Pambungad Hindi karaniwan ang ipinapagawa sa akin sa talumpating ito. Kadalasan, ang espiritwalidad ang nauuna, ang siyang pinagbabatayan ng ating pilosopiko at kultural na pananaw sa mga bagay-bagay, sa katalagahan. Subalit, ayon sa tema ng kombensiyong ito, "pagsasabuhay ng tunay na espiritwalidad sa pamilyang Pilipino," ipinapalagay na meron ngang hindi tunay na espiritwalidad sa pamilyang Pilipino. Marahil, dala ito ng ebolusyon ng pamilyang Pilipino, pagbabago mula sa sinaunang pamilya tungo sa modernong pamilyang Pilipino. At kaya, kasangkot ang kultural na aspeto, "kultural" sa kahulugang ang kultura ay nagbabago at umuunlad. At pumasok sa lahat ng ito ang pilosopiya ng pamilya, ang pagmumuni-muni sa kabuoan at kahulugan ng pamilya. Samakatwid, layunin ng talumpating ito ang mga sumusunod: 1) ang paghahanap ng tunay na espiritwalidad sa pamilyang Pilipino; 2) ang pagtuklas ng mga nananatiling halaga sa pamilyang Pilipino sa gitna ng mga pagbabago; at 3) ang pagbuo ng pilosopikong batayan mula sa tunay na espiritwalidad at mga halagang nasa pamilyang Pilipino. Espiritwalidad Ang espiritwalidad ng tao ay galing sa kanyang pagkatao. Naiiba ang tao sa hayop ayon kay Max Scheler dahil meron siyang espiritu na ang kinaroroonan ay ang persona. Tatlo ang katangian ng pagka-espiritu o pagkapersona o pagkatao ng tao: ang kamalayan ng sarili (alam ng tao na alam niya o hindi niya alam samantalang ang hayop ay kaya lamang umalam o mag-isip); ang kakayahang kumuha ng mga "ganito" (thusness) mula sa mga "ito" (thisness) o ang kakayahang mag-abstraksyon; at ang pagiging ens amans o umiiral na nagmamahal. Para kay Scheler, ang pagmamahal (at pagkapoot) ang pangunahing kilos ng tao bilang tao. Naiiba ang pagmamahal sa pagkapoot, ayon kay Scheler, sa tinutunguhang mga halaga. Nagsisimula ang pagmamahal sa pagpapahalaga sa isang halaga ngunit sa pagkilos nito natutuklasan at pinapahalagahan ang higit na mataas na halaga, patuloy ang pagtubo hanggang sa makarating sa pinakamataas na halaga, ang halagang banal. Kabaliktaran naman ang pagkapoot: nagsisimula sa isang halaga, ngunit patugo sa mas mababang halaga. Ang pamilya, ayon naman kay Karl Marx sa interpretasyon ni Jurgen Habermas, ay batay rin sa pagkatao ng tao. Isinilang ang tao mula sa mga primates nang sa ebolusyon ng paggawa naimbento ang kasangkapan (tools) at nagkaroon ng pamilya ang tao. Sa katunayan, walang pamilya ang hayop; nagsimula ang homo sapiens nang nagkaroon ng ugnayan ng mag-asawa, mag-ama, mag-ina, at ang mga katumbas na tungkulin. Ano ngayon ang kahulugan ng espiritwalidad ng tao, ng pamilya? Masasagot natin ito sa pagsasalarawan muna sa pinakamataas na halaga, ang halagang banal. Ano ang larawan natin ng Poon? Ang larawan natin ng Poon ay nagpapahiwatig ng ating ugnayan sa Kanya. Kung ang larawan natin ng Poon ay isang kaibigan, ganoon din ang ugnayan natin sa Kanya, isang ugnayan ng pagsasamahan, pagbabahagian ng kasayahan at kalungkutan. Kung ang larawan natin ay isang tagahatol, ang ugnayan sa Kanya ay may takot at pangamba, na may magagawa akong masama at mapaparusahan Niya. At ang ugnayan natin sa Poon ay may pagkakatulad sa ugnayan natin sa kapwa. Kung ang Poon ay kaibigan, ang turing ko sa kapwa ay kaibigan din. Kung ang Poon ay tagahatol, mapaghatol naman ako sa kapwa o maingat ako sa pakikitungo ko sa
kapwa dahil maaari akong mapaghatulan. Ang espiritwalidad kung gayon ay walang iba kundi ang pagsasabuhay natin sa larawan ng Poon, ang pagganap natin sa ating buhay ng larawan ng Poon. Hindi nangangahulugan ang espiritwalidad ng pagsimba, pagrorosaryo, o pagnonobena lamang bagaman bahagi ito ng buhay-espiritwal. Ang tunay na espiritwalidad ay ang pagtugon natin sa tawag ng Poon sa ating buhay, at ito'y hindi hiwalay sa ugnayan natin sa ating kapwa. Ano ngayon ang larawan ng Poon ng pamilyang Pilipino? Dalawa ang larawan ng Poon sa pamilyang Pilipino: ang Nazareno at ang Santo Nino. Ano ang isinasagisag ng mga larawang ito? Ang Nazareno ay si Jesus na nagdurusa sa krus dahil sa kasalanan ng tao upang mailigtas tayo, dahil mahal Niya tayo. Ang Poon ay tagapagligtas, nagdurusa dahil sa pagmamahal Niya sa atin. Pansinin ang pagbigay-diin ng ating kultura sa Jesus na nagmamalasakit kaysa sa Jesus na nabubuhay muli. Ang espiritwalidad ng ating pamilyang Pilipino ay ang pagasasabuhay ng nagmamalasakit na Poon sa pamamagitan ng pagdadalamhati ng kahirapan ng bawat miyembro ng pamilya. Sa pamilya tayo tumatakbo sa panahon ng kahirapan at kagipitan. Sa pamilya tayo nakakatagpo ng pag-uunawan at pagtanggap sa isa't isa. Kasabay naman sa Nazareno ay ang Santo Nino. Kaiba-iba sa Nazareno ang Santo Nino, ang batang Jesus na kadalasan dala ang bilog na mundo, at iba't iba ang kasuotan. Ang Sto. Nino ay regalo ng mga Kastila kay Haring Humabon, at mula noon naging bahagi ng ating kultura. Pansinin na kahit sa pamilyang Pilipino na nagiibang bayan ay dala-dala ang imahen ng Sto. Nino. Ano ang Poon sa imahen ng Sto. Nino? Hindi kaya sagisag ito ng katangian ng Diyos--na katangian din ng bata--na bukas sa lahat, bukas sa tao, kahit sino ka man? Hindi ba ganoon din ang espiritwalidad ng pamilyang Pilipino: ang pagiging bukas-palad, ang pagiging magiliw sa panauhin? (Kung babalikan natin ang tradisyon na pinanggalingan ng Kristiyanismo sa Lumang Tipan, hindi ba itinuturing ng mga Hudyo na malaking kasalanan sa Diyos ang pagtanggi sa isang estranghero sa tahanan?) Subalit, saan nanggagaling ang ganitong espiritwalidad ng pamilyang Pilipino? Totoo nga ba na iba na ngayon ang pamilyang Pilipino, na ito'y humihina na ang espiritwalidad? Ang mga Halaga sa Pamilyang Pilipino Maraming pangyayari ang nagpabago sa pamilyang Pilipino mula sa tradisyonal tungo sa moderno: politiko, ekonomiko at media. Sa larangan ng politika, nandiyan ang mahabang kasaysayan ng kolonyalismo at ang dalawang dekada ng diktadura. Sa ekonomiya, naririyan ang pag-usbong ng industriyalisasyon, ang unti-unting pagreporma ng sistemang pagsasaka, at higit sa lahat ang malaking agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap. At sa media, ang pagkalat ng radyo, telebisyon , pelikula, pahayagan. Lahat ito at iba pa ay may epekto sa pamilyang Pilipino. Mangangailangan tayo ng mahaba at malalim na pananaliksik sa pampolitiko, pang-ekonomiko, at pangkomunikasyong impluwensiya sa pamilyang Pilipino. Sapat na siguro sa talumpati na ito na isalarawan ko ang kaibahan ng tradisyonal at modernong pamilyang Pilipino. Makikita pa rin natin ito sa kaibahan ng kanayunan at kalunsuran, dahil sa bayan natin tila naiiwanan sa pag-unlad ang nayon sa lunsod.
Ang tradisyunal na pamilyang Pilipino ay nakaugat sa trabaho ng tatay, kadalasan sa pagsasaka kundi man sa negosyo. Ang ginagawang hanapbuhay ng ama ay ipanapasa sa mga anak, kung kaya't nagkahalo-halo ang ugnayang personal at pungsyonal. Itinuturing na "amo" ang ama, kaya't mahalaga rito ang pagiging masunurin sa lahat ng kagustuhan ng ama, pati na rin ang mapangasawa ng anak, na madalas isinaalang-alang ang kayamanan ng mapangasawa. Inaayon na rin ang uri at nibel ng edukasyon sa pangkabuhayan ng pamilya. Ano ang papel na ginagampanan ng ina sa tradisyunal na pamilyang Pilipino? Siya ang maybahay: siya ang nagluluto, naglilinis, nag-aalaga ng sanggol--gawaing pambahay, mahalaga ngunit suporta lamang sa hanapbuhay ng lalaki. Nakaugat sa isang lugar ang tradisyunal na pamilyang Pilipino, sa lugar na mismong pinagtatrabahuan o malapit dito, kaya't may pagkapermanente ang tinitirahan. Sa gabi, nagkakasama-sama ang lahat sa hapunan at pagrorosaryo o pagdarasal ng angelus. Sa modernong pamilyang Pilipino nahihiwalay ang trabaho sa pamilya. Namamasukan ngayon ang ama sa isang pabrika o kompanua na maaring may kalayuan sa tahanan. Ang mga anak ay hindi kailangang sumunod sa trabaho o propesyon ng magulang. Ang trabaho ay nagiging pungsyonal, hindi hinahaluan ng personal, at naiwan ang personal sa ugnayan ng pamilya. Subalit, madalas wala sa tahanan ang mga miyembro ng pamilya dahil sa kani-kanilang mga pinapasukan na trabaho na malayo sa tinitirhan. Ang edukasyon ng mga anak ay hindi kailangang iayon sa hanapbuhay ng mga magulang. Maaring pumili ng sariling karera ang mga anak ayon sa hilig at talino nila upang makapagsarili sila at makabuo na rin ng pamilya. Ang maybahay naman ay hindi rin kailangan maiwan sa bahay dahil may katulong o yaya na makakagawa ng trabaho rito. Ang ina ngayon ay maari na ring maghanap ng kanyang trabaho, pandagdag ng kita o di kaya'y dahil sa interesado siya sa kanyang propesyon. Makikita natin ang modernong pamilya ng Pilipino sa lungsod ng Maynila o Cebu, dahil nasa lungsod ang mga oportunidad ng trabaho, ang pag-unlad sa propesyon, at ang iba't-ibang libangan. At dito pumapasok sa pamilyang Pilipino ang diwang kompetisyon, pagnanasa sa mga materyal na bagay at aliw ng katawan. Nawawasak na nga ba ang pagkakakaisa ng pamilyang Pilipino sa modernong panahon? Nawawala na nga ba ang paggalang at pagiging masunurin na anak sa magulang? Nasisira na nga ba ang pagkarelihiyoso ng pamilyang Pilipino? Sa ganang akin, hindi. May nananatiling mga halaga sa pamilyang Pilipino sa gitna ng mga pagbabago, bagaman naiiba ngayon ang kanilang pagsasakatawan. Apat ang nakikita kong mga halaga sa pamilyang Pilipino: ang pagkakaisa at harmoniya, paggalang sa nakakatanda, utang-na-loob, at relihiyon. Ang pagkakaisa at harmoniya sa pamilyang Pilipino ay nakikita sa pagtutulungan ng mga miyembro ng pamilya, sa pagbibigayan ng suporta sa isa't-isa, materyal o higit pa sa materyal na bagay. Sa pagtutulungan at pagbibigayang ito natatagpuan ng Pilipino ang kanyang seguridad. Sa pamilya siya't tinatanggap sa kanyang pagkatao. Kung may away o di-pagkakaunawaan man, ito'y inaayos sa mahinahong paraan, sa pakikiramdaman. Sa kasalukuyang panahon, maaring madalang ang samahan ng pamilya dahil sa abala sa kanya-kanyang gawain. Subalit, ang kakulangan ng panahon ay natutumbasan sa kalidad ng mga ritwal sa Linggo, sa mga pagdiriwang ng kaarawan, binyag, kasal, atbp.
Hindi pa rin nawawala ang halagang paggalang sa nakatatanda sa pamilyang Pilipino. Kahit na may titulo na ang mga anak, sinasangguni at hinihingi pa rin ang kamay ng mga magulang sa pagpapakasal. Bagaman hindi nakapag-aral ang mga magulang, ang kanilang katandaan ang sumasakatawan ng marami at mayamang karanasan at karunungan. At ang utang-na-loob ay nababatid ng anak dahil utang niya sa kanyang mga magulang ang kanyang buhay. Kung kaya't kahit naririyan ang institusyon para sa mga nakakatanda, ikinahihiya ng anak ang iwanan ang matandang magulang sa pagalaga nito. At ang magulang naman, dahil a siya'y naging anak rin, binabayaran niya ang utang-na-loob niya sa kanyang mga magulang sa pagbibigay ng magandang kinabukasan sa kanyang mga anak kung kaya't siya'y nagtatrabaho. At ang relihiyon hindi pa rin nawawala sa modernong pamilyang Pilipino. Nakikita natin ang pagkamakadiyos ng pamilyang Pilipino sa paglapit nito sa Diyos tuwing may problema o may mag-ibang bayan, at ang pag-alay ng Misa o anuman bilang pasasalamat sa Kanya sa ipinagkaloob na biyaya. Bagaman madalang na lang ang mga pamilyang sabay na nagrorosaryo o nag-o-orasyon, dumadami naman ang mga samahang pamilya tulad ng Marriage Encounter, Couples for Christ, atbp. Maaaring may iba pang mga halagang nananatili sa pamilyang Pilipino sa daloy ng panahon, ngunit sa tingin ko ang apat na ito ang mahalaga at nararapat alagaan sa harap ng maraming pagsubok sa kasalukuyang panahon, sapagkat ang apat na halagang ito ang kultural na batayan ng ating espiritwalidad. Subalit hindi natin maipagkakailang napapanganib ang mga halagang ito sa kasalukuyang panahon. Sa isang pananaliksik na ginawa ng McCann-Erickson Philippines, "Portrait of the Filipino as Youth," nalalamang 32% ng 500 kabataan mula sa lahat ng kategorya (ABCD) ng mga pamilya sa Metro Manila na nakapanayam ay wala ang isa (nanay o tatay) o dalawang magulang (nanay at tatay) sa tahanan. At sa 58% ng mga kabataan may nanay at tatay, 69% sa kanila ay may mga nanay na may trabaho sa labas ng baay. Marahil marami sa mga magulang ay overseas workers. Ngunit maari ding marami sa ating mga kabataan ay may hiwalay na mga magulang. Kung kaya't ang ating kabataan ay bumabaling sa kanilang barkada upang hanapin hindi lamang ang samahan at pakikipagkaibigan kundi ang aruga, katapatang-loob, seguridad, gabay-sa madaling salita ang pagmamahal-na hindi nila nararamdaman sa kanilang magulang. "Friends…barkada…kasi sila ang nakakaintindi sa iyo." "Mahirap nang mabuo 'yung family namin kasi may lakad-lakad din." At kung hindi na buo ang pamilya, hindi na rin nalalayo ang pagkawasak ng halagang paggalang sa nakatatanda, utang-na-loob at relihiyon. Bagaman sinasabi ng pananaliksik na humahanga pa rin ang atin kabataan ngayon sa kanilang mga magulang (na hindi maliwanag kung bakit), sinasabi ring kulang sila ng mga bayani at modelo. Sila rin ay mga anak ng media: ang media ang kanilang surrogate parent. Dahil sa impluwensiya ng media, ang moral/imoral para sa ating kabataan ngayon ay nakabatay sa social acceptance kaysa prinsipyo o relihiyon. Napapanganib ang mga halagang paggalang sa nakatatanda, utang-na-loob at relihiyon dahl hindi iginagalang ang media, hindi tayo nagkakautang-na-loob sa media, at higit sa lahat, hindi sinasasamba ang media. Kung kaya't sa harap ng krisis na ito ng modernong pamilyang Pilipino, kailangan natin ang pilosopikong batayan ng espiritwalidad ng pamilyang Pilipino.
Ang Pilosopikong Batayan Ayon kay Gabriel Marcel, hindi isang problema ang pamilya kundi isang hiwaga. Ang problema ay isang bagay na labas sa ating pagkatao, hiwalay sa ating kalooban. Ang hiwaga naman ay higit sa problema dahil tumatalab ito sa aking kalooban, sa aking pagkatao. Matagal na nating itinuturing bilang isang problema ang pamilya. Tinuturing natin iton isang cell o basic unit ng lipunan-isang biolohikong pananaw-na may pungsyon para sa lipunan o estado. Sinasabi natin, sa panananaw na ito, na may dalawang layunin ang pamilya. Ang pangunahin ay ang pagpaparami ng uri, ang pagkakaroon ng anak, at ang ikalawa ay ang pagmamahalan ng asawa. Batay sa kalikasan ang mga layuning ito, naiiba lamang ang tao sa hayop dahil sa rasyonal ang tao, at lumilikha siya ng mga batas para maging pormal ang pamilya, maging isang institusyon. May kalabuan ang ganitong pananaw sa pamilya. Nagiging sobrang pungsyonal ang pamilya. Pangunahin ang layuning paramihan ang uri at pangalawa lamang ang pagiibigan. Ginagawang kasangkapan ang anak para sa pagpapatuloy ng angkan at sa pangangailangang sekswal ng mag-asawa. Bagaman hindi mahihiwalay ang pangunahin at ikalawang layunin, sa katunayan maari silang magkakatunggali dahil sa dami ng mga anak at kahirapang pinansiyal sa buhay. Alin sa kanila ngayon ang pairalin? Kung ang pangunahing layuning ang bibigyang-diin, mangyayari ang pagsuko sa tuksong umibig sa iba. Kung ang ikalawa naman ang bibigyang-diin, mangyayari ang free love, ang pag-iibigang walang pananagutan, kasama ang pagpapalaglag. Hiwaga ang pamilya. Hindi mga layuning panlabas ang pagkakaroon ng pamilya kundi isang panloob na kahulugan-ang makatao at makadiyos na pag-iibigan. Hindi tulad ng isang problema, ang halaga ng pamilya ay nasa loob nito mismo, sa pagiibigan ng mag-asawa. Ang pag-iibigang ito ay isang uring pagmamahalang may tatlong katangian: ito ay walang-hanggan at walang kondisyon, natatangi (exclusive), at sumasakatawan. Walang hanggan at walang kondisyon ang pag-iibigan ng magasawa: minamahal nila ang isa't-isa sa kanilang pagkabukod-tangi, hindi dahil sa anupamang dahil: kayamanan, kagandahan o pagkakaroon ng anak. Natatangi ang kanilang pagsasama dahil sila'y sumasakatawang-diwa. Hindi maaaring magmahal ng dalawang asawa sabay maging tapat sa dalawing ito. At sumasakatawan ang kanilang pag-iibigan dahil sa sumasakatawang-diwa sila, binubuo ang mga halagang materyal at espiritwal. Lumilikha ang pag-iibigan nila ng anak. Ang kanilang pagkakaisa ay hindi maaring manatiling mag-isa: sumasakatawan at lumalawak ito sa ikatlo, at kaya nagbubunga ng anak. Nakararananas ng katapatang-loob ang pinagkaisang "tayo" ng mag-asawa kapag nagiging isang sanggol ito. At dahil iniibig nila ang isa't-isa bilang mga persona at hindi bilang mga hayop, hindi lamang nila ginugusto ang isang anak kundi itong anak. Bawat pagsilang ng sanggol ay bukod-tanging pangyayari sa buhay ng mag-asawa. Ang pagiging magulang sa hiwaga ng pamilya ay mapaglikhang pananagutan. Malaya nga ang pag-ibig nila sa isa't isa, ngunit ang kalayaang ito ay may pananagutan, may pagtataya. Sinasagot nila ang bawat pagsilang ng anak: isinasaalang-alang ang mga materyal at sikolohikong pangangailangan ng pagpapalaki at pagbibigay ng edukasyon ng anak. Mapaglikha rin sila sa kanilang pagtataya dahil iniiwasan nila ang sobrang pagbibigay-tuon sa mga materyal na bagay: kahit papaano, makararaos din, makahahanap ng paraan. Tunay na mahiwaga ang pamilya dahil hindi mabibigyang katwiran ang walanghanggan at walang kundisyong pag-iibigan ng mag-asawa at ang pagmamahalan ng
magulang at anak. Sa gitna ng kahirapan sa buhay at kawalang-katiyakan sa hinaharap, walang katututuran ang umibig at magmahal. Naririyan lagi ang posibilidad ng kataksilan, ang pagbabago ng damdamin, ang kahirapan ng buhay, at sa pagpapalaki ng anak, na hindi mahubog ng magulang ayon sa kanilang kagustuhan, at kung gayon ay maari silang mawalan ng landas. Ang pananampalataya lamang sa Diyos ang maaring makapagpatibay sa pagmamahalan ng pamilya. Sa paniniwala sa Diyos nabubuo ang komunidad ng pamilya. Sa pananalig sa Diyos ang bawat anak ay biyayang ipinagkaloob sa mga magulang, at ang mga magulan ay regalo ng Diyos sa anak. Balikan natin ngayon ang mga larawan ng Poon sa pamilyang Pilipino na binanggit natin sa simula: ang Nazareno at ang Sto. Nino. Ang mga ito ang sagisag ng espiritwalidad ng pamilyang Pilipino. Mula sa mga ito, mahihinuna natin ang pilosopikong pananaw ng Pilipino sa pamilya. Ipinapakita ng Nazareno ang pagmamahalang nagbubuklod at namamalasakit sa pamilya. Napakadakila ng pagmamahal ng Panginoon sa sangkatauhan at sa bawat isa sa atin na inalay Niya ang sariling buhay sa krus upang maibalik ang pagkakaisa ng Diyos sa tao. Ang tunay na pagmamahal ay ang walang kondisyong pag-aalay ng sarili sa minamahal bilang siya. Ang pamilya ay isang komunidad ng binubuhay ang tunay na pagmamahalan. Binubuklod ng pagmamahal na ito ang bawat isa sa kaniyang pagkasiya. Tinatanggap ang bawat isa sa kanyang pagkasiya, kahit ano o sino pa man siya, at kung nagkakasala, nagpapatawaran. Sa pamilya tayo malayang maging ako, walang pakundangan, walang pagkukunwari, ika nga sa Ingles, "at home." Nagmamalasakit ang pagmamahal na ito. Nagtutulungan ang mga miyembro ng pamilya, nagbibigayan, pinapasan ang hapis at hirap ng bawat isa. Sa pagbibigayang ito nagkakaroon ng pagkakaisa at harmoniya sa pamilya. Pinapakita ng Sto. Nino ang pagmamahalang mapagkumbaba at nagpapasalamat. Itinuturo rin nito ang pagiging bukas ng kalooban sa kanino mang ibig pumasok nito. Ang batang Hesus ay masunurin kay Maria at Jose. Kahit Diyos siya, hindi niya ipinagmalaki ang kanyang pagkadiyos, bagkus nagpakumbaba siya, naging magalang at masunuring anak. Maari rin nating sabihing marunong siyang tumanaw ng utang-na-loob na sa paglaki niya at sa simula ng kanyang misyon, pinagbigyan niya ang kahilingan ng Inang Maria na gawing alak ang tubig sa kasal sa Cana. Bukas din siya sa ibang tao, tulad ng pakikisalimuha niya sa mga marurunong sa templo. Ang tunay na pagmamahalan ay may paggalang, pagtanaw na utang-na-loob at pagbubukaspalad. Sa pamilya, mahalaga ang paggalang, lalo na sa nakatatanda, ngunit mahalaga rin ang paggalang ng magulang sa anak sa pagkabukod-tangi niya. At kahit inutil ang magulang, ginagalang pa rin siya at personal na inaalagaan. Sa pamilya, mahalaga ang pagtanaw ng utang-na-loob, dahil ang pagmamahalan ay nagbibigaybuhay, at ang buhay ay isang pakikipagsapalaran dahil ang pagmamahalan sa buod nito ay isang pagtataya sa hinaharap, sa sinumang makakasalamuha. Ika nga ng isang pelikula, "relaks lang, sagot kita." Ang Nazareno at ang Sto. Nino. Kapwa sila naglalarawan ng halagang relihiyoso sa pamilyang Pilipino: ang pag-ibig sa Diyos na sinasaktawan sa pagmamahal sa kapwa. Ang tunay na espiritwalidad ng pamilyang Pilipino ay ang pagsasabuhay ng pag-ibig ng Diyos sa pag-iibigan ng mag-asawa at pagmamahalan ng magulang at anak at magkakapatid. Dito nagsisimula ang kapatiran ng sangkatauhan sa pagmamahal ng Diyos Ama. Pamantasang Ateneo de Manila Marso 13, 1994