano ang kanyang isasagot. “I’ve known you to be hardworking... and honest.” Ayan na, sa isipan ni Zeny. Inayos niya ang pagkakaupo. “Kailangan ko ang honesty mo ngayon... as I’m honest to tell you I need your help.” Tungkol kay Dan Montero at... “Do you know his woman?” ito ang tanong na nakaputol ng pag-iisip ni Zeny. Tila namumutlang napatingin siya kay Mrs. Montero.

XLI

P

ARANG hindi makatagal ng tingin si Zeny kay Mrs. Jane Montero. Tila kinukunsensiyang mag-isip na ang kinaiinisan ni Mrs. Montero ay kaibigan niya ngayon. At pakiramdam ni Zeny ay magiging matalik pang kaibigan. “Please...” Napakaamo ng mukha ni Mrs. Montero. Sa totoo lang ay tila iiyak siya. Tila may kumurot sa puso ni Zeny. Biglang nagsibalikan sa kanyang alala ang mga nakaraan. Ang maraming pabor sa kanya. Pabor na natamo niya sa pagtrabaho sa Golden Opportunity Systems. Mabait ang kanyang employer. Magaling itong tumingin sa mga empleyado. Kung hindi, paano naipon ni Zeny ang higit sa isang milyong pisong idinagdag niya sa half a million na balato sa kanya ng Belgian at ibinili niya ng condominium unit? Pinaghirapan ko rin iyon! Bawi ng isipan ni Zeny. Kung ilang taon din siyang nagtipid. Nag-ipon. Hindi naman kalakihan ang kanyang sahod ngunit malaki ang tinatanggap niyang insentibo, na karamihan ay cash din. Nangatal ang bibig ni Zeny. Kahit saang anggulo pala tingnan, utang niya kay Mrs. Jane Montero ang kanyang tinatamasa. “Zeny,” tila bulong na lang ang tinig ni Mrs. Montero. Ngunit ang marahang pagpatong ng kanyang kamay sa balikat ni Zeny ay napakalakas ng naging epekto. Ang lakas ng kalabog ng dibdib ni Zeny. Ngunit pakiramdam niya ay napakatapang niya. Nawala ang kanyang pag-alala at pag-aalinlangan. “M-Mam... ayoko ho’ng maging dahilan pa ng away ninyo ni Sir.” Humugot ng malalim na hininga si Mrs. Montero. Pilit gumawa ng ngiti. Mapait na ngiti. “Matagal na naming away ito, Zeny. Hindi ko alam kung ilang beses na namin itong pinag-awayan... ang tungkol sa kanyang pambababae.” Mas malalim na hininga ang nahugot ni Zeny. “H-hindi ho kaya nakakaasiwang sumali ako, Mam?” hindi maitago ang pagkaasiwa sa tinig ni Zeny. “Lalong nakakaasiwa para sa akin na i-involve ka sa problema naming mag-asawa, Zeny. Pero eto’t sinasabi ko sa ‘yo... hinihingi ang tulong mo...” Umiling-iling si Zeny. “Kahit pa na I have the right to demand... at least an explanation from you,” naiba ang tono ni Mrs. Montero. “Maybe even from Mister Sevilla.” Bumilog ang mga mata ni Zeny. “M-Mam?” “Please be honest, Zeny. Ayaw kong mag-over react. I know kilala mo ang kerida ni Sir mo... at kabahagi ka na sa ginagawang pagtraydor nila sa akin.” “M-Mam?” Tila iiyak si Zeny. “It’s alright, Zeny. Hindi naman ako galit sa ‘yo. Gusto ko lang makuha ang sympathy mo. Baka ‘kako matulungan mo rin ako... at si Cathy Imperial.” Tila tinusok ng matulis na bagay ang puso ni Zeny. Kung gayon ay hindi lang pala pamimingwit ang sadya ni Mrs. Montero sa pagpunta nito sa unit 21 ng Citiland Condominium? Diyos ko, sa isipan na lamang ito nabigkas ni Zeny.

“Gusto kong’ balikan ‘yong pag-uusap natin noon... wherein napag-usapan natin si Cathy Imperial.” Nagpilit ng mahinang tawa si Mrs. Montero. “Sabi ko pa na si Rex ang binibigyan niya ng problema. ‘Yon pala’y...” “I-I’m sorry, Mam... Hindi ko lang kasi alam kung ano ang gagawin sa nalaman ko tungkol sa problemang ito.” “If you can help me... I want to talk to Cathy.” “You... you will not harm her?” “Kung noong pagpunta ko sa condominium at nakita ko siya...” Nagtagis ang mga bagang ni Mrs. Montero. “God knows I was ready to kill her siguro.” “God!” “Pero desente pa rin ako, Zeny.” Ngumiti si Mrs. Montero. “Besides may takot pa ako sa Diyos. What good would it give me kung silakbo pa rin ng damdamin ang iiral?” Ilang saglit pang nag-usap sina Mrs. Montero at Zeny. Hanggang naramdaman ni Zeny na lumuwag ang kanyang dibdib. Patawarin mo ako, Cathy. Pero para rin naman ito sa kabutihan mo, naiusal ng isipan ni Cathy. Sa condominium ay kaharap ni Cathy ang dalawang bote ng serbesa. Isa dito ay wala ng laman. Ang ikalawang bote ay kalahati na lang ang laman. Napilitan siyang uminom kahit maaga pa dahil gusto niyang mabawasan ang kanyang pagkatakot sa guwardiya na inaakala niyang may masamang hangad sa kanya. Muling inangat ni Cathy ang isang bote at lumagok. Malaking lagok. Napangiwi siya sa pait. Ngunit nakaragdag ito ng init sa kanyang dibdib. Nabawasan ang kanyang takot. Muli siyang sumilip sa bintana. Sa kalsada nakita niya ang ilang mga bata na naghahabulan. Anim na mga bata. Mayamaya’y nakita ni Cathy na tumigil sa paghahabulan ang mga bata. Nag-umpok ang mga ito sa harap mismo ng unit ni Zeny. Nag-usap. Hindi marinig ni Cathy kung ano ang pinag-uusapan ng anim ngunit mayamaya’y tumayo ang isa paharap sa gate. Pumikit ito habang ang dalawang kamay ay nakatakip sa mga mata. Takbuhan ang lima upang magtago habang ang nakapikit ay nagbibilang. Magtataguan sila. Napangiti si Cathy. At tila nabawasan ang konti na lang na takot sa kanyang dibdib. At least may mga tao sa harap kahit mga bata lang. Bumalik sa kanyang upuan si Cathy. Inubos ang natitirang serbesa. Hindi na niya naramdaman ang pait. At sa di-sinasadya, sa kanyang pagsandal, napatingala siya sa kisame. At bigla lang gumitaw sa kanyang alaala ang larawan ng ina. Nakatingin sa kanya. Malungkot na tingin. Tila may tumusok sa isipan ni Cathy. Naalala ang planong matagal niyang pinaghandaan. Lingid sa kanyang ina noong buhay pa ito ay nagpaplano na siya kung paano makapaghiganti. Ngunit ngayong maraming beses nang nasa kanyang kamay ang pagkakataon upang mabigyan ng katuparan ang paghiganti, hinayaan naman niyang mabigo siya. At siya pa nga kadalasan ang malagay sa alanganin. Ano na ang kanyang gagawin? Huminga ng malalim si Cahy. Itutuloy pa ba niya ang paghiganti? O pag-aralan na lamang ang alok sa kanya ni Rex? Sa kalsada ay masaya ang sigawan ng mga bata kapag makabahay na hindi ma-bong ng asuwang. Masayang-masaya sila. At parang nainggit si Cathy. Talagang marami pang masasayang sandali sa mundong ito. Ang hiyawan ng mga bata na may halong katuwaan ay tila umaanyaya kay Cathy na bigyan na lamang ng pansin ang alok ni Rex. Nakangiting muling sumilip sa bintana si Cathy. Sa labas napansin ni Cathy ang isang payat na bata na nakatayo sa kabilang kalsada. Malungkot itong nakatingin sa mga naglalaro. Punit-punit ang damit ng bata at sa kilos ay mahuhulaang gusto nitong makipaglaro ngunit ayaw pasalihin ng iba. Naalala ni

Cathy ang kanyang sarili noong ang edad niya’y katulad ng sa batang punit-punit ang damit. At muling nanikip ang dibdib ng dalaga. Muling umusbong ang hangaring makapaghiganti! NAPAKATRAPIK sa Buendia Avenue habang tinatalunton ni Rex patungo sa condominium ni Zeny. Alam ng binata na matatagalan siyang makarating sa condominium kung hindi siya hahanap ng ibang daan. Kaya pagdating sa kanto ng Pasong Tamo Street ay agad siyang kumaliwa nang mag-signal para sa gayung direksiyon. Matrapik din sa gayung kalye ngunit nang makakanan na si Rex patungong Washington Street ay naging maayos ang takbo ng kanyang kotse. Gumaan ang pakiramdam ng binata. Washington Street na ang tinatalunton ni Rex. Ilang sandali pa ay nasa tapat na siya ng Citiland Condominium. Naalala niya ang ilang pangyayari sa naturang condo. At naiiling na ngumiti ang binata. Ngunit biglang napawi ang ngiti ni Rex nang mapansin sa driveway ng Citiland ang kotse ni Dan Montero. Nakita niya ang matanda sa loob ng kotse at nakadungaw ito. May kausap ito na dalawang lalaki na sa pagmumukha ay masasabi agad na mga butanggero. Tila pinukpok ang dibdib ni Rex. Si Cathy agad ang pumasok sa kanyang isipan.

XLII

N

AKITA ni Rex na matapos mag-usap sina Dan Montero at ang dalawang lalaking parang mga butanggero ay tumangu-tango ang matanda. At bago naitaas ni Dan Montero ang salamin ng pintuan ng kotse nito ay nakita ni Rex na ngumisi ito. Ito ang ngisi ni Dan Montero na alam ni Rex ay ginagawa lamang ng matanda kung may pinaplanong hindi maganda. Bigla ang pag-arangka ng Honda Civic ng binata. Mabilis ang kilos ng dalawang lalaking kinakausap ni Dan Montero. Hindi pa nakatakbo ang kotse ng matanda ay agad kinuha ng isa ang nakasukbit na two-way radio sa kanyang baywang. May tinawagan. Mayamaya’y nakangiting tumango sa kasama. Biglang naapakan ni Rex ang preno pagdating niya sa kalagitnaan ng Mayapis Street at De la Rosa Street. Huli na nang mapansin niya ang one-way sign na nakalagay sa gitna ng dalawang riles ng tren sa Buendia station. Dito sana siya tatawid at susuot sa ilalim ng tulay sa South Superhighway. Ilang metro na lang sana at condominium na ni Zeny. Ngunit wala siyang magawa. Sandaling nag-isip si Rex. Pagdating niya sa kanto ng Pasong Tamo Street kakaliwa siya at kakaliwa pa rin sa susunod na kanto. Mula dito ay puwede siyang tumuloy hanggang malampasan ang Mayapis Street, ang South Superhighway at kumaliwa naman sa Filmore Street. Mula sa Filmore Street ay tutuloy siya ng tawid sa Buendia at presto, ilang dipa na lamang at Arthur Street na. Umaalimbukay ang makapal na alikabok nang umarangkang pakanan si Rex. Tila umigpaw lang ang Honda Civic. Nariyan kaagad si Rex sa mabagal na daloy ng mga sasakyan sa Buendia Avenue. Parang namanhid ang mga tuhod ni Rex. Pesteng trapik! pagmumura ng kanyang isipan. Maaabala siya ng todo. Wala lang sanang masamang nangyari kay Cathy, dagdag ng kanyang dibdib. SA tabi ng unit na kinaroroonan ni Cathy sa condominium, napakatamis ng ngiti ni Bodoy. Pinalagapak pa niya ang dalawang palad. Pagkatapos ay muling pinagmasdan ang adres sa Tagaytay na kasusulat lang niya sa kaha ng sigarilyo. Adres iyon ng cottage ni Dan Montero na itinawag ng kanyang tauhan. Sa cottage daw ng DOM itutuloy si Cathy pagkakidnap sa dalaga. Iyon daw ang instruksiyon ni Dan Montero na maghihintay doon. Itinupi ni Bodoy ang kaha ng sigarilyo at isinilid sa kanyang bulsa. Tinungo ang kabinet. Kinuha ang nakatagong armas. Dalawang pistola. Isang kalibre kuwarenta’y singko at isang German Luger. Mayroong tig-aapat na magasin ng bala. Inusisa niya ang slide. Madulas. Ayos, usal niya at isinukbit sa kanyang baywang ang dalawang pistola. Pagkatapos ay kinuha ang leather jacket na nakasabit sa coat rack. Isinuot ito. Naihanda na rin ni Bodoy ang kanyang cellular phone at two-way radio. Isinilid niya ito sa kanyang bag. Pagkatapos isinuot ang kanyang sombrero na kinuha niya sa sabitan. Bago lumabas ay kumuha muna si Bodoy ng isang boteng alak. Binuksan ito at lumagok. Suwabe sa kanyang pakiramdam ang lasa. Nadagdagan ang kanyang gilas. At naisip pa ni Bodoy na dalhin na lang ang alak kaya isinilid niya ito sa kanyang bag. Pagkatapos lumabas na siya para sa kanyang transaksyong nagkakahalaga ng dalawang daang libong piso!

Hiyawan agad ng mga batang naglalaro ang narinig ni Bodoy paglabas niya sa kanyang unit. Umigting ang kanyang mukha. Maliwanag dahil araw ngunit dapat siyang kumilos upang hindi na makaalpas pa ang kanilang target. Maliban dito ay ibig niyang matupad kaagad ang plano upang hindi na makapanggulo si Duval. Wala siyang tiwala sa kaibigan niyang iyon. Pasensiya na lang, Duval. Ito ang nasa isipan ni Bodoy. Naalala niya ang kilos ng kaibigan paglabas nito kanina. Lingid kay Duval, sinadya niya itong manmanan. At disinasadyang natuklasan niyang ang hinahanap nila ay nandiyan lang pala sa kanilang tabi. Nasilip niya kanina ang pagsalubong nina Duval at Cathy. Nakita din niya ang pagtigil ni Duval sa kabilang kalsada hanggang ang pagbalik sana nito na ang akala ni Bodoy ay ipalaam sa kanya. Ngunit nang makitang bumwelta si Duval ay naisip agad ni Bodoy na may ibang plano ang kaibigan. At nag-iba din ang kanyang plano. Pasensiyahan na lang tayo, sa halip na bigkasin ito ay iningiti na lang ni Bodoy at nanood ng mga batang naglalaro. Ang mga bata ang gagamitin ni Bodoy upang si Cathy mismo ang magbukas ng pintuan. Papaswitan na sana ni Bodoy ang isang bata upang utusan ngunit hindi natuloy nang biglang may sumulpot na kotse mula sa kabilang kalye. Mabilis ang takbo nito at nang huminto sa kanilang harapan ay umingit ang gulong dahil sa buwelo. Nagmamadaling bumaba ang sakay ng kotse. Umurong si Bodoy upang hindi siya mapansin ng dumating. Ang mga batang naglalaro ay matagal bago nakakilos dahil sa kabiglaanan nang huminto ang Honda ni Rex. Mayamaya’y nagsialis sila dahil ang unahan ng kotse ay nakaharang sa kanilang inangan. “Cathy!” nasambit ni Rex nang makita ang dalaga pagbukas nito ng pintuan. Tila nawala ang pag-alala ng binata. Sobra ang galak na naramdaman ni Cathy nang makita si Rex. Pakiramdam niya ay hindi siya mag-alala kahit nasa gitna sila ng panganib ngayong nandito na ang binata. Binuksan ni Cathy ang steel gate at pinapasok si Rex. Mahigpit ang paghawak niya sa braso ng lalaki. Tila labis ang kanyang pangungulila. Naunawaan ni Rex ang iginawi ng dalaga. At naawa siya dito. Maingat na sumama siya papasok sa condominium. Nawala ang takot sa dibib ni Cathy. Nawala rin ang pag-alala ng binata. Si Cathy, si Rex- saglit silang nawala sa kanilang sarili. Mabilis ang kilos ni Bodoy. Bago naisara ni Cathy ang steel gate ay nakaigpaw na siya papasok na hindi napansin ng dalawa. Ang pagdaiti na lamang ng kanyon ng baril na itinutok ni Bodoy sa kanyang tagiliran ang nakagulat kay Rex. “Easy lang,” halos pabulong na utos ni Bodoy. “Balik sa kotse mo!” Piyok na lamang ang lumabas sa mga bibig ni Cathy na sisigaw sana nang malingunan si Bodoy na may itinututok sa tagiliran ni Rex. Pinatahimik siya ng nagbabalang tingin ng lalaki. Bumalik ang takot sa kanyang dibdib. Nanginig ang kanyang mga tuhod na parang mauupos siya. “R-Rex...” Parang hahagulhol si Cathy. “Ikaw,” tukoy ni Bodoy kay Cathy at sinenyasang lumabas sa pamamagitan ng kanyang baril. Sa harap man ng babaeng pinakamamahal ay walang nagawa si Rex kungdi sumunod sa utos ni Bodoy. Nagtatagis ang kanyang mga ngipin ngunit hindi niya maaaring isugal ang pagkakataon. Baka malagay siya sa alanganin at matamaan si Cathy. Naunawaan din ni Cathy ang kalagayan ni Rex. “K-kung pera ang kailangan mo meron ako sa itaas,” nasambit din ni Cathy kahit nanginginig ang boses.

Pera nga ang kailangan ng loko, naisip ni Rex nang makitang saglit na tumingin si Bodoy kay Cathy. Tila tinatantiya kung gaano kalaki ang makuha niya base sa sinabi ng dalaga. Lumakas ang tibok ng puso ni Rex. Kung may pagkakataon ay makaliligtas sila. Ngunit hindi dumatal ang pagkakataon. Gumalaw ang baril na nakatutok sa kanya. Ibig sabihin ay hindi natinag ang may hawak at tiyak na puputok kapag kumilos iya ng hindi tama. “Milyon ang kailangan ko,” wala sa loob ang pagkasambit ni Bodoy sa halaga. “Kailangang cash!” “Wala akong milyon.” “Puwede akong mag-withdraw kung gusto mo,” si Rex. Umiling si Bodoy. “Sakay!” utos ni Bodoy sa dalawa nang makalapit sila sa kotse ni Rex. Si Rex ang drayber. Sa likurang upuan itinulak ni Bodoy si Cathy. Pagkatapos tumabi siya sa dalaga. Nakidnap na sila. Ang magagawa na lang nila ay ang sumunod at maghintay ng tamang pagkakataon. Ito ang nasa isipan ni Rex. Sinikap na lang niya na magrelaks upang makapag-isip ng mabuti kung ano ang nararapat gawin. “Sa South Superhighway!” utos ni Bodoy. Sumunod sa utos si Rex. Banayad ang kanyang pagpapatakbo. Malapit na sila sa kanto ng South Superhighway nang marinig ni Rex na impit na gumibik si Cathy. Biglang nagpreno si Rex. “Huwag mo siyang saktan!” Nasulyapan ni Rex sa salamin na pinayuko pala ni Bodoy si Cathy. Idinidiin pa ng lalaki ng ulo ng dalaga habang ang isang kamay ay tumututok ng baril sa tagiliran ni Rex. Sa unahan ay natanaw ni Rex ang dahilan ng ginawi ni Bodoy. Isang pulis ng TRAFCOM ang nakita ng binata. Nakasakay ito sa motorsiklo ngunit nakatalikod sa kanila. Paano niya ito mahingan ng tulong?

XLIII

H

INDI lang isang pulis ang nakita ni Rex habang papalapit sila sa South Superhighway. Maliban sa motorcycle cop na una niyang nakita, may nakita pa siyang tatlong pulis sa ilalim ng flyover. Nakasandal ang tatlo sa patrol car na nakaparking. Lalong idiniin ni Bodoy ang baril sa tagiliran ni Rex. “Idiretso!” Napailing na lamang si Rex na itinuloy ang sasakyan. Nag-alala din siyang tumawag ng pansin ng mga pulis dahil baka iputok ng kidnaper ang armas nito. Sa kanya ay walang kaso. Ngunit paano na lang kung si Cathy? Hindi niya matatanggap na may mangyari sa dalaga kaya makikipaglaro muna siya sa kidnaper. Nang nasa superhighway na ang kotse ay nasulyapan ni Bodoy ang nakahintong taksi sa unahan. Nakita niya agad ang kanyang tauhang nakatayo sa tabi ng taksi. Napangiti siya. Kinuha ang kanyang kamay na dumidiin sa ulo ng dalaga. Pagtapat ng Honda Civic sa nakahintong taksi ay ibinaba ni Bodoy ang salamin ng pintuan. Sumenyas sa mga kasama. Agad namang sumakay ang kanyang tauhan at sumunod sa kanila. Bahala na ang Diyos sa amin, naidalangin ni Rex at inihanda ang sarili sa mahabang biyahe. Wala sa loob na naipatong niya ang kaliwang kamay sa kanyang hita. Nakapa niya ang kanyang cellular phone na nasa bulsa ng kanyang pantalon. Nakatihaya ito at makapa niya ang mga key dahil manipis ang kanyang pantalon. Upang mawili ang sarili at makalimutang saglit ang kinaroroonang panganib ay sinubukan niyang pisil-pisilin ang key ng kanyang cellular phone. Baka sakaling maghimala, naisip niya. Numero ng telepono ni Zeny sa Golden Opportunity Systems ang pinisil ni Rex. Matapos niyang madayal ang buong numero at ma-send ay nagpahinga siya ng ilang sandali. Tinatantiyang may makarinig sakaling mag-ring. Ilang beses niya itong ginawa habang nagpapatakbo ng kanyang sasakyan. NANG mga sandaling iyon ay hindi mapakali si Zeny. Pati si Mrs. Montero ay tila hindi rin mapanatag. Muling tumunog ang telepono. Inangat agad ito ni Zeny upang sagutin. Ngunit muli siyang napakunut-noo. “Ganu’n pa rin,” sabi ni Zeny. “Walang nagsasalita ngunit me ugong. Hindi ko alam kung ano.” “Bumalik na naman ‘ata ang sakit ng PLDT,” sabad ni Trina na lumapit na. “Nu’ng nandoon pa ako nagtatrabaho sa Manila area ay madalas akong maka-encounter niyan. Nang itsek ko sa PLDT ay interruptions lang daw.” Ngunit hindi kumbinsido si Zeny. Lalo na at naragdagan ang kalabog sa kanyang dibdib. “Me telepono ba sa inyo, Zeny?” si Mrs. Montero. Lalong nagkalabugan sa pakiramdam ni Zeny. Nag-aalala sila kung ano ang nangyari at nagmamadaling pumunta si Rex sa kanyang condominium dahil sa tawag raw ni Cathy. At inaasahan naman talaga nila na tatawag ito sa kanya ngayon. At makailang beses ding

nag-ring ang telepono na walang nagsasalita kapag sinasagot niya. Bakit hindi niya kaagad naalalang tumawag sa kanyang condominium? Nagmamadaling nagdayal si Zeny. Nanginginig pa ang kanyang mga kamay sa sobrang pagmamadali. “Relaks lang, Zeny,” si Mon. “Pati ako ay ninerbiyusin sa ‘yo.” Narinig ni Zeny na nagring na sa kabilang linya. Isa, dalawa... hanggang nakalimang ring ngunit walang sumagot. Ikasampung ring. Wala pa ring sumagot kaya’t ibinaba ni Zeny ang telepono at muling nagdayal. “Nakasampung ring na ngunit wala pa ring sumagot.” “Patagalin mo lang. Baka hindi lang nila narinig,” si Mon. Nagring. Hinintay ni Zeny. Ikalawa... ikatlo... walang sumagot. Hinintay niya hanggang umabot ng kinse. Ikadisisays. Pero wala pa ring sumagot. Muling nagring. Panglabimpito. Pagkatapos nag-busy tone. “Walang tao,” nanggigipuspos na sabi ni Zeny at inilapag ang telepono. “B-baka may masamang nangyari. Dapat ay nakatawag na siya rito.” Napatiim-bagang si Mon. “Si Zeny, oo... tinatakot pa yata ako, a,” sa tono ng pananalita niMon ay hindi lamang siya kinakabahan. “Ano ho kaya’t umuwi muna ako?” Tinulok ni Zeny si Mrs. Montero. “Sasama ‘ko, Zeny,” si Mon. “Siyempre, doon pumunta ang amo ko, e.” Nang tumango si Mrs. Montero ay agad lumabas sina Zeny at Mon. Ngunit napahinto sila nang tumawag si Mrs. Montero. “Wait. Sasama ako.” Nagkatinginan na lamang sina Mon at Zeny dahil sa ipinakitang interes ni Mrs. Montero. Kotse ni Mrs. Montero ang kanilang sinakyan. Si Mon na ang nagdrayb dahil iniwan nila si Bert na drayber ni Jane. Halos nagkakandarapa si Zeny pagbaba niya sa kotse paghintung-paghinto nila nang makitang bukas ang steel gate at pintuan. Ngunit sarado ang mga bintana. “Diyos ko... wala sanang masamang nangyari.” Agad ding sumunod sina Jane Montero at Mon kay Zeny. Nakita nilang maayos naman ang mga gamit sa loob. Sa mesita ay nakapatong pa ang dalawang basyo ng serbesa. Sa isang silya ay nakapatong ang isang itim na hand bag. Sa tabi nito ay may cellular phone. Umakyat sa second floor si Zeny habang tinatawag ang pangalan ni Cathy. Naiwan sa sala sina Mon at Mrs. Montero. Ang pag-alala ng dalawa ay saglit na pinalitan ng pagtataka sa naratnan nilang condominium ni Zeny. Si Mon ay nakaramdam ng pagkaalangan. Si Mrs. Montero ay nakaramdam ng paghanga sa empleyadang nagkaroon ng ganitong tirahan. Ngunit bigla rin itong napalitan ng dudang gumagawa ng hindi maganda si Zeny dahil hindi ito makakabili o makapagrenta man lamang ng comdominium kagaya nito kung aasahan lang ang sahod. Mayamaya’y bumaba si Zeny. Namumutla ang dalaga. Umupo siya sa sopa at nangalumbaba. “Nasaan kaya sila? Kung umalis sila’y dapat naisara nila ang pintuan.” Walang nagdugtong sa sinabi ni Zeny. Saglit silang nag-isip. Si Mrs. Montero ang unang bumasag ng kanilang pag-iisip. “Kung umalis sila... hindi sinadya,” sinundan ito ni Mrs. Montero ng malalim na paghinga. “Kung sinadya nilang umalis, maliban sa dapat ay naisara nila ang pintuan at gate, dapat nadala ‘yang bag... at cellular.” Halos napasinok si Zeny. Naragdagan ang kanyang kaba. “B-baka...” tila hindi masambit ni Zeny ang katagang kinidnap.

Tila magkatulad ang nasa isipan ni Mon at Zeny. Lumabas sa pintuan ang lalaki. Mayamaya’y bumalik na lalong nakakunut-noo. Nang mapatingin sa kanya si Zeny ay tumangu-tango. Humikbi na si Zeny. “P-paano na ito ngayon?” “May cellular phone si Sir. Subukan kong tawagan para malaman natin kung nasaan sila,” pagkasabi ay agad lumapit si Mon sa kinaroroonan ng telepono ni Zeny. Ngunit hindi natuloy ang pag-angat niya ng telepono. “B-baka delikado? Baka malagay pa sila sa panganib. Hintayin na lang natin sigurong sila ang tumawag. “May naisip ka ba’ng maaring gumawa nito?” Naguguluhan din si Mrs. Montero. “Kung kidnap... for what? For ransom?” Ang hindi niya mapaniwalaang posibilidad sa binanggit ay ipinakita ng nagdududang tingin niya kay Zeny. “Hindi nga ho siguro dahilan ang pera, Mam. Pakiramdam ko ay talagang si Cathy ang kailangan.” “May suitor ba siyang tinurn down?” Ang mister mo! parang ito ang isasagot ni Zeny. Ngunit nag-aalala siyang magsumbong ng katotohanan kay Mrs. Montero. May nabasa si Mrs. Montero sa reaksyon ni Zeny. “May nalalaman ka dito, Zeny?” Hindi sumagot si Zeny. Lalong tumibay ang duda ni Mrs. Montero. “God, Zeny... kung may alam ka ay huwag mo nang ilihim. Makabubuting magtapat ka para malutas natin ang problema.” “Oo nga, Zeny,” ayon ni Mon na masusing nakatingin kay Zeny. Tila inaarok kung ano ang kaugnayan ng dalaga. “H-hindi ka ho ba magagalit sa akin kung sasabihin ko ang totoo, Mam?” Pilit na ngumiti si Mrs. Montero. “I think wala akong dahilang magalit... kung may dahilan din naman kung bakit may kaugnayan ka dito.” Ikinabigla ni Zeny ang sinagot ni Mrs. Montero. “W-wala ho ako’ng kinalaman, Mam. Hindi ho ako ang may kagagawan.” Napakunut-noo si Mrs. Montero. Gayundin si Mon. “N-noong hindi pa nakaalis si Cathy sa Citiland...” Nanlagkit ang laway ni Mrs. Montero nang marinig ang pangalan ng condominium. Bahagyang nagsalubong ang kanyang mga kilay. “Nasabi niya sa akin... nang pumunta sila ni Rex sa bahay...” tila hindi masambit ni Zeny ang idudugtong, “na tinangka siyang gahasain ni S-Sir.” Napatunganga si Mrs. Montero. Ngunit walang lumabas na kataga. “N-ni Sir Montero?” pang-aarok ng tila hindi makapaniwalang si Mon. Nangatal ang mga labi ni Mrs. Montero. “Ang ha...yup!”

XLIV

NANGANGATAL sa galit ang mga labi ni Mrs. Jane Montero sa narinig kay Zeny. “He attempted to r-rape Cathy?” Mahinang tango ang isinagot ni Zeny sa tanong ni Mrs. Montero. Si Mon ay tila hindi pa rin makapaniwalang napasandal sa kinauupuan. “Kung gayon,” tila bulong na lamang na nausal ni Mrs. Montero, “she’s not his woman.” “P-paano na lang ‘to?” walang pinatutungkulan ng tanong si Zeny. Nanginginig ang mga tuhod na tumayo. Kinuha ang bag ni Cathy na nakapatong sa mesita. Ngunit dahil natatakot ay tila wala sa wisyo si Zeny. Puwit ng bag ang kanyang nahawakan at nang angatin ito ay natapon ang mga laman. May isang kumikislap na bagay na pagbagsak sa mesita ay gumulong hanggang nahulog sa sahig. Ang kumikislap na nahulog sa sahig ay bumagsak malapit sa paa ni Mrs. Montero. Ang lagapak nito ay parang nagsindi ng pulbora sa dibdib ng babae. Na nang pumutok, kahit mahina ay nagpabilis ng kabog ng dibdib ni Mrs. Montero. “D-Diyos ko!” alanganing piyok ang hiyaw ni Mrs. Montero. Dinampot ng nanginginig na kamay ng babae ang bumagsak sa tabi ng kanyang paa. Pagtuwid ng kanyang katawan ay tila luminaw ang nakaraang panahon. “Singsing ko ‘to noon!” MABILIS ang patakbo ni Rex ng kanyang kotse kahit hindi niya alam kung saan ang kanilang destinasyon. Mahaba na ang kanilang natakbo ngunit wala man lang siyang napansing mga awtoridad na maaring hingan ng tulong. Paano, inutusan siya ng kanilang captor na sa gitnang lane dumaan. At kung may madaanan man silang checkpoint ay mahirapan siyang sumenyas dahil nasa gitna nga sila. Hindi rin naman magamit ni Rex ang kanyang cellular phone dahil maliban sa mahirap magdayal ng pakapa lang ay nag-aalala siyang tumunog ito at kunin pa ng kidnaper. Kaya ini-off na lang niya ito. Maghihintay siya ng nararapat na pagkakataon upang makahingi ng tulong. Ilang sandali pa ay sumenyas si Bodoy. Nakita ni Rex na pinapaliko siya papasok sa Carmona. Nasa sakop na sila ng Cavite. Hinulaan ni Rex kung saan sila patungo. Nang makarating sila sa Silang ay tumibay ang hinuha ni Rex. Halos natiyak niyang sa Tagaytay ang kanilang tungo. Ito ang lugar na pumasok sa kanyang isipan hindi lang dahil malapit na sila sa nabanggit na lugar kundi naisip niyang may malalaking taong nasa likod ng pagkidnap sa kanila. Naisip niya ito dahil hindi nagpakita ng kabarumbaduhan ang kidnaper dahil iniingatan nito na hindi magasgasan man lamang si Cathy. At malalaking tao lang ang may kayang kumuha ng lugar sa Tagaytay. “Si Mister Montero ang amo mo, ‘no?” sabi ni Rex kalaunan at sinulyapan sa salamin ang kidnaper. Nakita ni Rex na tila nagitla si Bodoy. Napatingin din si Cathy kay Rex. Idiniin ni Bodoy ang dulo ng baril sa tagiliran ni Rex. “Ang pagmamaneho ang atupagin mo!” “Hindi mo pa nasagot ang tanong ko.” Nanunuyang ngumiti si Bodoy.

“Makikilala mo rin siya... kung palaring makapakipagkita ka sa kanya.” “Hindi ako ang sadya mo. Bakit dinala mo pa ako?” Muling sinulyapan ni Rex sa salamin ang kidnaper. Nagulat si Cathy sa narinig sa binata. Ayaw pala ng loko na kasama ko siyang makidnap, sa sarili ni Cathy. “Pasensiya ka. Hinatak ka ng palad mo na madamay dito.” Tumawa si Bodoy. “Naisip ko kasing’ baka mapakinabangan din kita. Two birds in one stone, ‘ikanga.” “Wala akong pera!” Halakhak lang ang idinugtong ni Bodoy. Sa Tagaytay nga ang patungo nila. Bundok na ang kanilang inaakyat. At malamig na ang simoy ng hangin. Nagdagdag ito sa lamig ng aircon ng kotse. Sa isang ilang na kurbada ay pinahinto ni Bodoy ng kotse. Pagkatapos binuksan niya ang bintana at dumungaw. Sinenyasan ang mga kasamang sakay ng taksi at sumusunod sa kanila. Huminto din ang taksi. Sa side mirror ay nakita ni Rex na bumaba ang dalawang lalaking pasahero ng taksi. Nakita din ni Rex na tila may sinabi ang isang tao sa drayber. Umiling-iling ang drayber ng taksi. Mayamaya’y napakamot sa batok at pinaatras ang taksi at nagmanyubra upang makabalik. Nang malayo na ang taksi ay agad tumakbo ang dalawang lalaki palapit sa sinasakyan nina Cathy. Ibinukas ni Bodoy ang pintuan sa tabi ng dalaga. Napapagitnaan na siya ngayon ng dalawang lalaki. Ang isang lalaki ay umupo sa front seat. Muling sumenyas si Bodoy. Pinatakbo naman ni Rex ang sasakyan. Pagdating sa isa pang kurbada ay sumenyas si Bodoy na magmenor. “Ihinto sa unang cottage.” Hindi naman gaanong malaki ang cottage kung tingnan sa kalsada. American style ito at double storey. Napinturahan ang mga dinding nito ng dirty white na flat. Green ang kulay ng bubong nito pati ang paikot na medya agwa. Mataas ang pader na nakaharap sa kalsada. Lagpas-tao ang taas. Sa gate ay may guardhouse na maliit lang ang rectangular na bintana. Sarado ang gate ngunit mapansin ang dalawang pares na mga mata na nakasilip sa maliit na bintana ng guardhouse. Kinuha ni Bodoy ang kanyang two-way radio sa bag. Idiniin-diin ang switch. May nakuha siyang signal ngunit choppy. Alam niyang iba ang frequency ng setting ng kanyang radyo. Sinubukan niya sa channel 2. Pagkatapos ay binuksan ang bintana ng kotse at bahagyang itinaas ang radyo upang makita ng nakasilip na mga security guard. Nakita ni Rex na nagsalita sa radyo ang isang guwardiya. Mahinang humagok ang radyo ni Bodoy. Mayamaya’y napatawa ang kidnaper. Dinagdagan ang volume ng radyo. “Makati?” boses sa radyo. Naunawaan ni Bodoy ang tanong ng guwardiya. Pati si Rex ay nakatitiyak ding password iyon. “Kanina pa kami naghihintay. Lumapit kayo!” Hindi na hinintay ni Rex na sundutin ni Bodoy ng dulo ng baril ang kanyang tagiliran upang kumilos. Kumambyo si Rex at pinatakbo ng marahan ang kotse, palapit sa gate na ngayon ay binuksan na ng isang security guard. Si Cathy ay walang imik. Ngunit nasilip ni Rex sa salamin na tila nawala na ang takot ng dalaga dahil nakasimangot na ito. Sa gate ay pinahinto ng mga guwardiya ang kotse. Pinababa silang lima: si Rex, Cathy, Bodoy at dalawang tauhan nito. Kinapkapan ng mga guwardiya si Rex. Nakuha sa bulsa niya ang maliit na cellular phone. Kinuha din ang pitaka ni Rex ngunit ibinalik din ito matapos matingnan kung ano ang laman. Pagkatapos ay isinunod si Cathy. Magrereklamo pa sana sina Bodoy nang sila naman ang kapkapan. “Pasensiya na, Part,” sabi ng isang guwardiya na mabilis na kumuha ng armas nina Bodoy. Ang isang guwardiya ay sa kotse nagsiyasat. “Naniniguro lang kami.”

Napasutsot na lamang si Bodoy. Wala siyang nagawa kungdi itikom ang mga kamay. “Part, dalhin mo ang kotse sa garahe,” patungkol ng guwardiya sa isang kasama na ngayon ay nakasakay na sa kotse. “At kayo... mga bisita namin kayo. Sa inyo ang lahat ng gusto ninyo sa cottage hanggang sa dumating si Sir. Kung gutom na kayo, marami ang pagkain sa loob.” Unang kumilos ang mga tauhan ni Bodoy. Nag-uunahang tinungo nila ang cottage. Sumunod sa kanila si Bodoy. “A-ano ang kailangan ninyo sa amin?” nagkalakas-loob si Cathy na magtanong. Ngunit tiningnan lamang siya ng matalim ng guwardiya na agad ding nagbalik sa guardhouse. Mula dito ay naisara ng guwardiya ang gate sa pamamagitan ng switch. Mahinang tinapik na lamang ni Rex sa balikat si Cathy at inalalayan ito patungo sa cottage. “Kung si Dan Montero nga ang nagpakidnap sa atin...” Nagtatagis ang mga bagang ni Cathy. “Naunahan niya ako...” Biglang napahinto sa paghakbang si Rex sa nadinig sa dalaga. “C-Cathy?” Nadagdagan ang pagtataka ni Rex nang makitang bumangis ang anyo ng dalaga. Huminga ng malalim si Cathy. “Siguro’y dapat mo nang malaman ang tunay kong’ pagkatao, Rex.” Aywan, ngunit pakiramdam ni Rex ay tila nanginig ang kanyang mga tuhod habang nakatingin sa mukha ng dalaga.

XLV

M

ALAWAK at maayos ang loob ng cottage na naratnan nina Cathy. Maaliwalas sa sala na karugtong lang ng kusina. Mula sa sala ay malinaw na makita ang halos kabuuan ng kusina. At puno ng masasarap na pagkain ang mesa. Ang pagkain ay nilalantakan na ng grupo ni Bodoy na unang pumasok sa cottage. “Gusto kong’ malaman ang mga bagay na sabi mo’y dapat kong’ malaman sa iyong pagkatao,” seryusong nabigkas ni Rex habang inaalalayan si Cathy upang makaupo sa sopa. Umupo din si Cathy sa tabi ni Rex. Bumaling sa kusina. Patuloy ang kain nina Bodoy na hindi pumansin sa kanila. “I-I hope maunawaan mo pa rin ako matapos mong’ malaman ang tungkol sa akin.” Huminga lang ng malalim si Rex. Masusing pinagmasdan ang mukha ng dalaga. Nakaramdam ng paninibago si Rex kahit alam niyang walang nabago sa ganda ni Cathy. Huminga din ng malalim si Cathy. Sumandal sa sandalan ng sopa at tumingala sa kisame. Mayamaya’y ipinikit ang mga mata. “Maliit pa ako ay pangarap ko nang makaahon sa kahirapan...” “That’s why...” Tinitigan ni Rex sa mga mata si Cathy, “naisip mong’ gamitin sana si Dan Montero?” Pinamulahan ng pisngi si Cathy. Umigting ang ugat sa kanyang leeg at nagsalubong ang kanyng mga kilay. Ngunit hindi siya kumilos. “Napakalaki ng kanyang kasalanan na dapat niyang bayaran ng mahal!” Nahawakan ni Rex ang magkabilang balikat ng dalaga at pinaharap sa kanya. “Y-you mean... matagal mo nang kilala si Dan Montero?” Tango at pagtagis ng ngipin ang isinagot ni Cathy. Lalong nagsalubong ang kanyang mga kilay. “Hindi kita maintindihan...” Kinuha ni Rex ang kanyang mga kamay sa balikat ni Cathy. Ngunit patuloy ang masusing pagtingin niya sa mukha ng dalaga. Tila gustong mabasa sa mukha ang hindi masambit na sagot ng babae. “Sanggol pa lang ako noon...” tila nananaginip si Cathy, “nang takasan niya ang aking ina...” “C-Cathy... a-ama mo si Mister Montero?” Umigting ang mga ugat ni Cathy. Tumalim ang paningin. “Matatawag mo bang’ ama ang taong nakayang magpabaya sa anak?” Ang matalim na paningin ni Cathy ay pinalabo ng umaagos na mga luha. Hindi na nakaimik si Rex. Humugot na lamang siya ng malalim na hininga. “Kaytagal kong’ hinangad na magkasalubong ang aming mga landas.” “Kung pagihiganti ang pakay mo,” nasambit din ni Rex, “mali ang ginawa mo. Inilantad mo sa panganib ang iyong pagkababae.” Umungol lamang si Cathy. “Nakita mo naman ang nangyari. Kung noon pa ay sinabi mo na lang sa kanya kung sino ka, sana hindi na tayo nasadlak sa kalagayang ito.” Biglang nagbago ang anyo ni Cathy. Pinalitan ito ng lungkot. “I-I’m sorry na nadamay ka, Rex.” Maunawaing tinapik-tapik ni Rex ang balikat ng dalaga.

“H-hindi ko naman minamasama ang ginawa mo, Cathy. ‘Yon nga lang, nakabuti sana kung hindi ka nagpadalus-dalos. Kung nagpakilala ka sa kanya tiyak na nakabayad siya ng kanyang kasalanan sa tamang paraan.” “Napakalaki kasi ng ipinagtiis naming mag-ina. Nadagdagan pa nang mabalitaan ko ang nangyari kay Aida...” “Ang akala ko’y iba ka kay Aida. Sabi mo noon... kung ikaw ang nasa lugar ni Aida ay tatanggapin mo ang offer sa kanya ng DOM... na huli na nang malaman mong si Mister Montero pala.” ‘“Yon ang akala mo.” “Oo nga pala. Bakit Imperial ang apelyido mo. Apelyido ba ito ng ina mo?” Umiling-iling si Cathy. “Nang iwanan kami ng hayup na ‘yon... may naawa sa amin. Pinakasalan niya si Inay... at itinuring ako’ng tunay na anak. Ang masaklap lang ay namatay siya agad.” Mahinang pisil sa balikat ang ipinadama ni Rex upang maipaalam ang pakikiramay sa nadarama ni Cathy. “Naiwan si Inay sa pagsisikap na matupad ang pangarap niya para sa akin- ang mapagtapos sa pag-aaral. At ito ang nagging dahilan ng maaga niyang kamatayan.” Muling napisil ni Rex ang balikat ni Cathy. “Mabait ang aking ina. Sa kanyang kamatayan ay dala niya ang pagpatawad sa mga nagkasala sa kanya. Na lalo namang nagpaalab ng aking hangaring makapaghiganti.” Nagtagis ang mga ngipin ni Cathy. “Paano mo nakilalang si Mister Montero ang iyong ama?” “Hindi ko siya itinuring na ama!” pati si Cathy ay tila nagulat din sa pasigaw na sagot niya kay Rex. Ang paghingi ng sorry ay pinaraan niya sa paghawak ng kamay ng binata at pagpisil dito. “Nasabi sa akin ni Aida ang pangalan ng may-ari ng agency. At dahil palagi kong’ iniisip ang pangalan ng taong hinahangad kong paghigantihan, na nabanggit ni Nanay ang buong pangalan, agad pumasok sa isipan kong’ mag-usisa. At napatunayan kong’ ang walanghiyang si Rodante Montero na tumalikod sa aking ina ay siya ring taong nagtangkang gumahasa kay Aida.” “Nabanggit mo kanina... sa kamatayan ng iyong ina ay dala niya ang pagpatawad sa mga nagkasala sa kanya. May iba ka pa ba’ng tinutukoy?” Muling huminga ng malalim si Cathy. Naramdaman ni Rex na humigpit ang pagpisil ng dalaga sa kanyang kamay. Naramdaman niya ang pagdalas ng paghinga ng dalaga. Bumalik ang poot sa dibdib nito. “Ang may pinakamalaking kasalanan sa lahat. Ang babaeng nag-agaw kay Inay ng lalaking sana ay natawag kong ama kung hindi kami iniwanan.” “Don’t tell me na si Misis Montero ang tinutukoy mo.” “Wala ng iba.” Saglit na nag-isip si Rex. “Ang ipinagtataka ko ay kung bakit parang hindi paghihiganti ang ginagawa mo kung naghihiganti ka man... Puwede kang kumuha ng abogado para madala sa hukuman ang pagtupad sa gusto mo. Halimbawa tungkol sa karapatan mo sa sustento... at pagkilala ng ama sa anak.” “Gusto kong maramdaman nila ang sakit na naramdaman namin ni Inay. Gusto kong maghirap din sila. Kaya gusto kong’ makuha ang kanilang kayamanan... na nasimulan ko na sana.” “Nagawa mong’ tuksuhin sa laman ang iyong ama...” “Nagawa din niya akong pagtangkaang gahasain... na napagtagumpayan niya sana kung hindi dumating ang guwardiya. Ako na laman niya!” pasigaw na sabi ni Cathy. “Hindi niya alam na anak ka niya.” Ikinagulat ni Cathy ang sinabi ni Rex.

“K-kinakampihan mo siya?” lumutang ang pait sa tinig ng dalaga. Pilit ang tawa ni Rex. “Ibig ko lang ituwid, Cathy. I’m sure hindi magagawa ni Mister Montero ka pakitaan ka kahit malisya na lang kung alam niyang anak ka niya.” Saglit na tumahimik si Cathy. “Kung nasira ko ng lubos si Dan Montero,” sabi ni Cathy makaraan ang ilang saglit. “Marahil maramdaman din ng lubos ni Jane Montero ang sakit na naramdaman namin noon. Pero malas... Hindi ako inayunan ng pagkakataon.” Umiling-iling siya at marahang sumutsot. “Nalagay pa tayo ngayon sa malaking panganib.” Ang nasabi ni Cathy ay nakapagpaalala kay Rex sa kanilang kalagayan. Sinulyapan niya ang grupong kumidnap sa kanila. Tapos nang kumain ang mga ito at nag-aanasan sa isang sulok ng hapag-kainan. Iginala ni Rex ang kanyang paningin. Sa isang sulok ng sala ay nakita niya ang telepono. Nakapatong ito sa isang mesita sa tabi ng cabinet/divider. Tago ito sa mga kidnaper sa kusina. Binulungan ni Rex si Cathy na huwag magpahalata. Tumayo siya at tinungo ang kinaroroonan ng telepono. Ngunit nagtagis ang kanyang mga ngipin nang maangat ang awditibo ng telepono na akma ng ilapit sa kanyang tainga. “Hindi tanga ang mga tao dito na hayaan tayo na walang bantay kung hindi putol ang linya niyang’ telepono,” nanunudyo ang boses ni Bodoy na lihim na nakalapit sa tabi ni Rex. Inilapit ni Rex ang receiver sa kanyang tainga. At mangani-nganing ihambalos niya ang telepono kay Bodoy. Wala nga’ng dial tone ang telepono.

XLVI

“B

UKSAN mo lang ang bintana, Mando,” utos ni Dan Montero sa kanyang drayber nang makalagpas na sila sa Magallanes Interchange at tumatalunton na sila sa South Superhighway. “Bagal-bagalan mo ang takbo.” Napailing na lamang si Mang Mando. Kanina ang gusto niya ay halos lumilipad kami, ngayon gusto niyang bagalan naman, bulong ng matanda sa sarili. Diniinan ni Mang Mando ang buton para sa bintana sa likuran. Unti-unting bumaba ang salamin. “Gusto kong’ maramdaman ang dapyo ng hangin,” paliwanag ni Dan Montero nang makita ang pag-iling ng kanyang drayber. “Maliban diyan parang ang aga pa naman. Makakarating din tayo agad sa Tagaytay dahil hindi naman matrapik.” Kung sa bagay, ito ang gustong idugtong ni Mang Mando na hindi niya nasambit. Binuksan din niya ang bintana sa kanyang tagiliran. Nakaramdam siya ng katiwasayan sa simoy ng hanging tumama sa kanyang mukha. Hindi malagkit sa pakiramdam dahil madalang ang sasakyan. Hindi katulad ng matrapik na malagkit na sa balat ang hangin nakakapanikip pa sa dibdib. Sandaling nawala ang tensiyong nararamdaman ni Mang Mando dahil sa nakakarelaks na simoy ng hangin. Bahagya siyang humilig at ipatong ang siko sa bintana ng kotse. Mayamaya’y nagpalabas ng mahinang sipol. Napangiti si Dan Montero. Ang melodiya ng sipol ni Mang Mando ay sinundan ni Dan Montero ng pitik-pitik ng kanyang mga daliri. “Ilang taon na ang pagdrayb mo sa akin, Mando?” “W-wala pa hong limang taon, Sir.” Nagtatakang sinulyapan ni Mang Mando sa salamin ang kanyang amo. “B-bakit ho, Sir?” “Magkano ba ang sinusuweldo mo?” Napatawa si Mang Mando. Ang mga mayayaman oo, bulong niya sa sarili. Naisip niya na dahil sa dami ng inaasikaso ng kanyang amo ay hindi na nito maalala kung magkano ang isinasahod sa kanya. Hindi naman kasi direktang ito ang nagbibigay sa kanya ng sahod. “T-tamang-tama lang naman ho’ng makapagpadala ako sa pamilya ko sa probinsiya, Sir.” “May limang libo?” “Si Sir naman.” Muntik nang maapakan ni Mang Mando ang preno. “Wala pa nga ho’ng tres mil.” “Ganun ba?” Tila hindi makapaniwala si Dan Montero. “Anliit pala. Gawin nating singko mil, gusto mo?” Biglang naapakan ni Mang Mando ang preno dahil sa sobrang gulat at tuwa. “S-Sir?” Lalong hindi makapaniwala ang matandang drayber sa narinig. “Dadagdagan ko pa sa susunod na mga araw kapag mapatunayan ko ang loyalty mo.” “Naku, Sir... kung loyalty lang ho ay indi na ako mapagsabihan. Alam mo naman sigurong kahit buhay ko ay handa ko’ng itaya matupad ko lamang ng maayos ang aking tungkulin,” sa tono ng pananalita ni Mang Mando ay tumapang siya. Ito ang hinihintay ni Dan Montero. Nagagalak na tumangu-tango siya.

“Alam mo, Mando, sa buhay ng tao ay may panahong makagawa siya ng hakbang na para sa kanya ay makapagpaligaya, pero mali naman para sa iba...” Hindi tumingin sa salamin si Mang Mando ngunit napakunot ang kanyang noo. Hindi niya maunawaan ang tinutumbok ng kanyang amo. “Katulad mo, tao rin ako... at nagkakasala kung minsan...” sadyang hindi dinugtungan ni Dan Montero ang sinabi. “Meron ho kayong gustong gawin ko, Sir?” “Gusto kong’ ituring mo na ang makapagpaligaya sa akin ay makapagpaligaya din sa ‘yo... kahit mali para sa iba.” Napatawa si Mang Mando. “Siyempre naman ho, Sir. Kayo ang amo ko, e.” Ang tamis ng ngiti ni Dan Montero. Tumuloy ang kanyang isipan sa madaratnan niya sa kanyang resthouse sa Tagaytay. Sa muling pagkikita nila ni Cathy Imperial na ang nakapagitna ay pagnanasa sa laman. SA loob ng kanyang kotse ay nananangis si Mrs. Jane Montero. Nagsulyapan na lamang sina Mon at Zeny dahil sa pagtataka sa ginagawi ng kanilang boss. Hindi nila maunawaan kung bakit tila sobra ang concern na ipinapakita ni Mrs. Montero kaysa sa kanilang mga kaibigan ni Cathy. “G-God... huwag naman sana,” bahaw na usal ni Mrs. Montero. Ngunit malinaw itong narinig nina Zeny at Mon. “S-saan ho tayo tutuloy, Mam?” Kotse ni Mrs. Montero ang kanilang sinasakyan kaya dito nagtanong si Mon. Ngunit kay Zeny siya bumaling na tila inaasahang ang dalaga ang sasagot sa kanyang tanong. Nag-angat ng mukha si Mrs. Montero. Siya rin ay tila hindi malaman kung ano ang kanilang gagawin. “K-kung magre-report tayo sa pulisiya?” si Zeny. “Tiyak na magtatanong sila kung sino ang pinagsususpetsahan natin. Masasabi ba nating s-si...” Sinulyapan ni Mon sa salamin si Mrs. Montero. “Puwede namang manahimik tayo tungkol diyan. Trabaho nila’ng alamin kung sino ang mga suspect,” pakli ni Mrs. Montero. “Ang mahalaga’y makakilos agad sila upang masansala ang mas malalang krimen.” Sa police station ay identity lamang nina Cathy at Rex ang sinabi nina Zeny. Sinabi din nila ang deskripsiyon ng kotse ni Rex. Pati ang plate number nito. Mula sa police station ay bumalik sa opisina ng Golden Opportunity Systems ang tatlo. Doon pinag-isipan nilang mabuti kung ano ang gagawin habang naghihintay ng development mula sa mga awtoridad. “Tawagan mo ang lahat ng posibleng pinupuntahan ni Mister Montero,” utos ni Mrs. Montero kay Zeny na hindi mapakali sa kinauupuan. Agad ding kumilos si Zeny. Kahit nanginginig ang kanyang mga kamay ay tuloytuloy din ang kanyang pagdayal. Una siyang tumawag sa unit ng matanda sa Robinson’s Tower. Ngunit recording lang ang sagot. Pinapaiwan lang ang mensahe para sa tinatawagan. Pati sa bahay nina Mrs. Montero ay tumawag si Zeny. Ngunit nang sumagot ang maid na si Chedeng ay matagal na hindi nakaimik si Zeny. Hindi niya malaman kung ano ang sasabihin sa matandang babae. “I-ibig lang ho’ng malaman ni Mam kung nandiyan si Sir,” naidahilan ni Zeny kalaunan. Nang sumagot si Chedeng na wala ay agad ding nagpasalamat si Zeny at inilapag ang telepono. Hindi rin nagpabaya si Mon. Abala din siya sa pagtawag sa telepono. “A-ang cellular pala ni Sir?” si Zeny. Pinapatungkol ang tanong kay Mrs. Montero na umupo sa tabi ng dalaga.

Mapakla ang tawa ni Mrs. Montero. “Sa tingin mo kaya ay may babaerong magbibigay ng numero ng kanyang cellular sa asawa?” Napahinga na lamang ng malalim si Zeny. May punto si Mrs. Montero. Wala nga’ng taong magpapaulan ng kanyang inasnan. “Saan pa kaya puwedeng tumawag?” walang tinutukoy sa tanong ni Zeny. Diniidiin-diinan niya ang black button na convenience switch ng telepono. “Subukan natin sa Citiland Condominium,” si Mon. “Hindi na ‘yon maglalagi sa kanyang unit,” may diin na sabi ni Mrs. Montero. Hindi niya idinugtong na dahil nag-eskandalo siya doon kung bakit tinitiyak niyang hidi agad babalik doon si Dan Montero. “Subukan lang ho nating magtanong sa opisina nina Sir sa Citiland,” dugtong ni Mon. Namilog ang mga mata ni Mrs. Montero. “Opisina ni Sir mo sa Citiland?” ulit at tanong ni Mrs. Montero. “A-ang Suntown Management ho. K-kay Sir rin ho’ng opisina,” si Zeny ang sumagot. Ang naninikip na paghinga ni Mrs. Montero ay parang ungol sa pandinig nina Zeny at Mon dahil sa sobra nitong galit. Mahigpit na natikom ni Mrs. Montero ang dalawang kamay. Pati ang mga ugat sa kanyang leeg ay nag-igtingan sa sobrang poot. “Kontakin ninyo... and quick!”

XLVII

N

AGULAT si Rod nang makilala ang boses ni Zeny sa kabilang dulo ng telepono. Hindi niya inaasahang tatawag sa kanya ang dalaga. Ngunit nagalak siya. “R-Rod?” hindi maitago ang pangangatal sa boses ni Zeny. Agad napalitan ng pagtataka ang kagalakan ni Rod. “May problema ba, Zeny?” lumutang din ang pag-alala sa boses ng lalaki. Hindi malaman ni Zeny kung sasabihin niya agad ang problema. Tinakpan muna niya ang mouthpiece ng telepono at sinabi kay Mrs. Montero kung sino ang kanyang kausap sabay tanong kung ano ang sasabihin niya sa lalaki. “Just ask him kung nasaan si Sir mo.” Iyon ang itinanong ni Zeny. At ang sagot ni Rod ay agad ding sinabi ni Zeny kay Mrs. Montero. “Kanina pa raw ho umalis, Mam. Sabi ni Rod ay baka nandoon na ngayon si Mister Montero sa Tagaytay.” “Tagaytay?” Kumunot ang noo ni Jane Montero. Kinuha niya ang telepono kay Zeny. “Rod? Si Misis Montero ‘to. Saan sa Tagaytay nagpunta si Sir mo?” “Sa resort ho ninyo, Mam.” Sa aming resort? Parang isigaw ito ni Mrs. Jane Montero. Ngunit nanahimik na lamang siya dahil naunawaan niyang walang alam si Rod tungkol sa di-pagkakaunawaan nila ni Dan Montero. Gusto sana ni Jane Montero na magtanong kung saan ang location ng resort ngunit nahihiya rin siya. “S-sige, Rod... thank you,” nasabi na lang ni Mrs. Montero at ibinaba ang telepono. “Zeny, tawagan mo uli si Rod. Alamin mo kung ano ang address ng resort. Pupunta tayo doon. Pero do not tell him na pupunta tayo doon. Baka masabi niya kay Dan at makaiwas pa. Magkunwari kang hindi ko alam na gusto mong malaman ang address.” Agad ding kumilos si Zeny. Ilang sandali pa. “Nahihirapan daw ho siyang magbigay ng sketch, Mam,” sabi ni Zeny na tinatakpan ang mouthpiece ng telepono. “Kung gusto ko raw hong’ sumama ngayon ay puwede dahil pupunta sila doon. Ihahatid raw ho niya ang dalawang Belgian na gustong makipagkita kay Sir.” “Hindi piknik ang sadya natin doon,” si Mon. “Maniniktik ang sadya natin.” “Alam ko.” Tila nairita si Zeny sa sinabi ni Mon. “Sinasabi ko lang ang sabi ni Rod.” “Huwag na kayong magtalo... please,” pamagitan ni Jane Montero. “Ang kailangan natin ay ang magtulungan.” Napahinga ng malalim si Mon. Paraan niya ito sa pagsisisi sa di-sinasadyang pagsugat niya ng damdamin ni Zeny. “Ang mabuti pa, palihim na lang nating sundan ang kanilang sasakyan.” “Hindi kaya tayo mahirapan?” si Zeny. Binalingan niya si Mrs. Montero. Tinanong ng tingin niya ang opinyon ng kanilang boss.

“Sa sitwasyong ito ay kailangang magbakasakali.” Seryuso na ang mukha ni Mon na tumingin sa dalawa. “Ang problema lang kung makilala ni Rod ang kotse ni Mam at malamang sumusunod sa kanya. Maaaring masabi niya kay Sir.” “Kung makabubuting sundan natin sila... gawin natin,” sabi ni Mrs. Montero. “Kung problema namang makilala ang aking kotse... hahanap tayo ng iba. Puwede nating hiramin ang kotse ni Brenda,” si Brenda Larsen ang tinutukoy ni Mrs. Montero. Iisang building lang ang pinag-oopisinahan nila ni Brenda kung bakit madaling naayos ang palitan ng kotse. Ilang sandali pa ay nag-aabang na sina Mon, Zeny at Mrs. Montero malapit sa Citiland Condominium sa paglabas ng sasakyan nina Rod na susundan nila patungo sa Tagaytay. SA cottage ay tahimik na magkaharap sina Cathy at Rex. Tila nawalan na si Rex ng interes mag-isip kung paano sila makatakas. Maliban sa mga guwardiya ng cottage sa labas na hindi nila mahulaan kung ilan, nariyan pa ang grupo na kumidnap sa kanila. Si Cathy ay tila wala ng nadaramang kung ano dahil medyo nakalmante nang makapagpahinga sila. Ilang beses itong naidlip at sandali ring nagmulat. “M-makabubuti nga’ng matulog ka muna. Makapagpahinga ang iyong isipan,” sabi ng binata kay Cathy. “Madaling mag-isip kung nakapagpahinga ang isipan.” “Tama,” sabad ni Bodoy na ngumisi. Nakaupo siya sa di-kalayuan sa kinaroroonan nina Cathy. Sumandal siya sa silya at ginawang unan ang dalawang kamay. “Huwag kayong mag-alala. Makapagpahinga kayo ng mabuti dahil babantayan namin kayo ng mabuti.” Ngumisi ang dalawang kasama ni Bodoy. Ngising naging malakas na tawa nang tumawa si Bodoy. Ngunit sandaling natigil ang tawanan nang biglang pumasok ang humahangos na guwardiya ng cottage. “Lumipat kayo sa terasa sa likod, dali,” sabi ng guwardiya na ipinagtaka ng grupo nina Bodoy. Agad din itong napuna ng guwardiya na pilit ngumiti. “Mas mabuti doon sa terasa sa likuran. Maganda ang view at tiyak mawiwili kayo.” Hindi na nakatanggi ang grupo nina Bodoy dahil kahit nakangiti ang guwardiya ay ang dulo ng armalite nito ang ipinansenyas upang kumilos na sila. Hindi na naghintay si Rex na balingan sila ng guwardiya kundi tinanguan na lang niya si Cathy na sumunod sa kanya. Agad din itong tumayo. Ngunit sa isipan ni Rex ay itinatanong niya kung bakit ilipat sila sa likod. Bago naisara ng guwardiya ang pintuan na kanilang pinasukan patungo sa terasa ay narinig ni Rex na nagbukas ang steel gate sa labas at ang ugong ng pumasok na kotse. Nasagot ang tanong sa isipan ni Rex. “Tiyak... si Dan Montero ang dumating,” bulong niya kay Cathy. Nanigas ang kalamnan ni Cathy nang marinig ang pangalan ni Dan montero. MABILIS na lumapit ang guwardiya sa kotse ni Dan Montero nang huminto ito sa garahe. Agad na binuksan upang makalabas ang amo. Nakangiting tinapik ni Dan Montero ang balikat ng guwardiya na umalalay pa upang makalabas siya sa kotse. “Kumusta kayo dito, bata?” Umunat si Dan Montero upang mawala ang kanyang pagod sa mahabang biyahe. Iginala niya ang tingin. Nang matigilan siya. Kumunot ang kanyang noo. Sinundan ito ng paninigas ng kanyang mukha. “Kotse ‘yan ni Sevilla. Bakit nandito?” Kilala ni Dan Montero ang kotse ni Rex. Kabisado niya pati plaka nito. ‘“Yan ho ang sinakyan nila, Sir.” “Ang hayup!” bulong ni Dan Montero na ang tinutukoy ay si Bodoy. Binalingan niya ang guwardiya. “Tawagin mo sila. ‘Yong mga bugoy lang. Gusto ko silang makausap. Hihintayin ko sila sa conference room,” pagkasabi ay agad tumalikod si Dan Montero.

Moderno ang pagkayari ng conference room ng cottage. Nasa basement ito at napakalaki. Maa-accomodate nito ang mahigit sa limampung mga bisita na makaupo lahat paikot sa isang sentro kung saan naroroon ang isang malaking fountain. Solidong kristal ang paikot na dinding nito maliban lamang sa panulungan o pinakaharapan. Saglit na iginala ni Dan Montero ang paningin sa kabuuan ng silid. Mayamaya’y tinungo ang panulungang dinding kung saan may nakasabit na mamahaling wall carpet. Naglalampungang mga kabayo ang desinyo nito. May diniinan si Dan Montero sa gilid ng carpet. Unti-unting nagkaawang ang isang bahagi ng dinding. Mayamaya’y bumokas. Isa itong secret door. Pumasok si Dan Montero. Pagkatapos isinara ang lihim na pintuan. Mula sa pinasukan ni Dan Montero ay malinaw na makikita niya ang kabubuan ng conference room. May speakers din na nainstala upang marinig niya ang ingay mula sa conference room. Ngunit ang ingay sa kanyang kinalalagyan ay hindi maririnig sa labas kung hindi niya gugustuhin, sa pamamagitan ng switch. Soundproof ang bawa’t silid at maririnig lamang ang ingay mula sa isa patungo sa isa sa pamamagitan ng speakers na ang pagkalagay ay hindi mahalata sa hindi nakakabisa ng silid. Umupo si Dan Montero sa isang swivel chair na nakaharap sa control panel. Nakadungaw ito sa one-way mirror na nakapagitna sa silid at conference room. Naghintay siya. Mayamaya’y pumasok ang grupo nina Bodoy. Sa likuran nila ang guwardiyang nagsara ng pintuan nang makapasok na ang grupo. Naiwan sina Bodoy na nagtataka sa kanilang pinasukan. Pinisil ni Dan Montero ang buton sa control panel. Nakita niyang unti-unting tumigil ang pagpulandit ng tubig sa fountain sa conference room. Hanggang lumitaw ang marmolisadong entablado. Lalong nagtaka sina Bodoy. Nakangiti namang tumayo si Dan Montero.

XLVIII

“W

ELCOME sa aba kong’ pahingahan,” bati ni Dan Montero kina Bodoy na nagulat dahil hindi napansin ng mga ito ang kanyang paglapit. Matigas ang boses ni Dan Montero. Hustler si Bodoy. Naramdaman agad niyang hindi maganda ang saloobin ni Dan Montero. Sa nakasanayang laro, kung hindi siya marunong makiayon, pusoy siya. Kaya sinikap niyang maitago ang kanyang pagkagulat. “Maganda ho ang pagkayari nitong pahingahan mo, Boss. Hindi basta-bastang malaman kung saan ang lagusan. At itong entablado, tiyak na marami ang gamit nito.” Inilipat ni Bodoy ang paningin sa entablado. Masusing sinipat na tila hinahanap ang dinaanan kanina ng tubig nang fountain pa ito. Ngunit hindi basta-basta mapansin dahil napakapulido ng pagkayari. Kasingpulido ng salaming dinding at ang pintuan nito. Hindi na nga niya maituro kung saan sila dumaan kanina. “Ang taguan ay kailangan talagang maging pulido. Kasingpulido ng kahit na anong’ dapat gawin para maiwasan ang bulilyaso.” Naunawaan na ni Bodoy ang tinutukoy ni Dan Montero. “Kung minsan ho may mga hakbang na parang bulilyaso kung tingnan. Pero kung sipatin doble palang’ grasya ang aanihin.” Palihim na sumenyas si Bodoy sa kanyang mga tauhan. Palihim ding sumagot ang mga ito. Kumunot ang noo ni Dan Montero sa narinig. “Doble? Baka dobleng disgrasya ang ibig mong’ sabihin?” Tumalim ang mga mata ni Dan Montero. “Para sa akin ang tinitingnan ko lang ay ang gawaing aking binabayaran. Hindi ang gawain ng taong aking binabayaran.” Nag-init ang pakiramdam ni Bodoy. “Hindi ko ho pinapabayaran ang hindi sakop ng ating kasunduan, Boss. Marunong kaming tumupad sa aming salita. Ang sa babae lang ang sisingilin namin.” “At bakit pati si Sevilla ay hinatak ninyo rito?” Sumabog si Dan Montero. Galit, naitikom niya ang dalawang kamay. “At kotse pa niya ang inyong ginamit! Magiging sagutin ko pa siya! Hahanapin siya dito ng mga awtoridad!” “Responsibilidad ko na ho siya. ‘Yan ang sinasabi kong dobleng grasya ang aanihin. Babayaran mo kami sa babae... makakasingil pa kami ng ransom sa lalaki.” Ngumisi si Bodoy. “Na hindi ako madadamay?” pakli ni Dan Montero. “Malinis ho kaming’ magtrabaho. Maaasahan ho ninyo ‘yan.” Nagpakita na ng pagkaasar si Bodoy. “Kailangan ko ang pera. Gusto naming makaalis agad dito.” Hindi man kumbinsido si Dan Montero ay napilitan siyang umayon kay Bodoy. “Marunong din akong tumupad sa usapan.” Ngunit sa likod ng binanggit ni Dan Montero ay nakatago ang isang maitim na balak dahil sa pagkasangkot ni Rex. “Makukuha ninyo ang pera sa guwardiya doon sa gate.” Ngunit hindi kumilos sina Bodoy. “Gusto kong makita muna ang pruweba na may pera nga doon.” “Sumunod kayo sa akin.”

Dinala ni Dan Montero ang grupo sa isang bahagi ng conference room na kinaroroonan ng TV monitor. Sa ilalim nito ay may nakahanay na buton. Isa dito ang diniinan ni Dan Montero. Umandar ang monitor. Isa pa ang diniinan niya. Lumabas sa screen ang interyor ng guardhouse. Nakita nila ang isang itim na attache case na nakapatong sa isang shelf sa ulohan ng guwardiya. “Guard,” sabi ni Dan Montero sa isang built-in microphone na hindi nakikita nina Bodoy. “Buksan mo ang attache case at bilangin ang laman.” Nakita nila na inabot ng guwardiya ang attache case. Binuksan. At napalunok si Bodoy nang makita ang maayos na salansan ng papel de bangko sa loob ng attache case. Malinaw din na nakita nila ang taong nakapangalumbaba sa bawa’t salansan ng pera. Si Ninoy! Tiglilimang daang piso. Nakita ni Bodoy na bale apat na salansan ang pera. Naisip niya na kung tigsisingkuwenta mil ang bawat salansan, dos sientos mil pisos ang kabuuang pera sa attache case. Tama ang hula ni Bodoy. “Two hundred thousand pesos ho lahat, Sir,” tinig ng guwardiya na narinig nina Bodoy. “Tig-fifty thousand ang bawat salansan.” Nilingon ni Dan Montero si Bodoy. “Hindi ako pumapalpak sa usapan. Ngisi lang ang isinagot ni Bodoy. “Ibigay ‘yan sa ating bisita pagdaan nila,” patungkol ni Dan Montero sa guwardiya bago tumalikod. Sumunod din sina Bodoy. “Isang babala,” sabi ni Dan Montero nang makalabas na sa conference room. “Kailangang walang malalaman si Sevilla kung hanggang saan nakarating. Bahala kayo kung ano ang gawin ninyo sa kanya. Basta tiyakin ninyong hindi ako madadamay.” Nang makaalis na sina Bodoy ay agad nagbalik sa conference room si Dan Montero. Kinausap niya ang guwardiya sa guardhouse. Binigyan ng intsruksiyon. “Areglado na ho, Sir,” sabi ng guwardiya na humarap pa sa camera at nag-thumbs up. “Malakas ang time bomb na inilagay ni Sid. Tiyak hong wala kahit amoy na makuha kapag sumabog na ang bomba.” Hindi na nagsalita si Dan Montero. Tumangu-tango na lamang siya. Ngunit hindi siya umalis sa harap ng monitor. Maya-maya ay nakita niya ang paglapit nina Bodoy sa guardhouse. Nakita din niya ang pagbigay ng guwardiya kay Bodoy ng attache case. Sigurista si Bodoy. Binuksan ang attache case nang makuha ito. Inusisa ang kwarta. Naisip na baka nasingitan ng hindi pera. Nang matiyak na walang daya, nakangising isinara. Inilahad ang kamay sa guwardiya. “Ang mga kargada namin?” ang mga armas ang ibig sabihin ni Bodoy. Sumenyas muna ang guwardiya sa kanyang mga kasama na agad ding nagsikilos. Sabay-sabay silang tumutok ng kanilang mga armas kina Bodoy. Nang magawa ito, noon at ibinalik ng guwardiya ang kargada nina Bodoy. “Naniniguro lang kami,” sabi ng guwardiya na nakangiti. “Pati ang kotse at drayber ninyo ay ibabalik namin.” Katatapos lang ng guwardiyang magsalita nang huminto sa kanilang harapan ang kotse ni Rex. Ang binata ang nagmamaneho habang sa tabi nito ay may guwardiyang ang armas ay nakatutok dito. Bumaba ang guwardiya. Pinalipat ni Bodoy sa back seat si Rex. Pinagitnaan siya ng dalawang tauhan ni Bodoy. Si Bodoy ang nagmaneho. Mabilis ang takbo ng Honda Civic palayo sa cottage. Umuungol ang makina dahil sa malakas na pagdiin ni Bodoy sa silinyador. Naghalo sa ungol ng makina ang malakas na hiyawan nina Bodoy.

Sa terasa sa likod ng cottage ay hindi malaman ni Cathy kung saan susuling. Mula kaninang sapilitang kinuha ng armadong tao si Rex, wala na siyang ginawa kungdi sikaping mabuksan ang pintuan. Ngunit matibay ang lock nito. Sinubukan din ni Cathy na wasakin ang dinding na kristal ngunit naisip niyang delikado kung kamay lang niya ang gagamitin. Wala naman siyang nakitang pupuwedeng ihampas sa salamin. Mabigat din naman ang mga bangkong bakal upang ipukpok sa salamin. Hindi din maasahan ang ash tray. Maliit lang namang butas ang nagawa nito sa salamin ng ibato ni Cathy. Nagkaroon nga naman ng maraming lamat ngunit hanggang sa lamat na lang. Sinubukan sana ni Cathy na sa railings ng terasa dumaan. Ngunit nanlamig ang kanyang tiyan nang matuklasang ang terasa ay halos nakalutang pala sa hangin. Nakatunghay pala ito sa napakalalim na bangin. At kapag nalaglag siya, tiyak ang kanyang kamatayan. Binalikan ni Cathy ang pintuan at binalya. Matibay ang kandado. Talagang hindi matinag. Sa inis at desperasyon, sinipa niya ito. Ngunit hindi tumama ang kanyang paa sa pintuan. Kasabay ng kanyang pagsipa ang pagbukas ng pintuan. Muntik na siyang tumihaya. Ngunit bumagsak siya. “I hope you enjoy the scenery.” Ang boses ay nagpaliksi kay Cathy upang makatayo.

XLIX

“H

AYUP ka!” Parang may spring ang nabagsakan ni Cathy na agad nagpatalon sa dalaga upang makatayo nang marinig ang boses ni Dan Montero. Dinaluhong niya ang matanda na nakaharang sa pintuan upang makalabas. Ngunit tumalsik siya. Matatag ang pagkahawak ni Dan Montero sa hamba ng pintuan kaya hindi siya nadala ng daluhungin ng dalaga. Ang pagtalsik ni Cathy ay sinundan na lang niya ng mahinang tulak. Tumihaya ang dalaga. “Walang makatutulong sa ‘yo dito.” “H-huwag kang lalapit!” Umiisod palayo at sinisikap tumayo ni Cathy. Nang makatayo ay tumakbo. Umakmang aakyat sa railings. “Kung gusto mong magkadurog-durog ang mga buto mo pagbagsak sa ibaba, sige!” idiniin ni Dan Montero ang pananakot. Ngunit hindi siya lumapit sa dalaga sa pagalalang ituloy nito ang pagtalon. Wala namang balak tumalon si Cathy. Nakita na niya kanina kung gaano ka nakalulula ang lalim ng bangin. Hindi niya kakayanin ang panlalamig sakaling bumulusok siya pailalim. Mahal niya ang kanyang buhay. At kailangang humanap siya ng paraang hindi madungisan ang kanyang pagkababae at manatiling buhay. “Pagbabayaran mo ng mahal ang ginagawa mong’ ito sa akin!” Nagtatagis ang mga ngipin ni Cathy. Umiinit ang kanyang mga mata subali’t wala ng lumalabas na luha. Kung may luha man, marahil hindi pa man namumuo ay agad ding matuyo dahil sa singaw ng poot ng dalaga. “Kung darating pa ang pagkakataong ‘yan.” Humakbang palapit si Dan Montero. Tumiim ang kanyang mukha. “Walang pagkakasalang hindi pinagbabayaran, Rodante Montero!” Bahagyang lumayo sa railings si Cathy. Ngunit paiwas siya sa lumalapit na lalaki. “Kung makasisingil ka pa... at kung may pasisingilin ka,” nanunudyong sabi ni Dan Montero. “Kung inaasahan mo si Rex... hindi na ‘yon babalik!” Tila ngayon lang naalala ni Cathy si Rex. Dumalas ang kabog ng kanyang dibdib. Naalala ang armadong taong kumuha kay Rex. “S-saan dinala ng tauhan mo si Rex?” Minasdan ni Dan Montero ang kanyang relo. At napangisi ng mala-demonyo. “Any moment from now magkikita na sila ni San Pedro.” Hindi na ni Dan Montero inialis ang mata sa relo. Iginalaw-galaw pa niya ang isang daliri na tila nagbibilang. At sa biglang galaw ng kanyang daliri, sinundan ito ni Dan Montero ng biglang tikom ng kanyang kamay. “Bong!” dagdag pa ni Dan Montero. Ngunit bahagya lang narinig ni Cathy ang sigaw ng matanda dahil pumaibabaw ang isang nakatutulig na pagsabog na halos nagpauga sa cottage. Alam ng dalaga na malayo ang pinagmulan ng pagsabog dahil sa tunog nito ngunit natiyak niya ang pinsalang maaaring nagawa nito sa mismong nasabugan. Agad pumasok sa isipan ni Cathy si Rex. At nagpabangis ito sa kanya. Humihiyaw na dinaluhong ni Cathy si Dan Montero. Naninigas ang nanunuwid na mga daliri. Ngunit umilag lamang ang nakangising si Dan Montero at pinalagpas ang

dalaga. Sinabayan ito ng hablot sa damit ni Cathy. Nakangingilo ang tunog ng pagkapunit. Nahiwa ang likurang damit ng dalaga. HABANG papalayo na kanina ang kotse na ang nagmamaneho ay si Bodoy nakaramdam na ng tiyak na panganib si Rex. Lalo na nang tinatalunton na nila ang kalsadang marami ang nagsasalubungan. Pinadapa siya ng isa sa kandungan ng isa pa sa tabi niya para hindi siya mapansin sakaling may sumilip mula sa labas. Ang ulo ni Rex ay idiniin pa ng taong kinadadapaan niya kaya halos ngumudngod ang kanyang mukha sa sahig ng sasakyan. Nang biglang may naulinigan ang binata na tumulig sa kanya. Kahit mahirap ang kanyang posisyon ay pinagsikapan ni Rex na madala palapit sa tainga ang kamay niyang may relo. Pinakinggan niya ito. Ngunit hindi galing sa kanyang relo ang narinig na tiktak. Dahan-dahan niyang pinihit ang kanyang ulo. Nasulyapan niya ang kamay ng kanyang kinadadapaan na nakapatong sa sandalan ng driver’s seat. At natiyak ni Rex na hindi rin ito ang tumutunog. Ibinaba pa ni Rex ang kanyang ulo. Lumakas ang tunog na naririnig niya. Dinala niya ang kanyang paningin sa ilalim ng driver’s seat. At muntik na siyang mapaisigaw sa nakita. May nakakabit na parang kahon sa ilalim ng upuan. May nakalitaw pang dalawang electrical cord. Natiyak kaagad ni Rex na time bomb iyon. Hindi siya paniniwalaan kung sisigaw man siyang may bomba, naisip ni Rex. Sasabihin lang nina Bodoy na namba-bluff lang siya upang magkaroon ng pagkakataong makatakas. Biglang pinagpawisan ng malapot si Rex. Pakiramdam niya ay huminto ang andar ng aircon ng Honda Civic. “Ang init!” sabi ng lalaki na bumungisngis. Umisod siya palapit sa katabi sabay tulak ng katawan ni Rex sa gilid. Inangat naman ni Rex ang kanyang katawan at umisod palapit sa pintuan. Ang kanyang pag-isod ay sinundan pa ng tulak sa kanya ng lalaking kinadadapaan niya. Bumuwelo ang kanyang katawan sa pintuan at bumangga ang kanyang ulo sa door latch. Suwerte! Muntik itong isatinig ni Rex. Buong bilis na pinihit niya ang latch at isinikad ang paa sa taong nasa kabilang gilid. Bumuwelo ang kanyang katawan nang mabuksan ang pintuan ng kotse. Rumagusros siya sa kalsada habang gumugulong. Nagkagulo sina Bodoy na ang akala ay natakasan lamang sila. Mabilis na diniinan ni Bodoy ang preno at inutusan ang dalawang kasama na habulin si Rex. Ngunit hindi pa nakalabas ang dalawa nang sumabog. Pakiramdam ni Rex ay inangat siya at ibinagsak. Nakita pa niya ang pag-angat ng kanyang kotse at ang pagkawasak nito sa ere bunga ng napakalakas na pagsabog. Ang impact ay nagpalakas ng alingawngaw kaya ang mga piraso ng nawasak na sasakyan ay nagliparan sa bangin. Saglit lamang ang pagkagimbal ni Rex. Nang panumbalikan ng wisyo ay tumakbong pabalik sa cottage. MALAYO pa ang sinasakyan nina Zeny at Mrs. Jane Montero sa pinangyarihan ng pagsabog ngunit pakiramdam nila ay tumalbog ang kotse. “Dahan-dahan lang, Mon,” si Mrs. Montero. “Mahina lang ho ang takbo natin, Mam,” sagot ni Mon. “Hindi naman ho tayo makapagpabilis dahil baka lumapit tayo ng husto sa kotse nina Rod at mapansin niya tayo. Siguro dahil ho do’n sa pagsabog ang pag-ekis natin.” “P-parang binabayo ang dibib ko. B-bakit bigla akong kinabahan?” si Zeny. “R-relaks,” si Mrs. Montero. “Granada ‘ata ‘yong sumabog. At hindi naman siguro puwedeng granada ang gamitin ng kidnaper nina Cathy.” Pilit din ang pagtago ni Mrs. Montero ng kanyang pangamba.

Binilis-bilisan ni Mon ang pagpatakbo nang marami na silang dinadaanang sharp curves upang hindi mawala sa kanyang paningin ang sinusundang kotse. Bumilis din ang kotseng sinusundan nina Mon. Marahil ay nag-alala o kinabahan din ang mga sakay nito sa narinig na pagsabog. NASA pader na ng cottage si Rex. Nagtago siya sa makapal na mga baging na nakakapit sa ginupitang mga tanim. Ang problema niya ngayon ay kung paano makapasok. Malibang sarado ang gate, tiyak na hindi siya papasukin ng guwardiya. Lumigid si Rex hanggang makarating siya sa kanto ng pader. Dito hindi tuloy-tuloy ang pader paliko sa likuran dahil napakalalim ng bangin. Mga tatlong dipa lang ang napaderan mula sa harap. Sa dulo ng pader ay halos pinakatuktok na ng malaking puno ang makita dahil sa lalim ng bangin. Sinilip ni Rex ang layo ng mga sanga sa pinakamalapit na punong malapit sa dinding ng cottage. Medyo malayo at maabot lamang kung malakas kang lumundag. Napag-isipisip ni Rex na mahihirapan siyang makapasok sa cottage kung dito dadaan. Matamlay ang katawang humakbang siya pabalik. Ngunit nadulas ang kanyang paa at dumausdos siya. Pakawag na humawak sa kahit anong mahawakan ng kanyang kamay. Nangalaglag ang nakausling mga bato na masagi ng kanyang kamay. Gumawa ito ng ingay. Kaydaling naglabasan ang mga guwardiya. Narinig ni Rex na sa kanyang kinaroroonan patungo ang mga yabag ng mga guwardiya. Narinig din niya ang lagitikan ng mga armas. Todas! nausal ng binata. Tiyak na wala siyang ligtas. Sa ipit na kalagayan ay naipasya ni Rex na magbakasakali. Pikit-matang sumikad patalon upang makahawak sa sanga ng malaking puno. Taimtim ang kanyang dalangin na sana ay maabot niya ang sanga.

L

N

APATIIM-BAGANG si Rex nang makakapit ang dalawang kamay sa sanga ng puno. Tila maputol ang kanyang mga ugat sa labis na pag-igting upang makaya ang kanyang katawan. Sa konting pagkakamali sa kanyang kilos ay tiyak na bubulusok sia sa bangin. Saglit na nagpahinga si Rex habang nakalambitin. Dahan-dahang huminga upang panumbalikan ng lakas. At nang makaramdam ng konting ginhawa ay nagsimulang umindayog. Ilang beses siyang umindayog habang kinakalkula ang layo ng isa pang sanga ng isang punong malapit sa terasa. Isang malakas na indayog ang ginawa ni Rex at bumitiw. Handa ang dalawang kamay niya upang makalipat sa isang sanga. SA isang kurbada ay biglang napapreno si Mon. Muntik nang mangudngod ang mga mukha nina Zeny at Mrs. Montero sa sandalan ng front seat. “B-bakit?” si Zeny ang unang nakapagsalita. Dumungaw siya upang makita ang kanilang daraanan. “Ssssh.” May itinuro si Mon sa unahan. Nakita nila ang nakahintong kotse nina Rod na kanilang sinusundan. Mayamaya’y bumukas ang mga pintuan nito. Unang lumabas ang isang foreigner. Nakilala agd ito ni Zeny. “Si Maurois Stacke,” pabulong na sabi ni Zeny. “Bakit kaya?” Nasagot ang tanong ni Zeny nang makita nilang lumabas si Rod. May dinampot ito sa unahan ng kotse. Nakita nina Mon ang warat na gulong na initsa ni Rod sa tabi ng daan. Si Maurois ay may dinampot ding tila kinuyumos na parang plastik. Puti ang kulay nito. “P-parang bumper ‘yan,” biglang nabigkas ni Mon. “B-baka...” “Baka ‘yan ang sumabog kanina,” dugtong ni Zeny. “Hindi ba puti din ang kotse ni Rex?” wala sa loob na naitanong ni Mrs. Montero habang hindi inaalis ang tingin sa dinampot ni Maurois na itinapon nito sa tabi. Tila may nagkalabugan sa dibdib ni Mon na nagpasikip ng kanyang paghinga. “Bbaka kotse ni Boss...” Sa sinambit ni Mon ay tila may bumara sa hingahan ng dalawang babae. Sandaling nagkatinginan ang tatlo. Mayamaya’y tiim-bagang na pinasibad ni Mon ang kotse at bigla ring nagpreno nang makalapit sa kotse nina Rod. “Huwag lang sana,” dasal ng isipan ni Mon. Napaawang ang bibig ni Rod sa pagtataka nang makita ang sakay ng kotseng biglang huminto malapit sa kanila. Humakbang siya palapit sa tatlo na halos magkasabay na bumaba at lumapit din sa kanya. “M-Mam... Zeny... Mon?” Ang tingin ni Rod ay nasa kay Mrs. Montero. Walang imik na tinungo ni Mon ang itinapon ni Maurois na parang plastik na puti. Pinulot ito ni Mon. “Bumper nga ito,” sabi ni Mon na sinikap bulatlatin ang nagkayupi-yuping bumper. Nang maibuka niya ang bumper ay may nakita siyang plaka na yupi-yupi. Pinilit niya

itong maibuka. Ngunit konti pa lang ang naibuka niya nang makita ang numero ng plaka. Biglang nanginig ang kanyang mga tuhod. “Hindi!” Halos sabay-sabay na nagsilapit sa kanya ang dalawang babae at sina Rod. “Kotse ito ni Boss!” halos naisigaw ni Mon na muling ibinuka ang yuping plaka. “Ito ang plaka ng kotse ni Boss.” Nagkatinginan sila. Lahat sila ay nagimbal sa naiisip na nangyari kay Rex sa pagkawasak ng kotse nito. NAKALIPAT na si Rex sa punong malapit sa terasa. Ang kinapatungan niyang sanga ay tinatantiya niyang may agwat na tatlong dipa mula sa railing ng terasa. Ngunit ang dulo nito ay halos nakapatong na sa barandilya. Ang problema niya ngayon ay kung paano makapangunyapit sa barandilya. Hindi niya makayang lundagin mula sa kanyang kinapapatungan. Hindi rin puwedeng tumulay siya patungo sa dulo dahil yumuyutyot ito kapag magpadulo siya. At lalo lamang itong lalayo sa barandilya kung yumutyot dahil sa kanyang bigat. Saglit siyang nag-isip. Mayamaya’y napatingala siya at nakita niya ang isang halos tayung-tayong sanga. Hindi ito gaanong malaki ngunit mahaba. Tuwid ito dahil walang maliliit na sanga sa katawan nito maliban na lang sa dulo. Kinalkula ni Rex ang haba ng sanga at ang bigat na makapagyutyot nito. At nakaramdam ng pag-asa ang binata. Dali-dali siyang umakyat sa sanga. Ngunit hindi pa siya nangangalahati ay yumutyot ang sanga. Lumapat ang dulo nito sa barandilya. Parang tulay. Ngunit hindi makatawid si Rex. Kung hindi mabali ang sanga mayuyutyot ito palayo sa terasa. Dahan-dahang bumalik sa unang sanga si Rex. Pinag-isipan ang mabuting gawin. Iniwasan niyang umindayog ang sanga. Nakarating siya sa kalagitnaang hindi nayutyot ang sanga. Maingat siyang umakyat pa. Sinisikap na mabalanse ng husto ang bigat upang hindi yumutyot ang sanga. Mahigpit ang kanyang pagyakap dito. Sa inut-inot ay naabot niya ang dulo ng sanga. Saglit siyang namahinga. Minasdan ang terasa sa ibaba. Kung papalarin ay makakakapit siya sa barandilya. Kung mamalasin naman, tiyak bubulusok siya sa ilalim sa mabatong bangin. Bahala na, sulsol ng kanyang puso. Umigpaw si Rex. Paindayog sa direksiyon ng terasa. Umipekto ang kanyang bigat. Biglang yumutyot ang sanga. At bago nakabalik ang katawan ni Rex sa pag-indayog niya, lumapat ang kanyang mga paa sa barandilya. At sabay sa pagbitiw niya sa kinapitang sanga ay tumalon siya papasok sa terasa. Kumalabog pagbagsak niya sa sahig. Sa sala ay napapitlag ang isang guwardiya na nagbabasa ng magasin nang marinig ang lagabog sa terasa. Mabilis siyang tumayo habang ang isang kamay ay nakahandang bumunot ng armas. Ngunit hindi pa siya nakahahakbang ay biglang lumitaw ang dalawang pusang naghahabulan. Nagkakandabangga ang babaeng pusa sa sobrang pagiwas sa lalaking pusa. Napailing na lamang ang guwardiya na muling umupo at binalikan ang pagbabasa. Nakahinga ng maluwag si Rex nang makita ang guwardiya na pinagpatong ang nakaunat na mga paang nakapatong pa sa mesita. Kung itinuloy ng guwardiya ang paglapit sa pintuan ay nakita sana si Rex na dumapa na lang sa sahig at nagkubli sa upuang malapit sa pintuan. Nakapagpasalamat si Rex sa dalawang pusa na nagkataong nakarating sa terasa sa paghahabulan. Maingat na kumilos si Rex. Pagapang na lumapit sa pintuan. Halos pigilin niya ang paghinga upang maiwasan ang ingay. Ngunit tila isigaw niya ang dasal na sana huwag

mapalingon ang guwardiya na ngayon ay nakangiti pa. Siguro’y nakatatawa ang binabasa, bulong ni Rex na naisingit niya sa tahimik na panalangin. Malakas yata ang tahimik na panalangin ni Rex. Hindi nga nakalingon ang guwardiya hanggang sa nakarating si Rex sa isang malaking pintuan sa bandang likod ng kinaroroonan ng guwardiya. Sarado ang malaking pintuan. Maliban sa pintuang dinaanan niya kanina mula sa terasa, ang mayor na pintuan na lang mula sa labas ng cottage ang nakita ni Rex. Bukas ang mayor na pintuan at matanaw pa niya ang guardhouse na may dalawang guwardiya na nag-uusap. Sa bandang tagiliran ni Rex ay may nakita siyang alley ngunit hinuhulaan niyang hindi doon pumunta sina Cathy dahil sa porma ng pasilyo parang patungo ito sa bathroom. Nilingon ni Rex guwardiya. Maingat na hinawakan ang door knob at dahan-dahang pinihit. Lumagitik. Nabuksan. Tila dumalas ang paghinga ni Rex habang unti-unting itinutulak ang pintuan. Maganda ang pagkagawa ng pintuan. Hindi man lang umingit. Kaya naiawang ni Rex ang pintuang puwede na siyang makapasok na hindi napansin ng guwardiya. Dahan-dahang pumasok si Rex. Maingat na maingat ang kanyang kilos. Ngunit bigla siyang napapitlag nang marinig na umubo ang guwardiya. Mabilis na nakapasok si Rex sabay ang pagsara ng pintuan. At halos kasabay din ang pagkalaglag ni Rex sa butas. At ang kanyang nabagsakan ay maluwang na silid sa basement. Sa binagsakan ay saglit na nagpalinga-linga si Rex. Hindi siya nanibago sa uri ng silid na kanyang napasok. Sa mga nabasa at nakita sa sine, alam niyang conventional na conference room ng mga sindikato ang kanyang kinaroroonan. Iginala niya ang tingin sa pabilog na dinding na salamin. Wala siyang nakitang pintuan. At nang tumingala siya sa pinanggalingan ay nagulat siya nang makitang hindi na mapansing may daanan. Napailing siya. Sa dalawang panulungan ay nakita ni Rex na may nakakabit na TV monitor. Sa ilalim ng bawat isa ay may napuna siyang mga control knob. Lumapit si Rex sa isa sa mga ito na malapit sa kanya. Hindi sinasadyang diniinan ang isang knob. At nagulat siya nang dumagundong sa speaker ang malakas na tawa. Si Dan Montero!

LI

A

NG malakas na halakhak ni Dan Montero ay tila matalim na panunuya sa pandinig ni Rex. Nag-init ang kanyang tainga at parang may dumamba sa kanyang dibdib. Pakiramdam ng binata ay gusto niyang pigain si Dan Montero upang lumabas sa katawan nito ang lahat nang dagta ng kademunyuhan. Ngunit boses lamang ni Dan Montero ang maririnig niya. Muling dumiin ng control knob si Rex. Naisip niyang narinig niya ang boses dahil sa nadiinang buton. Naisip na baka matsambahan niya at madiinan din ang switch ng monitor at makita ang kinaroroonan ni Dan Montero. Ngunit nadiinan na ni Rex ang lahat ng mga buton ngunit hindi umandar ang monitor ng TV. Napailing siya. Tila hindi siya makapaniwala. Kung may buton para sa audio, dapat meron din para sa video, nasa isip niya. Maliban na lamang kung nagkamali sia ng haka-haka. At iyan ang dapat niyang tuklasin. Muling diniinan ni Rex ang knob na una niyang diniinan na narinig niya ang boses ni Dan Montero. Ngunit ang inaasahan ng binata na mawala ang tunog ng monitor ay hindi nangyari. Kung gayon hindi dahil sa pagdiin niya kanina kung bakit narinig niya ang halakhak ni Dan Montero? Nanlumo si Rex habang lumalakas ang kaba sa kanyang dibdib. Nang biglang lumutang ang isang malakas na palahaw. Si Cathy! Sinundan ito ng kalabog. Agad ang pagpanumbalik ng lakas ni Rex. Nawala ang kaba at bumalik ang labis na poot. “Cathyyy!” Nakatutulig ang tinig ni Rex na narinig ni Cathy mula sa conference room. Ang pagkarinig niya sa boses ng binata ay nagpahiwatig sa kanya na buhay ito. At nagbigay ito sa kanya ng pag-asang makaligtas. Kahit iniinda pa niya ang sakit ng tiyan na sinuntok kanina ni Dan Montero na siyang nakapagpasigaw sa kanya. At nagpabalandra sa kanya sa sulok. Agad na tumayo si Cathy. At nakita niya sa pamamagitan ng one-way mirror si Rex sa conference room. “Rex!” ang pagtawag ni Cathy ay hinaluan niya ng panangis. “Cathy... nasaan ka?” lalong lumakas ang sigaw ng binata na narinig ni Cathy. “Andito ‘ko!” Malakas na binayo ni Cathy ang salamin nang makita si Rex na pumihit patalikod. “Nandito ‘ko sa kabilang silid!” Lalong nilakasan ni Cathy ang pagbayo sa salamin. Hinawakan ni Dan Montero sa buhok si Cathy at hinaltak palayo sa salamin. Ngunit hindi niya binitawan ang buhok ng dalaga. Muling napahiyaw sa sakit si Cathy. “Cathy! Nasaan ka?” sa tinig ni Rex ay tila mapalahaw na siya. “Gusto mo siyang makita?” dumadagundong ang boses ni Dan. “Hayup ka!” si Rex. Isang knob switch ang diniinan ni Dan Montero. “Sa TV monitor ka tumingin, animal!” “R-Rex...”

“Cathy!” Tila inangat si Rex nang makita sa TV monitor ang kalagayan ng dalaga. Nakangiwi sa sakit si Cathy dahil sa mahigpit na paghawak ni Dan Montero sa buhok nito. Nakita din ni Rex na punit na ang harapan ng blusa ni Cathy. At may pumupula sa bibig ng dalaga. Dugo! Umalimpuyo na ang galit ni Rex. Luminga-linga siya kung saan ang pintuan palabas at papasok sa kanyang kinaroroonan. Ngunit tila walang ugpungan ang dinding na salamin. Nagtagis na nagtagis ang kanyang mga ngipin. Hanggang pumula din ang kanyang mga bibig sa pagdurugo ng nakagat na dila. NAMUTLA si Rod nang malamang kotse ni Rex ang sumabog na kanilang narinig habang paparating sila. At lalo siyang namutla nang malamang nakidnap ang binata kasama ni Cathy. At ang pinagsusupetsahan ay ang kanyang amo. “Hindi kapani-paniwala.” “Pati kami ay hindi rin makapaniwala, Rod. At nais naming papaniwalain ang aming mga sarili na inimbita lamang sila dito. Pero how do you explain na basta na lang iwanan ni Cathy ang aming condo na hindi man lang nagsara... at iniwan pa ang kanyang bag? At ang pagpasabog sa kotse ni Rex?” “Sinadya nilang mawala si Boss!” Nagtatagis ang mga ngipin ni Mon. “Mam?” Tila nasadlak sa alanganing kalagayan si Mon. Alam niyang malaking kasalanan ang kidnaping. At ang nangyari kay Rex. Mabubuhay pa kaya ang binata gayong wasak ang kotse nito? Gusto niyang magparating ng pakiusap sa asawa ng kanyang boss. “W-wala ho ako’ng alam dito.” “I know, Rod,” banayad ang pananalita ni Mrs. Montero matapos makahinga ng malalim. “Ang kailangan nating gawin ay ang pagpigil sa mas malala pang pangyayari. There’s still Cathy to save. And we need your help.” Hindi na tumanggi si Rod. Tumango siya at harapin ang dalawang Belgian na kanina pa tahimik lamang sa pakikinig ng kanilang pag-uusap. Sinikap niyang mapaliwanagan ang dalawa sa nangyari. At ipinakilala niya si Mrs. Montero na siyang asawa ng kanilang partner, ni Dan Montero. “I’m sorry you could get into this mess if it’s true,” ang suspetsang mastermind ng kidnaping si Dan Montero ang tinutukoy ni Rod. Iminungkahi na lamang niya sa dalawang Belgian na tumuloy na lang muna sa hotel. Susunduin na lang niya kapag maayos na at wala ng panganib. Ngunit tumanggi ang dalawang Belgian. “If it’s true maybe we can help,” sabi ni Maurois Stacke at kumindat kay Bruno Dervesselt. “Mabuti pa nga,” dugtong ni Mon. “Kung wala sila baka hindi tayo makapasok sa cottage ni Sir.” “Sana’y walang nangyari kay Cathy,” si Zeny. ISANG silya ang nabuhat ni Rex na balak ihambalos sa TV monitor. Ngunit biglang nawala sa screen ang nakangising si Dan Montero. Nawala din pati si Cathy. Malakas na lamang na halakhak ang kanyang narinig. Lumayo sa TV monitor si Rex. Inusisa ang mga ugpungan ng dinding na salamin. Umaasang may makapa na makapagbukas ng kahit saang bahagi upang makalabas siya. Ngunit wala man lang pahiwatig ng lagusan o labasan. Nalingunan niya ang isang malaking wall carpet na nasa kabilang panulungan. Napakalaki nito na ang taas ay halos aabot sa kisame. Halos sumasayad din ito sa sahig. Naisip ni Rex na baka may daanang natatakpan nitong carpet. Kaya nagmamadaling tinungo ang kabilang panulungan. Malapit na sa kalagitnaan ng conference room at ilang hakbang na lang si Rex sa entablado nang bigla itong naging fountain. Napaigtad si Rex upang hindi matilamsikan ng tubig.

Huminto si Rex at pinagmasdan ang gilid ng bilog na entablado na ngayon ay nilalabasan ng tubig. Maingat na kinapa ito. Ngunit nagtaka siya nang ang bawat bahaging makapa niya ay humihinto ang pulandit ng tubig. Hanggang wala ng lumabas na tubig dahil nakapa niya ang kabuuang gilid ng entablado. At muling dumagundong ang halakhak. At muling nagpakita ang anyo ni Dan Montero sa TV monitor. Tingin ni Rex ay may sungay na ang matanda. Mala-demonyo na ang halakhak nito. “Gusto mong makitang muli si Cathy?” Hindi pa nakapagsalita si Rex ay lumabas na sa monitor si Cathy. Una ang mga paa ng dalaga. Unti-unting pumapaitaas. Naka-panty na lamang ang dalaga. Napatalikod si Rex. Napatiim-bagang si Rex sa nakita. Nagtagis ang kanyang mga ngipin. Nang muling humarap sa TV monitor si Rex ay nakita niyang naka-close up ang dibdib ni Cathy. May bra pa ito ngunit wala sa tamang lugar. At tila matatanggal ang bra kapag magkikilos ang dalaga. Unti-unti pang pumaitaas ang focus. Sa leeg. Sa mukha ng dalaga na tila iniipit ng mga kamay. At napasigaw si Rex. Nakagapos ang mga kamay ng dalaga at nakatali ito sa isang tubo sa ulunan nito. Hindi lumutang ang sigaw ni Rex sa lakas ng halakhak ni Dan Montero na ngayon ay nakarehistro naman sa TV monitor. Sa galit ay napapatong sa gitna ng entablado si Rex. Tila gustong batuhin ng nakatikom na mga kamay ang matanda sa TV monitor. “Gusto mong’ makalabas?” tinig ni Dan Montero. “Puwes, nasa tamang lugar ka.” Unti-unting nabago ang anggulo ni Dan Montero sa screen. Mula sa close up hanggang full shot. Makikita na ni Rex ang kabuuan ng matanda. At nakita niyang gumalaw ang kamay nito. May pinisil. “T-teka... Cathy, bakit hindi mo na lang sabihin ang totoo?” tila nagmamakaawa ang boses ni Rex. “Sir, si Cathy ho ay an...” “Babay...” tila nanloloko ang boses ni Dan Montero sa audio monitor. Halos kasabay ng huling tunog ng binanggit ni Dan Montero ay naramdaman ni Rex na tila inihulog siya. Pabalang-balang pababa.

LII

“G

OD, Rex...!” nakagigimbal ang sigaw ni Cathy na sumanib sa palahaw ni Rex nang mahulog ang binata sa butas matapos mapisil ni Dan Montero ang switch na nagbukas ng entablado na kumbinasyon ng fountain at takip ng butas. Mariing napapikit ang dalaga. Nananangis. Yumuko. “Gusto mong’ makita kung saan ang kanyang patutunguhan?” galit na tanong ni Dan Montero sabay sabunot sa buhok ni Cathy upang mapatingala at matutok ang tingin nito sa screen. Ayaw man ni Cathy na makita ang anumang kalunus-lunos na madatnan ni Rex ay napilitan siyang magdilat. Gusto niyang makita na makaligtas ang binata. Tutulungan niya ito sa pamamagitan ng dasal. May diniinang switch si Dan Montero. “Uunahin natin ang kanyang patutunguhan.” Rumehistro sa screen ang batuhing ilalim ng bangin. Kung mahulog ka ay tiyak ang kamatayan sa batuhang ilalim. Iyan ay kung makaligtas ka sa mga sanga ng puno na masagi mo sa pagbulusok pababa. Tila humilwa ang tiyan ni Cathy sa nakitang lalim ng bangin. “Sa ibaba lang ‘yan ng ating kinalalagyan. Pero matagal pa siyang bumagsak doon. Gusto mong’ makita ang kanyang dinadaanan?” Nakangisi si Dan Montero. Muli siyang may diniinan. Napalitan ang imahe sa screen. Pumalit dito ang plano ng tunnel na spiral ang hugis. Kung ilang ikot ito bago marating ang pinakadulo ng tunnel na nakatunghay sa bangin. Sa namasdan ni Cathy ay halos natiyak niyang ang mabilis na liwanag na sumusunod sa ikot ng pabilog na tunnel ay si Rex. Ubod ng bilis ang sibad ng liwanag ngunit dahil sa dami ng liko ng tunnel ay halos nasa kalagitnaan pa lang ito ng puno at dulo. Tila masusuka si Cathy. Nahilo siya. Tila nararamdaman din niya ang pag-ikut-ikot ng binata. At tila nawalan siya ng ulirat. Grabe ang pagsisikap ni Rex na makahawak sa kung anumang makapigil sa kanyang mabilis at paikot na pagbulusok. Ngunit napakadilim at napakadulas ng binubulusukan niya. Hinuhulaan niya sa tunog ng tunnel na yari ito sa bakal. At kung lakasan niya ang pagdiin ng kayang mga daliri ay maramdaman niya ang labis na init dahil sa mabilis na pagkayod. Todas na, nausal ng binata. Ilang sandali pa ay tila bumagal ang kanyang pagbulusok. May nasagi ang takong ng kanyang sapatos. Nabuhayan ng pag-asa si Rex. May posibilidad na mapigilan ang kanyang pagbulusok. Buong bilis na ibinaluktot ni Rex ang kanyang katawan sabay sikad ng malakas sa tunnel. Bumangga ang kanyang likod. Lalo pa niyang nilakasan ang pagsikad nang maramdaman ang init ng pagkayod ng nakadikit na likod sa tubong bakal. Bago napudpod ang likuran ng damit at siko ni Rex ay bumagal ang kanyang pagbulusok. Hanggang nakaya niyang pigilan ang pagdausdos. At saglit siyang nagpahinga habang pinagagana ang utak kung ano ang susunod niyang gagawin. Nang panumbalikan ng konting lakas ay sinubukan ni Rex na sumikad paitaas.

Nang maiangat ang katawan ay agad niyang itinukod ang mga siko upang mapigil ang pagbalik ng katawan. Pagkatapos ay unti-unting itinaas ang dalawang paa at muli namang isinikad. Ngunit kung ilang pulada ang inangat ng kanyang katawan ay doble ang idinausdos niya dahil sa kanyang bigat at dulas ng tunnel. Dahan-dahan siyang yumuko upang makita ang kanyang binubulusukan. Ngunit napakadilim. Namanhid ang kanyang leeg kaya iginalaw-galaw niya ito. Nang may mapansin sa kanyang tagiliran na isang maliit na sinag. Pinagmasdan niya ito. At nakita niyang ang sinag ay lumulusot sa maliit na butas. Hinipo niya ang butas. Natuklasan niyang awang ito sa sugpungan ng bakal, hindi nasagad ng welding. Hinimas niya ang sugpungan. Hindi crosswise ang pagkadugtong. Kung gayon ay hindi dugtung-dugtong ang tunnel. Ito ang pagbibilog sa pamamagitan ng steel plates. Spiral ang pagbilog. At ang sugpungan ay hanggang sa dulo ng tunnel. At biglang sumigla ang katawan ni Rex. Tila may kung anong nagpaliwang ng kanyang isipan. Sa halip na pumaitaas, unti-unting dumausdos si Rex. Maingat ang kanyang pagkilos upang hindi bumulusok. Ilan pang maingat na dausdos at naramdaman ni Rex ang malamig na simoy ng hangin sa kanyang mga paa. Pagkatapos ay naramdaman niyang sumakit ang kanyang mga mata. Nasilaw. May liwanag na lumulusot mula sa ilalim. Kung gayon ay malapit na siya sa dulo ng tunnel! Nang magliwanag na sa loob ng tunnel ay dahan-dahang dinama ni Rex ng kanyang paa ang kanyang dinadausdusan. At halos mapahiyaw siya sa tuwa nang matuklasang nasa dulo na siya ng tunnel. Wala ng mababangga ang kanyang paa kung ilawit niya. Ngunit naramdaman ng binata ang panganib. Hindi siya maaaring tumalon. Baka malalim pa ang kanyang babagsakan. Upang makatiyak, dahan-dahan siyang yumuko upang makita ang ilalim ng tunnel. At tila pinanlamigan ang kanyang tiyan nang makita sa ibaba ang tuktok ng malalaking mga puno. At ang malalaking mga bato na naghihintay sa kanya. Itinodo niya ang pagsikad. Hindi maaaring magpatihulog na lamang siya na hindi mag-isip ng paraang makaligtas. Dahan-dahang ibinaba ni Rex ang kanyang kamay sa bibig ng tunnel. Kinapa ang sugpungan. At may nakapa siyang nagpaalab ng kanyang damdamin upang madagdagan ang pag-asa. May malaking awang sa sugpungan ng tunnel. Maipasok niya ang kanyang dalawang daliri. Ito ang napakiramdaman at inaasahan niya kanina. Agad na tinanggal ni Rex ang kanyang sinturon habang malakas ang sikad sa tunnel upang hindi dumausdos. Nang makuha ang sinturon ay unti-unti itong dinala sa kanyang paanan. Ipinasok ang dulo ng sinturon sa butas sa sugpungan. Nagkasya! Agad niya itong ipinasok hanggang sa hebilya. Ikinabit ang kawing. At nagpahinga sa pamamagitan ng paghugot ng hangin. Mahigpit na ipinulupot ni Rex ang dulo ng sinturon sa isang kamay. Dahan-dahang ibinaba ang katawan hanggang makalabas sa tunnel. Nakalambitin na siya ngayon sa sinturon at umiindayog. Malinaw na niyang nakikita ang kabuuan sa ibaba ng tunnel. Makikita din niya ang gilid ng bangin na umaagwat ng halos dalawang dipa mula sa kanyang kinalalambitinan. At sa gilid ng bangin ay may tumutubong mga baging na nakakapit sa ilang mga puno. At naalala niya ang ginawang pag-akyat sa terasa. Sa tulong ng dasal at determinasyon, natitiyak niyang magkikita pa sila ni Dan Montero! AGAD na binuksan ng guwardiya ang gate nang makita ang dalawang Belgian na dumungaw sa kotseng minamaneho ni Rod. Sumaludo pa ang guwardiya habang pinapapasok ni Rod ang kotse.

Sumunod din si Mon. Ngunit humarang sa harapan ng kotse ang guwardiya. Ayaw silang papasukin. Agad na binuksan ni Mon ang bintana at dumungaw. “Boss, kasama nila kami” sabi ni Mon na itinuro pa ang kotse ni Rod sa kanyang unahan. Ngunit hindi umalis sa pagkakaharang ang guwardiya. Ikinagalit ito ni Mrs. Montero. Nagmamadali siyang bumaba at nilapitan ang guwardiya. Dinuro. “You fool! Kilalanin mo ang pinagbabawalan mong pumasok. Get out of my way!” Ngunit hidi natinag ang guwardiya kahit sinusundot pa ni Mrs. Montero ang kanyang ilong. Nakita ni Rod sa side mirror ang nangyayari sa kanyang likuran. Kaya agad niyang inihinto ang kanyang kotse at bumaba. Nilapitan ang guwardiya at inakbayan. “Pare, si Mam Montero ‘yan,” bulong ni Rod. Tinapik-tapik pa niya ang balikat ng guwardiya. Ngunit hindi siya pinansin nito. Nakita ni Rod na sumenyas ito sa kasamang guwardiya na nasa loob ng guardhouse. “B-Boss...” tinig ng guwardiya sa speaker na gumulat kay Dan Montero. Natigil ang paghimas ng matanda sa katawan ng walang ulirat na si Cathy. Nilapitan ang control board at ini-on ang TV monitor. Nakita niya sa screen ang tila hindi mapakaling guwardiya. “Ano ‘yan?” Nakita ni Dan Montero na lumingon muna sa labas ng guardhouse ang guwardiya. “S-si Misis Montero raw ho!” Naitikom ng mahigpit ni Dan Montero ang kanyang kamay.

LIII

“P

UNYETA!” pagmumura ni Dan Montero na maliwanag na narinig nina Mrs. Montero at mga kasama sa audio monitor sa guardhouse. Nagtagis ang mga ngipin ni Mrs. Montero. Napatingin sa kanya ang mga kasama. Tila namutla ang guwardiya na nasa loob ng guardhouse. Lumingon siya kina Mrs. Montero. Kumibit-balikat. Ibig sabihin hindi nila mapapasok ang grupo ni Mrs. Montero maliban kina Rod. “Let me talk to Mister Montero,” sabi ni Bruno Dervesselt at umakmang lalapit sa guardhouse. Nguni’t hinarang siya ng guwardiya na humarang din kay Mrs. Montero. Sumenyas ang guwardiya sa kasamang nasa guardhouse. “B-Boss...” patungkol ng guwardiya kay Dan Montero sa TV monitor. Inulit pa ito ng guwardiya ngunit hindi umimik ang kanyang boss. Kaya lumingon siya sa kasana at muling nagkibit-balikat. Naghalo ang galit at pagkapahiya ni Jane Montero. Isinalya ang nakaharang na guwardiya at tinungo ang guardhouse. Hindi na siya napigilan kahit ng guardiya sa guardhouse. Madali itong naitulak ng galit na babae. “Rodante!” dumadagundong ang boses ni Mrs. Montero sa audio monitor sa loob ng control room. Ang lakas ng boses ni Mrs. Montero ay nagpabalik ng ulirat ni Cathy. Napilitang magmulat ang dalaga kahit nahihilo pa at nananakit ang kanyang katawan. Naaninag niya si Dan Montero na nagtikom ng mga kamay at hindi maitagong galit sa tinitingnan nito sa TV monitor. Halos nanlilisik naman ang mga mata ni Mrs. Montero na nakikita sa monitor. “Nasaan ka?” dumadagundong pa rin ang boses ni Mrs. Montero. “Magpakita ka sa akin, hayup ka!” Halakhak lamang ang sagot ni Dan Montero. Dinagdagan pa ito ng pagdila na parang bata. Naunawaan ni Cathy kung bakit ginawa iyon ni Mr. Montero. Natitiyak niyang hindi ini-on ni Mr. Montero ang switch upang makita ang kanyang mukha sa monitor ng guardhouse. Pinilit ni Cathy na matanggal ang gapos ng kanyang kamay. Ngunit napakahigpit nito. Napaungol na lamang siya. “Demonyo ka, Rodante!” muling dumagundong ang boses ni Mrs. Montero. “Pakawalan mo si Cathy!” Dumadagundong din ang muling halakhak ni Dan Montero na isinagot sa sigaw ni Jane Montero. Kung kanina ay dumila ang matanda ngayon ay sumayaw-sayaw pa siya. Tila sinilaban sa galit at poot ang bumbunan ni Cathy sa nakitang ikinilos ni Dan Montero. At dahil hindi naman niya matanggal ang gapos sa kanyang kamay ay isinikad niya ng todo ang kanyang mga paa. Hanggang lumuwag ang tali. Sumikad pa siya ng sumikad. Lalong lumuwag ang tali. Ngunit hindi pa niya matanggal ang pagkakagapos ng kanyang paa. Sa galit ay ubod ng lakas na sumipa. Tumilapon ang kanyang sapatos. Ang ingay na bunga ng mga sikad ni Cathy ay nakapagpalingon kay Dan Montero. Nagsalubong ang kanyang mga kilay sa labis na galit. Ngunit nakasama ang pagsalubong

ng kanyang mga kilay. Hindi niya nakita ang humahagibis na sapatos. At naramdaman na lamang niya ang pagtama nito sa kanyang noo. Nasapo ng matanda ang kanyang noo. Ngunit napaurong siya. At kasabay sa pagtukod ang pagbangga ng kanyang likod sa control board. Tumama ang kanyang mga kamay sa ilang mga switch. Halos kasabay noon ang paglagitik sa ulunan ni Cathy. Natanggal ang kinakapitan ng tali sa kanyang kamay. Bumuka ang hook kaya natanggal ang pagkakasabit ng tali. Natanggal din ang kinakapitan ng tali sa paa ni Cathy. Naisip kaagad ng dalaga na konektado sa control board ang tinalian sa kanya. Mabilis siyang nagpalinga-linga ng kung may makitang magagamit na armas. Napaungol sa sakit si Dan Montero. Malinaw na narinig ito ni Cathy. Malinaw ding narinig niya ang tinig mula sa monitor. Naisip na nadiinan ng matanda ang switch na nagpagana ng audio monitor sa guardhouse. “B-Boss...?” Narinig ng guwardiya sa guardhouse ang ungol ni Dan Montero. “Me nangyari ho ba diyan?” Tila nanumbalik ang lakas ni Cathy dahil nakaalis siya sa pagkakagapos sa dinding at sa pagkaalam na marinig na sa labas ang kanyang tinig. At dahil nakakapit pa ang tali sa kanyang kamay, padaluhong na hinagupit si Dan Montero. “Hayup ka!” “Cathy!” boses ni Zeny na lumutang sa audio monitor mula sa labas. Maliwanag ang pagkagimbal at pag-alala sa boses ng dalaga. Hindi nakaiwas si Dan Montero sa malakas na hagupit sa kanya ni Cathy. Natamaan ang kanyang tainga. Ang tunog ay tila nilatigo. Napahiyaw si Dan Montero. Ang hiyaw ni Dan Montero ay nakipagpaligsahan sa hingal at palahaw ng dalaga. Sa monitor ay maririnig ang sari-saring ingay mula sa guardhouse. Tila nagkakagulo sa pandinig ni Cathy. May nagkakalabugan. Sa kinaroroonan nina Cathy ay malakas din ang kalabugan. Nangatumba ang mga gamit na mabangga ni Dan Montero habang sinisikap na mahuli si Cathy. Mabilis namang umiiwas si Cathy habang tinitiyempuhang makahagupit ng tali. Hindi makasalag ang matanda na hindi pa gaanong makadilat ang mga mata dahil sa tama ng sapatos sa kanyang noo. Dagdagan pa ng tama ng tali sa itaas ng kanyang kilay kapag mahagupit ng dalaga. Ang kaguluhan sa labas ay hindi nalingid sa pandinig ni Dan Montero. At naisip niyang maaring abutan siya kung patatagalin pa niya ang pagnanasa sa dalaga. At sa kalagayan ngayong nakakatakbo ito, kailangang maitulak niya ito sa isa pang lihim ng kanyang cottage. Sa lihim na ito ay pilit itinataboy ni Dan Montero si Cathy upang papasukin. At malapit nang mapapasok sa lihim na ito ang dalaga. MABILIS ngunit maingat na nanunulay sa bangin si Rex matapos makaindayog mula sa bunganga ng tunnel. Tamang-tama lang ang kanyang indayog at napakapit siya sa nakausling ugat ng puno kaya hindi siya nahulog sa batuhan sa ilalim. Hindi siya nagaksaya ng sandali at sinikap makaakyat sa cottage. Ngunit hindi tumuloy si Rex na gumapang pataas upang makarating sa harapang bahagi ng cottage nang marinig niya ang kaguluhan. Lalo na nang makarinig siya ng putok. Naisip na lalo siyang mahirapan sa pagligtas sa dalaga kung ganitong ginagamit na ng mga guwardiya ang mga armas. Hindi sinasadyang nakagapang si Rex sa isang mapatag na bahagi ng bangin. Saglit siyang nanatili dito habang pinag-iisipan kung saan dadaan na makaakyat sa itaas na hindi mapansin ng mga guwardiya. Mayamaya’y tumayo siya at sumilip sa kabila ng pader kung saan siya lumundag kanina sa pagkapit sa sanga ng puno. Naisip niyang baka muli siyang makaakyat doon. Ngunit bigla siyang napadapa nang humaging ang bala sa kanyang ulo.

May guwardiyang nakapansin kay Rex. At habang nakakubli sa dawag ang binata ay nalingunan niya ang guwardiya na mabilis na dumadausdos patungo sa kanyang kinaroroonan. Mabilis ang pagdausdos ng guwardiya. At naunawaan ito ni Rex. Kabisado ng guwardiya ang kabuuan ng cottage. Alam ni Rex na aabutan siya ng guwardiya. Wala na siyang magagawa kungdi lumaban. Ngunit kailangang maging maingat siya. Hihintayin niyang nasa bentahe siya bago kumilos. Sumiksik pa siya sa kadawagan. Ngunit muntik na siyang mapahiyaw nang lumusot siya sa kadawagan. Nasa bunganga na naman pala siya ng isang tunnel. Mabuti na lamang at hindi ito pababa. At sa loob ng tunnel, na hindi malaman ni Rex kung gaano kalayo, may nabanaagan siyang liwanag. Tila naging gamu-gamo ang kahalintulad ni Rex. At katulad ng gamu-gamo ay tila namagneto siya ng liwanag. Halos nagkakandarapa siya sa pagmamadali na makarating sa loob ng tunnel kung saan nagmumula ang liwanag. SA loob ng conference room ay diniinan ni Dan Montero ang isang switch. Untiunting umangat ang isang bahagi ng sahig na lumubog kanina at siyang kinalaglagan ni Cathy. Ilang sandali pa ay hindi na mapapansing may lihim na lagusang pababa ang sahig. Noon at nakahinga ng matiwasay si Dan Montero. “Diyan ka lang muna sa ilalim. Aayusin ko lang muna itong mga bagong dating,” naibulong ni Dan Montero sa sarili habang hinihimas ang noong tinamaan kanina ng sapatos. Inayos niya ang suot. Inayos din ang nangatumbang mga gamit at ipinokus ang TV monitor sa labas. Malinaw na makikita sa monitor sina Jane Montero na papasok na sa bulwagan ng cottage. Nangunguna sina Bruno Dervesselt at Maurois Stacke. Kalmante ang dalawang Belgian. Madalas na nagkakatinginan at magngitian. Paminsan-minsang lumilingon kay Mrs. Montero. Nang nasa sala na silang lahat ay sinabi ni Maurois Stacke na magpaiwan sina Mrs. Montero. Sila na lamang daw nina Rod at Bruno ang makipagkita kay Dan. Habang nagsasalita si Maurois ay may kausap naman si Bruno sa kanyang cellular phone. “Zeny, kung partner ni Sir mo itong’ mga foreigner tiyak na magkapareho ang kanilang ugali,” puna ni Mrs. Montero nang wala na ang tatlo. “Wala akong tiwala sa kanila, Zeny.” Tila nanigas ang kalamnan ni Zeny. Napatunganga si Mon.

LIV

“P

-PARANG mabait naman ho sila,” nasambit ni Zeny bilang reaksyon sa ipinahayag na kawalan ng tiwala ni Mrs. Montero sa dalawang Belgian. Naalala ni Zeny ang kalahating milyong pisong ibinalato sa kanya ng dalawang Belgian kaya nakapagsalita agad siya ng depensa sa dalawa. “Kung hindi mo kilala si Sir mo at titingnan mo lang... ano ang masasabi mo?” Kunsabagay, gustong isagot ni Zeny. Ngunit hindi na siya umimik. Tumangu-tango na lamang siya ng marahan. “May dapat tayong iligtas. At kailangang kumilos na tayo, hindi ang mag-isip kung mapagkakatiwalaan o hindi ang dalawang ‘yon.” “S-susundan ho natin sila,” si Mon. “Mabuti na’ng makatiyak tayo.” Nagpatiuna na si Mon. Patingkayad na sinundan ang dinaanan nina Rod at ng dalawang Belgian. Patingkayad ding sumunod si Zeny. Sumunod din sa kanya si Mrs. Jane Montero. Napalatak ang dalawang Belgian nang biglang nabuksan ang isang pintuan pagtapat pa lang nila dito. Si Rod ay halos magkasabay ang pandidilat ng mga mata at pagbuka ng mga labi. Ngunit walang lumabas na tunog. “Welcome!” dumadagundong ang paanyaya ni Dan Montero sa isang speaker. Sipol na ang naisatinig ng dalawang Belgian nang tumambad sa kanila ang maluwang na conference room. Kahit pa sanay sila sa malalaking mga building na may modernong mga pasilidad ay napahanga pa rin sila sa pagkayari ng pabilog na conference room. Hindi rin naman magpapahuli sa kamoderno kung ikumpara sa napasok nila sa Europe. “Wow!” hindi napigil ni Rod ang pagkamangha. “Parang kuwarto ng ultra-modern detective agency sa pelikula.” “Kailangan natin ang isang ultra-modern na conference room and facility para sa isang soon-to-be a multi-billion peso business empire,” mula pa rin sa speaker ang boses ni Dan Montero. Tumuloy sa laob ang tatlo. At habang humahakbang pagitna ang tatlo ay sumasabay naman ang pagsindi ng mga ilaw na nakatutok sa kanilang kinaroroonan. Ito ay maliban sa maliwanag na ang kabuuan ng conference room. Naging kabigha-bighani tingnan ang fountain sa gitna ng conference room. Tinungo ito ng tatlo. Nagsindihan din ang mga ilaw na may sari-saring kulay malapit sa ibabaw ng fountain. Tila sumasayaw ang pulandit ng tubig dahil sa epekto ng colored lights. Napatunganga ang tatlo sa paghanga. Sa loob ng control room ay nakangisi si Dan Montero. May pagmamalaki. Isang switch pa ang diniinan ni Dan Montero. At iba pa. Napapitlag si Rod nang biglang tumigil ang pulandit ng tubig sa fountain. Naiwan ang parang entablado. Mula dito ay may lumutang na musikang kaaya-aya sa pandinig na nanggagaling sa maliliit na speakers palikot sa gilid ng entablado. Sinundan ito ng gayunding musika sa halos kabuuan ng conference room. Ang musika ay napakasarap sa tainga na kahit saang bahagi ng conference room ay ganoon pa rin ang maririnig na modulation.

“Wow!” si Rod. Kumindat naman si Bruno Dervesselt kay Maurois Stacke habang nakakunot ang noo. Ginantihan ito ni Maurois ngunit nakangiti. Tila sinasabing, ako ang bahala. “How do you like our place?” si Dan Montero. Hindi na sa speaker maririnig ang kanyang tinig. Biglang napalingon ang tatlo sa pinanggalingan ng tinig ni Dan Montero. Nakita nila itong nakatayo sa isang bahagi ng silid, sa panulungan, kung saan may nakasabit na wall carpet sa dinding nito. Wala silang nakita na pintuang nilabasan ni Dan Montero. Nagkatinginan ang dalawang Belgian at nagngitian. Nagkaunawaan ang kanilang mga tingin. Humakbang sila palapit sa may-ari ng cottage. Hindi naman nakakilos si Rod na ang paningin ay nakatuon sa wall carpet sa likuran ni Dan Montero. Gumagana ang utak ni Rod. Naisip na may lihim na pintuan sa likod ng carpet dahil wala naman silang nakitang pintuan sa kristal na dinding. Para sa kanya, ang wall carpet ang pinaka-logical na concealment ng silid. Kinawayan ni Dan Montero si Rod. Agad naman siyang lumapit sa nakangiting matanda. “Nakita ko ang pagtingin mo rito,” sa wall carpet ang tinutukoy ni Dan Montero. “Dito nga ako dumaan. At papasok tayo doon. Napakalaki nitong conference room para sa atin.” May diniinang switch si Dan Montero sa gilid ng wall carpet. Agad nagbukas ang isang bahagi ng dinding. Hindi sa natatakpan ng wall carpet kundi sa kaliwang bahagi nito. Kung tingnan ay tila bigla na lamang kumuwadro ang pintuan sa dinding na kristal. Ngunit hindi ito ang pinanggalingan kanina ni Dan Montero. Halos kasabay ng pagbukas ng pintuan ang paglutang naman ng musika. Sa sandaling ito at sa ibang speaker, narinig ang classical na musika. Nakita nila ang mga ilaw na sari-sari ang kulay sa mababang wattage. Kaya malamig sa tingin at pakiramdam sa loob ng silid. “Come in,” yaya ni Dan Montero at nagpatiuna na sa loob. “Mas mabuting umiinom tayo habang nag-uusap. Ang bar na ito ay patterned sa private bar ng isa kong kaibigan sa Canada.” Hindi umimik si Rod. Gayundin ang dalawang Belgian na pasipul-sipol lamang dahil walang naunawaan sa sinabi ni Dan Montero. Ang matanda din ang nakapansin sa sinabi niya na hindi naunawaan ng kanyang bisita. “I-I’m sorry.” Tumawa si Dan Montero. “I hope you’ll like one of the amenities of our headquarters.” Tinungo ni Dan Montero ang isang bahagi ng bar. Kumuha ng rhum sa hanay ng mga inuming gawa dito sa bansa. Marami ang klase ng inuming lokal. Napapagitnaan ito ng mga rack ng inuming mula sa labas. Añejo ang kinuha ni Dan. “Isa ito sa mga produktong inieksport at talagang maipagmamalaki.” Mabilis ang pag-abot ng dalawang Belgian ng bawa’t kopa nila ng rhum na iniabot ni Dan Montero. Sa kilos ng dalawang Belgian ay may napuna si Rod. At nagpalamig ito ng kanyang pakiramdam kung kaya’t hindi na siya naghintay pang alukin ni Dan Montero. Kumuha siya ng kopa at nagtagay. Isang shot. At straight itong nilagok ni Rod. “Just a while ago I thought of further insuring our connection. This insurance I believe, will help us reach our goals soonest. Meantime, let’s toast!” si Dan Montero. Hindi nakita ni Rod ang katapatan sa sinabi ni Dan Montero sa kislap ng mga mata nito. HINDI naman gaanong malalim ang binagsakan ni Cathy. Bale isang palapag lamang. Isang maliit na silid na parang bilangguan base sa nakita ng dalaga bago

dumilim nang takpan ni Dan Montero ang sahig na siyang trap door. Kahit hindi gaanong malalim ngunit sumakit ang mga binti ng dalaga dahil sa kanyang pagbagsak. Kaya sandali siyang namahinga sa dilim. Nakatulong ang pasandal na pag-upo ni Cathy sa sahig habang nakatayo ang dalawang tuhod. Ipinatong pa niya dito ang dalawang siko. Sandaling nawala ang pananakit ng kanyang mga binti. Ngunit sandali ring naningil ang pagod. Naidlip siya. At tila nanaginip. Nakini-kinita raw niya ang malaking singsing. Wala sa loob na nakapa niya ang kanyang bulsa. Ngunit wala siyang nakapa. Nawala ang kanyang nakini-kinita. Napalitan ito ng mahinang hikbi. Hanggang naging panangis. At ang panangis na ito ay tila paulit-ulit na tusok sa kanyang puso upang muling makadama ng sigla. Sinikap ni Cathy na idilat ang mga mata. MABAGAL na ang hakbang ni Rex. Wala na ang liwanag na nakita niya kanina sa loob ng tunnel na kanyang sinusundan. Ngunit hindi siya bumalik. Nag-aalala siyang baka binabantayan siya ng humahabol na guwardiya. Makikita pa niya ang manakanakang kislap ng plaslayt sa bunganga ng tunnel. Kung ano ang kasasapitan niya, bahala na. Ipinagdadarasal na lamang niya na makita si Cathy. At mailigtas. Gumana ang kanyang imahinasyon. Sakaling mailigtas niya ang dalaga, hindi na siya papayag na magkalayo pa sila. Papayagan niya si Cathy kung saan sila titira basta magkasama lamang sila. Kung dito sa Maynila puwede silang makapagsimula ng isang negosyo. Kung sa probinsiya naman ay lalong mabuti. Mapalayo pa sila sa magulong lungsod. Sa gayong alalahanin bumilis ang paghakbang ng binata.

LV

B

UMALIK ang sigla ni Rex nang maramdamang unti-unting lumuluwang ang kanyang dinadaanan. Halos hindi na niya makapa ang gilid ng tunnel. At may naramdaman pa siya. Unti-unting nagbabago ang temperatura. Hindi man matiyak ni Rex ngunit alam niyang may tangi itong kahulogan. At naipagdasal niyang sana nasa dulo na siya ng tunnel. Kung anuman ang sa dulo nito, bahala na. Basta matapos lang ang pangangapa niya sa dilim. Miminsan na lamang ang pangangapa ni Rex. Ngunit dumalas ng konti ang kanyang hakbang. Hindi na siya natatakot na madapa. Ngunit bigla siyang napahinto. Lumagutok ang kanyang noo. May nabangga siya. Katapusan ng tunnel. Sa pakiramdam ni Rex ay nangangapa siya sa paghipo kung anong klaseng pintuan ang kanyang nabangga. Pintuan ang pumasok sa kanyang utak dahil ito lang ang pinakalohikal na karugtong ng isang daanan. Mainit ang pakiramdam ni Rex ngunit medyo lumamig ang kanyang nahipo. At natantiya niyang may mahigit sa dalawang piye ang luwang nito dahil maluwag sa kanyang katawan kung bukas ito. Makakalkula rin niya na hindi siya mababangga sa taas ng pintuan. Kung may pintuan, kahit sarado ay maaaring buksan. Ngunit walang nakapang door knob si Rex. Nagulumihanan siya. Papaano niya mabuksan ang pintuan? Sinubukan niya itong itulak. Ngunit hindi natinag kahit konti. Nilakasan niya ngunit hindi man lang umingit. Malakas na pag-iri lang niya ang kanyang narinig. Hiningal si Rex. Pabagsak siyang naupo upang magpahinga. Nang may maupuan siyang nagpakislot sa kanya. May batong nabagskan ang kanyang puwit. Ga-kamao niya ito kalaki. Mabilis na dinampot ito ng binata. Tumayo at marahang ipinukpok sa gilid ng pintuan. Paikot. Tila inaasahang may matamaang makapagbukas nito. Ngunit talagang wala. Sa asar, malakas na pinukpok ang bato sa pintuan. Biglang napatayo si Cathy nang may lumagabog. Napakalakas. Sarado ang kanyang kinaroroonan kaya tila nabingi siya. Natakpan niya ang kanyang tainga. Wala na ang lagabog ngunit tila nabibingi pa rin siya. Sa sandaling ito ang kabog ng kanyang dibdib dahil sa takot ay siyang malakas na maririnig niya. Nadagdagan ang kanyang takot. Hanggang sa tila maninigas siya. Humakbang siya palayo sa kanyang kinaroroonan. Hanggang bumangga siya sa isang bahagi na sa pakiramdam niya ay bakal. Parang pintuang bakal dahil nakapa niya ang magkabilang gilid nito. Dito siya dahan-dahang umupo. Unti-unting pinalabas ang kanyang hangin upang mapanatag ang pakiramdam. Muli siyang may narinig na lagabog. Ngunit mahina na ito. At makatatlong sunodsunod na lagabog. At dahil hindi malakas ay hindi siya natakot. Sa halip nakakuha ito ng kanyang interes. Inilapit niya ang tainga sa pintuan upang matiyak kung ang narinig ay katok kagaya ng kanyang hula. Ngunit wala nang sumunod. Naghintay si Cathy. Isinandal na niya ang kanyang ulo sa pintuan. Ilang sandali siyang naghintay ngunit wala ng tunog. Sa inis siniko niya ang pintuan. “Mga hayup!” naisigaw ni Cathy.

Napapitlag si Rex nang marinig na tila may lumagabog sa pintuan. Kasunod niyon ay may narinig siyang sigaw na parang kilala niya ang gumawa. “C-Cathy?” malakas na nasambit ni Rex habang inilalapit ang bibig sa pintuan. Kumatok ng malakas. “R-Rex?” tinig na narinig ni Rex mula sa kabila ng pintuan. Sinundan ito ng panangis. “God, buhay ka!” Hindi maisatinig ang kagalakang naramdaman ng binata nang matiyak na si Cathy ang nasa kabila. “Listen, Cathy,” sinikap ni Rex na maging maliwanag ang kanyang pagsasalita. “Madilim dito sa aking kinalalagyan at hindi ko alam kung paano bubuksan ang pintuan. Baka mabuksan mo diyan.” “Madilim din dito. Hindi ko makita ang kabuuan nito,” sagot ng dalaga. “Baka may switch diyan ng ilaw. Kanina nu’ng nandoon ako sa dulo ng tunnel ay may natanaw ako ditong liwanag. Pero nawala kalaunan. Pinatay mo o may nagpatay ng ilaw?” Saglit na nanahimik si Cathy. Mayamaya’y nagsalita. “Baka no’ng pagkalaglag ko dito kanina nang buksan ng hayup na Dan Montero ang sahig. Baka ilaw sa itaas na lumusot sa siwang ang nakita mo.” Napatango si Rex. Mayamaya’y umiling-iling at nagtiim ang mga bagang. “Biktima ka rin pala ng trap door.” “A-ano ang gagawin natin?” tila bulong na lang ang tinig ni Cathy na narinig ni Rex. Saglit na nag-isip ang binata. Pinag-aralan ang kanilang kalagayan. Kung bakit may napasukan siyang tunnel na ang tagos ay ang kinaroroonan ngayon ni Cathy. Kung bakit dahil sa trap door ay nandiyan na ngayon sa kabila lang ng pintuan si Cathy. Kung gayon ay may ibig sabihin ang kalagayang ito. May dahilan kung bakit ganito ang desinyo. Biglang nagliwanag ang utak ni Rex. “Cathy!” labis ang excitement ni Rex. “Kapain mo ang paligid ng pintuan lalo na ang sa bahaging itaas. Diinan mo kung may makapa kang kahit maliit lang na nakausli. Posibleng switch ‘yan... kung hindi sa ilaw, sa pintuan.” Ilang saglit na natahimik. Pigil ang hininga ng binata. Idinikit niya ang tainga sa pintuan. Tila pinakikinggan kung ano ang ginagawa ni Cathy sa kabila. Ngunit wala siyang narinig. Ang kanyang paghingal lang ang malakas. Pinigil niya ang paghinga. “God, tulungan mo po si Cathy,” usal ng kanyang isipan. Ilang sandali pa ay may liwanag na lumusot sa sahig. Tila guhit ito sa pagitan ng sahig at ng pintuan. “Rex!” si Cathy. “Natsambahan ko’ng ilaw. Teka. Marami ang mga switch dito... at coded.” Kinabahan si Rex. “Wait! Baka may madiinan ka diyang delikado.” Naalala ng binata ang napanood niya sa mga pelikula na ang mga eksena ay maraming bitag. “Tingnan mo ang mga switch kung merong’ may markang bilog na may guhit sa paligid... o simbolong malapit sa ilaw.” Muling tumahimik sa kinaroroonan ng dalaga. “Meron,” mayamaya’y sabi ni Cathy. “At sa tabi nito ay may markang tila ibon na lumilipad.” Saglit na nag-isip si Rex. Mayamaya’y napasigaw. “Tama! ‘Yan ang switch upang mabuksan ang pintuan. Ang ibong lumilipad ay nagpapahiwatig ng kalayaan!” SA bar nakailang shot na ng rhum si Rod at nawala na ang naramdaman kaninag panlalamig. Hindi na siya naaasiwang sumabad sa usapan ng kanyang amo at ng dalawa nilang panauhin. Kahit pa madalas niyang makita ang tila di-karaniwang kilos ng dalawang Belgian.

Ang kilos ng dalawang Belgian ay napuna din kalaunan ni Dan Montero. At naalala niya ang pangako sa mga ito. Kaya natatawang diniinan ang isang switch sa gilid ng kanyang upuan. Tumigil ang musika. Nawala ang kumikislap-kislap na sindi ng colored lights. Pumalit ang normal na liwanag. Isa pang switch ang diniinan ni Dan Montero. Nag-dim ang ilaw. Lumutang sa TV monitor ang isang maliit na silid. Ang silid na kinahulugan ni Cathy. Ngunit walang tao. “Damn!” dumadagundong ang boses ni Dan Montero na ikinagulat ng tatlo. Nagtatakang nagkatinginan sila. Si Rod ay nagbalik ang panlalamig. “What’s wrong?” mayamaya’y tanong ni Maurois na lihim na kinalabit sa tagiliran si Bruno. “She’s gone!” galit na galit si Dan Montero. “That Cathy...” Naka-close up na ang silid. Sa tatlong panindingan ay naiwang bukas ang mga kabinet. Ngunit sarado ang pintuang bakal. “Hindi ko rin lang siya basta-bastang maangkin mabuti pang iregalo ko siya sa inyo!” Nagtatagis ang mga ngipin ni Dan Montero. Kinilabutan si Rod sa kanyang narinig. Ngunit walang reaksyon mula sa dalawang Belgian na hindi nakaunawa ng sinabi ni Dan Montero. Diniinan ni Dan Montero ang tracker. Lumitaw sa screen ang tunnel. Madilim sa tunnel ngunit may naaninag sila. May diniinan si Dan Montero. Biglang nagliwanag sa loob ng tunnel. Tila mga dagang nakorner ang kahalimbawa nina Rex at Cathy habang napokus sa kanila ang camera. Nalarawan sa kanilang mga mukha ang labis na pagkagulat sa pagsindi ng ilaw sa tunnel at ang pangamba sa reyalisasyong natuklasan ang kanilang kinaroroonan. Dyaket lang ni Rex ang nakatabing sa katawan ni Cathy. “If we can’t have her we might as well enjoy their game.” Napapikit si Rod. Ipinagdarasal na sana’y walang mangyayari sa dalawa. Sa loob ng tunnel ay mahigpit na niyakap ni Rex si Cathy. May ibinulong. “I love you very much, Cathy.” Panangis ang isinagot ng dalaga.

LVI

N

ANIKIP ang dibdib ni Rex. Tila hindi na siya makapagsalita dahil sa labis na awa sa nananangis na dalaga. Ngunit pinilit niyang maipahayag ang laman ng kanyang damdamin. Kung talagang katapusan na nila, at least gusto niyang mapunan ng pag-ibig ang huling sandali ng kanilang buhay. “I-I want you to know... since the day I told you I love you... I never stopped loving you.” Dumistansiya si Cathy at tiningnan sa mga mata ang binata. Pinilit iwinala ang nararamdamang panganib at damhin ang makulay na nakaraan. Upang lumutang ang nakakabalaning ngiti na noon ay hinangad ni Rex. “Hindi ko man noon tinanggap agad ang iyong pag-ibig... deep in my heart ay iniibig nakita. Lamang...” Biglang nalungkot ang mukha ng dalaga. “Maraming mga bagay na dapat harapin. Kung wala lang ang masamang mga alaala... Kung wala lang sanang naghihinagpis. Kung wala lang ang galit... at poot na nananahan. Kung wala lang ang mga dungis sa puso...” hikbi ang naging karugtong nito. “Magiging maligaya pa tayo, Cathy. Sakaling hindi nga tayo makaligtas... sa langit ay talagang may lugar tayo.” Napatawa si Cathy. Hilaw. “Nagdidiliryo ka na.” “Hindi. Gusto ko lang magamit ang nalalaman ko noon kahit konti lang. Gusto ko ngayong maging makata.” “Kahit corny pero gusto kong pakinggan.” Isinandal ni Cathy ang kanyang ulo sa dibdib ng binata. “Whisper your words of love to me.” Sa kanilang pakiramdam ay sila na lamang ang natitirang mga nilalang sa mundo. “Bravo! Bravo!” Pumalakpak pa si Dan Montero. Tumatawa siya ngunit nagtatagis ang mga ngipin. Hindi maitago ang labis na poot. Tahimik lamang na nanonood sa TV monitor ang dalawang Belgian. Walang mapupunang reaksyon sa kanilang mga mukha. Si Rod ang hindi nakatiis. Sumisingasing na tumalikod. “And now the finale...” Sandaling nawala sa screen sina Cathy at Rex nang may diniinan si Dan Montero sa kanyang upuan. At sabay sa nakagigimbal na ungol ay nakita ang tatlong mababangis na Doberman na sabay-sabay na nagtayuan ang mga tainga nang may umingit. Nakapokus ang mga tingin sa pintuan ng steel cage. Lalong bumangis ang ungol ng tatlo nang unti-unting bumukas ang pintuan ng kanilang kulungan. Halos sabay-sabay na umarangkada upang makalabas. Wala pa ring imik ang dalawang Belgian habang pinapanood ang tatlong aso na nasa labas na ng kulungan at sumisinghot sa sahig. Si Rod ay tila umuungol din at gustong ipangtulak ang mga katabi upang kumilos na. Nakakilos din si Bruno nang makitang sumibad ang isang aso patungo sa nag-iisang pintuan na ang karugtong ay isang tunnel. Nagsisibarang sumunod ang dalawang aso. Dito at may kung anong bagay na itinutok si Bruno sa screen. Sinusundan ang sumisibad na mga aso.

Mayamaya’y nagpalit ang anggulo sa screen. Ipinakikita ang patutunguhan ng tatlong aso. Paliku-liko ito. At ang katapusang liko ang kinaroroonan ngayon nina Cathy at Rex. Mapapansin na sa bawat kurbada ng tunnel ay may makikitang steel frames. Dito natutok ang paningin ng dalawang Belgian. Napag-aralan na nila ang galaw ng kamay ni Dan Montero at ang pagpalit ng galaw sa screen. Nasa kamay ni Dan Montero ang kontrol. Lumutang ang nakakakilabot na palahaw ni Cathy. Sa screen ay naglalaway ang mga aso. Nawala sa screen. Pumalit ang anyo ng nahihintakutang dalaga. Naging full shot. Makikita na silang dalawa ni Rex at ang paparating na mga aso. Ang agwat ay mga limang dipa na lamang. Nakabibingi ang halakhak ni Dan Montero. Humalo dito ang palahaw ni Rod. Ngunit mas malakas ang tili ni Cathy na yumakap na lamang ng mahigpit kay Rex. Mabilis na kumilos si Maurois. Nakipag-unahan ang mga daliri sa dinidiinan ni Dan Montero. “What the hell...” sigaw ni Dan Montero nang maipit ang kanyang daliri. Pinilit niyang pigilan ang daliri ni Maurois. Ngunit huli na. Isang malakas na kalansing ang narinig. Sinundan ito ng balandra. Narehistro sa TV monitor ang pagsara ng steel door ng tunnel. At ang pagbalandra ng tatlong aso na bumangga sa nagsarang pintuan. “WALANG kikilos!” Napatigil sa paglapit sa pintuan sina Mon, Zeny at Mrs. Montero. Halos sabay-sabay silang napalingon. Ngunit sinalubong sila ng mga dulo ng mga baril. Mga pulis. “S-Sir...” si Mon. “H-hindi ho kami. Kasama namin ang kinidnap.” Hindi nakinig ang isang pulis. Itinulak niyang paharap sa dinding si Mon habang binabaliti ang kamay ng binata. “S-si Misis Montero ako,” nasambit din ng babae. Nagkalakas-loob nang makitang nakangiwi si Mon. “Totoo ang sinabi niya.” Marahil kilala ng pulis ang apelyido ni Mrs. Montero kung bakit niluwagan niya ang pagbaliti ng kamay ni Mon. Ngunit hindi niya binitiwan ang binata. Hindi rin siya nagsalita. Isang pulis ang sumenyas sa pamamagitan ng kanyang armas. Pinapaumpok ang tatlo. Walang magawa ang tatlo kungdi sumunod. Tumahimik na lamang sila at naghintay kung ano ang gagawin ng mga pulis. Sinubukan ng isa na pihitin ang knob ng pintuan. Ngunit naka-lock ito sa loob. Sinubukan niyang balyahin. Ngunit hindi natinag. Tumulong ang isa. Dalawa na silang bumalya. Ngunit matibay ang pintuan. Kaya sumenyas ang isang nagbabantay sa tatlo, pinapaalis ang mga kasama. Umalingawngaw ang armas ng isang pulis. Nawasak ang door knob. Napalis ang ngiti sa mga bibig ni Dan Montero nang matiyak na hindi bibitawan ni Maurois Stacke ang switch na kumukontrol sa pintuan ng tunnel. Mahigpit ang pagharang ng Belgian sa switch upang hindi madiinan ng matanda. Matatag din ang pagtulak ni Dan Montero sa kamay ni Maurois upang mabuksan ang pintuang bakal. Gustong-gusto niyang matuloy ang paglapa ng tatlong aso kina Cathy at Rex. Kung hindi man dahil sa lupit, ay naisip din ni Dan Montero na nasadlak na siya sa isang malaking kasalanan. At kailangang panindigan na lamang niya. “I thought you are with me! I thought you like this kind of show!” Tumalikod si Dan Montero. Sumisingasing. “You spoiled everything. Including my trust!” “Yeah...” mula kay Maurois. Marahan siyang tumayo. Isinilid sa bulsa ang hawak kaninang itinutok sa screen. “We are sorry to say that YOU spoiled everything... including your life.” “And YOUR show must end,” pagkasabi ay may dinukot si Bruno sa kanyang bulsa. Isang maliit na cellphone. Ito ang ginamit niya kanina sa pagtawag sa pulis. May pinisil.

Umilaw ang cellphone. Tumango ang Belgian. Maya-maya... “Okay.” Kumindat siya kay Maurois. “Mister Montero,” si Maurois. Inilahad ang kanyang kanang kamay nang humarap sa kanya si Dan Montero. “We wish to thank you for your cooperation. And we hope you’ll have a great day in court.” “What!” Dinaluhong ni Dan Montero si Maurois. Pinitsirahan. Ngumiti lamang ang Belgian na hindi umimik. Nakatingin lang ang kanyang kasama na nakangiti rin. Si Rod ay nakarekober na sa naramdaman kanina ngunit napatunganga na tila walang naunawaan sa nangyayari. “Don’t tell me you’re...” hindi natapos ang sasabihin ni Dan Montero nang biglang bumukas ang pintuan. “Walang kikilos!” Mga pulis ng Tagaytay ang pumasok. Kasunod sina Mon, Zeny at Mrs. Montero. Agad lumapit ang team leader ng mga pulis sa dalawang Belgian. Inilahad ang kamay kay Bruno Dervesselt. Nanlaki ang mga mata ni Dan Montero. “Thank you, Sir,” tukoy ng pulis kay Bruno Dervesselt.

LVII

L

ABIS ang pagtataka nina Zeny na kilala ng mga pulis ang dalawang Belgian. At lalo nilang ipinagtaka kung bakit nakapagpasalamat sa dalawa ang mga pulis. Ngunit poot naman ang nararamdaman ni Mr. Montero. Mabilis na nasunggaban niya si Maurois at buong-lakas na itinulak sa nabiglang mga pulis. “Mga traydor!” Bago nakakilos ang mga pulis at dalwang Belgian ay nakatakbo na si Dan Montero habang tumatawag ng kanyang mga guwardiya. Nakapasok lang si Dan Montero sa control room nang sumigaw ang mga pulis na huminto siya. Narinig ng matanda ang tunog ng mga yabag na humahabol sa kanya. Ngunit tiyak ang kanyang kilos. Diniinan niya ang isang switch na siya ring diniinan niya kanina na ikinahulog ni Cathy. Pagbukas ng trap door ay agad siyang tumalon. Pagbagsak sa sahig ay ang mga switch sa dinding ang agad kinapa. Isa ang diniinan. Lumutang ang lagitikan. Tunog ng mga pintuang nabuksan. Sa control room ay nagpaiwan ang humahabol kay Dan Montero. Hinarap ng dalawang Belgian ang control panel. Natuon ang kanilang mga tingin sa TV monitor. NAPAHINTO sa pagtakbo sina Cathy at Rex nang marinig ang dagundong ng paparating na tatlong aso. “Nakalabas sila sa pintuang bakal!” Nagimbal si Cathy. Yumakap siya sa binata. Halos ay magpakarga siya upang makaiwas sa kagat sakaling abutan sila ng mga aso. Sa tantiya ni Rex ay mga kinse metro ang agwat nila sa mga aso. Itodo man nila ang buong lakas sa pagtakbo ay aabutan pa rin sila. Ang igpaw ng mga aso ay tigtatlong metro. Sa gayong bilis ay limang igpaw lang at malalapa na sila ng mga aso. Mga dose metro ang natira. Apat na igpaw na lang at nandiyan na ang mga aso. Maririnig na nina Rex ang hingal ng mga ito. At sa akmang pagkurap nina Rex ay nasa ere na ang tatlong aso. Tatlo’t kalahating igpaw na lang. Umigpaw din sina Rex. Ngunit dahil nakayakap sa kanya si Cathy ay bumagal ang kanilang kilos. At sa tantiya ng binata ay pinakamatagal na ang tatlong segundo at... Labis na pangingilo ang naramdaman ni Rex. Dalawang igpaw na lang ang natitira. Sa di-sinasadya ay napalinga ang binata. Nasulyapan niya ang isang bukas na pintuan sa kurbada. God, konting lakas pa, hiyaw ng kanyang dibdib. Nasa ere na ang tatlong aso nang buong-lakas na niyakap ni Rex si Cathy sabay patibuwal at gumulong. Lumagpas ang nakabuwelong mga aso. Nagkayuran ang mga paa ng mga ito nang pilit huminto. Ngunit nakabangon na sina Rex at Cathy na pumasok pa sa isang bukas na pintuan. At may pinasok pa sila. At isa pa. Noon at mapansin nilang marami pa ang mga lagusan sa loob. At marami ang bukas na mga pintuan. Nagtatagusan. Saglit na huminto ang dalawa. Hinahabol ang hininga dahil sa labis na pagod. Sumandal sila sa hamba, magkaharap. Nakiramdam. Naririnig nila ang mahinang kahol. Ibig sabihin malayo ang mga aso. Maaaring naligaw ang mga ito. Ngunit bigla silang natigilan nang may marinig silang tumatakbo. Ngunit hindi yabag ng mga aso. Mabilis silang nagtago at nagmatyag. At tila mandamba si Cathy

nang makilala nila ang paparating na si Dan Montero. Hindi sila nakita ng matanda. Nasa anyo ng matanda ang takot. Kumulo ang dugo ni Cathy. Gustong daluhungin si Dan Montero. Ngunit napigilan siya ni Rex. Nandiyan na ang tatlong aso. Unti-unting lumalakas ang kahol. Sinenyasan na lang ni Rex si Cathy na magtago habang minamatyagan niya kung saan patungo si Dan Montero at kung saan nagmumula ang mga aso. Nakita ng binata na makakasalubong ng matanda ang tatlong aso na bumilis ang pagtakbo nang makita ito. At may napansin si Rex. Takot si Dan Montero sa sariling mga aso. At itong mga aso ay hindi rin kumikilala sa panginoon! Sa tinutumbok sana ng matanda ay natanaw ni Rex na may punongkahoy sa labas ng pintuan. Nagpapahiwatig ito na nandiyan na ang labas ng tunnel. Ngunit mga dalawampung metro pa ang layo ni Dan Montero sa pintuan. Maaabutan siya ng mga aso. Kaya bigla siyang pumasok sa isang maliit na pintuan na malapit lamang sa kanya. At kagaya ng nangyari kina Rex ay lumagpas din ang mga aso. Nasilip ni Rex na wala nang malagusan sa silid na pinasok ni Dan Montero. Maliit din ang silid at nakaupo doon ang matanda. Naghihintay na makaalis ang mga aso. Ngunit hindi lumayo ang mga aso na patuloy ang pag-amuy-amoy. At ito ang ikinabahala ni Rex. Baka maamoy sila at sila pa ang unang makita ng mga aso. Delikado siya... at si Cathy. Agad na binulungan ni Rex si Cathy kung ano ang dapat gawin. Sa simula ay napailing ang dalaga ngunit nang maramdaman nilang nagsasalimbayan na ang mga aso ay napilitan siyang pumayag. Bago nila isinakatuparan ang plano, hinalikan muna ni Rex si Cathy. At muling ibinulong ang walang kamatayang pag-ibig. “You and me.” Hindi na humikbi si Cathy. “Rex...” SA control room ay napasigaw si Zeny nang makita sa monitor na unti-unting lumalabas si Rex sa pinagtataguan. Sinadya talaga ng binata na makita siya ng mga aso dahil sumipol pa siya. Hinarap naman siya ng tatlong aso. Ngunit hindi muna dumaluhong ang mga hayup. Nagtayuan ang kanilang mga tainga. Hindi umaalis ang tingin sa lalaki na unti-unting lumalayo sa pinagtataguan ni Cathy ngunit papalapit naman sa pinasukan ni Dan. Tila nabasa ni Bruno Dervesselt ang pinaplano ni Rex. At nabahala siya sa magiging bunga nito. Kaya minadali niya ang pagdiin sa mga switch upang mahadlangan ang hindi dapat mangyari. Ngunit volume control lamang ng audio mula sa tunnel ang na-activate. Malinaw na ngayong naririnig ang hingal at ungol ng mga aso. Naririnig din ang pigil na paghinga ni Rex... pati ang kay Dan Montero. Napailing si Bruno. Tila huli na. Kaya binulungan si Maurois na agad ding kumilos. Sinabihan nito ang dalawang babae pati sina Rod at Mon na lumabas at maghintay na lamang sa guardhouse. Tumanggi sana ang dalawang babae ngunit hinatak na sila ni Maurois. Sumunod din si Rod. “I’ll stay,” si Mon. Ayaw niyang hindi makita kung ano ang mangyayari sa kanyang boss. Tila iniisip na makatulong ang kanyang pagtingin. Nilingon ni Bruno ang mga pulis. Sinabiham ang mga itong pasukin ang tunnel sa pamamagitan ng pintuan sa labas upang mapigilan ang tatlong aso. Mabilis ding lumabas ang mga pulis. “Press the guards,” pahabol ni Bruno. “They should know where the entrance is.” Lumakas ang ungol na narinig sa monitor. Lalong bumangis. At tila hindi na humihinga sina Rex at Dan Montero. Gayundin si Mon at si Bruno. Grabe ang tensiyon.

Sa tunnel ay bumaluktot ang hulihang mga paa ng mga aso. Sumunod ang unahan nilang mga paa. Nakalabas ang mga pangil. Unti-unti ding binaluktot ni Rex ang kanyang mga daliri sa direksiyon ng pintuan. Hudyat iyon kay Cathy upang sumibad palabas. Iyon ang hinihintay ni Cathy. Ubod-lakas na sumikad at sumibad. Sa gilid ng kanyang mga mata ay nakita niyang sumibad din si Rex patungo sa maliit na pintuang pinasukan ni Dan Montero. Halos kasabay ng kanilang kilos ang pag-igpaw ng tatlong aso. Hindi pumalpak ang kalkula ni Rex. Nang nasa ere na ang mga aso ay agad siyang lumihis pasunod kay Cathy. Ilang pulgada na lamang ang agwat ng isang aso sa kanyang ulo. Naramdaman pa nga niya ang laway ng asong tumilamsik sa kanyang leeg. Sinundan iyon nang malakas na kalabog at ungol nang nakabanggang aso. Halos kasabay din ang ragusros ng mga paang nakapasok sa maliit na pintuan. Lumutang ang nakapanghihilakbot na ungol at angil. May pumalag. Sumunod ang nakagigimbal na palahaw ni Dan na agad ring nalunod sa ungol at hingal ng aso.

LVIII

H

INDI man nakita ni Cathy kung ano ang nangyari sa naghihiyaw na matanda ngunit nanghilakbot siya. Nakaramdam siya ng panlalamig sa kanyang leeg at binti. Sa pakiramdam niya ay nasagpang din ito ng Doberman. At dahil sa naramdaman ay natalisod ang paa ng dalaga. Nahawakan naman siya ni Rex na nakaabot sa kanya ngunit nadala din niya sa pagkabuwal. Isang aso ang hindi nakapasok sa maliit na silid dahil nakabangga ito sa pintuan. Nang makatayo ay hindi na pumasok sa maliit na silid kungdi sinundan sina Rex. At ngayon ay mabilis itong humahabol. Malinaw itong nakikita nina Bruno at Mon sa monitor sa control room. “Boss... bangon! Hayan na!” Hindi napigilan ni Mon ang damdamin. Kung puwede nga lang ay tatakbuhin niya at hahatakin palayo sina Rex at Cathy. Ngunit imposible. Abala naman sa pagdidiin ng switch si Bruno. Sinisikap na madiinan ang makasansala sa aso. Pinagpapawisan ang Belgian kahit malamig ang buga ng aircon. Pagapang na lamang ang ginagawa nina Cathy at Rex upang hindi abutan ng aso. Malapit na sila sa kaligtasan. Naririyan na sila sa pintuan. Ngunit nariyan na rin ang aso. Malaki ang buka ng bunganga. Nawalan ng ulirat si Cathy. Agad naman siyang pinangko ng binata. “God... No!” Pumikit na lamang si Mon. Biglang lumutang ang isang napakalakas na kalabog ng bakal. Napahiyaw si Bruno. Tsambang nadiinan niya ang switch na sumasara ng steel door. Saglit lang na nakalabas sina Rex at Cathy nang magsara ang pintuan. At inabutan pa ng pagsara ng pintuan ang nguso ng aso. Umaaringking itong umurong. Kaya nakulong ito sa loob ng tunnel. SA ospital na pinanumbalikan ng ulirat si Cathy. Si Rex ang una niyang nakita sa kanyang pagdilat. Maraming gasgas ang mukha ng binata bagaman nagamot na. Nakangiti ito sa kanya. Ngumiti din si Cathy. Ngunit naramdaman niya ang panghahapdi ng kanyang mga sugat at gasgas. Hinipo niya ang mga ito. Nagamot na rin. “Thank you...” tila bulong na nausal ni Cathy habang marahang pinipisil ang kamay ng binata. “C-Cathy,” si Zeny. Umupo siya sa gilid ng kama ni Cathy. “Salamat at nakaligtas ka. Ang akala nga namin pati si Rex ay nadisgrasya.” “P-patay na sia...” si Mrs. Montero. Si Mr. Montero ang tinutukoy niya. Nanigas ang mukha ni Cathy sa narinig. “Mabuti na lang at nasabihan kami ni Rod na paparito sila ng mga Belgian. At nalaman namin kung saan ka dinala,” si Mon. Hindi nawala ang paninigas ng mukha ni Cathy. “Sana pati sila ay nadisgrasya. Partner namin sila sa negosyong wala akong kinalaman sa lihim nilang plano. Sila lang nina Rodante Montero!” Nagkatinginan sina Mon, Zeny at Mrs. Jane Montero. “Sila ang European connection ng Pilipinas sa flesh trade!” Nagtagis ang mga ngipin ni Cathy. ‘“Yan din ang paniwala ko no’ng una,” si Rex. “Pero hindi pala.” Nagtatakang napatingin si Cathy kay Rex.

“Mga kaanib pala ng Interpol ‘yong dalawa, Cathy,” si Zeny ang dumugtong. “Sila ang ipinadala dito upang ma-trace ang lalong lumalalang flesh trade sa Europe at dito sa Asia ang pinagmumulan ng supply.” Unti-unting nawala ang paninigas ng mukha ni Cathy. Nakaramdam ng pagkapahiya. “May nakuha na silang mga ebidensiya,” si Mon. “Pati ang nangyari sa inyo sa tunnel nakunan nila ng video bilang ebidensiya. Ang tungkol sa nangyari sa ‘yo ay naibigay na nila sa pulis.” Mahinang nakagat ni Cathy ang kanyang mga bibig. “Ang mahalaga ay tapos na ang lahat, Cathy. Ang isipin mo na lang ay ang ating kinabukasan.” Nakahinga ng malalim si Cathy. Umiling. “O, o... Huwag mong sabihing uurong ka sa sumpaan nating dalawa.” Nakatawa si Rex. “Huwag mong sabihing nakalimutan mo na ang drama natin sa tunnel.” “Saksi ako doon. Nakita namin sa monitor,” si Mon. Tumawa din siya. Ngunit hindi man lang ngumiti si Cathy. “Nahihiya ako sa aking sarili. Ngayon ko lang na-realize... Tama ang aking ina. Hindi pala mabuti ang maghiganti.” Ito ang hinihintay ni Mrs. Montero. Umupo siya sa gilid ng kama. Hinawakan ang kamay ni Cathy. “Cathy... Anak...” basag ang boses ni Mrs. Montero. Inilabas sa bag ang malaking singsing. Nanlaki ang mga mata ni Cathy nang makita ang singsing. “Akin ang singsing na ito. Ibinigay ko ito noon kay Cecil bilang pasalamat sa pag-alaga niya sa iniwan ko sa kanyang anak. Ikaw ang anak kong ‘yon, Cathy. Ako ang ina mo.” Namilog ang mga mata ni Cathy. Halos makapaniwala. “Patawrin mo ako kung nagawa ko ‘yon.” Hindi napigilan ni Mrs. Montero ang pagagos ng kanyang luha. “Tinalikuran ako ng iyong ama...” “H-hindi ko ama si Rodante Montero?” “Kasintahan siya ni Cecil. Pero nagkaunawaan ang aming mga damdamin. At umalis kaming hindi ko nasabi sa kanya ang tungkol sa aking pagkatao... at tungkol sa ‘yo.” Walang nakaimik sa mga nakikinig. “At iyan ang aking malaking kasalanan. Dagdag sa kasalanang nagawa ko kay Cecil.” Pinunasan muna ni Mrs. Montero ang kanyang luha. “Nang agawin ko si Rodante kay Cecil... ang akala ko’y nasa akin na ang langit... naghilom ang sugat na idinulot ng iyong ama. Pero nagkamali ako. Kalbaryo pala ang aking susuungin. Nagbago si Rodante nang matuklasan ang aking kahapon. Kasama siya ng langit na nagparusa sa akin!” Wala pa ring nakaimik sa mga nakikinig. Hindi maikailang nadala sila ng mga sinabi ni Mrs. Montero. “Dahil lamang sa pangarap kong maisalba ang aming pagsasama kung bakit natutunan kong’ magsikap hanggang makapundar ako ng negosyo...” “H-hindi mo man lang naalalang balikan ako?” Tinamaan si Mrs. Montero sa sinabi ni Cathy dahil nangatal ang kanyang mga labi. Matagal muna bago siya makapagsalitang muli. “N-naiisip ko rin... noon. Pero... aywan kung bakit hindi ko nagawa. S-siguro’y hindi pa panahon.” Bumaling si Cathy kay Rex. Dito sa binata siya nagtutok ng tinging nagpapaawa. Nagpapaunawa. “Pero huwag kang maghinanakit, Anak. Noon pa man ay tiniyak ko na sa sarili na ang lahat ng bunga ng aking pagsisikap ay para lang sa ‘yo.”

“Sa nasabi ko na... makapagsimula tayo para sa isang maliwanag na hinaharap, Cathy. Kalimutan na lang ang nakaraan,” sabad ni Rex. “Hindi ko maaaring kalimutan ang nakaraan, Rex.” Ngunit nakangiti si Cathy. “Sa nakaraan nagsimula ang itatayo nating hinaharap, di ba?” “Cathy!” Kumislap ang mga mata ni Rex. At natingnan ng kumikislap na mga mata si Zeny na nakadama din ng malaking kagalakan para sa kanilang dalawa. “At siguro... kung hindi dahil sa nakaraan ay hindi ko malaman kung paano tanggalin ang mga dungis sa aking puso upang magpatawad... hindi ba, M-Mama?” Nilinga niya si Mrs. Montero. Napasigok si Mrs.Montero. Nanilim ang kanyang paningin sa labis na kaligayahan. “Rex... nakahanda akong magpaalipin upang mapagsilbihan ka...” si Cathy. “A-aba... paano ako?” si Mon. Napatawa siya sa isiningit na biro. “Si Zeny ang tanungin mo.” Hindi sumabad si Zeny ngunit pinamulahang lalo sa pagningning ng kanyang mga mata. Humugot ng hangin si Rex. Isang mahaba at nakapagpagaang paghinga. Pagkatapos ay may dinukot sa kanyang bulsa. Iniliklik ito sa kamay ni Cathy. Isang piraso ng nakatuping papel. “A-ano ‘to?” Ibinuka ni Cathy ang papel. “Hindi ba sabi ko sa ‘yo ay gusto kong maging makata?” bulong ng binata. Tila kiniliti si Cathy. Pakiramdam niya ay sila na lamang dalawa sa loob ng silid habang binabasa ng kanyang dibdib ang nakasulat sa papel. Kung umaalong luha’y sa buhay maghugas Anumang sakit sa dibdib ay hindi makapilas At tiyak ang pag-ibig sa dibdib ay magkahugis Kakit pa ang puso ay puno ng dungis! — B. T. DAQUITA, JR.

Related Documents

Mga Dungis Sa Puso
April 2020 11
Sa Aking Mga Kabata
November 2019 24
Mga-wika-sa-pilipinas.pptx
December 2019 20
Matapat Sa Mga Imposible
November 2019 18

More Documents from ""

Si Inday Filipineza
December 2019 20
Diin Na Si Inday
December 2019 12
Mga Dungis Sa Puso
April 2020 11
Nong, Diin Ang Kakahuyan?
December 2019 19
5 Readings.docx
December 2019 8